2020
Mga Lipunang Nakatutugon
Nobyembre 2020


15:11

Mga Lipunang Nakatutugon

Kung may sapat na bilang sa atin at sa ating kapitbahay ang nagsisikap na gabayan ang ating buhay ayon sa katotohanan ng Diyos, ang moral na kagandahang-asal na kinakailangan sa lahat ng lipunan ay mananagana.

Napakaganda ng pag-awit ng koro tungkol sa dakilang Tagapagligtas.

Noong 2015, sinang-ayunan ng United Nations ang pagpapatupad ng tinatawag na “The 2030 Agenda for Sustainable Development [Ang 2030 Agenda para sa Tuluy-tuloy na Pag-unlad].” Inilarawan ito bilang “isang nagkakaisang plano para sa kapayapaan at kasaganahan para sa mga tao at sa mundo, ngayon at sa hinaharap.” Kasama sa Agenda para sa Tuluy-tuloy na Pag-unlad ang 17 mithiin na kailangang makamit sa taong 2030, tulad ng: wakasan ang kahirapan, wakasan ang kagutuman, mahusay na edukasyon, pagkapantay-pantay ng lalaki at babae, malinis na tubig at sanitasyon, at marangal na trabaho. 1

Ang konsepto ng tuluy-tuloy na pag-unlad ay kasiya-siya at mahalaga. Gayunman, ang higit na mahalaga, ay ang mas malaking katanungan tungkol sa mga lipunang nakatutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan nito. Ano ang mga pangunahing alituntunin na sumusuporta sa isang masaganang lipunan, na nagtataguyod ng kaligayahan, pag-unlad, kapayapaan, at kapakanan ng mga mamamayan nito? Mayroon tayong tala sa banal na kasulatan tungkol sa dalawang maunlad na lipunan. Ano ang matututuhan natin mula sa mga ito?

Noong sinaunang panahon, ang dakilang patriyarka at propetang si Enoc ay nangaral ng kabutihan at “nagtayo ng isang lunsod na tinawag na Lunsod ng Kabanalan, maging ang Sion.” 2 Ayon sa nakatala, “tinawag ng Panginoon ang kanyang mga tao na Sion, sapagkat sila ay may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan; at walang maralita sa kanila.” 3

“At pinagpala ng Panginoon ang lupain, at sila ay pinagpala sa ibabaw ng mga kabundukan, at sa ibabaw ng matataas na lugar, at nanagana.” 4

Ang mga taong nabuhay noon sa una at pangalawang siglo sa Western Hemisphere na kilala bilang mga Nephita at mga Lamanita ay nagbigay ng isa pang napakagandang halimbawa ng isang masaganang lipunan. Pagkatapos ng dakilang ministeryo sa kanila ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, “sila ay lumakad alinsunod sa mga kautusang natanggap nila mula sa kanilang Panginoon at kanilang Diyos, nagpapatuloy sa pag-aayuno at panalangin, at sa madalas na pagtitipong magkakasama kapwa upang manalangin at makinig sa salita ng Panginoon. …

“At walang mga inggitan, ni sigalutan, ni alitan, ni pagpapatutot, ni pagsisinungaling, ni pagpaslang, ni anumang uri ng kahalayan; at tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos.” 5

Ang mga lipunan sa dalawang halimbawang ito ay pinalakas ng mga pagpapala ng langit dahil sa kanilang kahanga-hangang pagsunod sa dalawang dakilang utos: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo,” at “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” 6 Sila ay masunurin sa Diyos sa kanilang personal na buhay, at pinagmamalasakitan nila ang pisikal at espirituwal na kapakanan ng isa’t isa. Sa mga salita ng Doktrina at mga Tipan, nasa mga lipunang ito ang “bawat taong hinahangad ang kapakanan ng kanyang kapwa, at ginagawa ang lahat ng bagay na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.” 7

