2020
Ang Diyos ay Gagawa ng Isang Bagay na Hindi Mailalarawan sa Isip
Nobyembre 2020


15:17

Ang Diyos ay Gagawa ng Isang Bagay na Hindi Mailalarawan sa Isip

Inihanda ng Diyos ang Kanyang mga anak at ang Kanyang Simbahan para sa panahong ito.

Hindi nagtagal mula nang dumating sila sa Salt Lake Valley, sinimulan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pagtatayo ng kanilang banal na templo. Nadama nila na natagpuan na rin nila sa wakas ang lugar na masasamba nila ang Diyos nang payapa at walang pag-uusig.

Gayunman, nang halos matatapos na ang pundasyon ng templo, isang hukbo ng mga kawal ng Estados Unidos ang dumating para sapilitang magtalaga ng bagong gobernador.

Dahi hindi alam ng mga lider ng Simbahan kung gaano kalupit ang hukbo, iniutos ni Brigham Young sa mga Banal na lumikas at tabunan ang pundasyon ng templo.

Sigurado ako na may ilang miyembro ng Simbahan na nagtataka kung bakit lagi na lang nahahadlangan ang kanilang mga pagsisikap na maitayo ang kaharian ng Diyos.

Kalaunan, nawala na ang panganib, at ang mga pundasyon ng templo ay muling hinukay at siniyasat. Doon ay natuklasan ng mga tagapagtayong pioneer na ilan sa mga orihinal na mga sandstone ang nabitak at hindi na maaaring gamitin bilang pundasyon.

Dahil dito, pinaayos sa kanila ni Brigham ang pundasyon para sapat na masuportahan nito ang mga pader na granito1 ng maringal na Salt Lake Temple.2 Sa wakas, maaari nang awitin ng mga Banal ang himnong “Saligang Kaytibay”3 at alam nila na ang kanilang banal na templo ay itinayo sa matibay na pundasyon na magtatagal nang maraming henerasyon.

Pundasyon ng Salt Lake Temple

Maituturo sa atin ng kuwentong ito kung paano ginagamit ng Diyos ang paghihirap upang isakatuparan ang Kanyang mga layunin.

Isang Pandaigdigang Pandemya

Kung tila pamilyar ito sa mga sitwasyong nararanasan natin ngayon, iyon ay dahil nangyayari nga ito.

Palagay ko walang sinuman na nakakarinig sa aking tinig o nakakabasa ng aking mga salita ang hindi apektado ng pandaigdigang pandemya.

Sa lahat ng nagdadalamhati sa pagpanaw ng kapamilya at mga kaibigan, nakikiramay kami sa inyo. Nagsusumamo kami sa Ama sa Langit na kayo ay panatagin at aluin.

Ang matagalang epekto ng virus na ito ay hindi lamang nakapipinsala sa pisikal na kalusugan. Maraming pamilya ang nawalan ng pagkakakitaan at nangangamba sa pagkagutom, kawalang-katiyakan, at nababagabag. Hinahangaan namin ang pagsisikap ng napakaraming tao na hindi iniisip ang sarili para mapigilan ang paglaganap ng sakit na ito. Napakumbaba tayo sa tahimik na sakriprisyo at dakilang ginagawa ng mga taong isinasapalaran ang sariling kaligtasan upang tulungan, gamutin, at suportahan ang mga taong nangangailangan. Ang aming mga puso ay puno ng pasasalamat sa inyong kabutihan at habag.

Marubdob naming idinadalangin na buksan ng Diyos ang mga bintana ng langit at punuin ang inyong buhay ng walang hanggang mga pagpapala ng Diyos.

Tayo ay mga Binhi

Marami pa ring hindi nalalaman tungkol sa virus na ito. Ngunit kung may isang bagay man na alam ko, iyon ay hindi ikinabigla ng Ama sa Langit ang virus na ito. Hindi Niya kinailangang magtipon ng karagdagang batalyon ng mga anghel, tumawag ng mga pulong na pang-emergency, o gamitin ang resources mula sa departamentong itinalaga sa paglikha ng mga mundo para tugunan ang di-inaasahang pangangailangan.

