2021
“Masdan! Ako ay Diyos ng mga Himala”
Mayo 2021


14:37

“Masdan! Ako ay Diyos ng mga Himala”

Sagana ang mga himala, tanda, at kababalaghan sa mga alagad ni Jesucristo ngayon, sa inyong buhay at sa akin.

Mahal kong mga kapatid, isang pribilehiyo ang tumayo sa inyong harapan ngayon. Nakikiisa sa mga nagsalita na sa kumperensyang ito, pinatototohanan ko sa inyo na si Jesucristo ay buhay. Pinapatnubayan Niya ang Kanyang Simbahan; nangungusap Siya sa Kanyang propetang si Pangulong Russell M. Nelson, at mahal Niya ang lahat ng anak ng Ama sa Langit.

Sa Linggong ito ng Pasko ng Pagkabuhay ginugunita natin ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos,1 ang Makapangyarihang Diyos, ang Prinsipe ng Kapayapaan.2 Ang Kanyang Pagbabayad-sala, na nagtapos sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli pagkaraan ng tatlong araw sa isang hiram na libingan, ang pinakadakilang himala sa kasaysayan ng tao. “Sapagkat masdan,” pahayag Niya, “ako ang Diyos; at ako ay Diyos ng mga himala.”3

“Tumigil na ba ang mga himala dahil si Cristo ay umakyat na sa langit, at umupo sa kanang kamay ng Diyos”4 tanong ng propetang si Mormon sa Aklat ni Mormon. Sagot niya, “Hindi, ni ang mga anghel ay hindi tumitigil sa paglilingkod sa mga anak ng tao.”5

Kasunod ng Pagpapako sa Krus, nagpakita ang isang anghel ng Panginoon kay Maria, kasama ang ilang iba pang kababaihan, na nagtungo sa libingan para pahiran ng langis ang katawan ni Jesus. Sabi ng anghel:

“Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay?6

“Wala siya rito, sapagkat siya’y binuhay.”7

Ipinahayag ng propetang si Abinadi sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa himalang iyon:

“Kung si Cristo ay hindi bumangon mula sa patay, … hindi sana magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli.

“Subalit may pagkabuhay na mag-uli, samakatwid, hindi nagtagumpay ang libingan, at ang tibo ng kamatayan ay nalulon kay Cristo.”8

Ang mahimalang mga gawa ni Jesucristo ay naging dahilan para ibulalas ng mga sinaunang disipulo: “Sino nga kaya ito, na kanyang inuutusan maging ang hangin at tubig at sila’y sumusunod sa kanya.”9

Nang sundan ng mga sinaunang Apostol si Jesucristo at marinig Siyang magturo ng ebanghelyo, marami silang nasaksihang himala. Nakita nila na “ang mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakakarinig, at ang mga patay ay muling binubuhay at ipinangangaral sa mga dukha ang magandang balita.”10

Sagana ang mga himala, tanda, at kababalaghan sa mga alagad ni Jesucristo ngayon, sa inyong buhay at sa akin. Ang mga himala ay mga banal na gawa, pagpapakita, at pagpapahayag ng walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos at isang pagpapatibay na Siya “rin ang kahapon, ngayon, at magpakailanman.”11 Si Jesucristo, na lumikha sa mga dagat, ay mapapayapa ang mga ito; Siya na nagbigay ng paningin sa bulag ay maiaangat ang ating tingin sa langit; Siya na naglinis sa mga ketongin ay mapapagaling ang ating mga kahinaan; Siya na nagpagaling sa lalaking hindi makalakad ay maaari tayong ibangon sa pagsasabing “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”12

Marami sa inyo ang nakasaksi na ng mga himala, nang higit kaysa inaakala ninyo. Maaaring tila maliit ang mga ito kumpara sa pagpapabangon ni Jesus sa patay. Ngunit hindi natutukoy ang himala sa laki, kundi na ito ay nagmula lamang sa Diyos. Iminumungkahi ng ilan na ang mga himala ay nagkataon o suwerte lamang. Ngunit kinondena ng propetang si Nephi ang mga “itinatanggi … ang kapangyarihan at ang mga himala ng Diyos, at ipinangangaral sa kanilang sarili ang sarili nilang karunungan at kaalaman, upang makakuha sila ng yaman.”13

Ang mga himala ay gawa ng banal na kapangyarihan Niya na “makapangyarihan upang magligtas.”14 Ang mga himala ay mga karugtong ng walang-hanggang plano ng Diyos; ang mga himala ay isang linya ng buhay mula sa langit patungo sa lupa.

Noong nakaraang taglagas nagpunta kami ni Sister Rasband sa Goshen, Utah, para sa isang pandaigdigang Face to Face event na ibinobrodkast sa mahigit 600,000 katao sa 16 na iba’t ibang wika.15 Magtutuon ang programa sa mga pangyayari sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo na may mga tanong na isinumite ng mga young adult mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Personal naming nirebyu ni Sister Rasband ang mga tanong; binigyan kami nito ng pagkakataong patotohanan si Joseph Smith bilang propeta ng Diyos, ang kapangyarihan ng paghahayag sa ating buhay, ang patuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, at mga katotohanan at kautusang pinahahalagahan natin. Maraming nakikinig ngayon ang naging bahagi ng mahimalang pangyayaring iyon.