Ang nakalulungkot, tulad ng binanggit ni Elder Quentin L. Cook kaninang umaga, ang huwarang lipunan na inilarawan sa 4 Nephi ng Aklat ni Mormon ay hindi napanatili sa paglipas ng ikalawang siglo nito. Ang kakayahan nito na mapanatili ang yaong mahalaga ay hindi nasuportahan, at ang isang masaganang lipunan ay maaaring bumagsak kalaunan kung tinatalikdan nito ang pinakamahahalagang kagandahang-asal na nagtataguyod sa kapayapaan at kasaganahan nito. Sa sitwasyong ito, dahil sa pagpapadaig sa mga tukso ng diyablo, ang mga tao ay “nagsimulang mahati sa mga uri; at sila ay nagsimulang magtayo ng mga simbahan para sa kanilang sarili upang makinabang, at nagsimulang itatwa ang tunay na simbahan ni Cristo.” 8

“At ito ay nangyari na, nang lumipas ang tatlong daang taon, kapwa ang mga tao ng mga Nephita at ang mga Lamanita ay naging napakasasama, ang isa katulad ng isa.” 9

Sa pagtatapos ng isa pang siglo, milyun-milyon ang namatay sa digmaang nangyari sa sarili nilang grupo, at ang dating nagkakaisang bansa nila ay nahati sa naglalabang mga lipi.

Sa pagninilay nito at sa iba pang mga halimbawa ng mga dating masaganang lipunan na kalaunan ay bumagsak, sa palagay ko ay tama lang sabihin na kapag ang mga tao ay tumalikod sa pananagutan at obligasyon sa Diyos at nagsimulang magtiwala sa “bisig ng laman,” kapahamakan ang kahahantungan nila. Ang pagtitiwala sa bisig ng laman ay pagwawalang bahala sa banal na Awtor ng mga karapatang pantao at dignidad ng tao at pagbibigay ng pinakamataas na prayoridad sa kayamanan, kapangyarihan, at papuri ng sanlibutan (habang madalas na hinahamak at inuusig ang mga sumusunod sa ibang pamantayan). Samantala, ang karamihan naman sa mga lipunan na nakatutugon ay naghahangad, tulad ng sinabi ni Haring Benjamin, na “[umunlad] sa kaalaman ng kaluwalhatian niya na lumikha sa [kanila], o sa kaalaman ng yaong makatarungan at totoo.” 10

Ang institusyon ng pamilya at ng relihiyon ay napakahalaga para sa pagkakaloob sa mga indibiduwal at komunidad ng mga kagandahang-asal na sumusuporta sa isang matatag na lipunan. Ang mga kagandahang-asal na ito, na nakabatay sa banal na kasulatan, ay kinabibilangan ng integridad, responsibilidad at pananagutan, pagkahabag, kasal at katapatan sa asawa, paggalang sa kapwa at sa ari-arian ng iba, paglilingkod, at kahalagahan at dignidad ng pagtatrabaho, at iba pa.

Ang editor na si Gerard Baker ay nagsulat ng isang artikulo sa unang bahagi ng taong ito sa Wall Street Journal na nagbibigay-parangal sa kanyang ama, si Frederick Baker, sa pagdiriwang ng ika-100 kaarawan nito. Inilahad ni Baker ang kanyang opinyon tungkol sa mga dahilan ng pagkakaroon ng mahabang buhay ng kanyang ama at idinagdag ang saloobing ito:

“Bagama’t nais nating lahat na malaman ang sikreto sa pagkakaroon ng mahabang buhay, madalas kong madama na mas makabubuting magtuon tayo ng mas maraming oras sa pag-iisip kung ano ang nagpapabuti sa buhay, gaano man kahaba ang panahong ibinigay sa atin sa buhay na ito. Sa bagay na ito, kumpiyansa ako na alam ko ang sikreto ng aking ama.

“Siya ay mula sa isang panahon kung saan ang buhay ay nahubog higit sa lahat ng pagkakaroon ng tungkulin, hindi ng pagkakaroon ng karapatan; ng mga responsibilidad sa lipunan, hindi ng mga personal na pribilehiyo. Ang pangunahing naghihikayat na alituntunin sa buong panahon ng kanyang buhay ay ang pagiging responsable sa pagtupad ng obligasyon—sa pamilya, Diyos, at bansa.

