2021
Magbasbas sa Kanyang Pangalan
Mayo 2021


13:4

Magbasbas sa Kanyang Pangalan

Ang layunin ng pagtanggap natin ng priesthood ay tulutan tayong basbasan ang mga tao para sa Panginoon, na ginagawa sa Kanyang pangalan.

Mahal kong mga kapatid, mga kapwa tagapaglingkod sa priesthood ng Diyos, isang karangalan para sa akin na magsalita sa inyo ngayong gabi. Lubos ko kayong iginagalang at pinasasalamatan. Kapag nagsasalita ako sa inyo at naririnig ang inyong malaking pananampalataya, naniniwala ako na lalo pang nag-iibayo ang kapangyarihan ng priesthood sa mundo, na may mas malalakas na korum at mas matatapat na mayhawak ng priesthood.

Sa ilang sandaling mayroon ako sa gabing ito, magsasalita ako sa inyo na mga nagnanais na maging mas epektibo sa inyong personal na paglilingkod sa priesthood. Alam ninyo ang utos na dapat ninyong tuparin ang inyong tawag na maglingkod.1 Ngunit maaaring iniisip ninyo kung ano ang kahulugan para sa inyo ng tapat na pagtupad sa inyong tungkulin.

Magsisimula ako sa mga pinakabagong deacon dahil sila ang pinakamalamang na hindi nakatitiyak tungkol sa kahulugan ng pagtupad sa kanilang paglilingkod sa priesthood. Maaari ding makinig ang mga bagong orden na elder. At ang isang bishop na nasa kanyang mga unang linggo ng paglilingkod na maaaring interesado rin.

May mga aral akong natututuhan kapag ginugunita ko ang aking mga araw bilang isang deacon. Sana ay may isang tao na nagsabi sa akin noon kung ano ang imumungkahi ko sa inyo ngayon. Nakatulong sana ito sa lahat ng mga tungkulin ko sa priesthood na dumating sa akin mula noon—maging sa mga tungkulin na natatanggap ko sa kasalukuyan.

Naorden ako na deacon sa isang napakaliit na branch na ako lang ang deacon at ang kapatid kong si Ted ang nag-iisang teacher. Kami lang ang pamilya sa branch. Ang buong branch ay nagtitipon sa aming tahanan. Ang priesthood leader namin ng kuya ko ay isang bagong convert na katatanggap lang ng priesthood. Inakala ko noon na ang tungkulin ko sa priesthood ay ang magpasa lang ng sakramento sa aming sariling dining room.

Nang lumipat ang pamilya ko sa Utah, natagpuan ko ang sarili ko sa isang malaking ward na may maraming deacon. Sa aking unang sacrament meeting doon, minasdan ko ang mga deacon—isang hukbo, iyon ang tingin ko sa kanila—tiyak at tumpak ang kanilang kilos habang ipinapasa nila ang sakramento na para bang isang sinanay na grupo.

Masyado akong nag-alala kaya noong sumunod na Linggo, pumunta ako nang maaga sa gusali ng ward para mapag-isa habang walang nakakakita sa akin. Naalala ko na iyon ang Yalecrest Ward sa Salt Lake City, at may bantayog ito sa loob ng bakuran. Pumunta ako sa likod ng bantayog at taimtim na nagdasal na tulungan ako na hindi magkamali sa pagpapasa ng sakramento. Nasagot ang panalangin na iyon.

Ngunit alam ko na ngayon na may mas mabuting paraan para magdasal at mag-isip habang sinisikap nating umunlad sa ating paglilingkod sa priesthood. Nalaman ko ang aral na ito nang maunawaan ko kung bakit binibigyan ng priesthood ang mga indibiduwal. Ang layunin ng pagtanggap natin ng priesthood ay upang tulutan tayong basbasan ang mga tao para sa Panginoon, at ginagawa ito sa Kanyang pangalan.2

Pagkalipas ng ilang taon matapos kong maging deacon ay saka ko nalaman ang talagang kahulugan nito. Halimbawa, bilang high priest, ako ay naatasang bumisita sa isang care center sacrament meeting. Hinilingan ako na magpasa ng sakramento. Sa halip na isipin ang tungkol sa proseso o katumpakan sa paraan ng pagpapasa ko ng sakramento, tiningnan ko ang mga mukha ng bawat matatanda. Nakita ko ang marami sa kanila na umiiyak. Isang babae ang hinawakan ako sa manggas, tumingala, at malakas na sinabi, “O, salamat, salamat.”