Ang mensahe ko sa inyo ngayon ay na bagama’t hindi natin gusto o inaasahan ang pandemyang ito, inihanda ng Diyos ang Kanyang mga anak at ang Kanyang Simbahan para sa panahong ito.

Mapagtitiisan natin ito, oo. Ngunit mas may magagawa pa tayo kaysa magtiim-bagang, magtiis, at maghintay na bumalik sa dating normal ang lahat ng bagay. Magpapatuloy tayo, at magiging mas mabuti tayo kaysa rati.

Sa isang kaparaanan, tayo ay mga binhi. At para maabot ng mga binhi ang kanilang mga potensyal, dapat silang maitanim bago sila umusbong. Pinatototohanan ko na bagama’t may mga panahong nababaon na tayo ng mga pagsubok sa buhay o napapalibutan ng dalamhati, ang pag-ibig ng Diyos at ang mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo ay magdudulot ng isang bagay na hindi mailalarawan sa isip.

Dumarating ang mga Pagpapala Matapos ang Paghihirap

Bawat dispensasyon ay nakaranas na ng mga pagsubok at paghihirap.

Si Enoc at ang kanyang mga tao ay nabuhay sa panahon ng kasamaan, digmaan, at patayan. “Subalit ang Panginoon ay dumating at nanirahang kasama ng kanyang mga tao.” Siya ay may plano para sa kanila na hindi mailalarawan sa isip. Tinulungan Niya silang magtatag ng Sion—mga taong “may isang puso at isang isipan” at “namuhay sa kabutihan”4

Ang batang si Jose, na anak ni Jacob, ay itinapon sa hukay, ipinagbili bilang alipin, ipinagkanulo, at pinabayaan.5 Marahil inisip ni Jose kung nakalimutan na ba siya ng Diyos. Ang Diyos ay may plano para kay Jose na hindi mailalarawan sa isip. Ginamit Niya ang panahong ito ng pagsubok upang patatagin ang pagkatao ni Jose at ilagay siya sa posisyon na maililigtas niya ang kanyang pamilya.6

Si Joseph sa Liberty Jail

Isipin ninyo si Joseph Smith ang Propeta habang nakabilanggo sa Liberty Jail, kung paano siya nagsumamo ng tulong para sa nagdurusang mga Banal. Inisip niya siguro kung paano maitatatag ang Sion sa gayong mga kalagayan. Ngunit nangusap ang Panginoon ng kapayapaan sa kanyang kaluluwa, at ang kasunod na maluwalhating paghahayag ay nagdulot ng kapayapaan sa mga Banal—at patuloy itong nagdudulot ng kapayapaan sa inyo at sa akin.7

Gaano karaming beses noong mga unang taon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw nawalan ng pag-asa at nagtanong ang mga Banal kung nakalimutan ba sila ng Diyos? Ngunit sa gitna ng mga pag-uusig, panganib, at mga banta ng pagkalipol, ang Panginoong Diyos ng Israel ay may ibang plano para sa Kanyang maliit na kawan. Isang bagay na hindi mailalarawan sa isip.

Ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawang ito—at sa daan-daang iba pa sa mga banal na kasulatan?

Una, ang mga taong matwid ay hindi binibigyan ng libreng pases na nagtutulot sa kanila na makaiwas sa mga lambak ng kapighatian. Lahat tayo ay kinakailangang dumanas ng paghihirap, dahil sa mga paghihirap na ito natututuhan natin ang mga alituntuning nagpapatibay sa ating mga pagkatao at mas naglalapit sa atin sa Diyos.

Pangalawa, alam ng ating Ama sa Langit na nagdurusa tayo, at dahil tayo ay Kanyang mga anak, hindi Niya tayo pababayaan.8

Isipin ang isang mahabaging nilalang, ang Tagapagligtas, na halos ginugol ang Kanyang buhay sa pagmiministeryo sa mga may karamdaman, nalulungkot, nagdududa, nawawalan ng pag-asa.9 Sa palagay ba ninyo ay hindi Siya nagmamalasakit sa inyo ngayon?