“Sa panahong laganap ang mga bungang idinulot ng wasak na pamilya, ang aking ama ay isang tapat na asawa sa kanyang maybahay ng 46 na taon, at isang responsableng ama sa anim na anak. Siya ay nariyan at nakasuporta sa lahat ng panahon maging noong maranasan ng aking mga magulang ang nakabibiglang pagpanaw ng isang anak. …

“At sa panahong ang relihiyon ay dumarami dahil sa kuryosidad, ang ama ko ay namuhay bilang isang tunay at tapat na Katoliko, na may di-natitinag na paniniwala sa mga pangako ni Cristo. Katunayan, naiisip ko kung minsan na napakahaba na ng buhay niya dahil mas handa na siyang pumanaw kaysa sa sinumang kilala ko.

“Napakapalad ko—nabiyayaan ako ng magandang edukasyon, sariling masayang pamilya, ilang tagumpay sa mundo na hindi ko karapat-dapat na matanggap. Ngunit nakadarama man ako ng pagmamalaki at pasasalamat, natatakpan ito ng pagmamalaki at pasasalamat na nadarama ko para sa taong ito, napakasimple at hindi naghihintay ng gantimpala o pagkilala, na namumuhay—isang siglo na ngayon—nang may mga simpleng tungkulin, obligasyon at, sa huli, masayang namumuhay nang may kabanalan.” 11

Ang nakikitang kahalagahan ng relihiyon at pananampalataya ay bumaba sa maraming bansa nitong mga nakaraang taon. Iniisip ng dumaraming bilang ng mga tao na ang paniniwala at katapatan sa Diyos ay hindi kinakailangan para sa pagiging matwid sa moral ng mga indibiduwal o lipunan sa daigdig ngayon. 12 Sa palagay ko ay sasang-ayon tayong lahat na ang nagsasabing wala silang pinaniniwalaang relihiyon ay maaaring maging, at madalas ay, mabubuti at matwid na tao. Gayunman, hindi tayo sasang-ayon na ito ay nangyayari nang walang impluwensya ng Diyos. Ang tinutukoy ko ay ang Liwanag ni Cristo. Ipinahayag ng Tagapagligtas, “Ako ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig.” 13 Nahihiwatigan man ito o hindi, bawat lalaki, babae, at bata ng bawat relihiyon, lugar, at panahon ay mayroong Liwanag ni Cristo at kung gayon ay nagtataglay ng kaalaman sa kung ano ang tama at mali na madalas ay tinatawag nating konsensya. 14

Gayunpaman, kapag hinihiwalay ng sekularisasyon ang personal at pangmamamayan na kagandahang-asal mula sa pagkakaroon ng pananagutan sa Diyos, pinuputol nito ang halaman mula sa mga ugat nito. Ang pagsalig lamang sa kultura at tradisyon ay hindi sasapat para mapanatili ang kagandahang-asal sa lipunan. Kapag ang tao ay walang mas mataas na diyos kaysa sa kanyang sarili at hindi nagsisikap na gumawa nang mas mabuti maliban sa pagbibigay ng kasiyahan sa kanyang sariling mga layaw at kagustuhan, makikita ang mga epekto nito sa takdang panahon.

