2020
Ang Nakapagpapagaling na Kapangyarihan ni Jesucristo
Nobyembre 2020


9:36

Ang Nakapagpapagaling na Kapangyarihan ni Jesucristo

Kapag lumapit tayo kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya, pagsisisi, at paggawa at pagtupad ng mga tipan, ang ating pagkasira—anuman ang sanhi nito—ay mapapagaling.

Mula sa simula ng taong ito, nakaranas tayo ng maraming hindi inaasahang pangyayari. Ang pagkawala ng buhay at kita dahil sa pandemyang laganap sa mundo ay labis na nakaapekto sa komunidad at ekonomiya ng buong mundo.

Ang mga lindol, sunog, at baha sa iba’t ibang bahagi ng mundo, gayundin ang iba pang mga kalamidad na may kinalaman sa klima, ay naging dahilan para makadama ang mga tao ng panghihina, kawalan ng pag-asa, at pighati, napapaisip kung ang kanilang buhay ay maibabalik pa sa dati.

Hayaan ninyong isalaysay ko sa inyo ang isang personal na kuwento tungkol sa pagkasira ng isang bagay.

Noong bata pa ang aming mga anak, nagpasiya sila na gusto nilang matutong tumugtog ng piyano. Gusto namin ng asawa kong si Rudy na bigyan ng ganitong pagkakataon ang aming mga anak, pero wala kaming piyano. Hindi namin kayang bumili ng bagong piyano, kaya nagsimulang maghanap si Rudy ng segunda mano.

Noong Pasko ng taong iyon, sinorpresa niya kaming lahat ng isang piyano, at sa paglipas ng mga taon, ang aming mga anak ay natutong tumugtog.

Lumang piyano

Nang lumaki na at lumipat na ng bahay ang aming mga anak, napuno na lang ng alikabok ang lumang piyano, kaya ibinenta namin ito. Lumipas ang ilang taon, at nakapag-ipon kami ng pera. Isang araw, sinabi ni Rudy, “Sa palagay ko, panahon na para bumili tayo ng bagong piyano.”

Itinanong ko, “Bakit tayo bibili ng bagong piyano, kung hindi naman tayo parehong marunong tumugtog?”

Sabi niya, “Ah, pero puwede tayong bumili ng piyano na tumutugtog nang mag-isa! Gamit ang iPad, maaari mong i-program ang piyano na tumugtog ng mahigit 4,000 awitin, kabilang na ang mga himno, mga awitin ng Tabernacle Choir, lahat ng awitin sa Primary, at napakarami pang iba.”

Sa madaling salita, nakumbinsi ako ni Rudy na bumili ng piyano.

Bagong piyano

Bumili kami ng isang maganda at bagong piyano na maaaring i-program na tumugtog nang mag-isa, at makalipas ang ilang araw, dalawang malalaki at malalakas na lalaki ang naghatid nito sa aming bahay.

Ipinakita ko sa kanila kung saan ko ito gustong ilagay at hinayaan ko na sila.

Paghahatid ng piyano

Isa itong mabigat na baby grand piano, at para magkasya ito sa pintuan, inalis nila ang mga paa nito at nagawa nilang ipatong ang piyano nang patagilid sa ibabaw ng isang dolly na dala nila.

Ang aming bahay ay nakatayo sa ibabaw ng isang dalisdis, at sa kasamaang-palad ay umulan ng niyebe noong araw na iyon kaya basa at madulas ang paligid. Nakikita na ba ninyo kung ano ang patutunguhan ng kuwento?

Habang iniaakyat ng mga lalaki ang piyano sa dalisdis, dumulas ito, at nakarinig ako ng napakalakas na kalabog. Nahulog ang piyano mula sa dolly at napakalakas ng pagbagsak nito na naukaan nang malaki ang aming bakuran.

Sabi ko, “Naku po! Ayos lang ba kayo?”

Mabuti na lang at ayos lang ang dalawang lalaki.

Nanlaki ang kanilang mga mata nang magkatinginan sila, at pagkatapos ay tumingin sila sa akin at sinabing, “Pasensya na po talaga. Ibabalik po namin ito sa tindahan at sasabihin po namin sa aming manedyer na tawagan kayo.”

Hindi nagtagal ay kinausap ng manedyer si Rudy para pag-usapan ang paghahatid ng bagong piyano. Si Rudy ay mabait at mapagpatawad kaya sinabi niya sa manedyer na ayos lang naman kung kumpunihin na lang nila ang sira at ibalik ang piyano ring iyon, pero iginiit ng manedyer na dadalhan nila kami ng bago.

Tumugon si Rudy at sinabing, “Hindi naman siguro iyon gaanong nasira. Kumpunihin na lang ninyo at dalhin dito.”

Sabi ng manedyer, “Nabiyak ang kahoy, at kapag nabiyak na ito, hindi na maibabalik sa dati ang tunog nito. Padadalhan namin kayo ng bagong piyano.”

