2020
Sinubok, Napatunayan, at Pinino
Nobyembre 2020


15:59

Sinubok, Napatunayan, at Pinino

Ang pinakamalaking pagpapala na darating kapag pinatunayan natin ang ating sarili na matapat sa ating mga tipan sa panahon ng ating mga pagsubok ay ang pagbabago sa ating likas na pagkatao.

Minamahal kong mga kapatid, nagpapasalamat akong makapagsalita sa inyo ngayon. Umaasa akong makapagbigay ng panghihikayat kapag ang buhay ay tila napakahirap at walang-katiyakan. Para sa ilan sa inyo, ang panahong iyon ay ngayon. Kung hindi, ang panahong iyon ay darating.

Iyan ay hindi isang mapanglaw na pananaw. Ito ay makatotohanan—gayunman ay isang positibong pananaw—dahil sa layunin ng Diyos sa Paglikha ng mundong ito. Ang layuning iyon ay para bigyan ang Kanyang mga anak ng pagkakataong patunayan ang kanilang sarili na kaya at handa nilang piliin ang tama kapag mahirap itong gawin. Sa paggawa nito, ang kanilang likas na pagkatao ay mababago at makakaya nilang maging mas katulad Niya. Alam Niyang mangangailangan ito ng hindi natitinag na pananampalataya sa Kanya.

Karamihan sa nalalaman ko ay mula sa aking pamilya. Noong mga walong taong gulang ako, ako at ang kuya ko ay inutusan ng matalino kong ina na samahan siyang magbunot ng damo sa hardin sa likod-bahay namin. Ngayon, parang madaling gawain ito, pero nakatira kami sa New Jersey. Madalas umulan. Ang lupa ay napakaputik. Mas mabilis lumago ang mga damo kaysa sa mga gulay.

Naaalala ko ang pagkadismaya ko nang naputol ang mga damo sa kamay ko habang ang mga ugat nito ay matibay na nakabaon sa makapal na putikan. Hindi nagtagal ang aking ina at kapatid ay nauuna na sa kanilang mga hanay. Habang mas nagsisikap ako, mas lalo nila akong naiiwanan.

“Napakahirap naman!” ang sigaw ko.

Sa halip na makisimpatya, ngumiti ang aking ina at nagsabing, “O, Hal, siyempre mahirap ito. Kailangan itong maging ganito. Ang buhay ay isang pagsubok.”

Sa sandaling iyon, alam kong ang kanyang mga salita ay totoo at mananatiling totoo sa aking hinaharap.

Ang dahilan ng magiliw na ngiti ni Inay ay naging malinaw pagkalipas ng mga taon nang mabasa ko ang pagsasalita ng Ama sa Langit at ng Kanyang Bugtong na Anak tungkol sa Kanilang layunin sa paglikha ng daigdig na ito at pagbibigay sa mga espiritung anak ng pagkakataong mabuhay bilang mortal:

“At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos;

“At sila na mga nakapanatili sa kanilang unang kalagayan ay madaragdagan; at sila na mga hindi nakapanatili sa kanilang unang kalagayan ay hindi magtatamo ng kaluwalhatian sa yaon ding kaharian na kasama ng mga yaong nakapanatili sa kanilang unang kalagayan; at sila na mga nakapanatili sa kanilang ikalawang kalagayan ay magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan.”1

Kayo at ako ay tumanggap sa paanyayang iyon na subukin at patunayan na pipiliin nating sundin ang mga kautusan ng Diyos kapag wala na tayo sa piling ng ating Ama sa Langit.

Sa kabila ng gayong mapagmahal na paanyaya mula sa ating Ama sa Langit, nahikayat ni Lucifer ang ikatlong bahagi ng mga espiritung anak na sumunod sa kanya at tanggihan ang plano ng Ama para sa ating paglago at walang-hanggang kaligayahan. Dahil sa paghihimagsik ni Satanas, siya ay pinalayas kasama ng kanyang mga tagasunod. Ngayon, sinusubukan niyang pasuwayin sa Diyos ang lahat ng kaya niyang pasuwayin dito sa mortal na buhay.

Tayo na tumanggap ng plano ay ginawa ito dahil sa ating pananampalataya kay Jesucristo, na nag-alok na maging ating Tagapagligtas at Manunubos. Malamang na naniwala tayo noon na anumang kahinaang mortal na magkakaroon tayo, at anumang masasamang puwersa ang kumalaban sa atin, ang puwersa ng kabutihan ay magiging labis na mas malakas.