Noong una ay magmumula dapat ang brodkast sa Sagradong Kakahuyan sa upstate New York, kung saan nagpatotoo si Joseph Smith: “Nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!16 Iyon, mga kapatid, ay isang himala.

tagpo sa Jerusalem sa Goshen, Utah

Dahil sa pandemya, napilitan kaming ilipat ang brodkast sa Goshen, Utah, kung saan muling nilikha ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, para sa paggawa ng pelikula, ang isang bahagi ng lumang Jerusalem. Ilang milya ang layo namin ni Sister Rasband mula sa Goshen noong Linggo ng gabing iyon nang makita namin ang makapal na usok na nagmumula sa direksyon ng aming destinasyon. Napakalaki ng sunog sa kagubatan doon, at nag-alala kami na baka hindi matuloy ang brodkast. Nangyari nga, dalawampung minuto bago mag-alas-sais, ang oras ng brodkast namin, nawalan ng kuryente sa buong lugar. Walang kuryente! Walang brodkast. May isang generator na inakala ng ilan na kayang magbigay ng kuryente, ngunit walang kasiguruhan na kakayanin nitong suportahan ang naroong sopistikadong kagamitan.

Usok mula sa sunog

Lahat kaming nasa programa, pati na ang mga narrator, musician, at technician—maging ang 20 young adult na sarili kong kamag-anak—ay lubos na namuhunan sa magaganap. Lumayo ako sa kanilang mga pagluha at pagkalito at nagsumamo sa Panginoon para sa isang himala. “Ama sa Langit,” dasal ko, “bihira po akong humiling ng himala, ngunit humihiling ako ng isang himala ngayon. Dapat maganap ang pulong na ito para sa lahat ng young adult namin sa buong mundo. Kailangan naming bumalik ang kuryente kung ito ang Inyong kalooban.”

Pitong minuto makalipas ang alas-6:00, simbilis ng pagkawala ng kuryente, bumalik ito. Lahat ay nagsimulang magtrabaho, mula sa musika at mga mikropono hanggang sa mga video at lahat ng kagamitan sa pagsasahimpapawid. Agad kaming nagsimula. Nakaranas kami ng isang himala.

Musikal na pagtatanghal sa Face to Face event

Habang nasa kotse kami ni Sister Rasband pauwi kalaunan nang gabing iyon, nag-text sa amin sina Pangulo at Sister Nelson ng ganito: “Ron, nais naming malaman ninyo na nang marinig namin na nawalan ng kuryente, nagdasal kami para sa isang himala.”

Sa banal na kasulatan sa mga huling araw, nakasulat: “Sapagkat ako, ang Panginoon, ay inilagay ang aking kamay upang gamitin ang mga kapangyarihan ng langit; hindi pa ninyo ito makikita ngayon, subalit sa ilang sandali pa at makikita ninyo ito, at malalaman na ako nga, at ako ay paparito at maghahari sa aking mga tao.”17

Iyon mismo ang nangyari. Inilagay ng Panginoon ang Kanyang kamay, at bumalik ang kuryente.

Dumarating ang mga himala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pananampalataya, tulad ng napakabisang itinuro sa atin ni Pangulong Nelson sa huling sesyon. Ipinayo ng propetang si Moroni sa mga tao, “Kung walang pananampalataya sa mga anak ng tao, ang Diyos ay hindi makagagawa ng himala sa kanila; anupa’t hindi niya ipinakita ang kanyang sarili hanggang sa sila muna ay nagkaroon ng pananampalataya.”

Sabi pa niya:

“Masdan, ang pananampalataya nina Alma at Amulek ang dahilan ng pagguho ng bilangguan sa lupa.

“Masdan, ang pananampalataya nina Nephi at Lehi ang gumawa ng pagbabago sa mga Lamanita, kung kaya’t sila ay nabinyagan ng apoy at ng Espiritu Santo.

“Masdan, ang pananampalataya ni Ammon at ng kanyang mga kapatid ang gumawa ng napakalaking himala sa mga Lamanita. …

“At ni hindi kailanman nakagawa ang sinuman ng mga himala hanggang sa sila muna ay nagkaroon ng pananampalataya; anupa’t sila ay [naniwala muna] sa Anak ng Diyos.”18

Maidaragdag ko sa mga talatang iyon sa banal na kasulatan, “Ang pananampalataya ng masigasig na mga young adult performer, propesyonal sa brodkast, lider at miyembro ng Simbahan, isang Apostol, at isang propeta ng Diyos na naghangad ng napakalaking himala ang nagpabalik sa kuryente sa isang malayong palabas na itinakda sa Goshen, Utah.”

