Elder Alfred Kyungu
General Authority Seventy
Noong 1991, si Alfred Kyungu ay isang 24-na-taong-gulang na estudyante sa University of Lubumbashi sa Democratic Republic of the Congo, na nakitira sa kanyang tito na si Polydor Ngoy. Isang araw sinabi sa kanya ng tito niya ang tungkol sa isang appointment sa ilang missionary mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
“Huwag mong palagpasin ang magandang pagkakataong ito,” sabi sa kanya ng tito niya.
Hindi nagtagal pareho sila ng tito niya na regular na kinakausap ng isang senior missionary couple mula sa Utah. Noong una, atubili si Alfred na sumapi sa isang bago at banyagang relihiyon. Gayunman, pagkaraan ng anim na buwang talakayan at sagot sa maraming tanong, nabinyagan si Alfred at ang kanyang tito noong Setyembre 21, 1991.
Sa ilang paraan, ang pagsapi sa Simbahan ay hindi madaling gawin. Marami sa komunidad ang naghihinala sa Simbahan at nag-iisip kung ang mga Banal sa mga Huling Araw ba ay mga mistiko o tunay nga bang Kristiyano. Mabuti na lang, mababait ang mga miyembro ng kanilang maliit na branch at malugod silang tinanggap. Tumanggap ng lakas si Elder Kyungu at ang tito niya mula nang “maturuan ng mga alituntuning itinuro ni Jesucristo.”
Pinakasalan ni Elder Kyungu si Lucie Kabulo Malale noong 1998. Ibinuklod sila sa Johannesburg South Africa Temple noong 2004. Sila ay mga magulang ng dalawang anak na babae at isang anak na lalaki.
Si Alfred Kyungu Kibamba ay isinilang sa Kamina, Democratic Republic of the Congo, noong Oktubre 31, 1966, kina Domitien Kyungu Nkimba at Celestine Ngoy Mbuyu.
Si Elder Kyungu ay tumanggap kapwa ng isang bachelor‘s degree at isang master’s degree sa social sciences and international relations mula sa University of Lubumbashi. Nagtrabaho siya sa ilang katungkulan sa pamahalaan para sa Democratic Republic of the Congo at para sa Simbahan bilang isang coordinator para sa mga seminary at institute at bilang isang family history manager.
Isang Area Seventy noong tawagin siya, nakapaglingkod na rin siya bilang institute teacher, ward Sunday School teacher, tagapayo sa isang bishopric, high councilor, tagapayo sa stake presidency, at pangulo ng Democratic Republic of the Congo Mbuji-Mayi Mission mula 2016 hanggang 2019.