2021
Mga Kaawa-awa
Mayo 2021


9:33

Mga Kaawa-awa

Sa bawat ward at branch, kailangan natin ang lahat—ang mga taong matitibay at ang mga taong marahil ay nahihirapan. Lahat ay kailangan.

Noong bata pa ako, naaalala kong nakasakay sa kotse kasama ang aking ama at nakikita ang mga tao sa tabing-kalsada na nasa mahirap na kalagayan o kailangan ng tulong. Palaging sinasabi ng tatay ko ang salitang “Pobrecito,” na ibig sabihin ay “kaawa-awa.”

Sa ilang pagkakataon, pinagmasdan ko nang may interes ang pagtulong ng aking tatay sa marami sa ganitong mga tao, lalo na kapag naglalakbay kami patungong Mexico upang bisitahin ang aking mga lolo’t lola. Karaniwan siyang naghahanap ng isang taong nangangailangan at pagkatapos ay personal siyang lalapit upang maibigay ang tulong na kailangan nila. Nalaman ko kalaunan na tinutulungan niya silang makapag-aral, makabili ng kaunting pagkain, o makapaglaan kahit paano para sa kanilang kapakanan. Siya ay naglilingkod sa isang “kaawa-awa” na nakasalamuha niya. Sa katotohanan, sa aking pagtanda ay wala akong maalalang isang panahon kung kailan walang taong nakititira sa amin na nangangailangan ng matutuluyan habang nagsisikap silang maging self-reliant. Ang pagsaksi sa mga karanasang ito ay nagbigay sa akin ng diwa ng pagkahabag para sa mga kapwa ko, kalalakihan at kababaihan, at sa mga taong nangangailangan.

Sinasabi sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: “Napapaligiran ka ng mga tao. Nadaraanan mo sila sa kalye, nabibisita sa kanilang mga tahanan, at nakakasabay mo sila sa biyahe. Lahat sila ay anak ng Diyos, mga kapatid mo. … Marami sa mga taong ito ang naghahanap ng layunin sa buhay. Nag-aalala sila para sa kanilang kinabukasan at sa kanilang pamilya” (Preach My Gospel: A Guide to Missionary Service [2018], 1).

Sa mga taon ng paglilingkod ko sa Simbahan, sinubukan kong hanapin ang mga taong nangangailangan ng tulong sa kanilang buhay, kapwa sa temporal at espirituwal. Madalas kong naririnig ang tinig ng aking ama na nagsasabing, “Pobrecito,” kaawa-awa.

Sa Biblia may mahahanap tayong isang kamangha-manghang halimbawa ng pagmamalasakit sa isang kaawa-awa:

“Isang araw, sina Pedro at Juan ay pumanhik sa templo sa oras ng pananalangin, nang ikasiyam na oras.

“At may isang lalaking lumpo mula pa sa pagkapanganak ang noon ay ipinapasok. Araw-araw siya’y inilalagay nila sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa mga pumapasok sa templo;

“Nang nakita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos.

“Ngunit pagtitig sa kanya ni Pedro, kasama si Juan, ay sinabi, Tingnan mo kami.

“Itinuon niya ang kanyang pansin sa kanila na umaasang mayroong tatanggapin mula sa kanila.

“Ngunit sinabi ni Pedro, Wala akong pilak at ginto, ngunit ang nasa akin ay siya kong ibinibigay sa iyo: Sa pangalan ni [Jesucristong] taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.

“Kanyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya’y itinindig at agad na lumakas ang kanyang mga paa at mga bukung-bukong” (Mga Gawa 3:1–7; idinagdag ang pabibigay-diin).

Sa pagbabasa sa ulat na ito, natuon ang pansin ko ng paggamit sa salitang pagtitig. Ang ibig sabihin ng salitang pagtitig ay ituon ang mga mata o saloobin o tumingin nang mabuti (tingnan sa “fasten,” Dictionary.com). Nang tumingin si Pedro sa taong ito, nakita niyang naiiba ang taong ito kumpara sa iba. Hindi lamang ang kawalang kakayahang lumakad at mga kahinaan nito ang nakita niya kundi pati ang pananampalataya nito na sapat para mapagaling at makapasok sa templo upang matanggap ang hangad na mga pagpapala.

Napansin ko na hinawakan niya ito sa kanang kamay at itinindig. Habang tinutulungan niya ang lalaking ito sa ganitong paraan, siya ay mahimalang pinagaling ng Panginoon, at “lumakas ang kanyang mga paa at mga bukung-bukong” (Mga Gawa 3:7). Ang kanyang pagmamahal sa lalaking ito at ang pagnanais na tulungan siya ay nagdulot ng karagdagang kapasidad at kakayahan sa lalaking mahina.