Ang mga himala ay maaaring dumating bilang mga sagot sa dalangin. Hindi ito palaging naaayon sa ating hinihiling o inaasahan, ngunit kapag nagtiwala tayo sa Panginoon, paroroon Siya, at magiging tama Siya. Iaakma Niya ang himala sa sandaling kailangan natin ito.

Ang Panginoon ay naghihimala para ipaalala sa atin ang Kanyang kapangyarihan, Kanyang pagmamahal sa atin, Kanyang pagtulong mula sa kalangitan tungo sa ating mortal na karanasan, at Kanyang hangaring ituro ang bagay na pinakamahalaga. “Siya na may pananampalataya sa akin na mapagaling,” wika Niya sa mga Banal noong 1831, at ang pangako ay patuloy pa rin ngayon, “at hindi itinakda sa kamatayan, ay mapagagaling.”19 May mga batas na iniutos sa kalangitan, at lagi tayong sumasailalim sa mga ito.

May mga pagkakataon na umaasa tayo sa isang himalang mapagaling ang isang mahal sa buhay, na maitama ang isang kawalang-katarungan, o lumambot ang puso ng isang kaluluwang nasasaktan o dismayado. Sa pagtingin sa mga bagay gamit ang mortal na mga mata, nais nating mamagitan ang Panginoon, na ayusin ang nasira. Sa pamamagitan ng pananampalataya, darating ang himala, bagama’t maaaring hindi ayon sa ating takdang panahon o sa ipinasiya natin. Ibig bang sabihin niyan ay hindi tayo gaanong matapat o hindi tayo nararapat sa Kanyang pamamagitan? Hindi. Tayo ay pinakamamahal ng Panginoon. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa atin, at patuloy tayong pinalalaya ng Kanyang Pagbabayad-sala mula sa mga pasanin at kasalanan kapag nagsisisi tayo at lumalapit sa Kanya.

Ipinaalala na sa atin ng Panginoon, “Ni ang inyong mga pamamaraan ay aking mga pamamaraan.”20 Ang alok Niya, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan”21—kapahingahan mula sa pag-aalala, pagkasiphayo, takot, pagsuway, pag-aalala sa mga mahal sa buhay, sa nawala o nasirang mga pangarap. Ang kapayapaan sa gitna ng pagkalito o kalungkutan ay isang himala. Alalahanin ang mga salita ng Panginoon: “Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito? Ano pang mas higit na katibayan ang iyong matatamo kundi ang mula sa Diyos?”22 Ang himala ay na si Jesucristo, ang Dakilang Jehova, ang Anak ng Kataas-taasan, ay tumutugon nang may kapayapaan.

Tulad noong magpakita Siya kay Maria sa halamanan, na tinatawag ito sa kanyang pangalan, tinatawag Niya tayo na manampalataya. Hangad ni Maria na maglingkod sa Kanya at pangalagaan Siya. Hindi ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ang inasahan ni Maria, kundi ayon ito sa dakilang plano ng kaligayahan.

“Bumaba ka sa krus,”23 panunuya ng mga taong walang pananampalataya sa Kanya sa Kalbaryo. Maaari sana Niyang isagawa ang gayong himala. Ngunit alam Niya ang katapusan mula sa simula, at nilayon Niyang maging matapat sa plano ng Kanyang Ama. Hindi dapat mawala sa atin ang halimbawang iyan.

Sa mga oras ng pagsubok sinabi Niya, “Masdan ang sugat na tumagos sa aking tagiliran, at gayon din ang bakas ng mga pako sa aking mga kamay at paa; maging matapat, sundin ang aking mga kautusan, at inyong mamamana ang kaharian ng langit.”24 Iyan, mga kapatid, ang himalang ipinangako sa ating lahat.

Sa Linggong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, habang ipinagdiriwang natin ang himala ng Pagkabuhay na Mag-uli ng ating Panginoon, bilang isang Apostol ni Jesucristo, mapagpakumbaba kong dalangin na inyong madama ang kapangyarihan ng Manunubos sa inyong buhay, na masagot ang inyong mga pagsamo sa ating Ama sa Langit nang may pagmamahal at katapatang ipinakita ni Jesucristo sa Kanyang buong ministeryo. Dalangin ko na kayo ay manatiling matatag at matapat sa lahat ng darating. At binabasbasan ko kayo na daluhan kayo ng mga himala tulad ng naranasan namin sa Goshen—kung kalooban iyon ng Panginoon. Hanapin ang mga basbas na ito na bigay ng langit sa inyong buhay habang “[hinahanap ninyo] ang Jesus na ito na siyang isinulat ng mga propeta at apostol, upang ang biyaya ng Diyos Ama, at gayon din ng Panginoong Jesucristo, at ng Espiritu Santo, na siyang nagpapatotoo sa kanila, ay [mapasainyo] at manatili sa inyo magpakailanman.”25 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.