2020
Ang Kultura ni Cristo
Nobyembre 2020


10:9

Ang Kultura ni Cristo

Mapahahalagahan natin ang kani-kanya nating kultura sa mundo at ganap pa ring makababahagi sa walang hanggang kultura na nagmumula sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Lubos na kamangha-mangha ang daigdig na tinitirhan nating lahat, na tahanan ng iba’t ibang uri ng mga tao, wika, kaugalian, at kasaysayan—nagkalat sa mahigit isandaang bansa at libu-libong grupo, bawat isa ay mayaman sa kultura. Napakaraming maipagmamalaki at maipagbubunyi ang sangkatauhan. Bagama’t ito ay pag-uugaling natutuhan natin—yaong mga bagay na nalantad sa atin sa mga kulturang kinalakihan natin—ay maaaring magsilbing malaking kalakasan sa ating buhay, ito rin, kung minsan, ay maaaring maging malaking hadlang.

Tila ang kultura ay malalim nang nakakintal sa ating pag-iisip at pag-uugali kaya imposible na itong mabago. Kung sabagay, halos lahat ng nadarama natin ang naglalarawan sa atin at nagbibigay sa atin ng pagkakakilanlan. Maaaring napakalakas ng impluwensya nito kaya hindi natin nakikita ang mga kahinaan o pagkakamaling gawa ng tao sa ating sariling mga kultura, at bunga nito ay atubili tayong alisin ang ilan sa mga tradisyon ng ating mga ninuno. Ang labis na pagtuon sa sariling kultura ay maaaring maging dahilan ng pagtanggi sa makabuluhan—maaaring makadiyos pa—na mga ideya, katangian, at pag-uugali.

May nakilala akong kahanga-hangang ginoo, ilang taon pa lang ang nakalilipas, na makatutulong na mailarawan ang pangkalahatang alituntuning ito ng maling pagkaunawa tungkol sa kultura. Una ko siyang nakilala sa Singapore nang ma-assign akong home teacher ng kanyang pamilya. Isang kilalang propesor ng Sanskrit at Tamil, nagmula siya sa katimugan ng India. Ang kanyang butihing maybahay at dalawang anak na lalaki ay mga miyembro ng Simbahan, ngunit hindi siya kailanman sumapi at hindi gaanong nakinig sa mga turo ng ebanghelyo. Masaya siya sa nakikitang magagandang nangyayari sa kanyang asawa at mga anak at sinusuportahan sila nang lubos sa kanilang mga gawain at responsibilidad sa Simbahan.

Nang imungkahi kong ituro sa kanya ang mga alituntunin ng ebanghelyo at ibahagi sa kanya ang mga paniniwala natin, tumanggi siya noong una. Matagal bago ko naisip ang dahilan kung bakit: pakiramdam niya kapag nagpaturo siya ay magiging taksil siya sa kanyang nakaraan, sa kanyang mga tao, at sa kanyang kasaysayan! Sa kanyang pananaw, itatatwa niya ang lahat ng tungkol sa kanyang naging pagkatao, lahat ng itinuro ng kanyang pamilya na maging kahinatnan niya, ang kanyang pinakapamana bilang Indiyano. Sa mga sumunod na ilang buwan, nagawa naming mapag-usapan ang mga bagay na ito. Namangha ako (bagama’t hindi nagulat!) kung paano nagawa ng ebanghelyo ni Jesucristo na mabago ang kanyang pananaw.

Karamihan sa mga kulturang gawa ng tao ay kakikitaan ng kapwa mabuti at masama, nakapagpapabuti at nakakapanira.

Marami sa mga problema ng mundo ay resulta mismo ng pagtatalu-talo ng mga taong magkakaiba ang mga ideya at kaugalian na nagmumula sa kanilang kultura. Ngunit sa katunayan lahat ng hidwaan at kaguluhan ay madaling mawawala kung tatanggapin lamang ng mundo ang orihinal na kultura nito, ang kultura na angkin nating lahat ilang panahon pa lamang ang nakalilipas. Ang kulturang ito ay nagsimula sa buhay bago tayo isinilang. Ito ang kultura nina Adan at Enoc. Ito ang kulturang nakasalig sa mga turo ng Tagapagligtas sa kalagitnaan ng panahon, at ito ay maaangking muli ng lahat ng kababaihan at kalalakihan sa ating panahon. Ito’y kakaiba. Ito ang pinakadakila sa lahat ng kultura at nagmumula sa dakilang plano ng kaligayahan, ginawa ng Diyos at sinuportahan ni Cristo. Ito’y nagbubuklod sa halip na naghihiwalay. Ito’y nagpapagaling sa halip na namiminsala.

