Kapangyarihang Makapagtiis
Tanging pananampalataya at salita ng Diyos ang makapupuspos sa kaibuturan ng ating kaluluwa nang sapat upang suportahan tayo—at tulutan tayong magamit ang Kanyang kapangyarihan.
Sa pagrerebyu sa mga turo ng ating mahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson, natagpuan ko ang isang salita na madalas niyang gamitin sa maraming mensahe. Ang salitang ito ay kapangyarihan.
Sa unang pangkalahatang kumperensya matapos siyang sang-ayunan bilang Apostol, nagsalita si Pangulong Nelson tungkol sa kapangyarihan.1 Patuloy siyang nagturo tungkol sa kapangyarihan sa paglipas ng mga taon. Mula nang sang-ayunan natin si Pangulong Nelson bilang ating propeta, nagturo na siya tungkol sa alituntunin ng kapangyarihan—lalo na ang kapangyarihan ng Diyos—at kung paano natin ito magagamit. Itinuro na niya kung paano natin magagamit ang kapangyarihan ng Diyos sa paglilingkod natin sa iba,2 paano inaanyayahan ng pagsisisi ang kapangyarihan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala sa ating buhay,3 at paano pinagpapala ng priesthood—ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos—ang lahat ng gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Kanya.4 Pinatotohanan ni Pangulong Nelson na ang kapangyarihan ng Diyos ay dumadaloy sa lahat ng tumanggap ng endowment sa templo na tumutupad ng kanilang mga tipan.5
Naantig ako lalo na sa isang hamong ibinigay ni Pangulong Nelson sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2020. Pinagbilinan niya tayo na “mag-aral at manalangin upang mas marami pang matutuhan tungkol sa kapangyarihan at kaalaman na ipinagkaloob sa inyo—o ipagkakaloob pa lang sa inyo.”6
Bilang tugon sa hamong ito, nag-aral ako at nanalangin at natutuhan ko ang ilang bagay na kapaki-pakinabang tungkol sa kapangyarihan at kaalamang naipagkaloob sa akin—o ipagkakaloob pa lamang sa akin.
Ang pag-unawa sa dapat nating gawin upang magamit ang kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay ay hindi madali, pero nalaman ko na magagawa ito kung pag-aaralan natin ito sa ating isipan at ipagdarasal na liwanagan tayo ng Espiritu Santo.7 Nagbigay ng malinaw na kahulugan si Elder Richard G. Scott kung ano ang kapangyarihan ng Diyos: ito ang “lakas na magawa ang higit pa sa magagawa nating mag-isa.”8
Ang pagpuspos sa ating puso at maging sa ating kaluluwa ng salita ng Diyos at ng pundasyon ng pananampalataya kay Jesucristo ay mahalaga sa paggamit ng kapangyarihan ng Diyos para tulungan tayo sa mahihirap na panahong ito. Kapag hindi natin itinimo nang malalim ang salita ng Diyos at ang pananampalataya kay Jesucristo sa ating puso, maaaring mabigo ang ating mga patotoo at pananampalataya, at maaaring hindi natin magamit ang kapangyarihang nais ibigay sa atin ng Diyos. Hindi sapat ang paimbabaw na pananampalataya. Tanging pananampalataya at salita ng Diyos ang makapupuspos sa kaibuturan ng ating kaluluwa nang sapat upang suportahan tayo—at tulutan tayong magamit ang Kanyang kapangyarihan.
Habang pinalalaki namin ni Sister Johnson ang aming mga anak, hinikayat namin ang lahat sa kanila na matutong tumugtog ng isang instrumentong musikal. Pero pinayagan lamang naming kumuha ng music lessons ang aming mga anak kung gagawin nila ang kanilang bahagi at magpapraktis ng kanilang instrumento bawat araw. Isang Sabado, sabik nang makipaglaro ang aming anak na si Jalynn sa kanyang mga kaibigan, pero hindi pa siya nakapagpraktis ng piyano. Batid na nangako siyang magpapraktis nang 30 minuto, binalak niyang gumamit ng timer, dahil ayaw niyang lumagpas ng kahit isang minuto ang pagpapraktis niya.
Pagdaan niya sa microwave oven papunta sa piyano, tumigil siya sandali at pinindot ang ilang button. Pero sa halip na mai-set ang timer, nai-set niya ang microwave sa cook nang 30 minuto at pinindot ang start. Matapos magpraktis nang 20 minuto, bumalik siya sa kusina para tingnan kung ilang minuto pa ang natitira at nakita niyang nasusunog ang microwave.
Sa gayo’y tumakbo siya sa likod-bahay kung saan ako gumagawa, habang sumisigaw na nasusunog ang bahay. Mabilis akong tumakbo papasok ng bahay, at totoo nga, nakita kong nagliliyab ang microwave oven.
Sa pagsisikap na hindi masunog ang bahay namin, tinanggal ko sa saksakan ang microwave, at ginamit ang power cord para iangat ang microwave mula sa counter. Umaasang maging bayani at makakita ng solusyon para iligtas ang bahay namin, pinaikut-ikot ko ang nagliliyab na microwave gamit ang power cord para ilayo ito sa katawan ko, nakarating ako sa likod-bahay, at sa isa pang pagpapaikot ay initsa ko ang microwave papunta sa damuhan. Doon namin naapula ang nagliliyab na apoy gamit ang isang hose.
Ano ang nangyaring mali? Kailangan ng microwave oven ng isang bagay na tatanggap sa enerhiya nito, at kung walang anumang bagay sa loob nito na tatanggap sa enerhiya, ang oven mismo ang tatanggap sa enerhiya, mag-iinit, at maaaring magliyab, at sisirain ang sarili nito hanggang sa masunog at maging abo.9 Nagliyab at nasunog ang buong microwave namin dahil walang anumang bagay sa loob nito.
