2021
Kasama Natin ang Diyos
Mayo 2021


15:44

Kasama Natin ang Diyos

Kasama natin ang Diyos—at personal na nakikilahok sa ating buhay at aktibong ginagabayan ang Kanyang mga anak.

Sa lahat ng panahon, nangusap ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, na mga propeta.1 Ngayong umaga ay nagkaroon tayo ng pribilehiyong marinig ang propeta ng Diyos na magsalita sa buong mundo. Mahal ka namin, Pangulong Nelson, at hinihikayat ko ang lahat saanman na pag-aralan at pakinggan ang inyong mga salita.

Bago ako nag 12-anyos, dalawang beses napilitang lisanin ng aming pamilya ang aming tahanan at magsimulang muli sa gitna ng kaguluhan, takot, at kawalang-katiyakan na dulot ng digmaan at hidwaan sa pulitika. Maligalig na panahon iyon para sa akin, ngunit malamang na nakasisindak para sa mahal kong mga magulang.

Nagkuwento nang bahagya ang aking ama’t ina sa aming apat, na kanilang mga anak, tungkol sa pasaning ito. Pinasan nila ang hirap at pagdurusa sa abot ng makakaya nila. Lubha siguro silang pinahirapan ng takot, na umubos sa kanilang oras at nakabawas sa kanilang pag-asa.

Ang panahong ito ng kawalan ng pag-asa matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nagkaroon ng malaking epekto sa mundo. Nagkaroon ito ng epekto sa akin.

Noon, sa aking pag-iisa sa pinakamalulungkot na oras ko, madalas kong maisip, “May pag-asa pa bang natitira sa mundo?”

Kasama Natin ang mga Anghel

Nang pagnilayan ko ang tanong na ito, naisip ko ang ating mga bata pang Amerikanong missionary na naglingkod sa amin noong mga taong iyon. Iniwan nila ang kaligtasan ng kanilang tahanan sa kabilang panig ng mundo at nagbiyahe patungong Germany—ang lupain ng kanilang mga kaaway—upang mag-alok ng banal na pag-asa sa aming mga tao. Hindi sila nagpunta para manisi, magsermon, o manghiya. Kusa nilang ibinigay ang kanilang buhay nang hindi nag-iisip ng makalupang pakinabang, na ang tanging nais ay tulungan ang iba na madama ang galak at kapayapaang naranasan nila.

Para sa akin, perpekto ang mga binata at dalagang ito. Sigurado ako na mayroon silang mga kapintasan, ngunit para sa akin ay wala. Lagi kong iisipin na kagalang-galang silang mga tao—mga anghel ng liwanag at kaluwalhatian, mga ministro ng habag, kabutihan, at katotohanan.

Habang nalulunod ang mundo sa pagdududa, kapaitan, pagkamuhi, at pangamba, pinuspos ako ng pag-asa ng halimbawa at mga turo ng mga kabataang ito. Ang inalok nilang mensahe ng ebanghelyo ay higit pa sa pulitika, kasaysayan, mga hinanakit, mga hinaing, at mga personal na plano. Nagbigay iyon ng mga banal na sagot sa mahahalagang tanong namin sa mahihirap na panahong ito.

Ang mensahe ay na ang Diyos ay nabuhay at minahal tayo, maging sa mga oras na ito ng kaligaligan, kalituhan, at kaguluhan. Na talagang nagpakita Siya sa ating panahon upang ipanumbalik ang katotohanan at liwanag—ang Kanyang ebanghelyo at Kanyang Simbahan. Na muli Siyang nangungusap sa mga propeta; na kasama natin ang Diyos—at personal na nakikilahok sa ating buhay at aktibong ginagabayan ang Kanyang mga anak.

