2020
Hayaang Malubos ng Pagtitiis ang Gawa Nito, at Ariin Ito ng Buong Kagalakan!
Nobyembre 2020


10:15

Hayaang Malubos ng Pagtitiis ang Gawa Nito, at Ariin Ito ng Buong Kagalakan!

Kapag tayo ay nagtitiyaga, nadaragdagan ang ating pananampalataya. Kapag lumalaki ang ating pananampalataya, gayundin ang ating kagalakan.

Dalawang taon na ang nakalipas nang tumawid ang bunso kong kapatid na si Chad sa kabila ng tabing. Ang paglipat niya sa kabila ng tabing ay nag-iwan ng kawalan sa puso ng hipag kong si Stephanie; sa kanilang dalawang maliliit na anak na sina Braden at Bella; gayundin sa iba pang mga kapamilya. Nagkaroon kami ng kapanatagan sa mga salita ni Elder Neil L. Andersen sa pangkalahatang kumperensya noong linggo bago namatay si Chad: “Sa matitinding pagsubok sa lupa, habang matiyaga tayong nagpapakatatag, ang nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas ay maghahatid sa inyo ng liwanag, pang-unawa, kapayapaan, at pag-asa” (“Sugatan,Liahona, Nob. 2018, 85).

Si Chad Jaggi at ang kanyang pamilya

May pananampalataya kami kay Jesucristo; alam naming makakasama naming muli si Chad, ngunit ang pisikal na pagkawala niya ay masakit! Marami na ang nawalan ng mga mahal sa buhay. Mahirap maging matiyaga at maghintay sa panahong makakasama natin silang muli.

Pagkaraan ng taon ng pagkamatay niya, pakiramdam namin ay tila may maitim na ulap na lumilim sa amin. Naghanap kami ng makakanlungan sa pag-aaral ng aming mga banal na kasulatan, mataimtim na pagdarasal, at mas madalas na pagdalo sa templo. Naantig ang aming mga kalooban ng mga talatang ito mula sa himno nang panahong iyon: “Araw, sumisikat, mundo’y gumigising, ulap ng kadilima’y napaparam” (“Araw ay Sumisikat,” Mga Himno, blg. 29).

Matatag na nagpasiya ang pamilya namin na magiging masiglang taon ang 2020! Pinag-aaralan namin ang lesson sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa Bagong Tipan sa aklat ni Santiago noong huling bahagi ng Nobyembre 2019, nang isang tema ang naihayag sa amin. Mababasa sa Santiago, kabanata 1, talata 2, “Mga kapatid ko, ariin ninyo ng buong kagalakan kung kayo ay mangahulog sa maraming paghihirap” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Santiago 1:2 [sa Santiago 1:2, talababa a]). Sa hangarin namin na simulan ang isang bagong taon, isang bagong dekada, ng buong kagalakan, nagpasiya kami na sa 2020 ay aming “aariin ito ng buong kagalakan.” Malakas ang naging pakiramdam namin tungkol dito kaya niregaluhan namin noong nakaraang Pasko ang aming mga kapatid ng mga T-shirt na natatatakan ng malalaking letra na nagsasabing, “Ariin Ito ng Buong Kagalakan.” Tiyak na magiging isang taon ng kagalakan at kasiyahan ang taong 2020.

Ito ngayon tayo—sa halip, nagdulot ang 2020 ng pandaigdigang pandemya na COVID-19, kaguluhan sa bayan, at mas maraming kalamidad na dulot ng kalikasan, at mga hamon sa ekonomiya. Maaaring binibigyan tayo ng panahon ng ating Ama sa Langit na pakaisipin at pag-aralan ang pang-unawa natin tungkol sa pagtitiis at ating mga sadyang desisyong piliing magalak.

Ang aklat ni Santiago ay nagkaroon na ng bagong kahulugan para sa amin mula noon. Sa pagpapatuloy sa Santiago, kabanata 1, mga talata 3 at 4,:

“Yamang inyong nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis.

“At inyong hayaan na malubos ng pagtitiis ang gawa nito, upang kayo’y maging sakdal at ganap, na walang anumang kakulangan.”

Sa mga pagsisikap naming matagpuan ang kagalakan sa gitna ng aming mga pagsubok, nakalimutan namin, na ang pagkakaroon ng pagtitiis ay susi upang hayaang magbunga ang mga pagsubok na iyon para sa aming ikabubuti.

Itinuro ni haring Benjamin na hubarin ang pagiging likas na tao at maging “banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at [maging] katulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay” (Mosias 3:19).

