2021
Elder Clark G. Gilbert
Mayo 2021


Elder Clark G. Gilbert

General Authority Seventy

Maraming nakakikilala kay Elder Clark G. Gilbert bilang pangulo ng BYU–Pathway Worldwide at bilang nakaraang pangulo ng Brigham Young University–Idaho. Marami ring nakakikilala sa kanya sa kanyang makabagong pagpapaunlad ng mga online higher education program sa dalawang institusyong ito.

Pinasasalamatan ni Elder Clark ang makabuluhang paglilingkod sa Simbahan—pagtulong sa mga kabataang lalaki sa loob ng lunsod ng Boston, Massachusetts, USA—sa paghahanda sa kanya na dalhin ang mga oportunidad na makapag-aral sa mas maraming tao. Dumating ang pagkakataong iyon na maglingkod habang abala siya sa graduate school at pag-aalaga sa isang bata pang pamilya.

“Hindi palaging marami ang suportang natatanggap ng mga kabataang lalaking iyon. Naging bahagi sila ng aming buhay, at napamahal na sila sa amin,“ wika niya. “Natuto akong makinig sa Panginoon at nalaman ko na Siya ay nasa kanilang buhay. Naririnig kong sinasabi Niya sa akin ang kailangan kong gawin para sa kanila.”

Sinabi ni Elder Gilbert na tinuruan siya ng Panginoon tungkol sa mga pangangailangan ng ibang mga tao. “Hindi lang Niya ako inihahanda noon para sa edukasyon, kundi ipinapakita Niya sa akin ang magagawa Niya sa buhay ng mga tao sa malalim at personal na antas.”

Si Clark Gordon Gilbert ay isinilang sa Oakland, California, USA, noong Hunyo 18, 1970, kina Paul at Susan Gilbert. Lumaki siya sa Phoenix, Arizona, USA. Matapos maglingkod sa Japan Kobe Mission, pinakasalan niya si Christine Calder noong 1994 sa Salt Lake Temple. Mayroon silang walong anak.

Si Elder Gilbert ay tumanggap ng isang bachelor‘s degree sa international relations noong 1994 mula sa Brigham Young University, isang master’s degree sa Asian studies noong 1995 mula sa Stanford University, at isang doctor of business administration degree noong 2001 mula sa Harvard University. Nakapagtrabaho na siya bilang assistant professor sa Harvard Business School, associate academic vice president sa BYU–Idaho, at president at chief executive officer para sa Deseret News at Deseret Digital Media.

Isang Area Seventy noong tawagin siya, si Elder Gilbert ay nakapaglingkod na bilang elders quorum president, tagapayo sa stake Young Men presidency at stake presidency, at bishop.