Kamangha-mangha ang matututuhan natin kapag tiningnan pa natin nang mas mabuti ang plano ng kaligtasan at kadakilaan, ang plano ng kaligayahan, ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Kapag ang pakiramdam natin ay hindi tayo mahalaga, itinakwil tayo, at kinalimutan, nalalaman natin na makatitiyak tayo na hindi tayo nalimutan ng Diyos—sa katunayan, na nag-aalok Siya sa lahat ng Kanyang anak ng isang bagay na mahirap isipin: ang maging “mga tagapagmana ng Diyos, at kapwa-tagapagmana ni Cristo.”2

Ano ang ibig sabihin nito?

Na mabubuhay tayo magpakailanman, tatanggap ng ganap na kagalakan,3 at may potensyal na magmana “ng mga trono, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan.”4

Nakaaabang malaman na ang kamangha-mangha at makalangit na hinaharap na ito ay posible—hindi dahil sa kung sino tayo kundi dahil sa kung sino ang Diyos.

Nababatid ito, paano natin maaatim na magreklamo o manatiling galit? Paano natin napapanatiling nakababa ang ating tingin samantalang inaanyayahan tayo ng Hari ng mga hari na abutin ang ating mahirap-isiping hinaharap na banal na kaligayahan?5

Kaligtasang nasa Atin

Dahil sa perpektong pagmamahal sa atin ng Diyos at sa walang-hanggang sakripisyo ni Jesucristo, ang ating mga kasalanan—kapwa malaki at maliit—ay maaaring mabura at hindi na maalaala pa.6 Makatatayo tayo sa Kanyang harapan na dalisay, marapat, at pinabanal.

Nag-uumapaw ang pasasalamat sa puso ko para sa aking Ama sa Langit. Natatanto ko na hindi Niya isinumpa ang Kanyang mga anak upang maghirap sa mortalidad nang walang pag-asa para sa isang maningning at walang-hanggang kinabukasan. Nagbigay Siya ng mga tagubilin na naghahayag ng landas pabalik sa Kanya. At sa gitna ng lahat ng ito ay ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo,7 at ang Kanyang sakripisyo para sa atin.

Lubusang binabago ng walang-hanggang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang ating pananaw sa ating mga paglabag at pagkakamali. Sa halip na lagi itong isipin at madamang hindi tayo matutubos o wala na tayong pag-asa, may matututuhan tayo mula sa mga ito at makadarama tayo ng pag-asa.8 Ang nagpapalinis na kaloob na pagsisisi ay nagtutulot na talikuran natin ang ating mga kasalanan at maging isang bagong nilalang.9

Dahil kay Jesucristo, hindi kailangang itakda ng ating mga kabiguan kung sino tayo. Maaari tayong pinuhin ng mga ito.

Tulad ng isang musikerong nagpapraktis na tumugtog, itinuturing natin ang ating mga maling hakbang, kahinaan, at kasalanan bilang mga oportunidad para magkaroon ng dagdag na kamalayan sa ating sarili, mas malalim at mas tapat na pagmamahal sa iba, at pagdadalisay sa pamamagitan ng pagsisisi.

Kung magsisisi tayo, hindi tayo mawawalan ng karapatan nang dahil sa ating mga pagkakamali. Bahagi ito ng ating pag-unlad.

Lahat tayo ay mga sanggol kumpara sa maluwalhati at kagila-gilalas na mga nilalang na dapat nating kahinatnan. Walang mortal na nilalang ang sumusulong mula paggapang hanggang paglakad hanggang pagtakbo nang hindi madalas na natutumba, nauuntog, at nagagalusan. Diyan tayo natututo.

Kung masigasig tayong patuloy na magpapraktis, na laging nagsisikap na sundin ang mga utos ng Diyos, at nangangakong magsisisi, magtitiis, at isasabuhay ang ating natututuhan, unti-unti nating matitipon ang liwanag sa ating kaluluwa.10 At kahit hindi natin lubos na naiintindihan ang ating buong potensyal ngayon, “nalalaman natin na kung [ang Tagapagligtas ay] mahayag” makikita natin ang Kanyang mukha sa atin at “siya’y ating makikita bilang siya.”11

Napakaluwalhating pangako nito!

