Lahat ng Bansa, Lahi, at Wika
Tayo, sa sarili nating paraan, ay maaaring maging bahagi ng katuparan ng mga propesiya at pangako ng Panginoon—bahagi ng ebanghelyo na nagpapala sa sanlibutan.
Mga minamahal kong kapatid, kamakailan lamang, nangasiwa ako sa isang pagbubuklod sa templo na sinusunod ang mga alituntunin para sa COVID-19. Naroon ang mga ikakasal na kapwa mga tapat na returned missionary, ang kanilang mga magulang at lahat ng kanilang kapatid. Hindi ito naging madali. Pangsiyam ang babaeng ikakasal sa sampung magkakapatid. Nakaupo ang kanyang mga kapatid ayon sa pagkakasunud-sunod nila, mula sa pinakamatanda hanggang sa pinakabata, mangyari pa, nang may social distancing.
Sinikap ng pamilyang ito na maging mabuting kapitbahay saan man sila manirahan. Gayunman, may isang komunidad na ayaw sa kanila—dahil, sabi ng ina ng babaeng ikakasal, ang kanilang pamilya ay mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ginawa ng pamilya ang lahat para magkaroon ng mga kaibigan sa paaralan, makatulong, at matanggap, ngunit wala pa ring nangyari. Palaging nananalangin ang pamilya na sana ay lumambot na ang mga puso.
Isang gabi, nadama ng pamilya na nasagot na ang kanilang mga panalangin, bagama’t sa paraang hindi talaga inaasahan. Nasunog at natupok ng apoy ang bahay nila. Ngunit may iba pang nangyari. Napalambot ng sunog ang mga puso ng kanilang mga kapitbahay.
Ang kanilang mga kapitbahay at lokal na paaralan ay nagtipon ng mga damit, sapatos, at iba pang gamit na kailangan ng pamilya na nawalan ng lahat. Ang kabaitan ay humantong sa pagkakaunawaan. Hindi ganito ang inasam o inasahan ng pamilya na sagot sa kanilang mga panalangin. Gayunman, nagpapasalamat sila sa natutuhan nila mula sa mahihirap na karanasan at hindi inaasahang mga sagot sa taimtim na mga panalangin.
Para sa may mga pusong tapat at mga matang nakakakita, ang magiliw na awa ng Panginoon ay talagang nakikita sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. Ang matapat na pagharap sa mga pagsubok at pagsasakripisyo ay nagdudulot ng mga pagpapala ng langit. Sa buhay na ito, maaaring mawalan o maghintay tayo para sa ilang bagay nang ilang panahon, ngunit sa huli, malalaman natin kung ano ang pinakamahalaga sa lahat. 1 Iyan ang Kanyang pangako. 2
Ang ating proklamasyon para sa ika-200 taong anibersaryo nitong taong 2020 ay nagsimula sa tapat na pangako sa lahat na “minamahal ng Diyos ang Kanyang mga anak sa bawat bansa sa mundo.” 3 Sa bawat isa sa atin sa lahat ng bansa, lahi, wika at tao, 4 ang Diyos ay nangangako, nakikipagtipan, at nag-aanyaya sa atin na makibahagi sa Kanyang saganang kagalakan at kabutihan.
Ang pagmamahal ng Diyos sa lahat ng tao ay pinatunayan sa lahat ng banal na kasulatan. 5 Sumasaklaw ang pagmamahal na iyan sa tipang Abraham, pagtitipon sa Kanyang nakalat na mga anak, 6 at sa Kanyang plano ng kaligayahan.
Sa sambahayan ng pananampalataya, dapat ay walang mga dayuhan, walang mga banyaga, 7 walang mayaman at mahirap, 8 walang tagalabas na “mga iba pa.” Bilang “mga kapwa mamamayan ng mga banal,” 9 inaanyayahan tayong baguhin ang sanlibutan sa ikabubuti nito, mula sa loob palabas, isang tao, isang pamilya, isang komunidad sa bawat pagkakataon.
Nangyayari ito kapag ipinamumuhay at ibinabahagi natin ang ebanghelyo. Sa simula ng dispensasyong ito, nakatanggap si Propetang Joseph ng isang napakagandang propesiya na ninanais ng Ama sa Langit na madama ng bawat tao sa lahat ng dako ang pagmamahal ng Diyos at maranasan ang Kanyang kapangyarihan upang umunlad at magbago.
