2020
Saliksikin si Cristo sa Bawat Pag-iisip
Nobyembre 2020


14:47

Saliksikin si Cristo sa Bawat Pag-iisip

Ang paglaban sa tukso ay nangangailangan ng habambuhay na pagsisikap at pananampalataya. Ngunit nais kong malaman ninyo na handa tayong tulungan ng Panginoon.

Sa kanyang patulang awit ng papuri, ipinahayag ng may-akda ng Mga Awit:

“O Panginoon, siniyasat mo ako at nakilala mo ako.

“Iyong nalalaman kapag ako’y umuupo at kapag ako’y tumatayo; nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo.

“Iyong sinisiyasat ang aking landas at ang paghiga ko, at ang lahat kong mga lakad ay nalalaman mo.”1

Sa semantikong paralelismo ng tulang ito, pinupuri ng may-akda ng Mga Awit ang banal na katangian ng Panginoon na walang-hanggang karunungan dahil talagang alam Niya ang bawat aspeto ng ating mga kaluluwa.2 Nalalaman ang lahat ng kailangan natin sa buhay na ito, inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na sikaping saliksikin Siya sa bawat pag-iisip at sumunod sa Kanya nang buo nating puso.3 Ito ay nagbibigay sa atin ng pangako na maaari tayong magsilakad sa Kanyang liwanag at na pipigilan ng Kanyang patnubay na makapasok ang impluwensya ng kadiliman sa ating buhay.4

Sa pagsasaliksik kay Cristo sa bawat pag-iisip at pagsunod sa Kanya nang buo nating puso, kailangan nating iayon sa Kanya ang ating isipan at mga hangarin.5 Ang pag-aayon na ito ay tinutukoy sa mga banal na kasulatan bilang “[pagpapakatibay] sa Panginoon.”6 Ang planong ito na kumilos ay nagpapahiwatig na patuloy tayong namumuhay nang naaayon sa ebanghelyo ni Cristo at araw-araw tayong nakatuon sa lahat ng bagay na mabuti.7 Saka lang natin matatamo “ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip” at na “mag-iingat ng [ating] mga puso at mga pag-iisip kay Cristo Jesus.”8 Inutusan mismo ng Tagapagligtas ang kalalakihan ng Simbahan noong Pebrero 1831, “Pahalagahan ang mga bagay na ito sa inyong mga puso, at hayaang ang mga kataimtiman ng kawalang-hanggan ay manatili sa inyong mga isipan.”9

Sa kabila ng patuloy nating pagsisikap na saliksikin ang Panginoon, maaari pa ring mapasok ng mga hindi kanais-nais na bagay ang ating isipan. Kapag ang gayong mga bagay ay hinayaan at inanyayahan pa ngang manatili sa ating isipan, maaaring ang mga ito ay makaimpluwensya sa mga hangarin ng ating puso at umakay sa atin sa kahihinatnan natin sa buhay na ito at kalaunan, sa mamanahin natin sa kawalang-hanggan.10 Minsang binigyang-diin ni Elder Neal A. Maxwell ang alituntuning ito sa pagsasabing, “Ang mga hangarin ang [siyang] tumutukoy sa mga pagkakaiba sa kahihinatnan, pati sa dahilan kung bakit ‘marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.’”11

Palagi tayong pinapaalalahanan ng ating mga sinauna at makabagong propeta na paglabanan ang tukso upang maiwasan na manghina ang ating espirituwalidad at malito, maguluhan, at madismaya tayo sa buhay.

Sa matalinghagang pananalita, ang pagpapatangay sa tukso ay tulad ng paglalapit ng isang metal na bagay sa isang magnet. Ang di-nakikitang puwersa ng magnet ang nakakaakit sa metal na bagay at humihila rito nang malakas. Mawawala lang ang kapangyarihan ng magnet sa metal na bagay kapag inilayo iyon sa magnet. Samakatuwid, tulad ng magnet na walang kapangyarihan sa isang metal na bagay na malayo rito, kapag pinaglalabanan natin ang tukso, ito ay naglalaho at nawawalan ng kapangyarihan sa ating puso’t isipan at, dahil dito, maging sa mga ginagawa natin.