Mahal kong mga kaibigan, mahal kong mga kapatid, pangangalagaan at gagabayan kayo ng Diyos sa mga panahong ito ng kawalang-katiyakan at pangamba. Kilala Niya kayo. Naririnig Niya ang inyong mga pagsusumamo. Siya ay tapat at maaasahan. Tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako.

Ang Diyos ay may plano na hindi mailalarawan sa isip na para sa inyong sarili lamang at para sa buong Simbahan—isang gawaing dakila at kamangha-mangha.

Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta

Ang pinakamagagandang araw natin ay nasa hinaharap, hindi sa ating nakaraan. Iyan ang dahilan kaya tayo binibigyan ng Diyos ng makabagong paghahayag! Kung wala ito, ang buhay ay maitutulad sa pagpapatigil ng eroplano sa ere habang hinihintay na mapawi ang hamog para makalapag tayo nang ligtas. Ang mga layunin ng Panginoon para sa atin ay mas higit pa kaysa riyan. Dahil ito ay Simbahan ng buhay na Cristo, at ginagabayan Niya ang Kanyang mga propeta, tayo ay kumikilos nang pasulong at paitaas sa mga lugar na hindi pa natin narating, sa kaitaasan na halos hindi natin mailalarawan sa isip!

Ngayon, hindi ibig sabihin nito na hindi na tayo makararanas ng pag-alog sa ating paglalakbay sa mortalidad. Hindi ibig sabihin na walang instrumento na hindi masisira, makinang biglang hihinto nang di inaasahan, o masamang panahon na darating. Sa katunayan, baka lumala pa ang mga bagay-bagay bago bumuti ang mga ito.

Bilang fighter pilot at airline captain, natutuhan ko na bagama’t hindi ko mapipili ang problema na makakaharap ko habang nagpapalipad ng eroplano, maaari kong piliin kung paano ako maghahanda at kung paano ako tutugon. Ang kailangan sa panahon ng krisis ay maging mahinahon at alisto.

Paano natin ito gagawin?

Unawain ang totoong nangyayari at bumalik sa mga batayan, sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo, sa bagay na pinakamahalaga. Paigtingin ang mga espirituwal na ginagawa ninyo—tulad ng panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan at pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Magpasiya batay sa pinakasubok nang naranasan.

Magtuon sa mga bagay na kaya ninyong gawin at hindi sa mga bagay na hindi ninyo kayang gawin.

Palakasin ang inyong pananampalataya. At pakinggan ninyo ang gumagabay na salita ng Panginoon at ng Kanyang propeta upang maakay kayo sa kaligtasan.

Tandaan, ito ang Simbahan ni Jesucristo—Siya ang namumuno.

Isipin ang maraming inspiradong pagsulong na nangyari sa nakalipas na isang dekada pa lamang. Narito ang ilang halimbawa:

  • Ang sacrament ay muling binigyang-diin bilang sentro ng ating pagsamba tuwing Sabbath.

  • Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay inilaan bilang pantulong na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan upang palakasin ang mga indibiduwal at pamilya.

  • Sinimulan natin ang isang mas dakila at mas banal na paraan ng pagmiministering sa lahat.

  • Ang paggamit ng teknolohiya sa pagbabahagi ng ebanghelyo at paggawa ng gawain ng Panginoon ay lumaganap sa buong Simbahan.

Maging ang mga sesyon sa pangkalahatang kumperensyang ito ay hindi magiging posible kung wala ang mga kamangha-manghang tulong ng teknolohiya.

Mga kapatid, dahil si Cristo ang namumuno, hindi lamang magiging maayos ang mga bagay-bagay; ang mga ito rin ay hindi mailalarawan sa isip.

Ang Gawain ng Pagtitipon ng Israel ay Patuloy na Sumusulong

Noong una tila magiging hadlang ang pandaigdigang pandemya sa gawain ng Panginoon. Halimbawa, ang tradisyunal na paraan ng pagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi na posible. Gayunpaman, ang pandemya ay naghahayag ng bago at mas malikhaing paraan na mahanap ang may matatapat na puso. Patuloy na lumalakas at sumisigla ang gawain ng pagtitipon ng Israel. Daan-daan at libu-libong kuwento ang nagpapatunay nito.

