Ang Walang Katulad na Kaloob ng Anak
Sa pamamagitan ni Jesucristo, makaliligtas tayo sa mga kapighatiang marapat lamang nating maranasan dahil sa ating mga pagkakasala at makakayanan ang mga pagdurusang dulot ng ating mga kasawian sa buhay na ito.
Habang nagbabasa ako ng Aklat ni Mormon para sa isang lesson sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin noong nakaraang tag-init, namangha ako sa sinabi ni Alma na noong ganap na niyang napagtanto ang kanyang mga kasalanan, na “walang ano mang bagay ang kasinghapdi at kasingpait ng [kanyang] mga pasakit.” 1 Inaamin ko, nakuha ang atensyon ko ng pangungusap na iyon tungkol sa walang kasinghapding pasakit dahil na rin sa pakikibaka ko noong linggong iyon dahil sa pitong-milimetrong kidney stone. Kailanman ay wala pang taong nakaranas ng gayong “[napakasakit at napakahirap na] bagay” kapag isang “maliit at karaniwang” bagay ang “naisakatuparan.” 2
Natuon din ang pansin ko sa sinabi ni Alma dahil ang salitang walang [katulad] sa wikang Ingles na salin ng Aklat ni Mormon, ay kadalasang naglalarawan sa mga bagay na pambihira ang ganda o hindi mapapantayan ang kadakilaan. Halimbawa, natatandaan ni Joseph Smith na nakasuot ang anghel na si Moroni ng bata na “napakatingkad ang kaputian,” “kaputiang higit kaysa anumang bagay sa lupa” na nakita na [niya].” 3 Gayunman, ang salitang walang [katulad] ay mangangahulugan din ng kasukdulan para sa nakakikilabot na mga bagay. Kaya nga iniugnay ni Alma at ng mga kilalang diksyunaryo ang walang kasinghapding pasakit sa “pagdurusa,” “giniyagis,” at “pagpapahirap” sa “pinakasukdulang antas.” 4
Ang paglalarawan ni Alma ay sumasalamin sa malinaw na realidad na sa ilang pagkakataon, kinakailangang maramdaman ang lubos, at napakasidhing pag-uusig ng budhi sa bawat kasalanang nagagawa natin. Hinihingi ito ng katarungan, at hindi ito mababago ng Diyos mismo. 5 Nang maalala ni Alma ang “lahat” ng kanyang mga kasalanan—lalo na ang mga yaong sumira sa pananampalataya ng iba—halos hindi niya nakayanan ang sakit na nadama, at ang ideyang tumayo sa harapan ng Diyos ay pinuspos siya ng “hindi maipaliwanag na masidhing takot.” Ninais niyang “mawasak kapwa kaluluwa at katawan.” 6
Gayunman, sinabi ni Alma na nagsimulang magbago ang lahat noong sandaling “naapuhap ng kanyang isipan” ang propesiya tungkol sa “pagparito ng isang Jesucristo … na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan” at siya ay “nagsumamo sa [kanyang] puso: O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako.” Dahil sa isang kaisipan at sa isang pagsusumamong iyon, napuspos si Alma ng “walang kapantay” na kagalakan “na kasingsidhi ng [kanyang] pasakit.” 7
Hindi natin dapat kalimutan kailanman na ang pinakalayunin ng pagsisisi ay pawiin ang tunay na kalungkutan at palitan ito ng wagas na kaligayahan. Salamat sa Kanyang “kagyat na kabutihan,” 8 sa sandaling lumapit tayo kay Cristo—ipinapakita ang pananampalataya sa Kanya at tunay na pagbabago ng kalooban—ang nakadudurog na bigat ng ating mga kasalanan ay nagsisimulang alisin sa atin at ilipat sa Kanya. Nagaganap lamang ito dahil pinagdusahan Niya na walang kasalanan ang “walang-hanggan at hindi mailarawang pagdurusa” 9 ng bawat hibla ng kasalanan sa sandaigdigan ng Kanyang mga nilikha, para sa lahat ng Kanyang mga nilalang—isang pagdurusa na napakasidhi, kaya lumabas ang dugo sa bawat butas ng Kanyang balat. Mula sa sariling karanasan, binabalaan nga tayo ng Tagapagligtas, sa makabagong mga banal na kasulatan, na wala tayong ideya kung gaano “kasidhi” ang magiging “mga pagdurusa” natin kung hindi tayo magsisisi. Ngunit sa di-maarok na kabutihan, nilinaw Niya na “Ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi” 10 —isang pagsisisi na magpapahintulot sa ating “makatikim” ng “labis na kagalakan” na natikman ni Alma. 11 Sa doktrinang ito pa lamang, “Ako ay namangha [na].” 12 Gayunman, ang nakamamangha pa, ay marami pang iniaalok si Cristo.