Mahal at kilala kayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Nais Nila kayong makabalik sa Kanila at maging katulad Nila. Ang inyong tagumpay ay Kanilang tagumpay. Nadama na ninyong pinagtibay ang pagmamahal na iyon ng Espiritu Santo nang mabasa o marinig ninyo ang mga salitang ito, “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”2

Ang Diyos ay may kapangyarihang gawing mas madali ang ating landas. Pinakain Niya ng manna ang mga anak ni Israel sa kanilang paglalakbay patungo sa lupang pangako. Sa Kanyang mortal na ministeryo, pinagaling ng Panginoon ang may sakit, binuhay ang patay, at pinayapa ang dagat. Matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, binuksan Niya “ang bilangguan sa kanila na nakagapos.”3

Gayunman ang Propetang Joseph Smith, ang isa sa pinakadakila sa Kanyang mga propeta, ay nagdusa sa bilangguan at tinuruan ng aral na pakikinabangan at kakailanganin nating lahat sa ating paulit-ulit na mga pagsubok ng pananampalataya: “At kung ikaw ay itatapon sa hukay, o sa mga kamay ng mga mamamatay-tao, at ang kahatulan ng kamatayan ay ihahatol sa iyo; kung ikaw ay itapon sa kalaliman; kung ang dumadaluyong na alon ay magkaisa laban sa iyo; kung ang malakas na hangin ay iyong maging kaaway; kung ang kalangitan ay magtipon ng kadiliman, at ang lahat ng elemento ay magsama-sama upang harangan ang daan; at higit sa lahat, kung ang pinakapanga ng impiyerno ay ibubuka nang malaki ang bibig sa iyo, alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.”4

Maaaring makatwiran ninyong pag-isipan kung bakit pinahihintulutan ng mapagmahal at lubos na makapangyarihang Diyos na maging napakahirap ng ating mortal na pagsubok. Ito ay dahil nalalaman Niyang kailangan nating umunlad sa espirituwal na kalinisan at lakas upang magawa nating mamuhay sa Kanyang piling bilang mga pamilya magpakailanman. Upang maging posible ito, binigyan tayo ng Ama sa Langit ng isang Tagapagligtas at ng kapangyarihang pumili para sa ating sarili sa pamamagitan ng pananampalataya na sundin ang Kanyang mga kautusan at magsisi at pagkatapos ay lumapit sa Kanya.

Nakasentro sa plano ng kaligayahan ng Ama ang ating pagiging mas katulad ng Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo. Sa lahat ng bagay, ang halimbawa ng Tagapagligtas ang ating pinakamainam na gabay. Kinailangan ring patunayan ni Jesucristo ang Kanyang sarili. Nagtiis Siya para sa lahat ng anak ng Ama sa Langit at nagbayad para sa halaga ng lahat ng ating mga kasalanan. Nadama Niya ang pagdurusa ng lahat ng isinilang at isisilang sa mortalidad.

Kapag iniisip ninyo kung gaano kasakit ang makakaya ninyong pagtiisang mabuti, alalahanin Siya. Pinagdusahan Niya ang pinagdurusahan ninyo upang malaman Niya kung paano kayo maiaangat. Maaaring hindi Niya alisin ang inyong pasanin, pero bibigyan Niya kayo ng lakas, kapanatagan, at pag-asa. Alam Niya ang daan. Ininom Niya ang mapait na saro. Tiniis Niya ang pagdurusa ng lahat.

Kayo ay binubusog at pinapanatag ng isang mapagmahal na Tagapagligtas, na nakaaalam kung paano kayo matutulungan sa anumang mga pagsubok na inyong nararanasan. Itinuro ni Alma:

“At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.

“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.”5

Ang isang paraan na matutulungan Niya kayo sa oras ng pangangailangan ay ang madalas na pag-anyaya sa inyo na alalahanin Siya at lumapit sa Kanya. Hinikayat Niya tayo:

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako’y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.”6

Ang paraan para lumapit sa Kanya ay ang magpakabusog sa Kanyang mga salita, manampalataya tungo sa pagsisisi, piliin na mabinyagan at makumpirma ng Kanyang awtorisadong lingkod, at pagkatapos ay tuparin ang inyong mga tipan sa Diyos. Ipinadadala Niya ang Espiritu Santo para maging kasama, tagapanatag, at gabay ninyo.

Kapag namumuhay kayo nang marapat para sa kaloob na Espiritu Santo, magagabayan kayo ng Panginoon sa kaligtasan kahit na hindi ninyo alam ang gagawin. Para sa akin, madalas ay ipinakikita Niya ang susunod na mga dapat gawin. Bihira Niya akong bigyan ng bahagyang pag-unawa o kaalaman ukol sa malayong hinaharap, ngunit kahit ang mga madadalang na pagkakataong iyon ay gumagabay sa kung ano ang pipiliin ko sa araw-araw na buhay.

Ipinaliwanag ng Panginoon:

“Hindi ninyo mamamasdan ng inyong likas na mga mata, sa kasalukuyan, ang balangkas ng inyong Diyos hinggil sa mga bagay na yaon na darating pagkaraan nito, at ang kaluwalhatiang susunod … maraming kapighatian.

“Sapagkat pagkatapos ng maraming kapighatian [ay] darating ang mga pagpapala.”7

Ang pinakamalaking pagpapala na darating kapag pinatunayan natin ang ating sarili na matapat sa ating mga tipan sa panahon ng ating mga pagsubok ay ang pagbabago sa ating likas na pagkatao. Sa ating pagpili na tuparin ang ating mga tipan, ang kapangyarihan ni Jesucristo at ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala ay magkakabisa sa atin. Ang ating puso ay mapalalambot para magmahal, magpatawad, at mag-anyaya sa iba na lumapit sa Tagapagligtas. Ang ating tiwala sa Panginoon ay lumalago. Ang ating mga takot ay nababawasan.

