2021
Elder Michael A. Dunn
Mayo 2021


Elder Michael A. Dunn

General Authority Seventy

Nagdiborsyo ang mga magulang ni Elder Michael A. Dunn noong maliit pa siya, ngunit nang palakihin siya ng kanyang ina, ikinintal nito sa kanya ang malakas na pananampalataya at mga pagpapahalaga. Matapos dumalo sa isang pribadong paaralang Episcopal sa Salt Lake City, Utah, USA, lumipat siya sa isang pampublikong high school, kung saan siya nakakilala ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Nang masaya siyang tanggapin ng kanyang mga bagong kaibigan at ng kanilang mga magulang, ninais ni Michael na matuto tungkol sa Simbahan. Kalaunan ay nagpasiya siyang makipag-usap sa mga missionary. Ang kanilang mga turo tungkol sa Panguluhang Diyos at sa Unang Pangitain ni Joseph Smith ay “nagkaroon ng malaking impluwensya sa akin,” wika niya.

Sa pamamagitan ng pagdarasal, nalaman niya na ang ebanghelyo ay totoo at nabinyagan siya noong senior high school siya. Mula noon, si Elder Dunn ay “napangalagaan ng sunud-sunod na mga pambihirang pinuno.”

Kinikilala rin niya ang tulong ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas sa buong buhay niya. “Naniniwala ako,” sabi ni Elder Dunn. “Mapalad akong maging saksi ni Jesucristo at ipahayag ang Kanyang buhay, Kanyang kabutihan, Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ngayon.”

Si Michael Austin Dunn ay isinilang noong Marso 5, 1958, kina Patricia at James R. Dunn sa Tucson, Arizona, USA. Lumaki siya sa Salt Lake City. Matapos magmisyon sa Hawaii Honolulu Mission, pinakasalan niya si Linda Virginia Poulson noong 1980 sa Salt Lake Temple. Mayroon silang tatlong anak.

Tumanggap si Elder Dunn ng bachelor’s degree sa mass communication noong 1981 at ng master’s degree sa communication noong 2008, kapwa mula sa University of Utah. Siya ang general manager ng KUED (PBS Utah), president ng Dunn Communications Inc., at nitong huli, managing director ng BYUtv at BYU Radio.

Si Elder Dunn, na naglilingkod bilang Area Seventy noong tawagin siya, ay nakapaglingkod na bilang bishop, tagapayo sa isang bishopric, stake president, ward Young Men president, high councilor, at mission president ng South Africa Johannesburg Mission mula 2014 hanggang 2017.