Itinuturo sa kabanata 6 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ang mga pangunahing katangian ni Cristo na matutularan natin: “Ang [pagtitiis o] tiyaga ay ang kakayahang matiis ang pagkaantala, pagsalungat, o paghihirap nang hindi nagagalit, nanghihina ang loob, o nababalisa. Ito ang kakayahang gawin ang kalooban ng Panginoon at tanggapin ang Kanyang itinakdang panahon. Kapag ikaw ay [mapagtiis o] matiyaga, natitiis mo ang mga pagsubok at nakakayanang harapin ang problema nang payapa at puno ng pag-asa” (Preach My Gospel: A Guide to Missionary Service, rev. ed. [2019], 137).

Makikita rin ang lubos na nagagawa ng pagtitiis sa buhay ng isa sa mga naunang disipulo ni Cristo na si Simon, ang Cananeo. Ang mga Zealot ay isang grupo ng mga makabayang Judio na matinding tumututol sa pamamalakad ng mga Romano. Ang kilusan ng mga Zealot ay nagpasimula ng karahasan laban sa mga Romano, sa kanilang mga kapanalig na Judio, at sa mga Saduceo sa pamamagitan ng panloloob para mayroon silang makain at pagsasagawa ng iba pang mga aktibidad upang itaguyod ang kanilang layunin (tingnan sa Encyclopedia Britannica, “Zealot,” britannica.com). Si Simon, ang Cananeo ay isang Zealot (tingnan sa Lucas 6:15). Ilarawan sa isipan kung paano sinubukang sabihan ni Simon ang Tagapagligtas na mag-alsa, mamuno ng isang militanteng grupo, o lumikha ng gulo sa Jerusalem. Itinuro ni Jesus:

“Mapapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang lupa. …

“Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila’y kahahabagan. …

“Mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos” (Mateo 5:5, 7, 9).

Maaaring niyakap at itinaguyod ni Simon ang kanyang pilosopiya nang masigasig at nag-aalab ang damdamin, ngunit makikita sa mga banal na kasulatan na sa pamamagitan ng impluwensya at halimbawa ng Tagapagligtas, ang kanyang pinagtutuunan ay nagbago. Ang pagiging disipulo ni Cristo ang naging pinakasentrong pinagtutuunan ng mga pagsisikap niya sa buhay.

Kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan sa Diyos, matutulungan tayo ng Tagapagligtas na “isilang na muli; oo, isilang sa Diyos, nagbago mula sa [isang] makamundo at pagkahulog na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan, na tinubos ng Diyos, naging kanyang mga anak na lalaki at babae” (Mosias 27:25).

Sa lahat ng masigasig na pinagsisikapan natin sa ating panahon, sa pakikisalamuha, relihiyon, at pulitika, hayaang ang pagiging disipulo ni Jesucristo ang maging pinaka-hayagan at paninindigan natin sa lahat. “Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din naman ang iyong puso” (Mateo 6:21). Huwag din nating kalilimutan, kahit matapos na “nagampanan ang kalooban ng Diyos,” ng matatapat na disipulo, “kailangan [nila] ng pagtitiis” (Mga Hebreo 10:36).

Gaya ng pagsubok sa ating pananampalataya na pumupukaw sa pagtitiis sa kaloob-looban natin, kapag naging mapagtiis tayo, lumalaki ang ating pananampalataya. Kapag lumalaki ang ating pananampalataya, gayundin ang ating kagalakan.

Nitong nakaraang Marso, ang pangalawa naming anak na si Emma, tulad ng iba pang mga missionary ng Simbahan, ay sumailalim sa mandatory isolation. Maraming missionary ang umuwi. Maraming missionary ang naghintay na ma-reassign. Marami ang hindi nakatanggap ng kanilang mga pagpapala sa templo bago makaalis papunta sa lugar kung saan sila maglilingkod. Salamat, mga elder at sister. Mahal namin kayo.

Si Emma at ang kompanyon niya sa Netherlands ay dumaan sa pagsubok sa unang mga ilang linggong iyon—pagsubok na iniyakan sa maraming pagkakataon. Sa kakaunting oportunidad para sa personal na pagkikita at limitadong pakikipag-ugnayan sa labas, ang pagsandig ni Emma sa Diyos ay lumakas. Kasabay namin siyang nanalangin online at nagtanong kung paano kami makatutulong. Hiniling niya sa aming makipag-ugnayan sa mga kaibigang tinuturuan niya online!