Ngayon, kahit na may gayong mga pagpapalang ipinangako sa pamamagitan ng paghihirap, hindi natin hinahangad ang paghihirap. Sa mortal na karanasan, mayroon tayong pagkakataon na mapatunayan ang ating sarili, makapasa sa mga pagsubok na may sapat na hirap para maging mas katulad tayo ng Tagapagligtas at ng ating Ama sa Langit.

Bukod dito, kailangan nating pansinin ang paghihirap ng iba at subukang tumulong. Iyan ay magiging lalong mahirap kapag tayo mismo ay labis ring sinusubok. Ngunit matutuklasan natin na kapag pinagagaan natin ang pasanin ng iba, nang kahit kaunti, ang ating mga likod ay napalalakas at nakakakita tayo ng liwanag sa kadiliman.

Sa ganitong bagay, ang Panginoon ang ating Huwaran. Sa krus ng Golgota, matapos magdusa ng labis na sakit na maaaring ikinamatay Niya kung hindi Siya ang Bugtong na Anak ng Diyos, tiningnan Niya ang mga papatay sa Kanya at sinabi sa Kanyang Ama, “Patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”8 Habang nagdurusa para sa lahat ng nabuhay at mabubuhay, tiningnan Niya mula sa krus si Juan at ang Kanyang sariling namimighating ina at naglingkod sa kanya sa gitna ng kanyang pagsubok:

“Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang alagad na kanyang minamahal, na nakatayong katabi niya ay sinabi niya sa kanyang ina, ‘Babae, narito ang iyong anak!

“Pagkatapos ay sinabi niya sa alagad, ‘Narito ang iyong ina! At mula noon ay dinala siya ng alagad sa kanyang sariling tahanan.”9

Sa Kanyang mga ginawa sa pinakasagradong mga araw na iyon, kusa Niyang ibinigay ang Kanyang buhay sa bawat isa sa atin, naghahandog hindi lamang ng tulong sa buhay na ito kundi buhay na walang-hanggan sa panahong darating.

Nakamalas na ako ng mga taong gumawa ng kamangha-manghang bagay sa pagpapatunay ng kanilang katapatan sa gitna ng matitinding pagsubok. Sa buong Simbahan ngayon ay mayroong mga halimbawa. Ang mga tao ay nagpapakumbaba dahil sa paghihirap. Sa kanilang matapat na pagtitiis at pagsisikap, sila ay nagiging mas katulad ng Tagapagligtas at ng ating Ama sa Langit.

Natutuhan ko ang isa pang aral mula sa aking ina. Noong bata pa, nagkaroon siya ng diphtheria at muntik nang mamatay. Kinalaunan ay nagkaroon siya ng spinal meningitis. Maagang namatay ang kanyang ama, at dahil dito ang aking ina at ang kanyang mga kapatid na lalaki ay tumulong sa kanilang ina.

Sa buong buhay niya, naramdaman niya ang mga epekto ng mga problema sa kalusugan. Sa huling 10 taon ng kanyang buhay, kailangan siyang maoperahan ng ilang beses. Ngunit sa kabila ng lahat, pinatunayan niya ang katapatan sa Panginoon, kahit na siya ay nakaratay sa higaan. Ang larawan lamang ng Tagapagligtas ang nasa dingding ng kanyang kuwarto. Ang huling salita Niya sa akin ay ito: “Hal, parang sisipunin ka. Dapat alagaan mo ang sarili mo.”

Sa kanyang libing, ang huling tagapagsalita ay si Elder Spencer W. Kimball. Matapos magsalita tungkol sa kanyang mga pagsubok at sa kanyang katapatan, sinabi niya ang mahalagang bagay na ito: “Ang ilan sa inyo ay maaaring nag-iisip kung bakit kailangang magdusa si Mildred nang labis at nang napakatagal. Sasabihin ko sa inyo kung bakit. Ito ay dahil nais ng Panginoon na pinuhin pa siya nang kaunti.”

Ipinahahayag ko ang aking pasasalamat sa maraming matatapat na miyembro ng Simbahan ni Jesucristo na dinadala ang mga pasanin nang may matatag na pananampalataya at tumutulong sa iba na pasanin ang sa kanila habang hinahangad ng Panginoon na pinuhin pa sila nang kaunti. Ipinahahayag ko rin ang pagmamahal at paghanga sa mga tagapag-alaga at mga pinuno sa buong mundo na naglilingkod sa iba habang tinitiis nila at ng kanilang pamilya ang ganitong pagpipino.

Pinatototohanan ko na tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin. Nararamdaman ko ang pagmamahal ni Pangulong Russell M. Nelson para sa lahat. Siya ang propeta ng Panginoon sa mundo ngayon. Pinatototohanan ko ito sa banal na pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.