Mga Tampok na Kaganapan sa Ika-190 na Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya
Sa gitna ng kawalang-katiyakan, milyun-milyong tao ang nakadama ng sandaling kapayapaan sa pangkalahatang kumperensya na ginanap noong Oktubre 3–4, 2020. Itinuon tayo ng mga lider ng Simbahan kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga mensahe ng pagkakaisa at pagmamahal, pag-asa at paggaling, at kapayapaan sa banal na layunin.
Itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson kung paano matatamo ang mga pagpapala ng pagiging mga tao ng Diyos.
“Kapag pinili ninyong manaig ang Diyos sa inyong buhay, mararanasan ninyo sa inyong sarili na ang ating Diyos ay ‘isang Diyos ng mga himala.’ [Mormon 9:11].” —Pangulong Russell M. Nelson (tingnan sa pahina 92)
Tinalakay ng maraming tagapagsalita ang tungkol sa personal na pag-unlad sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesucristo, pagtitiwala sa Kanya, at pagpapasakop ng ating kalooban sa Kanya.
“Kapag mapagpakumbaba tayong bumabaling [kay Jesucristo], daragdagan Niya ang ating kakayahang magbago.” —Becky Craven (tingnan sa pahina 58)
Muli, ang novel coronavirus ay nakaapekto sa nakita at narinig natin sa kumperensya. Gayunman, ang karagdagang karanasan ay nagdulot ng mas magandang pananaw nang magtuon ang mga tagapagsalita hindi lamang sa pag-asa kundi sa pagkakaroon ng mas malalim na pagkaunawa sa plano ng Diyos para sa ating walang-hanggang kaligayahan.
“Ang mga pagsusulit sa paaralan ng mortalidad ay mahalagang bahagi ng walang-hanggang pag-unlad. … Dalangin ko na … matutuhan natin ang mahahalagang aral na tanging mahihirap na karanasan ang makapagtuturo sa atin.” —Elder David A. Bednar (tingnan sa pahina 8)
Dahil sa kaguluhan sa lipunan na nakakaapekto sa maraming bahagi ng mundo, kinondena ng mga lider ang rasismo at karahasan. Nanawagan sila sa atin bilang mga Banal sa mga Huling Araw na magkaisa sa kabutihan, magkaroon ng pagkakaisa sa pagkakaiba-iba, at tumulong sa pagbuo ng isang lipunang may moralidad at pagmamahalan.
“Nabubuhay tayo sa isang panahon ng lubusang hindi pagkakasundo. … Maaari tayong maging pwersa o lakas para iangat at pagpalain ang buong lipunan.” —Elder Quentin L. Cook (tingnan sa pahina 18)
Kapag muli ninyong ginunita ang kumperensya sa pamamagitan ng isyung ito, sana’y maranasan ninyong muli ang pag-asa at inspirasyong nadama ninyo noon sa unang pagkakataon, at magkaroon din ng mga bagong kaalaman sa inyong pag-aaral sa darating na mga buwan.