Kung minsan ang walang kasinghapding pasakit ay hindi nagmumula sa kasalanan kundi mula sa hindi sinadyang mga pagkakamali, mula sa mga ginawa ng iba, o sa mga bagay na hindi natin kayang kontrolin. Sa mga sandaling ganito, maaari tayong mapabulalas na gaya ng matwid na Mang-aawit:
“Ang aking puso ay nagdaramdam sa loob ko: ang mga kilabot ng kamatayan ay bumagsak sa akin.
“… At nadaig ako ng pagkatakot.
“… O kung ako sana’y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati! lilipad ako at magpapahinga.” 13
Makatutulong ang siyensya ng medisina, pagpapayo ng isang propesyonal, o legal na pagtutuwid upang mabawasan ang ganitong mga pagdurusa. Ngunit tandaan, lahat ng mabubuting kaloob—kabilang ang mga ito—ay nagmumula sa Tagapagligtas. 14 Anuman ang sanhi ng ating pinakamatitinding pasakit at kapighatian, iisa lang ang pinakamapagkukunan ng katiwasayan: si Jesucristo. Siya lamang ang may taglay ng lahat ng kapangyarihan at nagpapagaling na balsamo na makapagtutuwid sa bawat pagkakasala, makapagtatama sa bawat pagkakamali, makapagpapabago sa bawat kahinaan, makapagpapagaling sa bawat sugat, at makapagbibigay ng bawat pagpapalang naantala. Tulad ng mga sinaunang saksi, nagpapatotoo ako na “[tayo’y walang] isang pinakapunong pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan” 15 ngunit mayroon tayong isang mapagmahal na Manunubos na bumaba mula sa Kanyang trono sa kaitaasan at humayo na “[nagdaranas] ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso …, upang malaman niya … kung paano tutulungan ang kanyang mga tao.” 16
Sa sinumang dumaranas ngayon ng napakatindi o kakaibang pasakit na sa pakiramdam ninyo ay walang lubos na makauunawa sa mga iyon, maaaring tama kayo riyan. Maaaring walang kapamilya, kaibigan, o priesthood leader—gaano man kasensitibo at kabuti ang bawat isa—ang eksaktong nakaaalam ng inyong nararamdaman o nasasabi ang mismong mga salita na makatutulong sa inyong paggaling. Ngunit dapat ninyong malaman ito: may Isang [Nilalang na] lubos na nakauunawa sa inyong pinagdaraanan, na “higit na makapangyarihan kaysa lahat ng sangkatauhan,” 17 at “makagagawa ng higit na sagana kaysa lahat ng [inyong] hinihingi o iniisip.” 18 Ang proseso ay mangyayari ayon sa Kanyang paraan at sa Kanyang panahon, gayunman laging nakahanda si Cristo na pagalingin ang bawat kaliit-liitan at aspeto ng inyong pagdurusa.