Habang naglilingkod bilang Area Seventy, inilaan ko ang bawat Martes ng gabi para sa ministering kasama ang mga stake president sa lugar na sakop ng aking tungkulin. Inanyayahan ko silang magplanong makabisita sa mga taong nangangailangan ng isang ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo o sa kanila na kasalukuyang hindi tumutupad sa mga tipang ginawa nila. Sa aming tuluy-tuloy at planadong ministering, pinalawak ng Panginoon ang aming mga pagsisikap at nagawa naming mahanap ang mga indibiduwal at pamilya na nangangailangan. Ito ang mga “kaawa-awa” na nakatira sa iba’t ibang stake kung saan kami naglingkod.

Sa isang pagkakataon, sinamahan ko si Pangulong Bill Whitworth, ang pangulo ng Sandy Utah Canyon View Stake, para magsagawa ng ministering. Ipinagdasal niya kung sino ang nararapat naming bisitahin, sinusubukang magkaroon ng karanasan na katulad ng kay Nephi, na “pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat [niyang] gawin” (1 Nephi 4:6). Ipinakita niya na kapag kami ay naglilingkod, kami ay nararapat na akayin ng paghahayag sa mga taong lubhang nangangailangan, sa halip na isa-isahin o bisitahin lamang ang mga indibiduwal nang hindi taos sa puso. Tayo ay nararapat na akayin ng kapangyarihan ng inspirasyon.

Naaalala ko ang pagbisita sa tahanan ng isang bata pang mag-asawa, sina Jeff at Heather, at ang kanilang maliit na anak na lalaki na si Kai. Si Jeff ay lumaki na aktibong miyembro ng Simbahan. Siya ay isang napakahusay na atleta at may potensyal na magtagumpay. Nagsimula siyang lumayo sa Simbahan noong tinedyer siya. Kalaunan, naaksidente siya habang nagmamaneho, at binago nito ang buhay niya. Nang pumasok kami sa tahanan nila at nakilala ang isa’t isa, tinanong kami ni Jeff kung bakit kami bumisita sa kanyang pamilya. Sumagot kami na may mga 3,000 miyembro na nakatira sa loob ng mga hangganan ng stake. Pagkatapos ay tinanong ko siya, “Jeff, sa lahat ng mga tahanang puwede naming bisitahin ngayong gabi, sabihin mo sa amin kung bakit kami ipinadala rito ng Panginoon.”

Dahil doon, naging emosyonal si Jeff at nagsimulang magbahagi sa amin ng ilan sa kanyang mga alalahanin at ilan sa mga problemang kinahaharap nila bilang pamilya. Nagsimula kaming magbahagi ng iba’t ibang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Inanyayahan namin silang gawin ang ilang partikular na bagay na tila mahirap sa una subalit sa paglipas ng panahon ay magbibigay sa kanila ng malaking kasiyahan at kagalakan. Pagkatapos ay binigyan ni Pangulong Whitworth si Jeff ng basbas ng priesthood upang matulungan siyang malampasan ang mga hamon sa kanyang buhay. Sumang-ayon sina Jeff at Heather na gawin ang hiniling naming gawin nila.

Pagkalipas ng mga isang taon, pribilehiyo kong mamasdan na binyagan ni Jeff ang kanyang asawang si Heather para maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Inihahanda na nila ang kanilang sarili na makapasok sa templo upang mabuklod bilang pamilya sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Binago ng pagbisita namin ang kanilang buhay kapwa sa temporal at espirituwal.

Sinabi ng Panginoon:

“Dahil dito, maging matapat; tumayo sa katungkulang aking itinalaga sa iyo; tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina” (Doktrina at mga Tipan 81:5).

“At sa paggawa ng mga bagay na ito ginagawa mo ang higit na mabuti sa iyong kapwa tao, at itinataguyod ang kaluwalhatian niya na iyong Panginoon” (Doktrina at mga Tipan 81:4).

Mga kapatid, itinuro ni Apostol Pablo ang isang mahalagang aspeto sa ating ministering o paglilingkod. Itinuro niya na tayo “ang katawan ni Cristo, at bawat isa’y mga bahagi” (I Mga Taga Corinto 12:27) at na ang bawat bahagi ng katawan ay kailangan upang matiyak na malakas ang buong katawan. Pagkatapos ay itinuro niya ang isang makapangyarihang katotohanan na tumimo sa aking puso noong nabasa ko ito. Sabi niya, “Ang mga bahagi ng katawan na wari’y mahihina ay kailangan: ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating walang kapurihan, ay pinagkakalooban natin ng higit na kapurihan” (I Mga Taga Corinto 12:22–23; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Dahil dito, sa bawat ward at branch, kailangan natin ang lahat—ang mga taong matitibay at ang mga taong marahil ay nahihirapan. Ang lahat ay kailangan sa mahalagang pagpapalakas sa buong “katawan ni Cristo.” Madalas kong isipin kung sino ang mga nawawala sa ating maraming kongregasyon na magpapalakas sa atin at bubuo sa atin.

