Mga Pusong Magkakasama
Habang pinakikitunguhan ninyo ang iba nang may kabaitan, malasakit, at habag, ipinapangako ko na maiaangat ninyo ang mga kamay na nakababa at mapapagaling ninyo ang mga puso.
Pambungad
Hindi ba kamangha-mangha na ang makabuluhang mga tuklas ng siyensya kung minsan ay resulta ng mga pangyayaring kasingsimple ng pagbagsak ng mansanas mula sa isang puno?
Ngayon, hayaan ninyong ibahagi ko ang isang tuklas na nangyari sa isang sampol na grupo ng mga kuneho.
Noong 1970s, nagpasimula ng isang eksperimento ang mga researcher tungkol sa mga epekto ng diyeta sa kalusugan ng puso. Sa loob ng ilang buwan, pinakain nila ang isang control group ng mga kuneho ng diyetang maraming taba at sinubaybayan nila ang presyon ng dugo, pintig ng puso, at cholesterol ng mga ito.
Tulad ng inaasahan, marami sa mga kuneho ang nagkaroon ng deposito ng taba sa kanilang mga artery o ugat. Subalit hindi lamang iyan! Natuklasan din ng mga researcher ang isang bagay na walang gaanong katuturan. Bagama’t lahat ng kuneho ay nagkaroon ng deposito ng taba, nakapagtataka na ang isang grupo ay mas kakaunti nang halos 60 porsiyento ang taba kumpara sa iba. Parang dalawang magkaibang grupo ng mga kuneho ang tinitingnan nila.
Para sa mga siyentipiko, hindi sila nakakatulog sa pag-aalala sa mga resultang katulad nito. Paano nangyari ito? Pare-parehong nagmula ang lahi ng mga kuneho sa New Zealand, mula sa halos magkakatulad na gene. Bawat isa sa kanila ay pinakain ng parehong dami ng iisang pagkain.
Ano kaya ang ibig sabihin nito?
Pinawalang-saysay ba ng mga resulta ang pag-aaral? May mga pagkakamali ba sa disenyo ng eksperimento?
Nahirapan ang mga siyentipiko na unawain ang di-inaasahang kinalabasang ito!
Sa huli, ibinaling nila ang kanilang pansin sa mga tauhan ng research. Posible kayang may ginawa ang mga researcher na nakaapekto sa mga resulta? Nang patuloy nila itong pag-aralan, natuklasan nila na bawat kunehong mas kakaunti ang deposito ng taba ay inalagaan ng isang researcher. Pinakain niya ang mga kuneho ng pagkaing tulad ng sa iba pa. Ngunit, ayon sa ulat ng isang siyentipiko, “isa siyang taong di-pangkaraniwan ang kabaitan at mapagmalasakit.” Kapag nagpakain siya ng mga kuneho, “kinakausap, kinakandong, at masuyo niyang hinahaplos ang mga iyon. … Hindi niya mapigilang gawin iyon. Ganoon talaga siya.”1
Hindi lang niya basta pinakain ang mga kuneho. Minahal niya ang mga ito!
Sa unang tingin, malayong ito ang dahilan ng nakakagulat na kaibhang ito, ngunit walang makitang ibang posibilidad ang research team.
Kaya inulit nila ang eksperimento—sa pagkakataong ito ay mahigpit nilang kinontrol ang bawat iba pang variable. Nang suriin nila ang mga resulta, gayon din ang nangyari! Ang mga kunehong nasa ilalim ng pangangalaga ng mapagmahal na researcher ay mas malusog kaysa sa iba.
Inilathala ng mga siyentipiko ang mga resulta ng pag-aaral na ito sa presthiyosong journal na Science.2
Maraming taon ang lumipas, ang mga resulta ng eksperimentong ito ay tila nakaimpluwensya pa rin sa larangan ng medisina. Nitong nakaraang mga taon, inilathala ni Dr. Kelli Harding ang isang aklat na pinamagatang The Rabbit Effect [Ang Epekto sa Kuneho] na kinuha ang titulo nito mula sa eksprimento. Ang kanyang konklusyon: “Kumuha ng isang kunehong hindi malusog ang estilo ng pamumuhay. Kausapin ito. Hawakan ito. Mahalin ito. … May kaibhang nagagawa ang pakikipag-ugnayan. … Sa huli,” patapos niyang sabi, “ang nakakaapekto sa ating kalusugan sa pinakamakabuluhang mga paraan ay malaki ang kinalaman sa kung paano natin pinakikitunguhan ang isa’t isa, paano tayo namumuhay, at ano sa palagay natin ang kahulugan ng magpakatao.”3
Sa sekular na mundo, ang mga konseptong nag-uugnay sa siyensiya sa mga katotohanan ng ebanghelyo kung minsan ay tila bihirang-bihira. Subalit bilang mga Kristiyano, mga alagad ni Jesucristo, mga Banal sa mga Huling Araw, ang mga resulta ng siyentipikong pag-aaral na ito ay maaaring tila mas inaasahan kaysa nakakabigla. Para sa akin, naglatag ito ng isa pang saligan ng kabaitan bilang isang pangunahin at nagpapagaling na alituntunin ng ebanghelyo—na maaaring magpagaling sa mga puso sa emosyonal, sa espirituwal, at ayon sa naipamalas dito, maging sa pisikal.
