2021
Magagawa Ninyong Tipunin ang Israel!
Mayo 2021


10:53

Magagawa Ninyong Tipunin ang Israel!

Talagang nakatitiyak ako na magagawa ninyo ito mga kabataan dahil sa isang bagay tungkol sa inyong identidad at sa malakas na kapangyarihan na taglay ninyo.

Halos tatlong taon na ang nakararaan, inanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson ang lahat ng kabataan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na sumali sa “hukbo ng mga kabataan ng Panginoon upang tumulong sa pagtipon ng Israel” sa magkabilang panig ng tabing. Sabi niya, “Ang pagtitipon na ito ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon.”1 Talagang nakatitiyak ako na kaya ninyong mga kabataan na magawa ito—at magagawa ninyo ito nang napakahusay—dahil sa (1) isang bagay tungkol sa inyong identidad at (2) sa malakas na kapangyarihan na taglay ninyo.

Brother at Sister Corbitt

Apatnapu’t isang taon na ang nakararaan, nadama ng dalawang missionary mula sa ating Simbahan na magpunta sa isang bahay sa New Jersey, sa Estados Unidos. Kalaunan, mahimalang nabinyagan ang mga magulang at lahat ng 10 anak. Sa mga salita ng propeta, “[hinayaan nilang] manaig ang Diyos”2 sa kanilang buhay. Dapat kong sabihing “ sa aming buhay.” Ako ang pangatlong anak. Ako ay 17 taong gulang nang magpasiya akong gumawa ng tipan na sundin si Jesucristo habambuhay. Ngunit hulaan ninyo kung ano pa ang ipinasiya ko? Hindi ako magmimisyon. Labis-labis na iyon. At hindi ito maaasahan sa akin, hindi ba? Bagong miyembro pa lamang ako ng Simbahan. Wala akong pera. Bukod pa riyan, bagama’t nagtapos ako mula sa pinakamahirap na hayskul sa kalapit na West Philadelphia at nalagpasan ang ilang matitinding hamon, lihim akong natakot na lisanin ang tahanan sa loob ng dalawang buong taon.

Pamilya Corbitt

Ang Inyong Tunay na Identidad

Ngunit nalaman ko na namuhay ako at ang buong sangkatauhan sa piling ng ating Ama sa Langit bilang Kanyang mga espiritung anak bago tayo isinilang. Kailangang malaman ng iba, tulad ng nalaman ko, na nais Niyang matamasa ng lahat ng Kanyang anak ang buhay na walang hanggan sa piling Niya. Kaya, bago naparito ang sinuman sa mundo, inilahad Niya sa lahat ang Kanyang perpektong plano ng kaligtasan at kaligayahan, kasama si Jesucristo bilang ating Tagapagligtas. Sa kasamaang-palad, tinutulan ni Satanas ang plano ng Diyos.3 Ayon sa aklat ng Apocalipsis, “nagkaroon ng digmaan sa langit”!4 Nalinlang ni Satanas sa tusong paraan ang ikatlong bahagi ng mga espiritung anak ng Ama sa Langit at hinayaan nilang manaig siya sa halip na ang Diyos.5 Ngunit hindi kayo! Nakita ni Apostol Juan na nadaig ninyo si Satanas “dahil sa salita ng [inyong] patotoo.”6

Dahil nalaman ko ang aking tunay na identidad, at natulungan ng aking patriarchal blessing, nabigyan ako ng mga ito ng tapang at pananampalataya na tanggapin ang paanyaya ni Pangulong Spencer W. Kimball na tipunin ang Israel.7 Gayon din ang mararanasan ninyo, mahal kong mga kaibigan. Ang malaman na nadaig ninyo noon si Satanas dahil sa salita ng inyong patotoo ay makatutulong sa inyo na magmahal, magbahagi, at mag-anyaya8 ngayon at sa tuwina—anyayahan ang iba na pumarito at tingnan, pumarito at tumulong, at pumarito at maging kabilang, habang patuloy na tumitindi ang digmaang ding iyon para sa kaluluwa ng mga anak ng Diyos.