Ang lipunan, halimbawa, kung saan ang pahintulot ng indibiduwal ang tanging nakapipigil sa seksuwal na aktibidad ay isang nabubulok na lipunan. Ang pakikiapid, kawalan ng delikadesa, pagkakaroon ng anak nang hindi kasal, 15 at pagpiling magpalaglag ay ilan lamang sa mapapait na bunga ng imoralidad na pinalakas ng sekswal na pagbabago. Kabilang sa mga ibinunga niyon na nakakaapekto sa pagpapanatili ng isang malusog na lipunan ay ang pagdami ng bilang ng mga bata na lumaki sa kahirapan at nang walang positibong impluwensya ng ama, na umaabot kung minsan sa maraming henerasyon; mga kababaihang pinapasan nang mag-isa ang mga responsibilidad na dapat sana ay may katuwang sila, at matinding kakulangan sa edukasyon dahil ang mga paaralan, gaya ng iba pang mga institusyon, ay naobligang punan ang kabiguan sa tahanan 16 Bukod pa sa mga pag-uugaling ito na labag sa mga pamantayan ng kagandahang-asal ay ang hindi mabilang na nangyayaring kapighatian at kalungkutan—mental at emosyonal na kapinsalaan na dumarating kapwa sa nagkasala at sa walang kasalanan.

Ipinahayag ni Nephi:

“Sa aba niya na nakikinig sa mga tuntunin ng tao, at nagtatatwa sa kapangyarihan ng Diyos, at sa kaloob na Espiritu Santo! …

“… Sa aba sa lahat ng yaong nanginginig, at nagagalit dahil sa katotohanan ng Diyos!” 17

Kabaligtaran nito, ang ating masayang mensahe sa ating mga anak at sa buong sangkatauhan ay ang “katotohanan ng Diyos” ay nagtuturo ng isang mas mainam na daan, o tulad ng sinabi ni Pablo, “isang daan na walang kahambing,” 18 isang daan na patungo sa personal na kaligayahan at kapakanan ng komunidad sa buhay na ito at sa walang hanggang kapayapaan at kagalakan sa kabilang-buhay.

Ang katotohanan ng Diyos ay tumutukoy sa mga pangunahing katotohanan na kinasasaligan ng Kanyang plano ng kaligayahan para sa Kanyang mga anak. Ang mga katotohanang ito ay ang Diyos ay buhay; na Siya ang Ama sa Langit ng ating mga espiritu; na bilang pagpapakita ng Kanyang pagmamahal, binigyan Niya tayo ng mga kautusan na hahantong sa lubos na kagalakan sa piling Niya; na si Jesucristo ay Anak ng Diyos at ating Manunubos; na Siya ay nagdusa at namatay upang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan kung tayo ay magsisisi; na Siya ay bumangon mula sa mga patay, isinakatuparan ang Pagkabuhay na Mag-uli ng buong sangkatauhan; at na tayong lahat ay tatayo sa Kanyang harapan upang hatulan, alinsunod sa ating mga gawa. 19

Sa ikasiyam na taon sa tinatawag na “panunungkulan ng mga hukom,” sa Aklat ni Mormon, ang propetang si Alma ay nagbitiw sa kanyang katungkulan bilang punong hukom upang lubos na maiukol ang kanyang panahon sa pamumuno sa Simbahan. Ang layunin niya ay mangaral para mapawi ang kapalaluan, pag-uusig, at kasakiman na lumalaganap sa mga tao lalo na sa mga miyembro ng Simbahan. 20 Tulad ng sinabi minsan ni Elder Stephen D. Nadauld, “Ang inspiradong desisyon [ni Alma] ay hindi ang gumugol ng maraming oras sa pagsisikap na gumawa at magpatupad ng marami pang mga patakaran para maiwasto ang pag-uugali ng kanyang mga tao, kundi ang ipangaral sa kanila ang salita ng Diyos, ang ituro sa kanila ang doktrina at ipaunawa sa kanila ang plano ng pagtubos na aakay sa kanila na magbago ng kanilang pag-uugali.” 21

Marami pa tayong magagawa bilang kapitbahay at mamamayan para makatulong sa ikapananatili at ikatatagumpay ng lipunang ginagalawan natin, at tiyak na ang ating pinakamahalaga at walang maliw na paglilingkod ay ang pagtuturo at pagpapamuhay ng mga katotohanang likas sa dakilang plano ng pagtubos ng Diyos. Tulad ng nakasaad sa mga titik ng himno:

O pananalig ng ating lahi,

Bawat tao ay mamahalin,

At sa lahat ay ipapabatid,

Sa salita’t gawang matuwid. 22

Kung may sapat na bilang sa atin at sa ating kapitbahay ang nagsisikap na magpasiya at gabayan ang ating buhay ayon sa katotohanan ng Diyos, ang moral na kagandahang-asal na kinakailangan sa lahat ng lipunan ay mananagana.

