2021
Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas
Mayo 2021


10:44

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Tuwirang nakasalalay sa bawat isa sa atin ang responsibilidad na tularan ang halimbawa ng Guro at magturo na katulad Niya.

Bukod-tanging mga Guro

Ilang buwan pa lamang ang nakalilipas, isang dating kaklase mula sa bayang pinagmulan ko sa Overton, Nevada, ang nagmungkahi na gumawa kami ng isang Pamaskong regalo para sa mahal naming guro sa kindergarten, na kailan lang nagdiwang ng kanyang ika-98 kaarawan. Tinuruan niya kami na maging mabait, ang kahalagahan ng magandang idlip, ang galak ng pag-inom ng gatas at pagkain ng graham crackers, at na mahalin ang isa’t isa. Maraming salamat, Sister Davis, sa pagiging kahanga-hangang guro.

Sister Davis

Nagkaroon ako ng isa pang bukod-tanging guro noong nag-aaral ako sa Ricks College maraming taon na ang nakalipas. Naghahanda ako noon para magmisyon at naisip ko na makatutulong na dumalo ako sa missionary preparation class. Binago ng naranasan ko ang aking buhay.

Sa unang araw pa lang ng klase, natanto ko nang nasa presensya ako ng isang dalubhasang guro. Ang guro ay si Brother F. Melvin Hammond. Alam kong mahal ni Brother Hammond ang Panginoon at mahal niya ako. Nakikita ko iyon sa kanyang mukha at naririnig iyon sa kanyang tinig. Nang magturo siya, niliwanagan ng Espiritu ang aking isipan. Itinuro niya ang doktrina, ngunit hinikayat din niya akong alamin ito para sa sarili ko. Nakatulong sa akin ang panghihikayat na iyon na makita nang malinaw ang responsibilidad kong malaman mismo ang doktrina ng Panginoon. Binago ako ng karanasang iyon magpakailanman. Salamat, Brother Hammond, sa pagtuturo sa paraan ng Tagapagligtas.

Mga kapatid, nararapat na magkaroon ang lahat ng ganitong klase ng pagkatuto kapwa sa tahanan at sa simbahan.

Inilalarawan ng pambungad sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin kung ano ang maisasakatuparan ng pagtuturo na tulad ni Cristo. “Ang layunin ng lahat ng pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo,” sabi rito, “ay para palalimin ang ating pagbabalik-loob [kay Jesucristo] at tulungan tayong maging higit na katulad [Niya]. … Ang uri ng pag-aaral ng ebanghelyo na nagpapalakas sa ating pananampalataya at humahantong sa mahimalang pagbabalik-loob ay hindi nangyayari nang biglaan. Hindi lamang [sa] silid-aralan ito nangyayari kundi maging sa puso at sa tahanan ng isang tao.”1

Nakasaad sa mga banal na kasulatan na napakalaki at napakalawak ng epekto ng ministeryo ng Tagapagligtas sa sinaunang Amerika kaya “ang mga tao ay nagbalik-loob na lahat sa Panginoon, sa ibabaw ng buong lupain, kapwa ang mga Nephita at Lamanita, at hindi nagkaroon ng mga alitan at pagtatalu-talo sa kanila, at bawat tao ay makatarungan ang pakikitungo sa isa’t isa.”2

Paano magkakaroon ng gayon ding epekto ang pagtuturo natin sa ating mga minamahal? Paano tayo makapagtuturo nang higit na katulad ng Tagapagligtas at makatutulong sa iba na magkaroon ng mas malalim na pagbabalik-loob? Magbibigay ako ng ilang mungkahi.

Tularan ang Tagapagligtas

Unang-una sa lahat, kusa ninyong alamin ang lahat ng makakaya ninyong alamin tungkol sa Dalubhasang Guro mismo. Paano Siya nagpakita ng pagmamahal para sa iba? Ano ang nadama nila nang magturo Siya? Ano ang itinuro Niya? Ano ang mga inaasahan Niya sa mga tinuruan Niya? Matapos pagnilayan ang mga katanungang tulad nito, suriin at iayon ang paraan ng inyong pagtuturo para higit na maging katulad ng sa Kanya.

