2021
Ang Ating Kalungkutan ay Magiging Kagalakan
Mayo 2021


8:51

Ang Ating Kalungkutan ay Magiging Kagalakan

Inaanyayahan ko ang lahat ng nakadarama ng kalungkutan, ang lahat ng nag-iisip kung ano ang mangyayari matapos nating mamatay, na manampalataya kay Cristo.

Ilang taon na ang nakalilipas, habang dumadalo sa mga pagpupulong sa Salt Lake City, binati ako ng ating mahal na propetang si Russel M. Nelson. Sa kanyang karaniwang magiliw at personal na paraan, itinanong niya, “Mark, kumusta ang nanay mo?”

Sinabi ko sa kanya na nakasama ko siya ilang araw na ang nakararaan noong linggong iyon sa kanyang tahanan sa New Zealand at na tumatanda na siya ngunit puno ng pananampalataya at isang inspirasyon sa lahat ng nakakikilala sa kanya.

Pagkatapos ay sinabi niya, “Pakiusap, ipaabot mo sa kanya ang aking pagmamahal … at sabihin mo sa kanya na umaasa akong makita siyang muli.”

Nagulat ako at nagtanong, “Mayroon po ba kayong nalalapit na nakaplanong biyahe sa New Zealand?”

Napa-isip at matapat na tumugon siya, “Ah hindi, makikita ko siya sa susunod na buhay.”

Walang hindi makabuluhan sa kanyang sagot. Ito ay isang perpektong likas na pagpapahayag ng katotohanan. Sa pribado at walang pasubaling sandaling iyon, narinig at nadama ko ang dalisay na patotoo mula sa buhay na propeta na ang buhay ay nagpapatuloy pagkatapos ng kamatayan.

Sa linggo ng kumperensyang ito, maririnig ninyo ang mga buhay na apostol at propeta na magpapatotoo sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. “Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw[;] … at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang [ng katotohanang ito].”1 Ipinapangako ko sa inyo na kapag nakinig kayo nang may tunay na layunin, pagtitibayin ng Espiritu sa inyong isip at sa inyong puso ang katotohanan ng mga patotoong ito.2

Ang mga sinaunang Apostol ni Jesucristo ay nabago magpakailanman matapos Siyang magpakita sa kanila pagkaraan ng Kanyang kamatayan. Sampu sa kanila ang nakakita para sa kanilang sarili na Siya ay nabuhay na mag-uli. Si Tomas, dahil wala noong una, ay nagpahayag, “Malibang makita ko … , hindi ako maniniwala.”3 Kalaunan ay pinagsabihan ni Jesus si Tomas, “Huwag kang mag-alinlangan kundi sumampalataya.”4 Pagkatapos ay itinuro ng Panginoon ang mahalagang papel ng pananampalataya: “Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma’y sumasampalataya.”5

Ang nabuhay na mag-uling Panginoon ay nag-utos sa Kanyang mga Apostol na magpatotoo tungkol sa Kanya. Tungkol naman sa ating mga buhay na Apostol ngayon, iniwan nila ang kanilang mga trabaho rito sa mundo at ginugol ang nalalabi nilang buhay sa matapang na pagpapahayag na ibinangon ng Diyos ang Jesus na ito. Ang kanilang mga makapangyarihang patotoo ay umakay sa libu-lubong tao na tanggapin ang paanyaya na mabinyagan.6

Ang maluwalhating mensahe ng umaga ng Pasko ng Pagkabuhay ang sentro sa kabuuan ng Kristiyanismo. Si Jesucristo ay bumangon mula sa kamatayan, at dahil dito, tayo rin ay muling mabubuhay matapos nating mamatay. Ang kaalamang ito ay nagbibigay ng kahulugan at layunin sa ating buhay. Kung susulong tayo nang may pananampalataya, tayo ay mababago magpakailanman, tulad ng mga sinaunang Apostol. Tulad nila, magagawa nating tiisin ang anumang paghihirap nang may pananampalataya kay Jesucristo. Ang pananampalataya ring ito ang nagbibigay sa atin ng pag-asa na darating ang panahon na ang ating “kalungkutan ay magiging kagalakan.”7

Ang sarili kong pananampalataya ay nagsimula sa isang panahon ng kalungkutan.

Ang aking ama at ina ay mga tagapastol ng tupa sa New Zealand.8 Masaya sila sa buhay nila. Sa bagong buhay bilang mag-asawa, biniyayaan sila ng tatlong maliliit na anak na babae. Ang pinakabata sa kanila ay nagngangalang Ann. Isang araw, habang sama-sama silang naglilibang sa isang lawa, naglakad-lakad ang 17 buwang gulang na si Ann. Matapos ang ilang minuto nang desperadong paghahanap, nakita siyang walang buhay sa tubig.