Isang mabuting kaibigan na nakatira sa magandang bansang Norway ang sumulat sa amin ni Harriet tungkol sa pagdami ng nabibinyagan kamakailan. “Sa mga lugar kung saan maliit lang ang Simbahan,” isinulat niya, “ito ay magiging mga branch, at ang mga branch ay magiging mga ward balang araw!!”

Sa Latvia, natuklasan ng isang babae ang Simbahan sa pag-klik sa ad sa internet at dahil gustung-gusto niya na malaman pa ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo mas maaga pa siya ng isang oras sa appointment niya, at bago pa man matapos ng mga missionary ang unang lesson ay nagtanong na siya kung anong petsa siya maaaring binyagan.

Sa Eastern Europe, isang babae na nakatanggap ng tawag mula sa mga missionary ang nagsabing, “Sisters, bakit ngayon lang kayo tumawag? Ang tagal ko nang naghihintay!”

Marami sa ating mga missionary ang abala ngayon kaysa rati. Marami sa kanila ang mas maraming tinuturuan ngayon kaysa rati. Mas konektado na sa isa’t isa ang mga miyembro at mga missionary.

Noong nakaraan, marahil ay masyado na tayong nakatali sa nakagawiang paraan kaya kinailangan ang pandemya para mabuksan ang mga mata natin. Marahil ay nagtatayo pa rin tayo gamit ang sandstone gayong may granito naman na magagamit. Dahil kailangan, natututo na tayong gumamit ng iba’t ibang paraan, kabilang na ang teknolohiya, para mag-anyaya ng mga tao—sa normal at natural na mga paraan—na pumunta at tingnan, pumunta at tumulong, at pumunta at makabilang.

Kanyang Gawain, Kanyang mga Pamamaraan

Ito ang gawain ng Panginoon. Inaanyayahan Niya tayo na alamin ang Kanyang mga pamamaraan sa paggawa nito, at maaaring iba ito sa mga naranasan natin dati.

Nangyari ito kay Simon Pedro at sa ibang mga disipulo na nangisda sa Dagat ng Tiberias.

“Nang gabing iyon ay wala silang nahuli.

“Ngunit nang mag-umaga [na] si Jesus ay dumating sa tabing-dagat. …

“At sinabi niya sa kanila, Ihulog ninyo ang lambat sa [kabilang] bahagi ng bangka at mayroon kayong makikita.”

Inihulog nga nila ang kanilang mga lambat sa kabilang bahagi ng bangka at “hindi na nila ito mahila dahil sa dami ng mga isda.”10

Ang Diyos ay naghayag at patuloy na maghahayag ng Kanyang makapangyarihang kamay. Darating ang araw kung kailan magbabalik-tanaw tayo at malalaman na sa panahong ito ng paghihirap, tinutulungan tayo ng Diyos na makahanap ng mas magandang paraan—Kanyang pamamaraan—upang itayo ang Kanyang kaharian sa matibay na pundasyon.

Pinatototohanan ko na ito ay gawain ng Diyos at patuloy Siyang gagawa ng maraming bagay na hindi mailalarawan sa isip sa kalipunan ng Kanyang mga anak, Kanyang mga tao. Tangan Niya tayo sa palad ng Kanyang mapagkalinga at mahabaging mga kamay.

Pinatototohanan ko na si Pangulong Russell M. Nelson ang propeta ng Diyos para sa ating panahon.

Bilang Apostol ng Panginoon, inaanyayahan at pinagpapala ko kayo na “malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng [inyong] makakaya; at pagkatapos nawa [kayo] ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag.”11 At ipinapangako ko na papangyarihin ng Panginoon na magmula sa inyong matwid na mga gawa ang mga bagay na hindi mailalarawan sa isip. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Quartz monzonite na mukhang granito na kinuha mula sa tibagan sa bunganga ng Little Cottonwood Canyon, 20 milya (32 km) timog-silangang bahagi ng lunsod.

