Elder Brent H. Nielson
Panguluhan ng Pitumpu
Isa sa mahahalagang aral na natutuhan ni Elder Brent H. Nielson matapos lisanin ng isang miyembro ng kanilang pamilya ang Simbahan nang ilang taon ay na kailangan ng lahat ng anak ng Diyos ang pagmamahal ng Tagapagligtas at ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Habang pinag-aaralan ang Lucas 15 kasama ang kanyang pamilya sa panahong iyon, narinig ni Elder Nielson ang talinghaga tungkol sa alibughang anak sa ibang paraan.
“Sa [ilang] dahilan, parang ako ang anak na hindi nilisan ang tahanan. … Nang umagang iyon, natanto ko na sa ilang kaparaanan [na] ako ang alibughang anak,” sabi niya. “Lahat tayo ay hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Ama (tingnan sa Mga Taga Roma 3:23). Kailangan nating lahat ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na magpapagaling sa atin. Lahat tayo ay nawala at kailangang matagpuan.”1
Si Elder Brent Hatch Nielson ay sinang-ayunan bilang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu noong Oktubre 3, 2020, kasunod ng pag-release kay Elder L. Whitney Clayton, na pinagkalooban ng emeritus status.
Si Elder Nielson ay ipinanganak sa Burley, Idaho, USA, noong Disyembre 8, 1954. Noong binata pa siya, nagmisyon siya sa Finland. Pinakasalan niya si Marcia Ann Bradford noong Hunyo 1978 sa Salt Lake Temple. Sila ay may anim na anak.
Nagtapos si Elder Nielson ng bachelor of arts degree in English sa Brigham Young University noong 1978. Noong 1981 tumanggap siya ng juris doctor degree mula sa University of Utah. Pagkatapos ay nagtrabaho siya bilang abugado at partner sa isang law firm sa Twin Falls, Idaho, USA, nang halos 30 taon.
Si Elder Nielson ay naglingkod bilang counselor sa Pacific Area at sa Philippines Area at bilang Philippines Area President. Mula 2015 hanggang 2020, naglingkod siya bilang Executive Director of the Missionary Department.
Bago siya tinawag bilang General Authority Seventy noong Abril 2009, naglingkod siya bilang ward Young Men president, bishop, high councilor, counselor sa stake presidency, stake president, at Area Seventy sa Idaho Area.