Gayundin, ang mga may pananampalataya at nakatimo nang malalim sa kanilang puso ang salita ng Diyos ay magagawang tanggapin at daigin ang mga nag-aapoy na sibat, na tiyak na ipadadala ng kaaway upang sirain tayo.10 Kung hindi, ang ating pananampalataya, pag-asa, at pananalig ay maaaring hindi makatagal, at gaya ng microwave oven na walang laman, maaari tayong mapahamak.
Natutuhan ko na kapag nakatimo nang malalim ang salita ng Diyos sa aking kaluluwa, na may kahalong pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, magagamit ko ang kapangyarihan ng Diyos na daigin ang kaaway at anumang maaari niyang ibato sa akin. Sa pagharap natin sa mga hamon, makakaasa tayo sa pangako ng Panginoon na itinuro ni Pablo: “Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan kundi ng espiritu ng kapangyarihan, ng pag-ibig at ng pagpipigil sa sarili.”11
Alam natin na bilang isang bata, ang Tagapagligtas ay “lumaki … , lumakas, napuno ng karunungan, at sumasakanya ang biyaya ng Diyos.”12 Alam natin na habang lumalaki Siya, “lumago si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.”13 At alam natin na nang magsimula na ang Kanyang ministeryo, ang mga nakarinig sa Kanya “[a]y namangha sa kanyang pagtuturo, sapagkat ang kanyang salita ay may kapangyarihan.”14
Sa pamamagitan ng paghahanda, lumago ang kapangyarihan ng Tagapagligtas at nagawa Niyang labanan ang lahat ng tukso ni Satanas.15 Kapag sinunod natin ang halimbawa ng Tagapagligtas at naghanda tayo sa pamamagitan ng pag-aaral ng salita ng Diyos at pagpapalalim ng ating pananampalataya, magagamit din natin ang kapangyarihan ng Diyos upang labanan ang mga tukso.
Sa panahong ito ng hinigpitang pagtitipon kung kaya’t imposible ang regular na pagdalo sa templo, tiniyak ko talaga na patuloy na mag-aral at matuto pa tungkol sa kapangyarihan ng Diyos na napapasaatin kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan sa templo. Katulad ng ipinangako sa panalangin sa paglalaan ng Kirtland Temple, nililisan natin ang templo na taglay ang kapangyarihan ng Diyos.16 Hindi nawawalan ng bisa ang kapangyarihang ipinagkakaloob ng Diyos sa mga gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa templo. Wala ring restriksyon sa paggamit ng kapangyarihang iyon sa panahon ng pandemya. Nababawasan lamang ang Kanyang kapangyarihan sa ating buhay kung bigo tayong tuparin ang ating mga tipan at hindi tayo namumuhay sa paraang patuloy na magpapagindapat sa atin na matanggap ang Kanyang kapangyarihan.
Habang naglilingkod kami ng mahal kong asawa bilang mga mission leader sa Thailand, Laos, at Myanmar, nasaksihan namin mismo ang kapangyarihan ng Diyos na sumasakanila na gumagawa at tumutupad ng mga sagradong tipan sa templo. Ginawang posible ng Temple Patron Assistance Fund na makadalo sa templo ang maraming Banal sa tatlong bansang ito matapos gawin ang lahat ng magagawa nila sa pamamagitan ng personal na sakripisyo at paghahanda. Natatandaan ko na sinalubong ko ang isang grupo ng 20 matatapat na Banal mula sa Laos sa isang airport sa Bangkok, Thailand, para tulungan silang lumipat sa isa pang airport sa Bangkok para makahabol sa eroplanong sasakyan nila papuntang Hong Kong. Tuwang-tuwa ang mga miyembrong ito na sa wakas ay makakapunta na sila sa bahay ng Panginoon.
Nang makita namin ang mabubuting Banal na ito pagbalik nila, kitang-kita ang dagdag na paglago sa ebanghelyo at ang kaakibat na kapangyarihang bunga ng pagtanggap ng kanilang endowment sa templo at pakikipagtipan sa Diyos. Malinaw na lumabas ng templo ang mga Banal na ito na “sakbit ang [Kanyang] kapangyarihan.”17 Ang kapangyarihang ito na magawa ang higit pa kaysa magagawa nilang mag-isa ay nagbigay sa kanila ng lakas na matiis ang mga hamon ng pagiging miyembro ng Simbahan sa kanilang bansang pinagmulan at humayo na dala ang “labis na dakila at maluwalhating balita, sa katotohanan,”18 habang patuloy nilang itinatayo ang kaharian ng Panginoon sa Laos.
Sa panahong hindi tayo nakakadalo sa templo, umasa ba ang bawat isa sa atin sa mga tipang ginawa natin sa templo upang magtakda ng malinaw at di-nagbabagong direksyon sa ating buhay? Ang mga tipang ito, kapag tinupad, ay nagbibigay sa atin ng pananaw at mga aasahan tungkol sa kinabukasan at ng malinaw na determinasyon na maging karapat-dapat na matanggap ang lahat ng naipangako ng Panginoon sa pamamagitan ng ating katapatan.
Inaanyayahan ko kayong hangarin ang kapangyarihang nais ng Diyos na ibigay sa inyo. Pinatototohanan ko na kapag hinangad natin ang kapangyarihang ito, bibiyayaan tayo ng mas malaking pag-unawa sa pagmamahal ng Ama sa Langit para sa atin.
Pinatototohanan ko na dahil mahal tayo ng Ama sa Langit, isinugo Niya ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo upang maging ating Tagapagligtas at Manunubos. Pinatototohanan ko si Jesucristo, Siya na taglay ang lahat ng kapangyarihan,19 sa pangalan ni Jesucristo, amen.