  2. Para marami pang malaman tungkol sa panahong ito ng kasaysayan, tingnan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, tomo 2, Walang Kamay na Di Pinaging Banal, 1846–1893 (2020), mga kabanata 17, 19, at 21.

  3. Tingnan sa “Saligang Kaytibay,” Mga Himno, blg. 47.

    Ang mga taludtod ng napakagandang himnong ito ay maaaring magsilbing awitin para sa ating panahon, at kapag pinakinggan natin nang mabuti ang mga titik, nagbibigay ito ng maliwanag na pagkaunawa sa mga hamong kinakaharap natin:

    Maging malusog man o may karamdaman,

    Kahit magipit o may kasaganahan.

    Sa ibayong dagat man o sa ’ting tahanan,

    Sa t’wing may pangangailangan, … ayon sa pangangailangan ang s’yang laan.

    Ako’y kapiling, kung kaya’t h’wag mangamba,

    Ako’y inyong Diyos na tutulong sa t’wina.

    Itataguyod at lakas ay iaalay,

    Kamay ko ang inyong gabay, … sa inyo’y maggagabay.

    Ikaw ma’y isugo ko sa ibang bayan,

    ’Di ka maigugupo ng kalungkutan.

    ’Pagkat ako ay kapiling ninyo sa t’wina.

    Sa pighati’y ililigtas … ililigtas kita.

    Apoy ng pagsubok man ay maranasan,

    Awa kong sapat ang lagi mong asahan.

    ’Di ko asam na ika’y mapaso’t masaktan

    Kahinaa’y papawiin … At lilinangin ang iyong kalooban. …

    Ang kaluluwang kay Jesus nagtiwala,

    Kahit kailanman ay ‘di ko itatatwa.

    Pilitin mang s’ya’y yanigin ng kadiliman,

    Hinding-hindi magagawa, … talikuran kailanman.

  4. Tingnan sa Moises 7:13–18.

  5. Marahil 17 taong gulang pa lang si Jose nang ipagbili ng kanyang mga kapatid bilang alipin (tingnan sa Genesis 37:2). Siya ay 30 taong gulang nang magsilbi kay Faraon (tingnan sa Genesis 41:46). Nawawari ba ninyo kung gaano kahirap para sa isang binatilyo na nasa kasibulan ang ipagkanulo, ipagbili bilang alipin, pagbintangan, at pagkatapos ay ibilanggo? Walang kaduda-duda na si Jose ay isang magandang halimbawa hindi lamang sa mga kabataan ng Simbahan kundi sa bawat lalaki, babae, at bata rin na nagnanais na magpasan ng kanyang krus at sundin ang Tagapagligtas.

  6. Tingnan sa Genesis 45:4–11; 50:20–21. Sa Mga Awit 105:17–18, mababasa natin, “Siya’y nagsugo ng isang lalaki sa unahan nila, si Jose na ipinagbili bilang alipin. Ang kanyang mga paa ay sinaktan ng mga tanikala, siya’y nilagyan ng kuwelyo na bakal.” Sa iba pang pagsasalin, mababasa sa talata 18, “Sinaktan nila ang kanyang mga paa ng mga tanikala, Pumasok ang bakal sa kanyang kaluluwa” (tingnan sa Young’s Literal Translation). Para sa akin, ipinahihiwatig nito na ang mga paghihirap ni Jose ay nagbigay sa kanya ng isang pagkatao na malakas at matibay tulad ng bakal—isang katangian na kakailanganin niya para sa hinaharap na dakila at hindi mailalarawan sa isip na inilaan para sa kanya ng Panginoon.

  7. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121–23.

  8. Kung iniuutos ng Diyos sa Kanyang mga anak na pagmalasakitan at kahabagan ang nagugutom, ang nangangailangan, ang hubad, ang may karamdaman, at ang naghihirap, tiyak na pagmamalasakitan at kahahabagan Niya tayo, na Kanyang mga anak (tingnan sa Mormon 8:39).

  9. Tingnan sa Lucas 7:11–17.

  10. Tingnan sa Juan 21:1–6.

  11. Doktrina at mga Tipan 123:17.