Mga kapatid, hindi ba tayo katulad ng piyanong ito, may kaunting sira, biyak, at pinsala, na pakiramdam natin ay hindi na tayo muling maibabalik sa dati? Gayunman, kapag lumapit tayo kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kanya, pagsisisi, at paggawa at pagtupad ng mga tipan, ang ating pagkasira—anuman ang sanhi nito—ay mapapagaling. Ang prosesong ito, na nag-aanyaya sa nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay, ay hindi lamang nagbabalik sa atin sa kung ano tayo noon ngunit ginagawa tayo nitong mas mabuti higit kailanman. Alam ko na sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, tayong lahat ay maaaring maayos, mabuo, at makatupad sa ating layunin, tulad ng isang bagung-bagong piyano na maganda ang tunog.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kapag dumating sa atin ang mga pagsubok, panahon na para palakasin ang pananampalataya natin sa Diyos, magsumigasig, at maglingkod sa iba. Pagkatapos ay pagagalingin Niya ang ating mga bagbag na puso. [Pagkakalooban] Niya tayo ng personal na kapayapaan at aliw. Ang mga dakilang handog na iyon ay hindi masisira, maging ng kamatayan.” 1

Sinabi ni Jesus:

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako’y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.

“Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:28–30).

Ang Ating Tagapagligtas na si Jesucristo

Para maayos ang pagkasira sa pamamagitan ng paglapit sa Kanya, kailangan nating manampalataya kay Jesucristo. “[Ang] ibig sabihin ng pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ay lubos na pag-asa sa Kanya—pagtitiwala sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan … at pagmamahal. Kasama rito ang paniniwala sa Kanyang mga turo. [Ang] ibig sabihin nito ay pananalig na kahit hindi natin nauunawaan ang lahat ng bagay, nauunawaan Niya ang mga iyon. Dahil naranasan Niya ang lahat ng ating pasakit, paghihirap, at sakit, alam Niya kung paano tayo tutulungan na makayanan ang ating mga problema sa araw-araw.” 2

Kapag lumapit tayo sa Kanya, “[mapupuspos tayo ng kagalakan, kapayapaan, at kaaliwan.] Lahat ng [mahihirap at mapanghamon] sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.” 3 Pinayuhan Niya tayo, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (Doktrina at mga Tipan 6:36).

Sa Aklat ni Mormon, noong si Alma at ang kanyang mga tao ay halos maigupo ng bigat ng mga pasaning ipinataw sa kanila, ang mga tao ay nagsumamo na tulungan sila. Hindi inalis ng Panginoon ang kanilang mga pasanin; sa halip ay ipinangako Niya sa kanila:

“At pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod, maging habang kayo ay nasa pagkaalipin; at ito ay gagawin ko upang kayo ay tumayong mga saksi para sa akin magmula ngayon, at upang inyong malaman nang may katiyakan na ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap.

“At ito ay nangyari na, na ang mga pasaning ipinataw kay Alma at sa kanyang mga kapatid ay pinagaan; oo, pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon” (Mosias 24:14–15).

Tungkol sa kakayahan ng Tagapagligtas na magpagaling at magpagaan ng mga pasanin, itinuro ni Elder Tad R. Callister:

“Ang isa sa mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ay na maaari nating matanggap ang nakatutulong na kapangyarihan ng Tagapagligtas. Paulit-ulit na nagsalita si Isaias tungkol sa nakapagpapagaling at nakapapanatag na impluwensya ng Panginoon. Nagpatotoo siya na ang Tagapagligtas ay ‘isang kanlungan sa nangangailangan sa kanyang kahirapan, silungan sa bagyo at lilim sa init’ (Isaias 25:4). Tungkol sa mga namimighati, ipinahayag ni Isaias na taglay ng Tagapagligtas ang kapangyarihan na ‘aliwin ang lahat ng tumatangis’ (Isaias 61:2), at ‘[pahirin] ang mga luha sa lahat ng mga mukha’ (Isaias 25:8; tingnan din sa Apocalipsis 7:17); ‘buhayin ang loob ng mapagpakumbaba’ (Isaias 57:15); at ‘magpagaling ng mga bagbag na puso’ (Isaias 61:1; tingnan din sa Lucas 4:18; Mga Awit 147:3). Napakalawak ng sakop ng Kanyang nakatutulong na kapangyarihan kung kaya’t magagawa Niyang ‘putong na bulaklak sa halip na mga abo, sa halip na pagtangis ay langis ng kagalakan, sa halip na lupaypay na diwa ay damit ng kapurihan’ (Isaias 61:3).

“Ah, kay laking pag-asa ang hatid ng mga pangakong iyon! … Ang Kanyang Espiritu ay nagpapagaling; ito ay nagpapadalisay; ito ay nagpapapanatag; ito ay nagbibigay ng panibagong buhay sa mga nawalan na ng pag-asa. Ito ay may kapangyarihang baguhin ang lahat ng pangit at masama at walang halaga sa buhay para maging isang bagay na may lubos at maluwalhating karingalan. Siya ay may kapangyarihang baguhin ang mga abo ng mortalidad para maging mga kagandahan ng kawalang-hanggan.” 4

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating mapagmahal na Tagapagligtas, ang ating Manunubos, ang Dalubhasang Manggagamot, at ang ating matapat na kaibigan. Kung babaling tayo sa Kanya, pagagalingin Niya tayo at muli tayong gagawing buo. Pinatototohanan ko na ito ang Kanyang Simbahan at Siya ay naghahanda nang bumalik muli para maghari nang may kapangyarihan at kaluwalhatian sa mundong ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Jesucristo—ang Dalubhasang Manggagamot,” Liahona, Nob. 2005, 87.

  2. Pananampalataya kay Jesucristo,” Mga Paksa ng Ebanghelyo, topics.ChurchofJesusChrist.org.

  3. Preach My Gospel: A Guide to Missionary Service, binagong edisyon (2018), 52, ChurchofJesusChrist.org.

  4. Tad R. Callister, The Infinite Atonement (2000), 206–7.