Ipinapaalala sa akin ng analohiyang ito ang karanasang ibinahagi sa akin kamakailan ng isang napakatapat na miyembro ng Simbahan. Ikinuwento sa akin ng miyembrong ito na nang magising siya isang umaga, biglang pumasok sa kanyang isipan ang isang hindi kanais-nais na bagay na noon lang niya naisip. Bagama’t talagang ikinagulat niya ito, nilabanan niya ito kaagad, sinasabi sa kanyang sarili at sa kaisipang iyon, “Hindi!” at pinalitan niya ito ng magandang bagay upang malihis ang kanyang isipan mula sa hindi kanais-nais na kaisipan. Sinabi niya sa akin na nang gamitin niya ang kanyang kalayaang pumili sa kabutihan, nawala kaagad ang negatibo at di-sadyang kaisipan na iyon.

Nang manawagan si Moroni sa mga tao na maniwala sila kay Cristo at magsisi, hinimok niya sila na lumapit sa Tagapagligtas nang buo nilang puso, inaalis ang lahat ng kasamaan sa kanilang mga iniisip at ginagawa. Bukod pa rito, inanyayahan sila ni Moroni na hilingin sa Diyos, nang may di-natitinag na determinasyon, na hindi sila mahulog sa tukso.12 Ang pagsasabuhay ng mga alituntuning ito ay nangangailangan ng higit pa sa paniniwala; nangangailangan ito ng pag-aayon ng ating mga puso’t isipan sa mga banal na alituntuning ito. Ang gayong pag-aayon ay nangangailangan ng araw-araw at palagiang personal na pagsisikap, bukod pa sa pag-asa sa Tagapagligtas, dahil hindi basta-bastang mawawala ang ating likas na pagkahilig nang mag-isa. Ang paglaban sa tukso ay nangangailangan ng habambuhay na pagsisikap at pananampalataya. Ngunit nais kong malaman ninyo na handa tayong tulungan ng Panginoon sa ating mga personal na pagsisikap at nangangako Siya ng mga pambihirang pagpapala kung magtitiis tayo hanggang wakas.

Sa isang napakahirap na panahon noong si Joseph Smith at ang kanyang mga kapwa bilanggo sa Piitan ng Liberty ay walang kalayaan maliban sa kanilang mga pag-iisip, ang Panginoon ay nagbigay sa kanila ng nakatutulong na payo at pangako na magagamit din nating lahat:

“Punuin din ang iyong sisidlan ng pag-ibig para sa lahat ng tao, at sa sambahayan ng pananampalataya, at puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; …

“Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan.”13

Sa paggawa nito, patuloy na mapupuspos ng kabanalan ang ating mga isipan at aakayin tayo ng mga dalisay na hangarin tungo sa mabubuting gawain.

Pinaalalahanan din ni Moroni ang kanyang mga tao na huwag magpatangay sa kanilang mga pagnanasa.14 Ang salitang pagnanasa ay tumutukoy sa masidhing pananabik at maling pagnanais sa isang bagay.15 Kabilang dito ang anumang masasamang kaisipan o hangaring nag-uudyok sa isang indibiduwal na magtuon sa mga makasariling gawi o makamundong pag-aari sa halip na gumawa ng mabuti, maging mabait, sundin ang mga kautusan ng Diyos, at iba pa. Madalas itong nakikita sa pinakamasisidhing pagnanais na bigyang-kasiyahan ang laman. Tinukoy ni Apostol Pablo ang ilan sa mga ito, tulad ng “karumihan, kahalayan, … pagtatalo, paninibugho, pagkagalit, … pagkainggit, … at ang mga katulad nito.”16 Bukod pa sa lahat ng masasamang aspeto ng pagnanasa, hindi natin maaaring kalimutan na ginagamit ito ng kaaway bilang isang lihim at mapanlinlang na sandata laban sa atin kapag tinutukso niya tayong gumawa ng mali.