Mga Pusong Magkakasama
Nang tanungin, “Guro, alin ba ang dakilang utos?” sumagot ang Tagapagligtas na “ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo,” na sinundan ng, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”4 Ang tugon ng Tagapagligtas ay nagpapatibay sa ating makalangit na tungkulin. Iniutos ng isang sinaunang propeta “na hindi nararapat na magkaroon ng pakikipag-alitan sa isa’t isa, sa halip [tayo] ay [umasam] … , na ang [ating] mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa.”5 Itinuro pa sa atin na ang “kapangyarihan o impluwensiya … [ay] nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng … kahinahunan at kaamuan, … ng kabaitan, … [nang] walang pandaraya”6
Naniniwala ako na ang alituntuning ito ay angkop sa lahat ng Banal sa mga Huling Araw: mga adult, kabataan, at bata.
Nasasaisip iyan, magsasalita ako sandali nang tuwiran sa inyo na mga batang nasa edad ng Primary.
Nauunawaan na ninyo kung gaano kahalaga ang maging mabait. Itinuturo sa koro ng isa sa inyong mga awitin sa Primary na, “Sinisikap Kong Tularan si Jesus”:
Magmahal ka nang tulad ni Jesus.
Ang kabutiha’y ‘pakitang lubos.
Maging mahinahon sa diwa’t kilos.
Ito ang turo ni Jesus.7
Gayunpaman, maaaring mahirapan pa rin kayo kung minsan. Narito ang isang kuwentong maaaring makatulong sa inyo tungkol sa isang batang lalaking Primary na nagngangalang Minchan Kim mula sa South Korea. Sumapi sa Simbahan ang kanyang pamilya mga anim na taon na ang nakararaan.
“Isang araw sa paaralan, tinutukso ng ilan sa mga kaklase ko ang isa pang estudyante sa pagtawag sa kanya sa iba’t ibang pangalan. Mukhang masaya iyon, kaya sa loob ng ilang linggo nakisali ako sa kanila.
“Makalipas ang ilang linggo, sinabi sa akin ng batang lalaki na bagama’t nagkunwari siyang walang pakialam, nasaktan siya sa mga sinabi namin, at umiiyak siya gabi-gabi. Muntik na akong maiyak nang ikuwento niya ito sa akin. Lungkot na lungkot ako at ginusto kong tulungan siya. Kinabukasan nilapitan ko siya at inakbayan at humingi ako ng tawad, at sinabing, ‘Pasensya na talaga sa pagtukso ko sa iyo.’ Tumango siya sa sinabi ko, at napuno ng luha ang kanyang mga mata.
“Pero tinutukso pa rin siya ng ibang mga bata. Pagkatapos ay naalala ko ang natutuhan ko sa klase namin sa Primary: piliin ang tama. Kaya sinabi ko sa mga kaklase ko na tumigil na. Karamihan sa kanila ay nagpasiyang hindi magbago, at galit sila sa akin. Ngunit humingi ng tawad ang isa sa iba pang mga bata, at naging mabuting magkakaibigan kaming tatlo.
“Kahit tinutukso pa rin siya ng ilang tao, gumanda ang pakiramdam niya dahil kasama niya kami.
“Pinili ko ang tama sa pagtulong sa isang kaibigang nangangailangan.”8
Hindi ba isang magandang halimbawa ito para sikapin ninyong maging katulad ni Jesus?