Pinagpala ng Panginoon ang aking paglilingkod, na ibinigay sa Kanyang pangalan. Noong araw na iyon, ipinagdasal ko na dumating ang gayong himala sa halip na ipanalangin ang tungkol sa kahusayan ko sa paggawa ng aking tungkulin. Ipinagdasal ko na madama ng mga tao ang pagmamahal ng Panginoon sa pamamagitan ng aking magiliw na paglilingkod. Nalaman ko na ito ang pinakamahalagang aspeto sa paglilingkod at pagbabasbas sa iba sa Kanyang pangalan.

Narinig ko ang isang karanasan kamakailan na nagpaalala sa akin ng pagmamahal na iyon. Nang ang lahat ng mga pulong sa Simbahan ay ihininto dahil sa pandemyang COVID-19, isang ministering brother ang tumanggap ng assignment mula sa kanyang elders quorum president na magbasbas at mangasiwa ng sakramento sa isang sister na miniminister niya. Nang tawagan niya ito para ialok ang pagdadala ng sakramento, atubili siyang pumayag dahil hindi niya gustong lumabas ang brother sa kanyang sariling tahanan sa isang napakadelikadong panahon at dahil naniniwala rin siya na mabilis na babalik sa normal ang lahat.

Nang dumating ang ministering brother sa kanyang tahanan noong umaga ng Linggo, mayroon siyang kahilingan. Maaari ba silang pumunta sa susunod na bahay para makapagsakramento rin kasama niya ang kanyang kapitbahay na 87 taong gulang? Sa pahintulot ng bishop, pumayag ang ministering brother.

Sa loob ng napakaraming linggo, at nang may napakaingat na pagsasagawa ng social distancing at ng iba pang hakbang pangkaligtasan, ang maliit na grupo na ito ng mga Banal ay nagtipon tuwing Linggo para sa isang simpleng sacrament service. Iilang piraso lang iyon ng mga pinira-pirasong tinapay at mga tasa ng tubig—ngunit maraming tumulong luha dahil sa kabutihan ng isang mapagmahal na Diyos.

Dumating ang panahon na ang ministering brother, ang kanyang pamilya, at ang sister na kanyang miniminister ay nakabalik na sa simbahan. Ngunit ang biyudang 87 taong gulang, ang kapitbahay, dahil sa sitwasyong kinakailangan ang lubos na pag-iingat, ay nanatili sa kanyang tahanan. Ang ministering brother—naaalala ninyo na ang kanyang tungkulin ay sa kanyang kapitbahay at hindi talaga sa mismong matandang sister na ito—ay pumupunta pa rin sa bahay nito hanggang ngayon tuwing Linggo, na may dalang mga banal na kasulatan at isang maliit na tinapay na nakahanda, para pangasiwaan ang sakramento ng Hapunan ng Panginoon.

Ang kanyang paglilingkod bilang mayhawak ng priesthood, tulad ng sa akin noon sa care center, ay udyok ng pagmamahal. Sa katunayan, nagtanong ang ministering brother sa kanyang bishop kamakailan kung may iba pa sa ward na maaari niyang pangalagaan. Ang kanyang pagnanais na tuparin ang kanyang paglilingkod sa priesthood ay naragdagan nang maglingkod siya sa pangalan ng Panginoon at sa paraan na halos Siya lamang ang nakaaalam. Hindi ko alam kung nagdasal ang ministering brother kagaya ko, para malaman ng mga pinaglilingkuran niya na mahal sila ng Panginoon, ngunit dahil ang kanyang paglilingkod ay sa pangalan ng Panginoon, magkapareho lang ang resulta.

Dumarating ang gayon ding magandang resulta kapag ipinagdarasal ko ito bago ako magbigay ng basbas ng priesthood sa isang taong may sakit o sa oras ng pangangailangan. Nangyari ito minsan sa isang ospital nang ang mga naiinip na doktor ay hilingin sa akin—higit pa sa pakiusap—inutusan ako—na magmadali at tumabi para magawa nila ang kanilang gawain, sa halip na bigyan ako ng pagkakataong makapagbigay ng basbas ng priesthood. Hindi ako umalis, at nagbigay ako ng basbas. At ang munting batang babae na iyon na binasbasan ko noong araw na iyon, na inakala ng mga doktor na mamamatay, ay gumaling. Nagpapasalamat ako sa sandaling iyon noong araw na iyon, na hindi ko hinayaang mangibabaw ang sarili kong damdamin bagkus nadama ko na nais ng Panginoon na mabasbasan ang batang iyon. At alam ko ang pagpapalang iyon: binasbasan ko siya na gumaling. At gumaling nga siya.