Oo, may kaligaligan sa mundo. At oo, may mga kahinaan tayo. Ngunit hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa, dahil maaari tayong magtiwala sa Diyos, magtiwala sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at makatanggap ng kaloob ng Espiritu na gagabay sa atin sa landas na ito tungo sa isang buhay na puspos ng galak at banal na kaligayahan.12

Kasama Natin si Jesus

Madalas kong maisip, Ano kaya ang ituturo at gagawin ni Jesus kung kasama natin Siya ngayon?

Pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli, tinupad ni Jesucristo ang Kanyang pangakong bisitahin ang Kanyang “ibang mga tupa.”13

Binabanggit sa Ang Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo ang gayong pagpapakita sa mga tao sa kontinente ng Amerika. Nasa atin ang mahalagang talaang ito bilang isang nahahawakang saksi sa gawain ng Tagapagligtas.

Ang mga tao sa Aklat ni Mormon ay nanirahan sa kabilang panig ng globo—ang kanilang mga kasaysaysan, kultura, at lagay ng pulitika ay ibang-iba kaysa sa mga taong tinuruan ni Jesus noong Kanyang mortal na ministeryo. Gayunman, itinuro Niya sa kanila ang marami sa mga bagay na itinuro Niya sa Banal na Lupain.

Bakit Niya gagawin iyon?

Ang Tagapagligtas ay laging nagtuturo ng mga walang-hanggang katotohanan. Angkop ang mga iyon sa mga tao anuman ang edad at sitwasyon.

Ang Kanyang mensahe noon at ngayon ay isang mensahe ng pag-asa at pagiging kabilang—isang patotoo na hindi pinababayaan ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga anak.

Na kasama natin ang Diyos!

Dalawang daang taon na ang nakalipas, muling nagbalik sa lupa ang Tagapagligtas. Kasama ang Diyos Ama, nagpakita Siya sa 14-anyos na si Joseph Smith at pinasimulan ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo at ang Simbahan ni Jesucristo. Mula noon, nabuksan ang kalangitan, at nagbabaan ang mga sugo ng langit mula sa mga bulwagan ng walang-kamatayang kaluwalhatian. Bumuhos ang liwanag at kaalaman mula sa selestiyal na luklukan.

Muling nangusap ang Panginoong Jesucristo sa sanlibutan.

Ano ang sinabi Niya?

Isang pagpapala sa atin na marami sa Kanyang mga salita ang nakatala sa Doktrina at mga Tipan—na makukuha ng sinuman sa mundo na nagnanais na basahin at pag-aralan ang mga ito. Talagang napakahalaga ng mga salitang ito sa atin ngayon!

At hindi tayo dapat magulat na malaman na muling itinuturo ng Tagapagligtas ang pangunahing mensahe ng Kanyang ebanghelyo: “Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buo ninyong puso, nang buo ninyong kapangyarihan, pag-iisip, at lakas; at sa pangalan ni Jesucristo paglingkuran ninyo siya.”14 Hinihikayat Niya tayong hanapin ang Diyos15 at mamuhay ayon sa mga turong naihayag Niya sa Kanyang mga lingkod, ang mga propeta.16

Tinuturuan Niya tayong magmahalan17 at “[mapuno] ng pag-ibig para sa lahat ng tao.”18

Inaanyayahan Niya tayong maging Kanyang mga kamay, na naglilibot na gumagawa ng mabuti.19 “Huwag tayong umibig sa salita … kundi sa gawa at sa katotohanan.”20

Hinahamon Niya tayong dinggin ang Kanyang dakilang tagubilin: mahalin, ibahagi, anyayahan ang lahat sa Kanyang ebanghelyo at Kanyang Simbahan.21

Inuutusan Niya tayong magtayo ng mga banal na templo at pumasok at maglingkod doon.22

Tinuturuan Niya tayong maging Kanyang mga disipulo—na hindi dapat magpunyagi ang ating puso sa pagkakaroon ng personal na kapangyarihan, kayamanan, pagsang-ayon, o posisyon. Tinuturuan Niya tayong “isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti.”23

Hinihikayat Niya tayong hangarin ang kagalakan, kaliwanagan, kapayapaan, katotohanan, kaligayahan,24 at ang pangako ng kawalang kamatayan at buhay na walang-hanggan.25

Dagdagan pa natin ito. Halimbawa’y nagpunta si Jesus sa inyong ward, branch, o tahanan ngayon. Ano kaya ang mangyayari?

