2021
COVID-19 at mga Templo
Mayo 2021


6:40

COVID-19 at mga Templo

Laging tandaan ang inyong mga tipan at biyaya sa templo sa inyong puso at isipan. Maging tapat sa mga tipan na ginawa ninyo.

Minamahal na mga kapatid, tunay na nagkaroon tayo ng espirituwal na piging. Malaki ang pasasalamat ko para sa mga panalangin, mensahe, at musika sa kabuuan ng kumperensya. Salamat sa pakikiisa sa amin, saan man kayo naroon.

Sa unang bahagi ng nakaraang taon, dahil sa pandemyang COVID-19 at sa ating pagnanais na maging mabubuting mamamayan ng mundo, ginawa natin ang mahirap na desisyong isara ang lahat ng templo nang pansamantala. Nang sumunod na mga buwan, nadama namin na graduwal na buksan ang mga templo sa maingat na pamamaraan. Ang mga templo ay kasalukuyang binubuksan sa apat na phase, na mahigpit na sumusunod sa mga lokal na patakaran ng gobyerno at pamamaraan sa kaligtasan.

Para sa mga templo na nasa phase 1, ang kwalipikadong mga tao na natanggap na dati ang kanilang endowment ay maaaring ibuklod bilang mag-asawa.

Sa mga templo sa phase 2, lahat ng ordenansa para sa mga buhay ay isinasagawa, kabilang ang pagtanggap ng sariling endowment, pagbubuklod sa mag-asawa, at pagbubuklod ng mga anak sa mga magulang. Kamakailan ay binago namin ang mga kondisyon para sa phase 2 at pinapayagan na ang mga kabataan, bagong miyembro, at iba pang may limited-use recommend na makilahok sa pagbibinyag sa pamamagitan ng proxy para sa kanilang mga ninuno.

Para sa mga templong nasa phase 3, ang mga taong may appointment ay maaaring makilahok hindi lamang sa mga ordenansa para sa mga buhay kundi sa lahat ng mga proxy ordinance para sa namatay na mga ninuno.

Ang phase 4 ay pagbabalik sa buo at regular na gawain sa templo.

Nagpapasalamat kami sa inyong pagtitiyaga at tapat na paglilingkod sa nagbabago at puno ng hamon na panahong ito. Dalangin ko na ang hangarin ninyong sumamba at maglingkod sa templo ay maging higit na mas malakas.

Maaaring iniisip ninyo kung kailan kayo makababalik sa templo. Ang sagot: Ang inyong templo ay magbubukas kapag pinayagan na ito ng inyong lokal na pamahalaan. Kapag ang bilang ng mga taong may COVID-19 sa inyong lugar ay katanggap-tanggap na, muling bubuksan ang inyong templo. Gawin ang lahat ng makakaya ninyo upang mapababa ang bilang ng maysakit ng COVID sa inyong lugar upang madagdagan ang pagkakataon ninyong makabalik sa templo.

Sa ngayon, laging tandaan ang inyong mga tipan at biyaya sa templo sa inyong puso at isipan. Maging tapat sa mga tipan na ginawa ninyo.

Tayo ay nagtatayo ngayon para sa hinaharap! Apatnapu’t isang templo ang kasalukuyang itinatayo o kinukumpuni. Noong isang taon lamang, sa kabila ng pandemya, 21 bagong templo ang nagkaroon ng groundbreaking!

Nais naming mas ilapit ang bahay ng Panginoon sa ating mga miyembro, upang magkaroon sila ng sagradong pribilehiyo na makapunta sa templo sa abot ng makakaya nila.

Sa pag-anunsiyo ko ng ating plano na magtayo ng 20 templo, inaalala at binibigyang-pugay ko ang mga pioneer—noon at ngayon—na naglaan ng kanilang buhay para tumulong sa pagbuo ng kasaysayang ito ngayon. Isang bagong templo ang itatayo sa sumusunod na mga lugar: Oslo, Norway; Brussels, Belgium; Vienna, Austria; Kumasi, Ghana; Beira, Mozambique; Cape Town, South Africa; Singapore, Republic of Singapore; Belo Horizonte, Brazil; Cali, Colombia; Querétaro, Mexico; Torreón, Mexico; Helena, Montana; Casper, Wyoming; Grand Junction, Colorado; Farmington, New Mexico; Burley, Idaho; Eugene, Oregon; Elko, Nevada; Yorba Linda, California; at Smithfield, Utah.

Ang mga templo ay mahalagang bahagi ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa kabuuan nito. Pinupuno ng mga ordenansa ng templo ang ating buhay ng kapangyarihan at lakas na hindi makukuha sa ibang paraan. Nagpapasalamat tayo sa Diyos para sa mga pagpapalang iyon.

Sa pagtatapos ng kumperensyang ito, muli naming ipinapahayag ang aming pagmamahal sa inyo. Dalangin namin na biyayaan at pangalagaan ng Diyos ang bawat isa sa inyo. Magkakasama tayong nakikibahagi sa Kanyang banal na paglilingkod. Nang may tapang, sumulong tayo sa maluwalhating gawain ng Panginoon. Ito ang dalangin ko sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.