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Sa Simbahan hindi lamang tayo nag-aaral ng doktrina; ipinamumuhay rin natin ito. Bilang bahagi ng katawan ni Cristo, ang mga miyembro ng Simbahan ay naglilingkod sa isa’t isa sa totoong mga nagaganap sa araw-araw na buhay. Lahat tayo ay hindi perpekto. … Sa katawan ni Cristo, hindi sapat na pinag-aaralan lang natin ang mga konsepto at mga banal na salita kundi dapat nating ‘aktuwal’ na ipamuhay ito habang tayo ay natututong ‘mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig’ [Doktrina at mga Tipan 42:45]” (“Bakit Kailangan ang Simbahan,” Liahona, Nob. 2015, 108–9).

Panaginip ni Brigham Young

Noong 1849, nanaginip si Brigham Young kung saan nakita niya si Propetang Joseph Smith na nagpapastol ng isang malaking kawan ng mga tupa at kambing. Ang ilan sa mga hayop na ito ay malalaki at magaganda; ang iba ay maliliit at marurumi. Naalala ni Brigham Young na tiningnan niya sa mga mata si Propetang Joseph Smith at sinabing, “Joseph, nasa sa iyo ang pinaka-kakaibang kawan … na nakita ko sa buhay ko; ano ang gagawin mo sa kanila?” Ang Propeta, na tila hindi nag-aalala sa magulong kawang ito, ay tumugon lang, “[Brigham,] ang lahat ng ito ay may mabuting kalalagyan.”

Nang magising si Pangulong Young, naunawaan niya na bagama’t magtitipon ang Simbahan ng maraming “tupa at kambing,” tungkulin niya na tanggapin silang lahat at hayaan ang bawat isa sa kanila na mabatid ang kanilang pinakapotensyal sa kanilang pamamalagi sa Simbahan. (Hango sa Ronald W. Walker, “Brigham Young: Student of the Prophet,” Ensign, Peb. 1998, 56–57.)

Mga kapatid, nagsimula ang mensahe kong ito habang pinagninilayan ko ang isang tao na hindi kasalukuyang nakikibahagi sa Simbahan ni Jesucristo. Nais kong kausapin nang sandali ang bawat isa sa kanila. Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell na “ang ganitong mga indibiduwal ay kadalasang nananatiling malapit—datapwat hindi lubusang nakikilahok—sa Simbahan. Hindi sila pumapasok sa kapilya, datapwat hindi nila nililisan ang beranda nito. Sila ang mga taong nangangailangan sa at kinakailangan ng Simbahan, ngunit, bahagyang ‘nabubuhay [nang] walang dini-Diyos sa daigdig’ [Mosias 27:31]” (“Why Not Now?,”Ensign, Nob. 1974, 12).

Uulitin ko ang paanyaya ng ating minamahal na Pangulong Russell M. Nelson noong una niyang kinausap ang mga miyembro ng Simbahan. Sinabi niya: “Ngayon, sa bawat miyembro ng Simbahan sinasabi ko, manatili sa landas ng tipan. Ang inyong pangako na sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipan na iyon ang magbubukas ng pinto para sa bawat espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman.

Pagkatapos ay nakiusap siya: “Ngayon, kung umalis kayo sa landas, inaanyayahan ko kayong lahat [nang] may buong pag-asa sa aking puso na bumalik kayong muli. Anumang problema, anumang hamon ang inyong hinaharap, may lugar para sa inyo [rito], sa Simbahan ng Panginoon. Kayo at ang mga henerasyong hindi pa isinisilang ay mapagpapala ng inyong mga kilos ngayon na bumalik sa landas ng tipan” (“Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” o Liahona, Abr. 2018, 7; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Pinatototohanan ko Siya, maging si Jesucristo, ang Dalubhasang Tagapaglingkod at Tagapagligtas nating lahat. Inaanyahahan ko ang bawat isa sa atin na hanapin ang mga “pobrecito,” ang mga “kaawa-awa” sa atin na nangangailangan. Ito ang aking inaasam at ipinagdarasal sa pangalan ni Jesucristo, amen.