Makikita Niya kaagad ang nilalaman ng inyong puso. Ang mga panlabas na anyo ay mawawalan ng halaga. Makikilala Niya kung sino kayo talaga. Malalaman Niya ang mga hangarin ng inyong puso.

Ang maamo at mapagpakumbaba ay pasisiglahin Niya.

Ang maysakit ay pagagalingin Niya.

Ang nagdududa ay bibigyan Niya ng pananampalataya at lakas-ng-loob na maniwala.

Tuturuan Niya tayong buksan ang ating puso sa Diyos at tulungan ang iba.

Kikilalanin at igagalang Niya ang katapatan, pagpapakumbaba, integridad, pananampalataya, habag, at pag-ibig sa kapwa tao.

Isang tingin lamang sa Kanyang mga mata at hindi na tayo magiging tulad ng dati. Mababago tayo magpakailanman. Nabago ng matinding pagkatanto na, tunay nga, ang Diyos ay kasama natin.

Ano ang Gagawin Natin?26

Ginugunita ko nang may kabaitan ang panahon noong binatilyo pa ako. Kung mababalikan ko lang ang kahapon, papanatagin ko siya at sasabihang manatili sa tamang landas at patuloy na maghanap. At hihilingin kong anyayahan niya si Jesucristo sa kanyang buhay, sapagkat ang Diyos ay kasama natin!

Sa inyo, mahal kong mga kapatid, mahal kong mga kaibigan, at sa lahat ng naghahanap ng mga kasagutan, katotohanan, at kaligayahan, ganoon pa rin ang payo ko: patuloy na maghanap nang may pananampalataya at tiyaga.27

Magsihingi, at kayo ay makatatanggap. Kumatok, at kayo ay pagbubuksan.28 Magtiwala sa Panginoon.29

Sa ating araw-araw na buhay pinakamahalagang gawain at mapalad na oportunidad nating makasalamuha ang Diyos.

Kapag isinantabi natin ang kapalaluan at lumapit tayo sa Kanyang luklukan nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu,30 lalapit Siya sa atin.31

Sa paghahangad nating sundin si Jesucristo at lumakad sa landas ng pagkadisipulo, nang taludtod sa taludtod, darating ang araw na daranasin natin ang mahirap-isiping kaloob na pagtanggap ng kaganapan ng kagalakan.

Mahal kong mga kaibigan, mahal kayo ng inyong Ama sa Langit nang may sakdal na pagmamahal. Napatunayan na Niya ang Kanyang pagmamahal sa napakaraming paraan, ngunit higit sa lahat sa pagbibigay ng Kanyang Bugtong na Anak bilang sakripisyo at kaloob sa Kanyang mga anak upang magkatotoo ang pagbalik natin sa ating mga magulang sa langit.

Nagpapatotoo ako na ang ating Ama sa Langit ay buhay, na si Jesucristo ang namumuno sa Kanyang Simbahan, na si Pangulong Russell M. Nelson ang Kanyang propeta.

Ipinaaabot ko sa inyo ang aking pagmamahal at basbas sa masayang panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay. Buksan ang inyong puso sa ating Tagapagligtas at Manunubos, anuman ang inyong sitwasyon, mga pagsubok, pagdurusa, o pagkakamali; malalaman ninyo na Siya ay buhay, na mahal Niya kayo, at na dahil sa Kanya, hindi kayo mag-iisa kailanman.

Kasama natin ang Diyos.

Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.