Ngayon, para sa mga kabataang lalaki at babae, habang tumatanda kayo, ang panunukso sa iba ay maaaring humantong sa kapahamakan ng iba. Ang pagkabalisa, depresyon, at mas malala pa riyan ay kadalasang resulta ng pambu-bully. “Bagama’t ang pambu-bully ay hindi na bagong konsepto, pinalala ng social media at teknolohiya ang pambu-bully. Nagiging isa itong banta na mas palagian at palaging nariyan—cyberbullying.”9
Malinaw na ginagamit ito ng kaaway upang pinsalain ang henerasyon ninyo. Dapat ay walang puwang para dito sa inyong cyberspace, mga kapaligiran, paaralan, korum, o klase. Gawin sana ninyo ang lahat ng makakaya ninyo para gawing mas mapagmalasakit at ligtas ang mga lugar na ito. Kung manonood lang kayo o lalahok sa alinman dito, wala akong alam na mas magandang payo kaysa sa ibinigay dati ni Elder Dieter F. Uchtdorf:
“Pagdating sa pagkapoot, tsismis, pagbabalewala, pangungutya, paghihinanakit, o pagnanais na makapaminsala, sundin sana ninyo ang sumusunod:
“Itigil ito!”10
Narinig ba ninyo iyon? Itigil ito! Habang pinakikitunguhan ninyo ang iba nang may kabaitan, malasakit, kahit sa pamamagitan ng teknolohiya, ipinapangako ko na maiaangat ninyo ang mga kamay na nakababa at mapapagaling ninyo ang mga puso.
Ngayong nakapagsalita na ako sa mga batang Primary at kabataan, itutuon ko ngayon ang aking mensahe sa mga adult ng Simbahan. May pangunahing responsibilidad tayo na magpasimula at maging mga halimbawa ng kabaitan, pagsasali sa iba, at paggalang—na ituro ang pag-uugaling katulad ng kay Cristo sa bagong henerasyon sa ating sinasabi at ikinikilos. Mahalaga ito lalo na habang inoobserbahan natin ang paglala ng pagkakaiba ng pananaw ng lipunan sa pulitika, estado ng pamumuhay, at halos lahat ng iba pang pagkakaibang gawa ng tao.
Naituro din ni Pangulong M. Russell Ballard na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay kailangang maging mabait hindi lamang sa isa’t isa kundi gayundin sa lahat ng nakapaligid sa atin. Sabi niya: “Paminsan-minsan may nababalitaan ako na mga miyembrong nakakasakit ng damdamin ng ibang di-miyembro dahil hindi nila pinapansin at hindi ibinibilang ang mga ito. Madalas itong mangyari sa mga komunidad kung saan mas marami ang ating mga miyembro. May mga magulang na makikitid ang isip na pinagbabawalang makipaglaro ang mga anak sa isang bata dahil hindi ito miyembro o kaya’y ang pamilya nito. Hindi akma ang ganitong ugali sa mga turo ng ating Panginoong Jesucristo. Hindi ko maunawaan kung bakit hinahayaang mangyari ito ng sinumang miyembro ng ating Simbahan. … Lagi kong naririnig na hinihimok ang mga miyembro ng Simbahang ito na maging mapagmahal, mabait, mapagbigay, at makipagkaibigan sa mga kakilala at kapitbahay na hindi natin kapanalig.”11
Inaasahan ng Panginoon na ituturo natin na ang pagsasali sa iba ay isang positibong paraan tungo sa pagkakaisa at na ang hindi pagsasali sa iba ay humahantong sa pagkakawatak-watak.
Bilang mga alagad ni Jesucristo, nababagabag tayo kapag nababalitaan natin na may mga anak ng Diyos na minamaltrato dahil sa kanilang lahi. Nalungkot na tayong mabalitaan ang mga pag-atake kamakailan sa mga taong Itim, Asyano, Latino, o anupamang ibang grupo. Ang pagtatangi ng tao, pagkapoot sa lahi, o karahasan ay hindi dapat magkaroon ng anumang puwang kailanman sa ating kapaligiran, komunidad, o sa loob ng Simbahan.
Sikapin nawa ng bawat isa sa atin, anuman ang edad, na magpakabuti.
Mahalin ang Inyong Kaaway
Kahit sinisikap ninyong pakitunguhan ang iba nang may pagmamahal, paggalang, at kabaitan, walang duda na masasaktan kayo o maaapektuhan nang hindi maganda sa masasamang pagpapasiya ng ibang tao. Kung gayon ay ano ang gagawin natin? Susundin natin ang payo ng Panginoon na “ibigin ninyo ang inyong mga kaaway … at ipanalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo.”12
Ginagawa natin ang lahat upang madaig ang paghihirap na ipinararanas sa atin. Nagsisikap tayong magtiis hanggang wakas, na laging ipinagdarasal na baguhin ng kamay ng Panginoon ang ating sitwasyon. Pasasalamatan natin ang mga taong binibigyan Niya ng inspirasyon na tumulong sa atin.
