2020
Pahayag tungkol sa Seremonya sa Templo
Nobyembre 2020


Pahayag tungkol sa Seremonya sa Templo

Ang Unang Panguluhan ay naglabas ng sumusunod na mensahe noong Hulyo 20, 2020, tungkol sa mga pagbabago sa seremonya ng endowment sa templo:

“Ang mga sagradong turo, pangako, at seremonya sa templo ay mula pa noong unang panahon, at itinutuon ang mga anak ng Diyos sa Kanya kapag sila ay gumagawa pa ng mga karagdagang tipan at natututo pa tungkol sa Kanyang plano, kabilang na ang papel na ginagampanan ng Tagapagligtas na si Jesucristo.

“Sa pamamagitan ng inspirasyon, ang mga paraan ng pagtuturo sa templo ay nagbago nang maraming beses, maging kamakailan lang, upang tulungan ang mga miyembro na mas maunawaan at maipamuhay ang natututuhan nila sa loob ng templo.

“Bahagi ng karanasan sa templo ang pagkakaroon ng mga sagradong tipan, o pangako, sa Diyos. Karamihan sa mga tao ay pamilyar sa mga simbolikong gawain na kaakibat ng paggawa ng mga tipang ukol sa relihiyon (tulad ng panalangin, pagbibinyag sa isang tao sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, o paghahawak ng mga kamay sa seremonya ng kasal). Ang gayon ding mga simple at simbolikong gawain ay kasama sa paggawa ng mga tipan sa templo.

“Dahil nagmamalasakit sa lahat at sa hangaring maragdagan ang natututuhan sa templo, pinahintulutan ang ginawang pagbabago kamakailan sa seremonya ng endowment sa templo. Dahil sa kasagraduhan ng mga seremonya sa templo, hinihiling namin sa ating mga miyembro at kaibigan na huwag magbigay ng haka-haka o sumali sa mga pampublikong talakayan tungkol sa mga pagbabagong ito. Sa halip, inaanyayahan namin ang mga miyembro ng Simbahan na patuloy na asamin ang araw na makababalik sila at lubos na makakabahagi sa sagradong gawain sa templo nang may panalangin at pasasalamat.”