Itinuturo sa atin ng ebanghelyo ni Jesucristo na may layunin sa buhay. Narito tayo sa mundo hindi dahil sa isang aksidente o pagkakamali sa kalawakan! May dahilan kaya tayo narito.

Ang kulturang ito ay matibay na nakasalig sa patotoo na mayroon tayong Ama sa Langit, na Siya ay tunay at nagmamahal sa bawat isa sa atin. Tayo ang Kanyang “gawain at [Kanyang] kaluwalhatian.” 1 Sinusuportahan nito ang konsepto ng pagkakapantay-pantay ng kahalagahan. Wala itong kinikilalang mga pangkat o uri ng tao. Tayong lahat, sa katunayan, ay magkakapatid, mga espiritung anak ng ating mga magulang sa langit—nang literal. Walang masamang palagay o “tayo laban sa kanila” na mentalidad sa “pinakadakila sa lahat ng kultura.” Tayong lahat ay “tayo.” Tayong lahat ay “sila.” Naniniwala tayo na responsibilidad at pananagutan natin ang ating sarili, ang isa’t isa, ang Simbahan, at ang ating mundo. Ang responsibilidad at pananagutan ay mahalagang bahagi sa ating pag-unlad.

Ang pag-ibig sa kapwa-tao, tunay na pagmamalasakit na tulad ng kay Cristo, ang pundasyon ng kulturang ito. Nakadarama tayo ng tunay na malasakit para sa ating kapwa, sa temporal at espirituwal, at kumikilos ayon sa mga damdaming iyon. Inaalis nito ang masamang palagay at poot sa iba.

Tinatamasa natin ang kultura ng paghahayag, na nakasentro sa salita ng Diyos ayon sa natanggap ng mga propeta (at personal na pinagtitibay sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo). Maaaring malaman ng buong sangkatauhan ang isipan at kalooban ng Diyos.

Sinusuportahan ng kulturang ito ang alituntunin ng pagpili. Ang kakayahang pumili ay napakahalaga para sa ating pag-unlad at kaligayahan. Ang matalinong pagpili ay lubhang kailangan.

Ito ay isang kultura ng pagkatuto at pag-aaral. Naghahangad tayo ng kaalaman at karunungan at ng pinakamainam sa lahat ng bagay.

Ito ay isang kultura ng pananampalataya at pagsunod. Ang pananampalataya kay Jesucristo ay ang unang alituntunin ng ating kultura, at ang pagsunod sa Kanyang mga turo at mga utos ang nagiging resulta nito. Nagdudulot ang mga ito ng disiplina sa sarili.

Ito ay kultura ng panalangin. Naniniwala tayo na hindi lamang tayo pakikinggan ng Diyos kundi tutulungan din tayo.

Ito ay kultura ng mga tipan at ordenansa, mataas na mga pamantayan ng moralidad, sakripisyo, pagpapatawad at pagsisisi, at pag-aalaga sa templo ng ating mga katawan. Lahat ng ito ay nagpapatunay ng ating katapatan sa Diyos.

Ito ay kulturang pinamamahalaan ng priesthood, ang awtoridad na kumilos sa pangalan ng Diyos, ang kapangyarihan ng Diyos na pagpalain ang Kanyang mga anak. Ito ay nagbibigay ng inspirasyon at kakayahan sa mga indibiduwal na maging mas mabubuting tao, lider, ina, ama, at kompanyon—at pinababanal nito ang tahanan.

Ang tunay na mga himala ay nananagana rito, ang pinakamatanda sa lahat ng kultura, na pinanday ng pananampalataya kay Jesucristo, ng kapangyarihan ng priesthood, panalangin, pagpapabuti ng sarili, tunay na pagbabalik-loob, at pagpapatawad.

Ito ay kultura ng gawaing misyonero. Ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila.

Sa kultura ni Cristo, ang kababaihan ay iniaangat sa kanilang nararapat at pangwalang-hanggang katayuan. Hindi sila sunud-sunuran sa kalalakihan, tulad ng maraming kultura sa mundo ngayon, kundi ganap at pantay na katuwang sa buhay na ito at sa daigdig na darating.