Sinimulan ng pamilya naming makipag-ugnayan online, nang isa-isa, sa mga kaibigan ni Emma sa Netherlands. Inanyayahan namin silang sumali sa aming online na lingguhang pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin kasama ang mga kaanak. Lahat, sina Floor, Laura, Renske, Freek, Benjamin, Stal, at Muhammad ay naging mga kaibigan namin. Ilan sa mga kaibigan namin mula sa Netherlands ay pumasok “sa makipot na pasukan” (3 Nephi 14:13). Sa iba pa ay ipinapakita “[ang] kakiputan ng landas, at [ang] kakitiran ng pasukan, na kanilang dapat pasukin” (2 Nephi 31:9). Sila ay ating mga kapatid kay Cristo. Bawat linggo, aming “aariin ito ng buong kagalakan” habang sama-sama kaming gumagawa sa aming pagprogreso sa landas ng tipan.

Aming “hahayaang malubos ng pagtitiis ang gawa nito” (Santiago 1:4) sa hindi natin magawang pagkikita nang personal bilang magkakapamilya sa ward ng ilang panahon. Inaari naming kagalakan ng aming pamilya ang pagpapalakas ng pananampalataya sa pamamagitan ng mga koneksyon sa bagong teknolohiya at sa pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ng Aklat ni Mormon.

Nangako si Pangulong Russell M. Nelson na, “Ang patuloy ninyong pagsisikap sa adhikaing ito—kahit sa mga sandali na maaaring dama ninyo na di kayo matagumpay—ay magpapabago sa inyong buhay, sa inyong pamilya, at sa mundo” (“Humayo Nang May Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2020, 114).

Kung saan tayo gumagawa ng mga sagradong tipan sa Diyos—ang templo—ay pansamantalang sarado. Kung saan tayo tumutupad sa mga tipan sa Diyos—ang tahanan—ay bukas! May mga oportunidad tayo sa tahanan na pag-aralan at pagnilayan ang natatanging kagandahan ng mga tipan sa templo. Kahit pa sa kawalan ng pagkakataong makapasok sa sagradong pisikal na lugar na iyon, ang ating “mga puso … ay labis na magsasaya bunga ng mga pagpapalang ibubuhos” (Doktrina at mga Tipan 110:9).

Marami ang nawalan ng trabaho; ang iba ay nawalan ng oportunidad. Nagagalak kami, gayunman, kasama ni Pangulong Nelson, na nagsabi kamakailan lamang: “Ang boluntaryong mga fast offering mula sa ating mga miyembro ay talagang nadagdagan, pati na ang boluntaryong mga kontribusyon sa ating mga pondong para sa kawanggawa. … Sama-sama nating malalagpasan ang taghirap na panahong ito. Pagpapalain kayo ng Panginoon sa patuloy na pagpapala ninyo sa iba” (Facebook page ni Russell M. Nelson, mula sa post noong Aug. 16, 2020, facebook.com/russell.m.nelson).

“Lakasan ninyo ang inyong loob” ang utos mula sa Panginoon, hindi ang matakot nang husto (Mateo 14:27).

Kung minsan naiinip tayo kapag sa palagay natin ay “ginagawa natin ang lahat nang tama” at hindi pa rin natin natatanggap ang mga pagpapalang nais natin. Lumakad si Enoc na kasama ang Diyos sa loob ng 365 taon bago siya nagbagong-kalagayan at ang kanyang mga tao. Tatlong daan at animnapu’t limang taon na pagsisikap na gawin ang lahat nang tama, at pagkatapos nangyari iyon! (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:49.)

Ang pagkamatay ng kapatid kong si Chad ay nangyari ilang buwan lamang matapos kaming ma-release mula sa pamumuno sa Utah Ogden Mission. Himala na habang naninirahan kami sa Southern California, sa lahat ng 417 na mga mission kung saan kami maaaring maitalaga noong taong 2015, kami ay itinalaga sa northern Utah. Ang mission home ay 30 minutong pagmamaneho ang layo sa tahanan ni Chad. Nasuri ang cancer ni Chad matapos naming matanggap ang aming mission assignment. Kahit sa pinakamahirap na katayuan, alam namin na naalala kami ng ating Ama sa Langit at tinutulungan kaming magkaroon ng kagalakan.

Nagpapatotoo ako sa mapantubos, nakalilinis, mapagpakumbaba, at nakagagalak na kapangyarihan ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Nagpapatotoo ako na kapag nananalangin tayo sa ating Ama sa Langit sa pangalan ni Jesus, sasagutin Niya tayo. Nagpapatotoo ako na kapag tayo ay nakikinig, at tumatalima sa tinig ng Panginoon at ng Kanyang buhay na propeta na si Pangulong Russell M. Nelson, magagawa nating “hayaang malubos ng pagtitiis ang gawa nito” at “ariin ito ng buong kagalakan.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.