Naaantig ako sa halimbawang ito mula sa kasaysayan ng ating Simbahan. Noong taglamig ng 1838, ikinulong si Joseph Smith at ang iba pang mga pinuno ng Simbahan sa Liberty Jail nang sapilitang paalisin ang mga Banal sa mga Huling Araw mula sa kanilang tahanan sa estado ng Missouri. Kawawa ang mga Banal, walang mga kaibigan, at nagdurusa nang husto sa lamig at kawalan ng kabuhayan. Nakita ng mga residente ng Quincy, Illinois, ang kanilang desperadong kalagayan at nahabag sa kanila at kinaibigan sila.
Ginunita kalaunan ni Wandle Mace, isang residente ng Quincy, noong una niyang makita ang mga Banal sa tabi ng Mississippi River na nakakanlong sa mga pansamantalang tolda: “May ilang gumamit ng mga kumot para makagawa ng maliit na kanlungang panangga sa hangin, … giniginaw na nakapaligid ang mga bata sa siga na tinatangay ng hangin kaya hindi sila gaanong mainitan. Ang kaawa-awang mga Banal ay nagdusa nang matindi.”13
Nang makita ang kalagayan ng mga Banal, nagkaisa ang mga residente ng Quincy para maglaan ng tulong, ang ilan ay tumulong pang itawid ng ilog ang kanilang mga bagong kaibigan. Nagpatuloy si Mace: “Bukas-palad [silang] nagbigay; nagpaligsahan ang mga mangangalakal sa isa’t isa kung sino ang pinakamakakatulong nang malaki … sa … karne ng baboy, … asukal, … sapatos at damit, lahat ng bagay na kailangang-kailangan ng pinalayas na mga taong ito.”14 Di-nagtagal, nahigitan ng mga refugee ang dami ng mga residente ng Quincy, na nagbukas sa kanilang tahanan at personal na nagsakripisyo nang malaki para ibahagi ang kakaunti nilang kabuhayan.15
Marami sa mga Banal sa mga Huling Araw ang nakaraos sa matinding taglamig dahil lamang sa habag at pagiging bukas-palad ng mga residente ng Quincy. Ang mga anghel na ito sa lupa ay nagbukas ng kanilang puso at tahanan, nagbigay ng pagkaing pantawid-buhay, pagmamahal, at—marahil ang pinakamahalaga sa lahat—pakikipagkaibigan sa nagdurusang mga Banal. Bagama’t medyo maikli lamang ang pamamalagi nila sa Quincy, hindi kailanman nalimutan ng mga Banal ang kanilang utang-na-loob sa pinakamamahal nilang mga kapitbahay sa kalapit-bayan, at nakilala ang Quincy bilang “the city of refuge [lungsod ng kanlungan].”16
Kapag naghatid sa atin ng paghihirap at pagdurusa ang mapamintas, negatibo, maging ang masasamang gawain ng iba, maaari nating piliing umasa kay Cristo. Ang pag-asang ito ay nagmumula sa Kanyang paanyaya at pangakong “magalak, sapagkat akin kayong aakayin”17 at na Kanyang ilalaan ang inyong mga paghihirap para sa inyong kapakinabangan.18
Ang Mabuting Pastol
Magtapos tayo kung saan tayo nagsimula: isang mahabaging tagapag-alaga, na tumutulong nang may kabaitan na may nangangalagang espiritu, at isang di-inaasahang kinalabasan—paggaling ng puso ng mga hayop na kanyang pinangalagaan. Bakit? Dahil ganoon talaga siya!
Kapag inunawa natin ang mga pangyayari sa pananaw ng ebanghelyo, malalaman natin na tayo man ay nasa ilalim ng pangangalaga ng mahabaging tagapag-alaga, na tumutulong mismo nang may kabaitan at nangangalagang espiritu. Kilala ng Mabuting Pastor ang bawat isa sa atin sa pangalan at may personal na interes sa atin.19 Sabi ng Panginoong Jesucristo mismo, “Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang sarili [kong mga tupa]. … At [ibibigay] ko ang aking buhay para sa mga tupa.”20
Sa katapusan ng linggong ito ng banal na Pasko ng Pagkabuhay, nadarama ko ang patuloy na kapayapaan sa kaalaman na “ang Panginoon ay aking pastol”21 at na bawat isa sa atin ay kilala Niya at nasa Kanyang pangangalaga. Kapag naharap tayo sa malakas na hangin at mga unos ng buhay, sakit at mga pinsala, ang Panginoon—ang ating Pastol, ang ating Tagapag-alaga—ay pangangalagaan tayo nang may pagmamahal at kabaitan. Pagagalingin Niya ang ating puso at paghihilumin ang ating kaluluwa.
Pinatototohanan ko ito—at si Jesucristo bilang ating Tagapagligtas at ating Manunubos—sa pangalan ni Jesucristo, amen.