Ang bangungot na ito ay nagdulot ng hindi mailarawang kalungkutan. Ilang taon kalaunan, isinulat ni Tatay na tuluyang nawala ang ilang kaligayahan sa kanilang buhay magpakailanman. Nagdulot din ito ng paghahangad ng mga kasagutan sa mga pinakamahahalagang katanungan sa buhay: Ano ang mangyayari sa aming pinakamamahal na si Ann? Makikita ba namin siyang muli? Paano magiging masayang muli ang aming pamilya?

Ilang taon matapos ang trahedyang ito, dalawang batang missionary mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang dumating sa aming bukid. Nagsimula silang magturo ng mga katotohanang matatagpuan sa Aklat ni Mormon at sa Biblia. Kabilang sa mga katotohanang ito ang katiyakan na nabubuhay ngayon si Ann sa mundo ng mga espiritu. Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, siya rin ay mabubuhay na mag-uli. Itinuro nila na ang Simbahan ni Jesucristo ay muling ipinanumbalik sa lupa na may buhay na propeta at labindalawang Apostol. At itinuro nila ang natatangi at hindi pangkaraniwang doktrina na ang mga pamilya ay maaaring sama-samang mabuklod magpakailanman sa pamamagitan ng kaparehong awtoridad ng priesthood na ibinigay ni Jesucristo sa Kanyang punong Apostol na si Pedro.9

Si Nanay ay kaagad na naunawaan ang katotohanan at nakatanggap ng pagpapatotoo ng Espiritu. Gayunman, nahirapang pumili si Tatay hanggang sa sumunod na taon sa pagitan ng mga pagdududa at espirituwal na panghihikayat. Atubili rin siyang baguhin ang paraan ng pamumuhay niya. Isang umaga matapos na hindi makatulog nang magdamag, habang naglalakad nang paroo’t parito sa bahay, bumaling siya kay Nanay at nagsabing, “Magpapabinyag ako ngayon o hindi na kailanman.”

Sinabi ni Nanay sa mga missionary ang nangyari, at kaagad nilang nakita ang kislap ng pananampalataya sa aking ama na ngayon ay maaaring magningas o mawala.

Noong umaga ring iyon, nagbiyahe ang aming pamilya sa pinakamalapit na dalampasigan. Walang kamalay-malay sa nangyayari, nag-piknik kaming mga bata sa buhanginan habang inakay sa dagat nina Elder Boyd Green at Gary Sheffied ang aking mga magulang at bininyagan sila. Sa mas pinag-ibayong pagpapakita ng pananampalataya, nangako nang sarilinan ang Tatay ko sa Panginoon na anuman ang mangyari, magiging tapat siya habambuhay sa mga pangakong ginawa niya.

Pagkaraan ng isang taon, isang templo ang inilaan sa Hamilton, New Zealand. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, ang aming pamilya, kasama ang isang taong kumakatawan kay Ann, ay lumuhod sa altar ng sagradong bahay na iyon ng Panginoon. Doon, pinag-isa kami bilang isang walang hanggang pamilya sa isang simple at magandang ordenansa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Nagdulot ito ng labis na kapayapaan at kagalakan.

Pagkaraan ng maraming taon, sinabi sa akin ni Tatay na kung hindi dahil sa trahedyang pagkamatay ni Ann, hindi siya kailanman magkakaroon ng sapat na kababaang-loob na tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Gayunman, ang Espiritu ng Panginoon ay nagtanim ng pag-asa na ang itinuro ng mga missionary ay totoo. Patuloy na lumago ang pananampalataya ng aking mga magulang hanggang sa kapwa sila nagtamo ng nagniningas na patotoo na tahimik at mapagpakumbabang gumabay sa bawat desisyon nila sa buhay.

Palagi akong magpapasalamat para sa halimbawa ng aking mga magulang sa mga susunod na henerasyon. Imposibleng mabilang ang dami ng buhay na nabago magpakailanman dahil sa pagpapakita nila ng pananampalataya bilang tugon sa napakatinding kalungkutan.

Inaanyayahan ko ang lahat ng nakadarama ng kalungkutan, ang lahat ng nakikipagbuno sa pagdududa, ang lahat ng nag-iisip kung ano ang mangyayari matapos nating mamatay, na manampalataya kay Cristo. Ipinapangako ko sa inyo na kung nanaisin ninyong maniwala, pagkatapos ay kikilos nang may pananampalataya at susundin ang mga bulong ng Espiritu, makahahanap kayo ng kagalakan sa buhay na ito at sa mundong darating.

Pinananabikan ko ang araw na makikita ko ang kapatid kong si Ann. Nananabik ako na makitang muli nang may kagalakan si Tatay, na namatay mahigit 30 taon na ang nakararaan. Pinatototohanan ko ang kagalakan na matatagpuan sa pamumuhay nang may pananampalataya, naniniwala nang hindi nakakakita, ngunit nalalaman sa pamamagitan ng Espiritu Santo na buhay si Jesucristo. Nang buong puso at kaluluwa ko, pinipili kong sundin si Jesucristo at ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Pinagpapala nito ang bawat aspeto ng buhay ko. Alam ko na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, ang ating Tagapagligtas at ating Manunubos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.