Mahalin ang Inyong mga Kaaway
Ang kaalaman na tayong lahat ay mga anak ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng makalangit na pang-unawa sa halaga ng lahat ng tao at kakayahang iwaksi ang mga maling palagay at rasismo.
Ang mga turo ng Panginoon ay pangwalang-hanggan at para sa lahat ng anak ng Diyos. Sa mensaheng ito ay magbibigay ako ng ilang mga halimbawa mula sa Estados Unidos, ngunit ang mga alituntuning ituturo ko ay angkop sa lahat ng lugar.
Nabubuhay tayo sa panahon kung saan mayroong galit at poot sa mga ugnayan at patakaran sa pulitika. Nakita natin ito nitong nakaraang tag-init kung saan ang ilan ay hindi na mapayapang pagpoprotesta ang ginawa kundi mga mapaminsalang pagkilos. Nakita natin ito sa ilan sa kasalukuyang mga kampanya para sa posisyon sa pamahalaan. Sa kasamaang-palad, ang ilan sa mga ito ay umabot na sa pagbabahagi ng pahayag sa pulitika at hindi magagandang pananalita sa mga pulong natin sa Simbahan.
Sa demokratikong pamahalaan, palagi tayong magkakaiba sa opinyon tungkol sa mga kandidato at patakaran. Gayunman, bilang mga tagasunod ni Jesucristo kailangan nating iwaksi ang galit at poot kapag nagdedebate o tinutuligsa ang mga pagpili sa pulitika sa maraming pagkakataon.
Narito ang isa sa mga turo ng ating Tagapagligtas na marahil ay bantog ngunit bihirang isabuhay.
“Narinig ninyo na sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa, at kapootan mo ang iyong kaaway.’
“Ngunit sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, [pagpalain ang mga sumusumpa sa inyo, gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo,] at idalangin ninyo ang [mga nanlalait at] umuusig sa inyo” (Mateo 5:43–44). 1
Sa loob ng maraming henerasyon, ang mga Judio ay tinuruan na kapootan ang kanilang mga kaaway, at sila rin ay nahihirapan dahil sa paghahari at pagmamalupit ng mga Romanong sumakop sa kanila. Gayunman, itinuro sa kanila ni Jesus na “mahalin ang inyong mga kaaway” at “gawan ng mabuti ang mga nanlalait sa inyo.”
Tunay ngang makabago at nakababahala ang turo na ito para sa mga personal at pulitikal na ugnayan! Ngunit iyan ay utos pa rin ng ating Tagapagligtas. Mababasa natin sa Aklat ni Mormon, “Sapagkat katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa” (3 Nephi 11:29).
Hindi madaling mahalin ang ating mga kaaway at kalaban. “Marami sa atin ang hindi pa nakaabot sa antas ng … pagmamahal at pagpapatawad,” pagpansin ni Pangulong Gordon B. Hinckley, at idinagdag niya na, “Kailangan ang disiplina sa sarili na higit pa sa kaya natin.” 2 Ang ganoong uri ng pagmamahal ay nararapat lamang na maging napakahalaga, dahil iyon ay bahagi ng dalawang dakilang utos ng Tagapagligtas na “ibigin mo ang Panginoon mong Diyos” at “ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37, 39). At posibleng makamtan ito, dahil itinuro rin Niya na “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo” (Mateo 7:7). 3
Paano ba natin masusunod ang mga dakilang utos na ito ng Diyos sa mundo kung saan kailangan nating sundin ang mga batas ng tao? Sa kabutihang palad, nasa atin ang halimbawa mismo ng Tagapagligtas kung paano babalansehin ang Kanyang mga walang-hanggang batas at ang pagsunod sa mga batas na gawa ng tao. Noong hinangad ng mga kalaban na mahuli Siya sa Kanyang salita gamit ang tanong kung dapat bang magbayad ang mga Judio ng buwis sa Roma, itinuro Niya ang larawan ni Cesar sa kanilang mga barya at sinabing, “Kung gayo’y ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos” (Lucas 20:25). 4
Kung gayon, dapat tayong sumunod sa mga batas ng tao (ibigay ang kay Cesar) upang makapamuhay nang mapayapa sa ilalim ng isang pamahalaan, at sumunod sa mga batas ng Diyos tungo sa ating patutunguhan sa kawalang-hanggan. Ngunit paano natin ito magagawa—lalo na ang matutuhan na mahalin ang ating mga kalaban at kaaway?