Maraming resources sa pagtuturo ang inilalaan ng Simbahan sa Gospel Library app at sa ChurchofJesusChrist.org. Ang isa sa gayong resource ay pinamagatang Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas. Inaanyayahan ko kayong basahin at pag-aralan ang bawat salitang naroon. Tutulungan kayo ng mga alituntunin doon sa inyong mga pagsisikap na maging higit na katulad ni Cristo sa inyong pagtuturo.

Kalagan ang Kapangyarihan ng Pamilya

Ang susunod kong mungkahi ay mailalarawan sa isang karanasan ko ilang buwan pa lang ang nakalilipas nang sumaglit ako para dalawin ang isang mahal na kaibigan. Naulinigan kong may kausap ang asawa niya, kaya agad akong nagpaalam para makabalik siya sa kanyang pamilya.

Isang oras o mahigit pa ang lumipas natanggap ko ang text message na ito mula sa kanyang butihing asawa: “Brother Newman, salamat sa pagbisita. Dapat sana pinatuloy ka namin, pero gusto kong ikuwento sa iyo ang ginagawa namin. Simula nang magkaroon ng pandemya tinatalakay na namin ng aming mga anak na nasa hustong gulang ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin tuwing Linggo gamit ang Zoom. Literal na may mga himalang nangyayari. Sa tingin ko, ito ang unang pagkakataon na nabasa mismo ng anak naming babae ang Aklat ni Mormon. Ngayon ang huling lesson sa Aklat ni Mormon at patapos na kami nang dumating ka. … Naisip ko na magiging interesado kang marinig kung paano nagbigay ng oportunidad ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, Zoom, at isang pandemya sa tamang panahon na baguhin ang isang puso. … Napapaisip ako kung ilang maliliit na himala ang nagaganap sa kakaibang panahong ito.”

Para sa akin, parang isang katuparan ito ng ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson noong Oktubre 2018. Sinabi niya na ang pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan ay “may potensyal na makalagan ang kapangyarihan ng pamilya, habang ang bawat pamilya ay tapat at maingat na ginagawang santuwaryo ng pananampalataya ang kanilang tahanan. Ipinapangako ko na habang masigasig ninyong ginagawang sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang inyong tahanan, paglipas ng ilang panahon ang inyong mga araw ng Sabbath ay tunay na magiging kaluguran. Ang inyong mga anak ay magiging sabik na matutuhan at ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas. … Magkakaroon ng malaki at patuloy na mga pagbabago sa inyong pamilya.”3 Napakagandang pangako!

Upang tunay na makapagpabago ng buhay, ang pagbabalik-loob kay Jesucristo ay kailangang lahukan ng ating buong kaluluwa at tumagos sa bawat aspeto ng ating buhay. Ito ang dahilan kaya kailangan itong nakatuon sa sentro ng ating buhay—sa ating mga pamilya at tahanan.

Tandaan na ang Pagbabalik-loob ay Personal

Ang huling mungkahi ko ay tandaan na ang pagbabalik-loob ay kailangang magmula sa kalooban. Tulad ng inilarawan sa talinghaga ng sampung birhen, hindi natin maaaring ibigay sa iba ang langis ng ating pagbabalik-loob, gaano man natin naisin. Tulad ng itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang mahalagang langis na ito ay nakukuha sa paisa-isang patak … nang buong tiyaga at sigasig. Walang shortcut dito; walang huling-sandaling paghahanda ang maaaring magawa.”4

Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay batay sa katotohanang iyon. Ikinukumpara ko ito sa anghel na tumulong kay Nephi na malaman ang tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsasabing, “Tingnan!”5 Tulad ng anghel na iyon, inaanyayahan tayo ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na tumingin sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga makabagong propeta upang matagpuan ang Tagapagligtas at pakinggan Siya. Tulad ni Nephi, personal tayong tuturuan ng Espiritu habang binabasa at pinagninilayan natin ang salita ng Diyos. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ang lundagang tutulong sa atin na makasisid nang malalim sa mga tubig na buhay ng doktrina ni Cristo.