Maraming beses na itong nangyari kapag nagbibigay ako ng basbas sa isang taong tila malapit nang mamatay, at naroon ang mga kapamilya sa palibot ng higaan, umaasa ng basbas ng paggaling. Kahit na mayroon lamang akong isang sandali, lagi kong ipinagdarasal na malaman kung anong pagpapala ang inilalaan ng Panginoon na maaari kong ibigay sa Kanyang pangalan. At itinatanong ko kung paano Niya ninanais na basbasan ko ang taong iyon at hindi kung ano ang gusto ko o ng mga taong naroon at nakabantay. Ang karanasan ko ay kahit na ang ibinigay na basbas ay hindi ang ninanais ng iba para sa kanilang mga sarili o sa kanilang mahal sa buhay, inaantig ng Espiritu ang mga puso para maranasan ang pagtanggap at kapanatagan sa halip na pagkabigo.

Ganito rin ang inspirasyon na dumarating kapag ang mga patriarch ay nag-aayuno at nagdarasal na mapatnubayan sila para makapagbigay ng basbas na nais ng Panginoon para sa isang tao. Muli, nakarinig ako ng mga ibinigay na basbas na gumulat sa akin at gumulat din sa taong tumanggap ng basbas. Malinaw na ang basbas ay mula sa Panginoon—kapwa ang mga babala na nilalaman nito gayundin ang mga pangakong ibinahagi sa Kanyang pangalan. Ang panalangin at pag-aayuno ng patriarch ay ginantimpalaan ng Panginoon.

Bilang bishop, natutuhan ko na magdasal habang nagsasagawa ng mga interbyu ng pagkamarapat para maipakita sa akin ng Panginoon kung ano ang gusto Niya para sa tao, mapanatiling malinaw ang anumang inspirasyon na Kanyang ibibigay at hindi mahaluan ng sarili kong pasiya. Mahirap iyan kung ang Panginoon, sa pagmamahal, ay nagnanais na magbigay sa tao ng pagbabasbas na may pagwawasto. Kailangan ang pagsusumikap para maunawaan kung ano ang ninanais ng Panginoon sa kung ano ang gusto ninyo o maaaring gusto ng ibang tao.

Naniniwala akong matutupad natin ang ating paglilingkod sa priesthood sa buong buhay natin at marahil sa kabilang-buhay. Nakasalalay ito sa ating masigasig na pagsisikap na malaman ang kalooban ng Panginoon at sa ating pagsisikap na marinig ang Kanyang tinig upang malaman natin nang mas mabuti kung ano ang nais Niya para sa taong pinaglilingkuran natin para sa Kanya. Ang pagtupad na iyon ay darating nang paunti-unti. Maaaring mabagal itong dumating, ngunit darating ito. Ipinapangako ito sa atin ng Panginoon:

“Sapagkat kung sinuman ang matapat sa pagtatamo ng dalawang pagkasaserdoteng ito na aking sinabi, at ang pagtupad sa kanilang mga tungkulin, ay pababanalin sa pamamagitan ng Espiritu para sa pagpapanibago ng kanilang mga katawan.

“Sila ay magiging mga anak na lalaki ni Moises at ni Aaron at binhi ni Abraham, at ng simbahan at kaharian, at ang hinirang ng Diyos.

“At gayon din lahat sila na tumanggap ng pagkasaserdoteng ito ay tinanggap ako, wika ng Panginoon.”3

Pinatototohanan ko na ang mga susi ng priesthood ay ipinanumbalik kay Propetang Joseph Smith. Ang mga tagapaglingkod ng Panginoon ay nagpakita mula sa langit para ipanumbalik ang priesthood para sa mga dakilang pangyayaring naganap na at mangyayari sa hinaharap. Ang Israel ay titipunin. Ang mga tao ng Panginoon ay ihahanda para sa Kanyang maluwalhating Ikalawang Pagparito. Ang Pagpapanumbalik ay magpapatuloy. Ang Panginoon ay maghahayag pa ng Kanyang kalooban sa Kanyang mga propeta at sa Kanyang mga tagapaglingkod.

Maaaring manliit kayo kumpara sa malalaking kaganapan na isasagawa ng Panginoon. Kung nararamdaman ninyo ito, inaanyayahan ko kayong mapanalanging itanong sa Panginoon kung paano Niya kayo tinitingnan. Kilala Niya kayo nang personal, ipinagkaloob Niya sa inyo ang priesthood, at ang inyong pagtugon at pagtupad sa priesthood ay mahalaga sa Kanya dahil mahal Niya kayo at nagtitiwala Siya sa inyo na babasbasan ninyo sa Kanyang pangalan ang mga taong minamahal Niya.

Binabasbasan ko kayo ngayon na madama ninyo ang Kanyang pagmamahal at Kanyang pagtitiwala sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.