Elder Corbitt

Ang Malakas na Pananampalataya na Taglay Ninyo

Ano naman ang tungkol sa malakas na kapangyarihan na taglay ninyo? Isipin ito: nagsigawan kayo sa tuwa9 na bumaba sa isang makasalanang mundo kung saan ang lahat ay daranas ng pisikal at espirituwal na kamatayan. Hindi natin kailanman madaraig ang alinman dito nang mag-isa. Tayo ay magdurusa hindi lamang dahil sa sarili nating mga kasalanan kundi sa mga kasalanan din ng iba. Mararanasan ng sangkatauhan ang halos lahat ng uri ng kapighatian at kabiguan10—nang may lambong ng pagkalimot sa ating isipan at patuloy na pagpuntirya at pagtukso sa atin ng pinakamasamang kaaway ng mundo. Ang lahat ng pag-asang makabalik na nabuhay na mag-uli at malinis sa banal na kinaroroonan ng Diyos ay lubos na nakasalalay sa pagtupad ng isang Nilalang sa Kanyang pangako.11

Ano ang nagpalakas sa inyo para sumulong? Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, “Kinailangan ang pananampalataya kay Jesucristo upang sang-ayunan ang plano ng kaligayahan at ang tungkulin ni Jesucristo rito sapagkat kakaunti lamang ang inyong pagkakaalam tungkol sa mga hamong haharapin ninyo sa mortalidad.”12 Nang ipangako ni Jesucristo na Siya ay paparito sa mundo at ibibigay Niya ang Kanyang buhay upang tipunin13 at iligtas tayo, hindi lamang kayo naniwala sa Kanya. Kayong “magigiting na mga espiritu”14 ay may “labis na pananampalataya” kaya nakita ninyo na tiyak ang Kanyang pangako.15 Hindi Siya maaaring magsinungaling, kaya nakita ninyo Siya na tila itinigis na Niya ang Kanyang dugo para sa inyo, bago pa man Siya isinilang.16

Sa mga masimbolikong salita ni Juan, inyong “dinaig [si Satanas] dahil sa dugo ng Kordero.”17 Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks na sa mundong iyon ay “nakita [ninyo] ang katapusan mula sa simula.”18

Isipin kunwari na isang araw bago kayo pumasok sa paaralan, nangako ang isa sa inyong mga magulang na makakakain kayo ng paborito ninyong pagkain pag-uwi ninyo! Tuwang-tuwa kayo! Habang nasa paaralan, iniisip ninyo na kinakain ninyo ang pagkaing iyon, at nalalasahan na ninyo iyon. Siyempre, ibabahagi ninyo sa iba ang inyong magandang balita. Ang pag-asam na makauwi ay labis na nagpapasaya sa inyo kaya tila madali ang mga pagsusulit at gawain sa paaralan. Walang makapag-aalis ng inyong kagalakan o makapagpapaduda sa inyo dahil nakatitiyak kayo sa pangako! Gayundin, bago isinilang kayong magigiting na mga espiritu, natutuhan ninyong makita ang mga pangako ni Cristo sa tiyak na paraang ito, at natikman ninyo ang Kanyang pagliligtas.19 Ang inyong malaking pananampalataya ay tulad ng mga kalamnan na mas lumalakas at mas lumalaki kapag lalo ninyong ginagamit ang mga ito, ngunit taglay na ninyo ang mga ito.

Paano ninyo mapupukaw ang inyong malaking pananampalataya kay Cristo at magagamit ito para tipunin ang Israel ngayon at muling magtagumpay laban kay Satanas? Sa pamamagitan ng muling pagkatutong umasa at tingnan nang may gayon ding katiyakan ang pangako ng Panginoon na magtipon at magligtas ngayon. Ginagamit Niya higit sa lahat ang Aklat ni Mormon at ang Kanyang mga propeta para ituro sa atin ang paraan. Bago pa man dumating si Cristo, ang mga tao ay hinikayat na ng mga Nephitang “propeta, at … saserdote, at … guro … [na] umasa sa Mesiyas, at maniwalang siya ay paparito na para bagang pumarito na siya.”20 Itinuro ng propetang si Abinadi, “At ngayon, kung si Cristo ay hindi pumarito sa daigdig, tumutukoy sa mga bagay na darating na para bang dumating na ang mga ito, ay hindi sana magkakaroon ng pagtubos.”21 Gaya ni Alma, si Abinadi ay “[umasa] nang may mata ng pananampalataya”22 at nakitang natupad na ang ipinangakong kaligtasan ng Diyos. Kanilang “dinaig [si Satanas] dahil sa dugo ng Kordero at … sa salita ng kanilang patotoo” bago pa man isinilang si Cristo, tulad ng ginawa ninyo. At binigyan sila ng Panginoon ng kapangyarihang anyayahan at tipunin ang Israel. Gagawin din Niya ito para sa inyo kapag umaasa kayo nang may pananampalataya, nakikitang natitipon ang Israel—sa buong mundo at sa sarili ninyong “mga grupo”23—at inaanyayahan ninyo ang lahat!