Ang propesiyang iyan ay natanggap dito, sa bahay na yari sa troso ng pamilya Smith sa Palmyra, New York. 10
Natapos noong 1998, ang tahanan ng mga Smith ay muling itinayo sa orihinal na pundasyon nito. Sa mismong silid-tulugang ito sa ikalawang palapag na may sukat na 18 x 30 x 10 talampakan (5.5 x 9 x 3m) kung saan si Moroni, na isang maluwalhating sugo mula sa Diyos, ay nagpakita sa batang si Joseph noong gabi ng Setyembre 21, 1823. 11
Naaalala ninyo ang isinalaysay ni Propetang Joseph:
“Sinabi [ni Moroni] … na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa akin; at ang aking pangalan ay makikilala sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa, lahi, at wika. …
“Sinabi [ni Moroni] na may nakalagak na isang aklat, … na ang kabuuan ng walang hanggang Ebanghelyo ay napapaloob dito.” 12
Hihinto tayo rito. Sinasamba natin ang Diyos Amang Walang Hanggan at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, hindi si Propetang Joseph ni sinumang mortal na lalaki o babae.
Ngunit isipin kung paanong natutupad ang mga propesiyang ibinibigay ng Diyos sa Kanyang mga tagapaglingkod. 13 Ang ilan ay natutupad nang mas maaga, ang ilan ay kalaunan, gayunman lahat ay natutupad. 14 Kapag nakikinig tayo sa diwa ng propesiya ng Panginoon, tayo, sa sarili nating paraan, ay maaaring maging bahagi ng katuparan ng Kanyang mga propesiya at pangako—bahagi ng ebanghelyo na nagpapala sa sanlibutan.
Noong 1823, si Joseph ay isang hindi kilalang 17-taong gulang na binatilyo na naninirahan sa isang liblib na nayon sa isang bagong bansang malaya. Kung hindi ito totoo, paano niya maiisipang sabihin na magiging kasangkapan siya sa gawain ng Diyos at magsasalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos ng sagradong banal na kasulatan na magiging tanyag sa lahat ng dako?
Ngunit, dahil totoo ito, kayo at ako ay makasasaksi na natutupad ang propesiyang iyon, at inaanyayahan pa tayong tumulong sa pagsasakatuparan nito.
Mga kapatid, sa iba’t ibang dako ng mundo, bawat isa sa atin na nakikibahagi sa pangkalahatang kumperensya ngayong Oktubre 2020 ay kabilang sa mga bansa, lahi, at wika na binanggit.
Ngayon, ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naninirahan sa 196 na bansa at teritoryo, na may 3,446 na stake ng Simbahan sa 90 sa mga ito. 15 Tayo ang kumakatawan sa maraming iba’t ibang lugar at sa mga lugar kung saan naroon at kilala ang Simbahan.
Noong 1823, sino ang mag-aakala na sa taong 2020, may tatlong bansa na magkakaroon ng mahigit tig-iisang milyong miyembro ng Simbahang ito—ang United States, Mexico, at Brazil?
O may 23 na bansa na may mahigit tig-100,000 miyembro ng Simbahan—tatlo sa North America, labing-apat sa Central at South America, isa sa Europe, apat sa Asia, at isa sa Africa? 16
Tinatawag ni Pangulong Russell M. Nelson ang Aklat ni Mormon na “isang mahimalang himala.” 17 Ang mga saksi nito ay nagpatotoo, “Ipinaaalam sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao.” 18 Ngayon, ang pangkalahatang kumperensya ay naririnig sa 100 wika. Si Pangulong Nelson ay nagpatotoo na tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo sa 138 bansa at nadaragdagan pa.
Nagsimula sa inilimbag na 5,000 kopya ng unang edisyon ng Aklat ni Mormon noong 1830, mga 192 milyong kopya ng buo o bahagi ng Aklat ni Mormon ang nailathala na sa 112 wika. Ang mga pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay mababasa na rin sa internet o sa mga digital device. Sa kasalukuyan, ang Aklat ni Mormon ay naisalin na sa halos 23 wika na sinasalita ng 50 milyong katao o higit pa, na pinagsama-samang mga katutubong wika ng mga 4.1 bilyong katao. 19
Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay—kung saan inaanyayahan ang bawat isa sa atin na makibahagi—ang mga dakilang bagay ay naisasakatuparan.
Halimbawa, sa isang stake conference sa Monroe, Utah, na may populasyong 2,200, nagtanong ako kung ilan ang nagmisyon. Halos lahat ay nagtaas ng kamay. Sa mga nakalipas na taon, mula sa isang stake na iyon, 564 na missionary ang naglingkod sa lahat ng 50 estado ng U.S. at 53 bansa—sa bawat kontinente maliban sa Antarctica.