Ang turo ng Tagapagligtas na huwag “makipagtalo nang may galit” ay magandang unang hakbang. Ang diyablo ang ama ng pagtatalo, at siya ang tumutukso sa mga tao na makipagtalo nang may galit. Isinusulong niya ang poot at galit sa pagitan ng mga indibiduwal at sa loob ng mga grupo. Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson na ang galit ay “kasangkapan ni Satanas,” dahil “ang magalit ay pagsuko sa impluwensya ni Satanas. Walang makakapagpagalit sa atin. Tayo ang nagpapasiya.” 5 Ang galit ay humahantong sa paghihiwa-hiwalay at pagkapoot. Sumusulong tayo tungo sa pagmamahal sa ating mga kalaban kapag umiiwas tayo na magkaroon ng galit at poot sa mga taong hindi natin kapareho ng pananaw. Makatutulong din kung magiging handa tayong matuto mula sa kanila.
Ang isa pang paraan para magkaroon ng kapangyarihang mahalin ang iba ay ang simpleng paraan na inilarawan sa isang matagal nang musikal. Kapag sinisikap nating maunawaan ang mga taong mula sa ibang kultura, kailangan nating sikaping makilala sila. Sa hindi mabilang na sitwasyon, ang pagdududa sa ibang tao o kahit ang poot ay nagbibigay-daan sa pagkakaibigan o pagmamahal kapag nagbunga ang mga personal na pakikipag-ugnayan ng pag-unawa at paggalang sa isa’t isa. 6
Ang isang mas makatutulong para matutuhan nating mahalin ang ating mga kalaban at kaaway ay ang paghahangad na maunawaan ang kapangyarihan ng pagmamahal. Narito ang tatlo sa maraming turo ng mga propeta tungkol sa paksang ito.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na “matagal nang kinikilala ang kasabihang ang pagmamahal ay nagbubunga ng pagmamahal. Magpakita tayo ng lubos na pagmamahal—ipamalas natin ang ating kabaitan sa buong sangkatauhan.” 7
Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter na: “Ang mundong ginagalawan natin ay makikinabang nang malaki kung ang kalalakihan at kababaihan sa lahat ng dako ay magpapakita ng dalisay na pag-ibig ni Cristo, na mabait, maamo, at mapagpakumbaba. Hindi ito naiinggit o nagmamalaki. … Hindi ito naghahangad ng kapalit. … Wala itong puwang para sa makitid na pag-iisip, galit, o karahasan. … Hinihikayat nito ang iba’t ibang tao na mamuhay nang sama-sama taglay ang pagmamahal bilang Kristiyano anuman ang paniniwala sa relihiyon, lahi, nasyonalidad, katayuan sa buhay, edukasyon, o kultura.” 8
At hinikayat tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “palawakin ang sakop ng ating pagmamahal para kabilangan ng buong pamilya ng sangkatauhan.” 9
Isang mahalagang bahagi ng pagmamahal sa ating mga kaaway ay ang pagbibigay kay Cesar sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas ng iba’t ibang bansa. Bagama’t makabago at nakagagambala ang mga turo ni Jesus, hindi Siya nagturo ng rebolusyon o pagsuway sa batas. Itinuro Niya ang mas magandang paraan. Gayon din ang itinuturo ng bagong paghahayag:
“Walang sinumang tao ang lalabag sa mga batas ng lupain, sapagkat siya na sumusunod sa mga batas ng Diyos ay hindi kailangang lumabag sa mga batas ng lupain.
Dahil dito, magpasakop sa kapangyarihang umiiral” (Doktrina at mga Tipan 58:21–22).