Mahal kong mga kapatid, pinatototohanan ko na kapag umasa tayo sa bato ng kaligtasan, ang Tagapagligtas ng ating mga kaluluwa, at sinunod natin ang payo ni Moroni, talagang mag-iibayo ang kakayahan nating kontrolin ang mga iniisip natin. Matitiyak ko sa inyo na lalago ang ating espirituwalidad nang napakabilis, na binabago ang ating puso at ginagawa tayong higit na katulad ni Jesucristo. Bukod pa riyan, ang impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay ay magiging mas matindi at walang patid. Kaya, ang mga tukso ng kaaway ay unti-unting mawawalan ng kapangyarihan sa atin, na hahantong sa mas masaya at mas dalisay at nakalaan na buhay.

Sa mga yaong sa anumang dahilan ay nahulog sa tukso at patuloy na nag-iisip o gumagawa ng mali, tinitiyak ko sa inyo na may paraan upang makapagsisi at makabalik, na may pag-asa kay Cristo. Ilang taon na ang nakalilipas, nagkaroon ako ng pagkakataon na bisitahin ang isang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na nakaranas ng napakahirap na panahon sa kanyang buhay matapos makagawa ng isang mabigat na kasalanan. Noong una ko siyang nakita, napansin ko ang kalungkutan sa kanyang mga mata, na may kasamang liwanag ng pag-asa sa kanyang mukha. Ang kanyang hitsura ay sumasalamin sa isang mapagpakumbaba at nagbagong puso. Siya ay isang tapat na Kristiyano at labis na pinagpala ng Panginoon. Gayunman, hinayaan niyang makapasok sa kanyang isipan ang isang hindi kanais-nais na bagay, na kalaunan ay humantong sa iba pa. Dahil hinayaan niyang patuloy na mamalagi ang mga kaisipang ito, hindi nagtagal ay tumatak ito sa kanyang isipan at sinimulan nitong lasunin ang kanyang puso. Kalaunan ay kumilos siya ayon sa mga hindi karapat-dapat na hangaring ito, na nag-udyok sa kanya na gumawa ng mga desisyon na taliwas sa lahat ng bagay na pinakamahalaga sa kanyang buhay. Sinabi niya sa akin na kung noong una pa lang ay hindi na niya hinayaang makapasok ang masamang bagay na iyon sa kanyang isipan, hindi sana siya naging mahina at madaling nahulog sa mga tukso ng kaaway—mga tukso na naghatid ng matinding kalungkutan sa bahagi ng kanyang buhay.

Sa kabutihang-palad, tulad ng alibughang anak sa tanyag na talinghaga na matatagpuan sa ebanghelyo ni Lucas, “siya’y [n]atauhan” at nagising sa bangungot na iyon.17 Pinanibago niya ang kanyang tiwala sa Panginoon at nakaramdam siya ng tunay na kalungkutan dahil sa kasalanan at nagkaroon siya ng hangarin na bumalik sa kawan ng Panginoon kalaunan. Noong araw na iyon, pareho naming naramdaman ang nakatutubos na pagmamahal ng Tagapagligtas para sa amin. Sa pagtatapos ng aming maikling pagkikita, pareho kaming naging emosyonal, at hanggang ngayon, naaalala ko pa rin ang nagniningning na kagalakan sa kanyang mukha nang umalis siya sa aking opisina.