Tungkol sa Antarctica, maging sa Ushuaia na nasa dulong timog ng Argentina, nakita ko ang katuparan ng propesiya habang ibinabahagi ng ating mga missionary ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa isang lugar na tinatawag na “ang dulo ng mundo.” 20
Ang mural na nabuo sa mga pabalat ng ating apat na tomo ng Mga Banal 21 ay naglalarawan sa isang tapiserya ng mga bunga ng pamumuhay sa ebanghelyo ng matatapat na Banal sa lahat ng dako. Nakaangkla ang kasaysayan ng ating Simbahan sa ipinamuhay na patotoo at paglalakbay sa ebanghelyo ng bawat miyembro, kabilang na si Mary Whitmer, ang matapat na sister na pinakitaan ni Moroni ng mga lamina ng Aklat ni Mormon. 22
Sa darating na Enero 2021, ang ating tatlong bagong global na mga magasin ng Simbahan—ang Friend, Para sa Lakas ng Kabataan, at ang Liahona—ay mag-aanyaya sa ating lahat na makiisa at magbahagi ng mga karanasan at patotoo sa ating pandaigdigang komunidad ng pananampalataya. 23
Mga kapatid, kapag pinalalakas natin ang ating pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, tumatanggap ng mga pagpapalang matatagpuan sa pamumuhay sa mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo at mga sagradong tipan, at pinag-aaralan, pinagninilayan, at ibinabahagi ang tungkol sa patuloy na Pagpapanumbalik, nakikibahagi tayo sa katuparan ng propesiya.
Binabago natin ang ating sarili at ang sanlibutan sa isang huwaran ng ebanghelyo na nagpapala ng mga buhay sa lahat ng dako.
Sinabi ng isang African sister, “Dahil sa paglilingkod sa priesthood ng aking asawa, siya ay naging mas mapagpasenya at mabait. At nagiging mas mabuti akong asawa at ina.”
Sinabi ng isa ngayong respetadong international business consultant sa Central America na bago niya natagpuan ang ipinanumbalik na ebanghelyo ng Diyos, lumaki siya sa lansangan nang walang layunin sa buhay. Ngayon ay batid na niya at ng kanyang pamilya ang kanilang identidad, layunin, at kalakasan.
Isang batang lalaki sa South America ang nag-aalaga ng mga manok at nagbebenta ng mga itlog nito upang makatulong sa pagbili ng mga bintana para sa bahay na itinatayo ng kanyang pamilya. Una niyang binabayaran ang kanyang tithing. Makikita niya na literal na magbubukas ang mga bintana ng langit.
Sa Four Corners, sa timog-kanluran ng Estados Unidos, isang pamilyang Native American ang nagpapatubo ng isang magandang rosas na mamumulaklak sa disyerto, na simbolo ng pananampalataya sa ebanghelyo at sariling pagsisikap.
Nakaligtas sa matinding digmaang sibil, isang lalaki sa Southeast Asia ang nawalan ng pag-asa sa buhay. Nakahanap siya ng pag-asa sa isang panaginip kung saan hawak ng isang dating kaeskwela ang sacrament tray at nagpatotoo ito tungkol sa mga nakapagliligtas na ordenansa at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Inaanyayahan tayo ng Ama sa Langit saanman tayo naroon na damhin ang Kanyang pagmamahal, na matuto at umunlad sa pamamagitan ng edukasyon, marangal na trabaho, paglilingkod na may tiwala sa sariling kakayahan, at mga huwaran ng kabutihan at kaligayahan na natatagpuan natin sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.
Kapag natuto tayong magtiwala sa Diyos, kung minsan sa pamamagitan ng pagsusumamo sa pinakamadilim, pinakamalungkot, pinakawalang-kasiguruhang sandali, malalaman natin na mas kilala Niya tayo at minamahal tayo nang higit pa sa inaakala natin o higit pa sa pagmamahal natin sa ating sarili.
Ito ang dahilan kung bakit kailangan natin ang tulong ng Diyos para magkaroon ng patuloy na katarungan, pagkakapantay-pantay, patas na pakikitungo, at kapayapaan sa ating mga tahanan at komunidad. Dumarating ang ating pinakatapat, pinakamalalim, pinakatotoong salaysay, lugar, at pagiging kabilang kapag nadarama natin ang mapantubos na pagmamahal ng Diyos, humihingi ng biyaya at mga himala sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak, at nagtatatag ng mga ugnayang walang hanggan sa pamamagitan ng mga sagradong tipan.
