2021
Mensahe ng Pagbati
Mayo 2021


4:27

Mensahe ng Pagbati

Maligayang paglahok sa pangkalahatang kumperensya at sa pribilehiyong marinig ang tinig ng Panginoon.

Mahal kong mga kapatid at kaibigan sa buong mundo, personal ko kayong binabati sa pangkalahatang kumperensyang ito. Nagtitipon tayo bilang isang pandaigdigang pamilyang nagnanais na sambahin ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Salamat sa pakikiisa sa amin.

Tunay na naiiba ang nakaraang taon. Walang dudang may natutuhan tayong mga bagay na hindi natin alam dati. Ang ilang aral na natutuhan ko dati ay nakasulat sa puso ko sa bago at nagpapalinaw na mga paraan.

Halimbawa, natitiyak ko na pinamamahalaan ng Panginoon ang mga gawain ng Kanyang Simbahan. Sabi Niya, “Isisiwalat ko sa [inyo] na may kakayahan akong gawin ang aking sariling gawain.”1

Madalas, napagmasdan namin ng aking mga tagapayo nang may luhaang mga mata ang pamamagitan Niya sa labis na mapanghamong mga sitwasyon matapos naming gawin ang lahat at wala na kaming magagawa pa. Tunay na kami ay namamangha.

Mas nauunawaan ko rin ngayon ang ibig Niyang sabihin nang sabihin Niyang, “Masdan, aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito.”2 Paulit-ulit akong nagalak habang pinamamahalaan at ipinatutupad Niya ang pagpapabilis ng Kanyang gawain—kahit sa panahon ng pandaigdigang pandemya.

Mahal kong mga kapatid, ang lakas ng Simbahan ay nasa mga pagsisikap at lumalagong mga patotoo ng mga miyembro nito. Ang mga patotoo ay higit na napapalakas sa tahanan. Nitong nakaraang taon, lubhang napag-ibayo ng marami sa inyo ang pag-aaral ng ebanghelyo sa inyong tahanan. Pinasasalamatan ko kayo, at pasasalamatan kayo ng inyong mga anak.

Patuloy ang malaking proyekto na baguhin ang Salt Lake Temple. Mula sa aking opisina, kitang-kita ko ang trabahong nangyayari sa temple plaza.

Pagtatayong nangyayari sa temple plaza

Habang pinanonood ko ang paghuhukay ng mga trabahador ng mga ugat ng matatandang puno, lumang tubo, kable ng kuryente, at tumatagas na fountain, naisip ko ang pangangailangan ng bawat isa sa atin na tanggalin, sa tulong ng Panginoon, ang mga dating basura sa ating buhay.

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang ebanghelyo ng pagsisisi!3 Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, nag-aanyaya ang Kanyang ebanghelyo na patuloy na magbago, lumago, at maging mas dalisay. Ito ay isang ebanghelyo ng pag-asa, ng paggaling, at ng pag-unlad. Sa gayon, ang ebanghelyo ay isang mensahe ng kagalakan! Nagagalak ang ating espiritu sa bawat maliit na pasulong na hakbang na ginagawa natin.

Bahagi ng pagtitipon ng Israel, at isang napakahalagang bahagi, ang utos sa atin bilang mga tao na maging karapat-dapat at handang tumulong na ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.

Habang nakikinig tayo sa mga mensaheng maingat na inihanda ng ating mga pinuno sa ilalim ng patnubay ng Espiritu Santo, inaanyayahan ko kayong ipagdasal na matukoy ang mga basurang dapat ninyong tanggalin sa inyong buhay upang higit kayong maging karapat-dapat.

Mahal ko kayo, mahal kong mga kapatid, at pinatototohanan ko na kilala at mahal ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo ang bawat isa sa inyo. Handa Silang tulungan kayo sa bawat pasulong na hakbang na ginagawa ninyo. Maligayang paglahok sa pangkalahatang kumperensya at sa pribilehiyong marinig ang tinig ng Panginoon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.