Mahal kong mga kaibigan, kapag pinaglalabanan natin ang maliliit na mga tukso, na kadalasang dumarating nang hindi inaasahan sa ating buhay, mas makaiiwas tayo sa mabibigat na kasalanan. Sabi nga ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Bihirang magkasala nang mabigat ang isang tao nang hindi muna nagpapatangay sa mas maliliit na kasalanan, na nagiging daan sa mas mabigat. … ‘[Hindi bigla-biglang sumusulpot ang] mga damong ligaw sa malinis na parang.’”18

Habang naghahandang isakatuparan ang Kanyang banal na misyon sa mundo, ipinakita ng Tagapagligtas na si Jesucristo ang kahalagahan ng patuloy na paglaban sa lahat ng maaaring pumigil sa atin na isakatuparan ang ating walang-hanggang layunin. Matapos ang ilang bigong pagsalakay ng kaaway, na nagtangkang ilihis Siya mula sa Kanyang misyon, walang pag-aalinlangang pinaalis ng Tagapagligtas ang diyablo sa pagsasabing: “Lumayas ka, Satanas. … Pagkatapos nito’y iniwan siya ng diyablo at dumating ang mga anghel at pinaglingkuran siya.”19

Naiisip ba ninyo, mga kapatid, ang mangyayari kung makahuhugot tayo ng lakas at tapang mula sa Tagapagligtas at makapagsasabi tayo ng “Hindi” at “Lumayas ka” sa mga hindi banal na bagay sa unang sandali pa lang na pumasok ang mga ito sa ating isipan? Ano kaya ang magiging epekto nito sa mga hangarin ng ating mga puso? Paanong ang mga susunod nating gagawin ay makapaglalapit sa atin sa Tagapagligtas at makapagtutulot sa patuloy na impluwensya ng Espiritu Santo sa ating mga buhay? Alam ko na sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Jesus, maiiwasan natin ang maraming trahedya at hindi kanais-nais na pag-uugali na maaaring maging sanhi ng mga problema at alitan sa pamilya, negatibong emosyon at pagkahilig, paggawa ng mga bagay na hindi makatarungan at pang-aabuso, pagkaalipin sa masasamang adiksyon, at anupamang bagay na makalalabag sa mga kautusan ng Panginoon.

Sa kanyang makasaysayan at nakaaantig na mensahe noong Abril ng taong ito, ang ating mahal na propeta, si Pangulong Russell M. Nelson ay nangako na ang lahat ng yaong handang “pakinggan Siya—pakinggan si Jesucristo—at sundin ang Kanyang mga kautusan ay “pagpapalain [na] magkaroon ng ibayong kapangyarihan na harapin ang mga tukso, paghihirap, at kahinaan” at na ang ating kakayahang magalak ay madaragdagan, kahit tumitindi ang mga ligalig sa ating buhay.20

Pinatototohanan ko sa inyo na ang mga pangakong ibinigay ng ating mahal na propeta ay mga pangakong ibinigay mismo ng Tagapagligtas. Inaanyayahan ko tayong lahat na “pakinggan Siya” sa bawat pag-iisip at sumunod sa Kanya nang buo nating puso upang magkaroon ng lakas at tapang na magsabi ng “Hindi” at “Lumayas ka” sa lahat ng bagay na maaaring maghatid ng kalungkutan sa ating buhay. Kung gagawin natin ito, ipinapangako ko na isusugo ng Panginoon ang Kanyang Banal na Espiritu upang palakasin at aliwin tayo, at tayo ay magiging mga indibiduwal na nakaayon sa sariling puso ng Panginoon.21

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay buhay at na sa pamamagitan Niya, maaari tayong magtagumpay laban sa masasamang impluwensya ng kaaway at maging karapat-dapat na mabuhay nang walang hanggan sa piling ng Panginoon at sa kinaroroonan ng ating mahal na Ama sa Langit. Pinatototohanan ko ang mga katotohanang ito nang may buong pagmamahal para sa inyo at sa ating kamangha-manghang Tagapagligtas, na ang pangalan ay aking niluluwalhati, iginagalang, at pinupuri magpakailanman. Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.