Sa Kanyang pag-ibig sa atin, ibinigay ng ating Ama sa Langit ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. 23

“Hindi gumagawa [si Jesucristo] ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan, maging ang kanyang sariling buhay ay inialay niya upang mapalapit ang lahat ng tao sa kanya. Dahil dito, wala siyang inuutusan na hindi sila makababahagi ng kanyang kaligtasan.

“Masdan, sumisigaw ba siya sa sino man, sinasabing: Lumayo sa akin? Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; kundi sinasabi niya: Magsilapit sa akin lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, bumili ng gatas at pulot, nang walang salapi at walang bayad.” 24

Ipinahahayag namin ito “sa kataimtiman ng puso, sa diwa ng kaamuan,” 25 at sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “The 17 Goals,” United Nations Department of Economic and Social Affairs website, sdgs.un.org/goals.

  2. Moises 7:19.

  3. Moises 7:18.

  4. Moises 7:17.

  5. 4 Nephi 1:12, 16.

  6. Mateo 22:37, 39.

  7. Doktrina at mga Tipan 82:19.

  8. 4 Nephi 1:26.

  9. 4 Nephi 1:45.

  10. Mosias 4:12.

  11. Gerard Baker, “A Man for All Seasons at 100,” Wall Street Journal, Peb. 21, 2020, wsj.com.

  12. Tingnan sa Ronald F. Inglehart, “Giving Up on God: The Global Decline of Religion,” Foreign Affairs, Set./Oct. 2020, foreignaffairs.com; tingnan din sa Christine Tamir, Aidan Connaughton, at Ariana Monique Salazar, “The Global God Divide,” Pew Research Center, July 20, 2020, especially infographic “Majorities in Emerging Economies Connect Belief in God and Morality,” pewresearch.org.

  13. Doktrina at mga Tipan 93:2; tingnan din sa Moroni 7:16, 19.

  14. Tingnan sa Boyd K. Packer, “Ang Liwanag ni Cristo,” Liahona, Abr. 2005, 10; tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Truth Endures,” Religious Educator, vol. 19, no. 3 (2018), 6.

  15. Sa pagbibigay ng halimbawang ito, tinutukoy ko ang posibleng masamang ibubunga nito sa mga bata bilang “mapait na bunga” at hindi ang mismong mga bata. Bawat anak ng Diyos ay mahalaga, at bawat buhay ay hindi matutumbasan ang halaga anuman ang mga kalagayan ng pagsilang.

  16. Tingnan, halimbawa sa, Pew Research Center, “The Changing Profile of Unmarried Parents,” Abr. 25, 2018, pewsocialtrends.org; Mindy E. Scott at iba pa, “5 Ways Fathers Matter,” Hunyo 15, 2016, childtrends.org; at Robert Crosnoe at Elizabeth Wildsmith, “Nonmarital Fertility, Family Structure, and the Early School Achievement of Young Children from Different Race/Ethnic and Immigration Groups,” Applied Developmental Science, tomo 15, blg. 3 (Hul–Set. 2011), 156–70.

  17. 2 Nephi 28:26, 28.

  18. I Mga Taga Corinto 12:31.

  19. Tingnan sa Alma 33:22.

  20. Tingnan sa Alma 4:6–19.

  21. Stephen D. Nadauld, Principles of Priesthood Leadership (1999), 13; tingnan din sa Alma 31:5.

  22. “O Pananalig ng Ating Lahi,” Mga Himno, blg. 46.

  23. Tingnan sa Juan 3:16.

  24. 2 Nephi 26:24–25; tingnan din 2 Nephi 26:33.

  25. Doktrina at mga Tipan 100:7.