At ang ating saligan ng pananampalataya na isinulat ni Propetang Joseph Smith matapos pagdusahan ng mga Banal ang matinding pang-uusig mula sa mga opisyal ng Missouri, ay nagsasaad na, “Naniniwala kami sa pagpapasailalim sa mga hari, pangulo, namamahala, at hukom, sa pagsunod, paggalang at pagtataguyod ng batas” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:12).
Hindi ibig sabihin nito na sang-ayon tayo sa lahat ng ginagawa gamit ang kapangyarihan ng batas. Ibig sabihin nito ay sumusunod tayo sa kasalukuyang batas at gumagamit ng mapayapang pamamaraan para baguhin ito. Ibig sabihin din nito na payapa nating tatanggapin ang resulta ng mga halalan. Hindi tayo makikibahagi sa mga karahasang ibinabanta ng mga taong hindi magugustuhan ang resulta nito. 10 Sa isang demokratikong lipunan, tayo ay palaging may pagkakataon at tungkulin na sumulong nang mapayapa hanggang sa susunod na halalan.
Ang turo ng Tagapagligtas na mahalin ang ating mga kaaway ay ayon sa katotohanan na lahat ng tao ay minamahal na mga anak ng Diyos. Ang walang-hanggang alituntuning iyan at ang ilan sa mga pangunahing alituntunin ng batas ay nasubok sa mga protesta kamakailan sa maraming lungsod sa Amerika.
Sa isang banda, tila nalimutan na ng ilan na ang Unang Amyenda sa Konstitusyon ng Estados Unidos ay nagbibigay ng garantiya sa “karapatan ng mga taong-bayan na mapayapang magtipon at magpetisyon sa pamahalaan upang maiwasto ang kanilang mga karaingan.” Ito ang awtorisadong pamamaraan para imulat ang kamalayan ng publiko at magtuon sa mga kawalang-katarungan sa nilalaman o pagpapatupad ng mga batas. At nagkaroon nga ng mga kawalang-katarungan. Sa mga kilos sa publiko at mga personal nating saloobin, nagkaroon na tayo ng rasismo at kaugnay na mga hinaing. Sa isang mapanghimok na sanaysay, ipinaalala sa atin ni Theresa A. Dear ng National Association for the Advancement of Colored People (NAACP) na ang “rasismo ay nagtatagumpay sa galit, pang-aapi, pagsasawalang-kibo, hindi pakikialam, at pananahimik.” 11 Bilang mga mamamayan at miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kailangan nating paghusayin pa ang ating pagsisikap na tumulong para mabura ang rasismo.
Sa isang banda, ang ilan sa nakikibahagi at sumusuporta sa mga protestang ito at sa mga ilegal na gawaing kaugnay nito ay tila nalimutan na ang mga protestang pinoprotektahan ng Konstitusyon ay ang mga payapang protesta. Ang mga nagpoprotesta ay walang karapatang mangwasak, manira, o magnakaw ng mga ari-arian o hadlangan ang lehitimong kapangyarihan ng pamahalaan na ipatupad ang batas. Ang Konstitusyon at mga batas ay hindi naglalaman ng paanyaya sa rebolusyon o anarkiya. Lahat tayo—mga pulis, nagpoprotesta, tagasuporta, at nagmamasid—ay dapat na maunawaan ang mga limitasyon ng ating mga karapatan at ang kahalagahan ng ating mga tungkulin na manatili sa hangganan ng mga umiiral na batas. Tama si Abraham Lincoln nang sinabi niya na, “Walang hinaing ang maiwawasto gamit ang batas ng mga madurumog.” 12 Ang pagwawasto ng mga hinaing gamit ang batas ng mga mandurumog ay pagwawasto sa ilegal na paraan. Iyan ay anarkiya, kung saan walang mabisang pamamahala at walang pormal na pulis, na nagpapahina sa halip na nagpoprotekta sa karapatan ng bawat tao.
Ang isang dahilan kung bakit nakababahala sa maraming tao ang mga protesta kamakailan sa Estados Unidos ay dahil ang mga poot at paglabag sa batas na nararanasan ng iba’t ibang etnisidad sa ibang mga bansa ay hindi dapat nararanasan sa Estados Unidos. Dapat pagbutihin pa ng bansang ito ang pagsisikap na burahin ang rasismo, hindi lamang sa mga black American, na mas kapansin-pansin sa mga protesta kamakailan, kundi pati na rin sa mga Latino, Asyano, at iba pang mga grupo. Hindi naging mabuti ang pagharap sa rasismo ng bansang ito sa nakaraan, at kailangan nating pagbutihin ito.