Ang responsibilidad ng isang magulang ay kahalintulad nito sa maraming paraan. Maraming namamana ang mga anak mula sa kanilang mga magulang, ngunit ang patotoo ay hindi isa sa mga iyon. Hindi natin mabibigyan ng patotoo ang ating mga anak tulad ng hindi natin mapipilit na tumubo ang isang binhi. Ngunit maaari tayong maglaan ng isang mapangalagang kapaligiran, na may matabang lupa, na walang mga tinik na “sasakal sa salita.” Maaari tayong magsikap na lumikha ng huwarang mga kundisyon upang ang ating mga anak—at ang iba pang mahal natin—ay makasumpong ng lugar para sa binhi, “nakikinig [sa] salita, at inuunawa ito”6 at matuklasan para sa kanilang sarili “na ang binhi ay mabuti.”7

Si Brother Newman at ang kanyang anak na si Jack

Ilang taon na ang nakalipas, nagkaroon kami ng anak kong si Jack ng pagkakataong makapaglaro ng golf sa Old Course sa St. Andrews sa Scotland, kung saan nagsimula ang larong golf. Talagang kamangha-mangha iyon! Pagbalik ko sinubukan kong iparating sa iba ang kahalagahan ng karanasang ito. Ngunit hindi ko magawa. Ang mga retrato, video, at pinakamagaganda kong paglalarawan ay talagang hindi sapat. Naisip ko sa huli na ang tanging paraan para malaman ng isang tao ang karingalan ng St. Andrews ay ang maranasan ito—ang makita ang malalawak na daan, malanghap ang hangin, madama ang ihip ng hangin sa kanilang mukha, at makagawa ng ilang maling tira ng bola sa uka-ukang lupa at makakapal na damuhan, na ginawa namin nang buong husay.

Gayon din sa salita ng Diyos. Maaari natin itong ituro, maaari natin itong ipangaral, maaari natin itong ipaliwanag. Maaari natin itong pag-usapan, maaari natin itong ilarawan, maaari pa nga nating itong patotohanan. Ngunit hangga’t hindi nadarama ng isang tao na dinadalisay ng sagradong salita ng Diyos ang kanyang kaluluwa na gaya ng hamog na mula sa langit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu,8 para lamang iyong pagtingin sa isang postcard o mga retrato ng ibang taong nasa bakasyon. Kailangan kayong magpunta roon mismo. Ang pagbabalik-loob ay personal na paglalakbay—isang paglalakbay ng pagtitipon.

Bawat taong nagtuturo sa tahanan at sa simbahan ay maaaring mag-alok ng pagkakataon sa iba na magkaroon ng sarili nilang mga espirituwal na karanasan. Sa mga karanasang ito, “malalaman [nila] ang katotohanan ng lahat ng bagay” para sa kanilang sarili.9 Itinuro ni Pangulong Nelson, “Kung tapat ang mga tanong ninyo tungkol sa ebanghelyo o sa Simbahan, kapag pinili ninyong manaig ang Diyos, kayo ay aakayin para mahanap at maunawaan ang tiyak at walang-hanggang mga katotohanan na gagabay sa inyong buhay at tutulong sa inyo na manatiling matatag sa landas ng tipan.”10

Paghusayin nang Husto ang Pagtuturo

Inaanyayahan ko ang mga lider at guro sa bawat organisasyon ng Simbahan na magpayuhan kasama ang mga magulang at kabataan upang mapaghusay nang husto ang pagtuturo sa bawat antas—sa mga stake, ward, at tahanan. Makakamit ito sa pagtuturo ng doktrina at pag-anyayang magkaroon ng talakayang puspos ng Espiritu tungkol sa mga katotohanang naituro sa atin ng Espiritu Santo sa tahimik na mga sandali ng ating personal na pag-aaral.

Mahal kong mga kaibigan kay Cristo, tuwirang nakasalalay sa bawat isa sa atin ang responsibilidad na tularan ang halimbawa ng Guro at magturo na katulad Niya. Ang Kanyang paraan ang tamang paraan! Habang tinutularan natin Siya, “kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay.”11 Sa pangalan Niya na nagbangon, ang Dalubhasang Guro mismo, maging si Jesucristo, amen.