Daan-daang missionary ang sumalig sa kanilang malakas na pananampalataya kay Cristo bago pa man sila isinilang sa pamamagitan ng pag-iisip na ang mga yaong kinontak o tinuruan nila ay nakasuot ng damit-pambinyag at kasuotan sa templo. Sa isang mensaheng pinamagatang “Begin with the End in Mind [Mag-umpisa na ang Katapusan ang Nasa Isip],”24 nagbahagi si Pangulong Nelson ng isang personal na halimbawa ng paggawa nito at iniutos niya sa mga mission leader na turuan ang ating mga missionary na gawin din iyon. Dahil nalaman nila na ginamit nila ang malaking pananampalatayang ito kay Jesucristo sa premortal na daigdig, ito ay lubos na nakatulong sa ating mahal na mga missionary na “pakinggan Siya”25 at gamitin ang kanilang malaking pananampalataya para tipunin ang Israel tulad ng ipinangako ng Panginoon.

Mangyari pa, ang pag-iisip ng mga kasinungalingan ay nakasisira ng pananampalataya.26 Mga kaibigan ko, ang sadyang pag-iisip o pagtingin sa mga bagay na salungat sa inyong tunay na identidad, lalo na sa pornograpiya, ay magpapahina sa inyong pananampalataya kay Cristo at, kung walang pagsisisi, mawawasak ito. Mangyaring gamitin ang inyong imahinasyon upang mapalakas ang pananampalataya kay Cristo, hindi upang wasakin ito.

Ang Programang Mga Bata at Kabataan

Ang programang Mga Bata at Kabataan ay isang kasangkapan ng propeta upang matulungan kayong mga kabataan na palakasin pa ang inyong malaking pananampalataya. Itinuro ni Pangulong Oaks, “Ang programang ito ay ginawa para tulungan kayo na lumaki tulad ng Tagapagligtas sa apat na aspeto: espirituwal, pakikipagkapwa, pisikal, at intelektuwal.”27 Habang nangunguna kayong mga kabataan—nangunguna—sa pagsasabuhay ng ebanghelyo, pangangalaga sa iba, pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo, pagbubuklod ng mga pamilya sa kawalang-hanggan, at pag-oorganisa ng masasayang aktibidad,28 ang malaking pananampalataya ninyo kay Cristo sa premortal na buhay ay muling mangingibabaw at magbibigay-kakayahan sa inyo na magawa ang Kanyang gawain sa buhay na ito!

Ang mga personal na mithiin din, “lalo na ang mga panandaliang mithiin,”29 ay tumutulong sa inyo na muling pagningasin ang inyong malakas na pananampalataya. Kapag nagtatakda kayo ng mabuting mithiin, umaasa kayo, tulad noon, at nakikita ninyo kung ano ang nais ng inyong Ama sa Langit na kahinatnan ninyo o ng iba.30 Pagkatapos ay magpaplano at magsisikap kayo na makamtan ito. Itinuro ni Elder Quentin L. Cook, “Huwag maliitin kailanman ang kahalagahan ng pagpaplano, pagtatakda ng mga mithiin … , at [pag-anyaya sa iba]—nang may mata ng pananampalataya.”31

Ang pagpili ay nasa inyo! Sinabi ng Panginoon tungkol sa inyo, “Ang kapangyarihan[g pumili] ay nasa kanila.”32 Ipinaliwanag ni Elder Neil L. Andersen, “Hindi lalakas ang pananampalataya ninyo nang wala kayong ginagawa, kailangan ninyong pumili.”33 Sinabi rin niya, “[Anumang] matatapat na tanong [na mayroon kayo] … [ay] masasagot sa pagtitiyaga at nang may mata ng pananampalataya.”34

Pinatototohanan ko na (1) ang inyong tunay na identidad at (2) ang malakas na kapangyarihan ng pananampalataya kay Cristo na taglay ninyo ay magbibigay sa inyo ng kakayahang “[tumulong na] ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-anyaya sa lahat na lumapit kay Cristo at tanggapin ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.”35 Nawa’y ibahagi nating lahat ang kagalakan ng tiyak na pangako ng Aklat ni Mormon:

“Ang mabubuti na makikinig sa … mga propeta, at … umaasa kay Cristo nang may katatagan … sa kabila ng lahat ng pag-uusig … [ay] hindi masasawi.

“Subalit … pagagalingin sila [ni Cristo], at magkakaroon sila ng kapayapaan sa kanya.”36

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.