Ang Estados Unidos ay itinatag ng mga nandayuhan mula sa iba’t ibang bansa at iba’t ibang etniko. Ang layunin nito ng pagkakaisa ay hindi para magtatag ng partikular na relihiyon o isulong ng alinman sa napakaraming kultura o katapatan sa tribu ng mga dating bansa. Ang mga nagtatag ng bansang ito ay naghangad ng pagkakaisa sa pamamagitan ng bagong konstitusyon at mga batas. Hindi ibig sabihin nito na ang mga dokumento na batayan ng ating pagkakaisa o ang pag-unawa noon sa kahulugan ng mga ito ay perpekto. Nakita sa kasaysayan ng unang dalawang siglo ng Estados Unidos na kailangan ng maraming pagbabago, tulad ng karapatang bumoto ng kababaihan, at lalo na ang pagwawakas ng pang-aalipin, kabilang na ang mga batas na titiyak na ang mga naalipin ay matatamasa ang lahat ng kalagayang kaugnay ng pagiging malaya.
Pinaalalahanan tayo kamakailan ng dalawang iskolar sa Yale University:
“Bagama’t may mga kapintasan, ang Estados Unidos ay may natatanging kakayahang pag-isahin ang magkakaiba at hiwa-hiwalay na lipunan. …
“… Ang mga mamamayan nito ay hindi dapat mamili sa pagitan ng pambansang pagkakakilanlan at pagkakaroon ng iba’t ibang kultura. Maaaring matamo ng mga Amerikano ang dalawang ito. Ngunit susi rito ang pagkamakabayan na ayon sa konstitusyon. Kailangan nating manatiling nagkakaisa sa pamamagitan ng Konstitusyon, anuman ang hindi natin pagkakasundo sa ideolohiya.” 13
Maraming taon na ang nakalipas, isang British foreign secretary ang nagbigay ng napakagandang payo na ito sa isang debate sa House of Commons: “Wala tayong pangwalang-hanggang mga kaalyado at wala rin tayong permanenteng mga kaaway. Ang ating mga interes ay pangwalang-hanggan at permanente, at tungkulin natin na isakatuparan ang mga interes na ito.” 14
Ito ay isang magandang sekular na dahilan para isakatuparan ang mga “pangwalang-hanggan at permanenteng” interes sa larangan ng pulitika. Dagdag pa rito, ang doktrina ng Simbahan ng Panginoon ay nagtuturo ng isa pang pangwalang-hanggang interes na gagabay sa atin: ang mga turo ng ating Tagapagligtas, na siyang nagbigay-inspirasyon sa Konstitusyon ng Estados Unidos at sa mga pangunahing batas ng maraming bansa. Ang katapatan sa itinatag na batas sa halip na sa mga pansamantalang “kaalyado” ang pinakamabuting paraan para mahalin ang ating mga kalaban at mga kaaway habang naghahangad tayo ng pagkakaisa sa gitna ng mga pagkakaiba-iba.
Ang kaalaman na tayong lahat ay mga anak ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng makalangit na pang-unawa sa halaga ng lahat ng tao at ng hangarin at kakayahang iwaksi ang mga maling palagay at rasismo. Sa loob ng maraming taon ng paninirahan ko sa iba’t ibang estado sa bansang ito, tinuruan ako ng Panginoon na posibleng sundin at maghangad na pagbutihin pa ang mga batas ng ating bansa at mahalin din ang ating mga kalaban at kaaway. Bagama’t hindi ito madali, posible ito sa tulong ng ating Panginoon, na si Jesucristo. Ibinigay Niya ang mga kautusang ito na magmahal, at nangako Siya na tutulungan tayo kung nanaisin nating sumunod. Pinatototohanan ko na mahal na mahal at tutulungan tayo ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.