Kapag tinulutan ninyong gawin Niya ito, malalaman ninyo na ang inyong pagdurusa ay may kabuluhan. Sa pagbanggit sa marami sa mga pinakadakilang bayani sa Biblia at sa kanilang mga pagdadalamhati, sinabi ni Apostol Pablo na “naghanda ang Diyos ng lalong mabuting bagay para sa [kanila sa pamamagitan ng kanilang mga pagdurusa], [sapagkat kung walang pagdurusa hindi sila magagawang] sakdal.” 19 Alam ninyo, ang tunay na katangian ng Diyos at layunin ng buhay natin sa mundo ay kaligayahan, 20 ngunit hindi tayo magiging mga perpektong nilalang na dakila ang kagalakan nang walang mga karanasang susubok sa atin, kung minsan sa buong pagkatao natin. Sinabi ni Pablo na maging ang mismong Tagapagligtas ay ginawang “sakdal [o ganap],” magpakailanman, “sa pamamagitan ng mga pagdurusa.” 21 Kaya maging maingat laban sa ibinubulong ni satanas na kung ikaw ay mas mabuting tao, makaiiwas ka sa mga gayong pagsubok.
Kailangan din ninyong paglabanan ang kaugnay nitong kasinungalingan na ang mga pagdurusa ninyo ay nagpapahiwatig na hindi kayo kabilang sa mga pinili ng Diyos, na mga taong tila nakakaranas lamang ng mga pagpapala. Sa halip, tingnan ninyo ang sarili kung paano kayo nakita ni Juan na Tagapaghayag sa kanyang dakilang paghahayag tungkol sa mga huling araw. Sapagkat nakita ni Juan “ang napakaraming tao na di-mabilang ng sinuman, mula sa bawat bansa, at sa lahat ng mga lipi, mga bayan, at mga wika, na nakatayo sa harapan ng trono, at sa harapan ng Kordero, na nakasuot ng mapuputing damit, … [na] nagsisigawan nang may malakas na tinig, na nagsasabi, ang Pagliligtas ay sa aming Diyos.” 22
Nang magtanong, “Ang mga ito na may suot ng mapuputing damit, sino ba sila at saan sila nanggaling?” Natanggap ni Juan ang sagot: “Ang mga ito ang nanggaling sa malaking kapighatian, at naghugas ng kanilang mga damit, at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero.” 23
Mga kapatid, ang pagdurusa sa pagkamatwid ay nakatutulong sa inyo na maging karapat-dapat, sa halip na gawin kayong naiiba, sa mga hinirang ng Diyos. At ang mga pangako sa kanila ay magiging mga pangako sa inyo. Gaya ng ipinahayag ni Juan, kayo ay “hindi na magugutom pa, ni mauuhaw man; ni hindi na [kayo] tatamaan ng araw, o ng anumang nakakapasong init. Sapagkat ang Kordero na nasa gitna ng trono ay siyang magiging pastol [ninyo], at [kayo’y] papatnubayan patungo sa mga bukal ng tubig ng buhay: at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa [inyong] mga mata.” 24
“At hindi na magkakaroon ng kamatayan, hindi na rin magkakaroon pa ng pagdadalamhati, o ng pagtangis man, o ng kirot man.” 25
Pinatototohanan ko sa inyo na sa pamamagitan ng kamangha-manghang kabutihan ni Jesucristo at ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, makaliligtas tayo sa mga kapighatiang marapat lamang nating maranasan dahil sa ating mga pagkakasala at makakayanan ang mga pagdurusang dulot ng ating mga kasawian sa buhay na ito. Sa ilalim ng Kanyang pamamahala, ang inyong banal na tadhana ay magiging isang hindi mapapantayang kadakilaan at hindi mailalarawang kagalakan—isang kagalakang napakatindi at kakaiba sa inyo, na ang kani-kanya ninyong mga “abo” ay magiging kagandahang “higit kaysa anumang bagay sa lupa.” 26 Upang inyong matikman ang kaligayahang ito ngayon at mapuspos nito magpakailanman, inaanyayahan ko kayong gawin ang ginawa ni Alma: patuloy na panatilihin sa inyong isipan ang walang katulad na kaloob ng Anak ng Diyos na inihayag sa pamamagitan ng Kanyang ebanghelyo, sa Kanyang totoo at buhay na Simbahang ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.