2021
Elder S. Mark Palmer
Mayo 2021


Elder S. Mark Palmer

Panguluhan ng Pitumpu

Pasasalamatan ni Elder S. Mark Palmer magpakailanman ang galak at pag-asang natagpuan niya sa paglilingkod at mga ordenansa sa templo. Ang calling na maglingkod linggu-linggo sa Dallas Texas Temple kasama ang kanyang asawang si Jacqueline sa isa sa mga pinakaabalang panahon ng kanilang buhay ay nakatulong kay Elder Palmer na baguhin ang kanyang mga prayoridad. Ang paglilingkod sa templo ay nagturo sa kanya ng sakripisyo, pagpaplano, at pagbabalanse at nakatulong sa kanya na maalala ang kanyang mga tipan at maging mas mabuting asawa at ama. Ang paglilingkod sa templo ay nagpaalala sa kanya ng kawalang-hanggan ng pamilya at ng masayang pagkikita-kitang muli ng pumanaw na mga mahal sa buhay sa hinaharap, pati na ang isang kapatid na babaeng pumanaw sa edad na isang taon.

Ang paglilingkod sa templo ay nakatulong din kay Elder Palmer na espirituwal na maghanda para sa mga calling sa priesthood sa hinaharap, pati na bilang isang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu. Si Elder Palmer, na sinang-ayunan noong Abril 3, 2021, ay magsisimula sa kanyang mga bagong responsibilidad sa Agosto 1, 2021.

Si Stanley Mark Palmer ay isinilang noong Pebrero 11, 1956, sa Te Puke, Bay of Plenty, New Zealand, kina Kenneth at Jill Palmer. Sumapi sa Simbahan ang kanyang pamilya noong bata pa siya.

Matapos maglingkod sa full-time mission sa New Zealand Wellington Mission, nagkamit siya ng isang bachelor of commerce degree sa University of Auckland noong 1979 at isang master of business administration sa Brigham Young University noong 1982. Habang nakatira sa Provo, Utah, USA, nakilala niya ang isang returned missionary na nagngangalang Jacqueline Wood. Ikinasal sila noong 1981 sa Salt Lake Temple. Ang mga Palmer ay may 6 na anak at 16 na apo.

Si Elder Palmer ay presidente ng SMP Ventures, isang real estate development company na itinatag niya sa Austin, Texas, USA. Nakapaglingkod na siya bilang bishop, stake president, president ng Washington Spokane Mission (2009–12), interim president ng Australia Sydney South Mission (2014), at Area Seventy.

Siya ay sinang-ayunan bilang General Authority Seventy noong Abril 2, 2016, at kasalukuyang naglilingkod bilang president ng Africa South Area.