Ang kulturang ito ay pinagtitibay ang kabanalan ng pamilya. Ang pamilya ang pangunahing yunit ng kawalang-hanggan. Ang pagiging perpekto ng pamilya ay sulit sa anumang sakripisyo dahil, ayon sa itinuro, “walang ibang tagumpay na makakatumbas sa kabiguan sa tahanan.” 2 Ang tahanan ay lugar kung saan nagagawa ang pinakamahusay nating gawain at kung saan natatamo ang ating pinakadakilang kaligayahan.

Sa kultura ni Cristo, ay may perspektibo—at pokus at direksyon na pangwalang-hanggan. Ang kulturang ito ay kinapapalooban ng mga bagay na walang katapusan ang kahalagahan! Nagmumula ito sa ebanghelyo ni Jesucristo, na walang hanggan, at ipinapaliwanag ang bakit, ano at saan ng ating buhay. (Ito ay para sa lahat, hindi ekslusibo sa iilan.) Dahil ang kulturang ito ay resulta ng pagsasabuhay natin ng mga turo ng Tagapagligtas, nakatutulong ito na maglaan ng nakagagaling na balsamo na lubhang kailangan ng ating daigdig.

Napakalaking pagpapala na maging bahagi ng dakila at marangal na pamumuhay na ito! Upang maging bahagi nito, ang pinakadakila sa lahat ng kultura, kakailanganin ng pagbabago. Itinuro ng mga propeta na kinakailangang iwan ang anumang bagay sa ating mga lumang kultura na hindi naaayon sa kultura ni Cristo. Ngunit hindi ibig sabihin niyan ay iiwan na natin ang lahat-lahat. Binigyang-diin din ng mga propeta na lahat tayo, bawat isa sa atin, ay inaanyayahan na dalhin ang ating pananampalataya at mga talento at kaalaman—lahat ng mabuti sa ating buhay at kani-kanyang kultura—sa atin, at hayaan ang Simbahan na “magdagdag dito” sa pamamagitan ng mensahe ng ebanghelyo. 3

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi lipunan ng Kanluran o kultural na penomena ng Amerika. Ito ay pandaigdigang simbahan, na ginawang gayon noon pa man. Higit pa riyan, ito ay makalangit. Ang mga miyembro mula sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagdadala ng magagandang katangian, pagkakaiba-iba, at kasiyahan sa ating patuloy na lumalaking pamilya. Ipinagbubunyi at ikinararangal pa rin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang sariling mga pamana at mga bayani, ngunit ngayon ay bahagi na rin sila ng isang bagay na mas dakila. Ang kultura ni Cristo ay nakatutulong sa atin na makita ang ating sarili sa kung sino talaga tayo, at kapag tiningnan ito sa pananaw na pangwalang-hanggan, na nilakipan ng kabutihan, paiigtingin nito ang kakayahan nating maisakatuparan ang dakilang plano ng kaligayahan.

Kaya ano ang nangyari sa aking kaibigan? Tinuruan siya ng mga lesson at sumapi sa Simbahan. Ang kanyang pamilya ay ibinuklod para sa panahong ito at sa kawalang-hanggan sa Sydney Temple. Inalis niya ang kaunti—at nagkaroon siya ng potensyal na matamo ang lahat-lahat. Natuklasan niya na maaari pa rin niyang ipagbunyi ang kanyang kasaysayan, ipagmalaki ang kanyang lipi, kanyang musika at sayaw at literatura, kanyang pagkain, kanyang bayan at ang mga tao nito. Nalaman niya na maaaring isama ang pinakamainam sa kanyang lokal na kultura sa pinakadakila sa lahat ng kultura. Natuklasan niya na ang pagdadala ng mga bagay na nakaayon sa katotohanan at kabutihan mula sa kanyang dating buhay tungo sa kanyang bagong buhay ay magpapaganda lamang lalo ng kanyang pakikipagkaibigan sa mga Banal at makatutulong na pagkaisahin ang lahat bilang isa sa lipunan ng kalangitan.

Tunay ngang mapahahalagahan natin ang pinakamainam sa kani-kanya nating kultura sa mundo at ganap pa ring makababahagi sa pinakamatandang kultura sa lahat ng ito—ang orihinal, ang pinakapangunahin, ang walang hanggang kultura na nagmumula sa ebanghelyo ni Jesucristo. Lubos na kagila-gilalas ang pamanang angkin nating lahat. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.