Ang kabutihan at karunungang dulot ng relihiyon ay kinakailangan ngayon sa mundong ito na puno ng kaguluhan, ingay, at polusyon. Paano pa nga ba natin palalakasin, bibigyang-inspirasyon, at pasisiglahin ang espiritu ng tao? 24
Ang pagtatanim ng mga puno sa Haiti ay isa lamang sa napakaraming halimbawa ng mga taong nagsama-sama sa paggawa ng mabuti. Ang lokal na komunidad, kabilang na ang 1,800 miyembro ng ating Simbahan na nagbigay ng mga puno, ay nagtipon para itanim ang halos 25,000 puno. 25 Ang multi-year reforestation na proyektong ito ay nakapagtanim na ng mahigit 121,000 puno. Inaasahang makapagtatanim pa ito ng libu-libo pang mga puno.
Ang nagkakaisang pagsisikap na ito ay nagbibigay ng lilim, nagpoprotekta sa lupa, at nakakapigil sa mga pagbaha sa hinaharap. Ito ay nagpapaganda ng kapaligiran, nagtatayo ng komunidad, nagbibigay ng pagkain, at nagpapasigla ng kaluluwa. Kung tatanungin ninyo ang mga taga-Haiti kung sino ang aani ng prutas mula sa mga punong ito, sasabihin nila, “Kahit sinong gutom.”
Mga 80 porsiyento ng populasyon sa mundo ay kabilang sa mga relihiyon. 26 Kaagad na tumutugon ang mga religious community sa agarang mga pangangailangan kasunod ng mga sakunang dulot ng kalikasan, maging ang patuloy na pangangailangan para sa pagkain, matitirahan, edukasyon, literasiya, at pagsasanay sa trabaho. Sa iba’t ibang dako ng mundo, ang ating mga miyembro, mga kaibigan, at Simbahan ay tumutulong sa mga komunidad sa pagsuporta sa mga refugee at naglalaan ng tubig, sanitasyon, tulong sa may kapansanan, at pangangalaga sa mata—isang tao, isang nayon, isang puno sa bawat pagkakataon. 27 Sa lahat ng dako, nagsisikap tayong maging mabubuting magulang at mabubuting mamamayan, tumutulong sa ating komunidad at lipunan, pati na sa pamamagitan ng Latter-day Saint Charities. 28
Binibigyan tayo ng Diyos ng moral na kalayaan—at moral na pananagutan. Sabi ng Panginoon, “Ako, ang Panginoong Diyos, ay nagpapalaya sa inyo, samakatwid [kayo] ay malaya nga.” 29 Sa pagpapahayag ng “kalayaan sa mga bihag,” 30 ipinangako ng Panginoon na makakalag ng Kanyang Pagbabayad-sala at landas ng ebanghelyo ang temporal at espirituwal na mga gapos. 31 Mabuti na lang at ang mapantubos na kalayaang ito ay ipinaabot sa mga yaong lumisan na sa buhay na ito.
Ilang taon na ang nakararaan, sinabi sa akin ng isang pari sa Central America na pinag-aaralan niya ang “pagbibinyag para sa mga taong pumanaw na” ng mga Banal sa mga Huling Araw. “Tila makatarungan nga,” ang sabi ng pari, “na bibigyan ng Diyos ang bawat tao ng pagkakataon na tanggapin ang binyag, kahit kailan sila nabuhay o kahit saan sila nanirahan, maliban sa maliliit na bata, na ‘buhay kay Cristo.’ 32 Si Apostol Pablo,” sabi ng pari, “ay nangusap tungkol sa mga patay na naghihintay ng binyag at pagkabuhay na mag-uli.” 33 Ang mga ordenansa sa templo na isinasagawa para sa mga patay ay nangangako sa lahat ng bansa, lahi, at wika na walang sinuman ang kinakailangang manatiling “alipin ng kamatayan, ng libing.” 34
Habang nakikilala natin ang Diyos, ang mga hindi inaasahang sagot kung minsan sa ating mga panalangin ang siyang nag-aalis sa atin sa lansangan, nagdadala sa atin sa komunidad, pumapawi sa kadiliman ng ating mga kaluluwa, at gumagabay sa atin upang mahanap ang espirituwal na kanlungan at pagiging kabilang sa kabutihan ng Kanyang mga tipan at walang hanggang pagmamahal.
Ang mga dakilang bagay ay kadalasang nagsisimula sa maliit, ngunit ang mga himala ng Diyos ay nakikita sa araw-araw. Lubos tayong nagpapasalamat para sa banal na kaloob na Espiritu Santo, para sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at sa inihayag na doktrina, mga ordenansa, at mga tipang matatagpuan sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan, na ipinangalan sa Kanya.
Nawa’y buong galak nating tanggapin ang paanyaya ng Diyos na tanggapin at tumulong na maisakatuparan ang Kanyang mga ipinangako at ipinropesiyang pagpapala sa lahat ng bansa, lahi, at wika, ang dalangin ko, sa sagrado at banal na pangalan ni Jesucristo, amen.