2021
Jesucristo: Ang Tagapag-alaga ng Ating Kaluluwa
Mayo 2021


11:9

Jesucristo: Ang Tagapag-alaga ng Ating Kaluluwa

Kapag tunay nating pinagsisisihan ang ating mga kasalanan, pinahihintulutan natin ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo na maging ganap na mabisa sa buhay natin.

Mga minamahal kong kapatid, sa magandang umagang ito ng Pasko ng Pagkabuhay, nagsasaya ang puso ko sa pag-alala sa pinakakahanga-hanga, sa pinakadakila, sa pinaka-hindi masusukat na gawaing nangyari sa buong kasaysayan ng sangkatauhan—ang nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Panginoong Jesucristo. Pinalalawak ng mga bantog na salita ni propetang Isaias ang kadakilaan at hindi pagkamakasarili ng pagpapakababa at sakripisyo ng Tagapagligtas para sa kapakanan ng lahat ng anak ng Diyos:

“Tunay na kanyang pinasan ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan; gayunma’y ating itinuring siya na hinampas, sinaktan ng Diyos at pinahirapan.

“Ngunit siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsuway, siya’y binugbog dahil sa ating mga kasamaan; ipinataw sa kanya ang parusa para sa ating kapayapaan, at sa pamamagitan ng kanyang mga latay ay gumaling tayo.”1

Sa pamamagitan ng kusang-loob na pag-ako sa Kanyang Sarili ng mga kasalanan ng buong sangkatauhan, malupit na pagkakapako sa krus, at matagumpay na pagdaig sa kamatayan sa pangatlong araw,2 binigyan ni Jesus ng higit na sagradong kabuluhan ang ordenansa ng Paskua na iniatas sa buong Israel noong mga sinaunang panahon.3 Bilang katuparan sa propesiya, inihandog Niya ang Kanyang sariling katawan at mahalagang dugo bilang ang dakila at huling sakripisyo,4 pinagtitibay ang mga tradisyunal na simbolong ginamit sa pagdiriwang ng Paskua ng Panginoon.5 Sa paggawa niyon, naranasan ni Cristo ang pisikal at espirituwal na pagdurusa na hindi mauunawaan ng isipan ng tao. Itinuro mismo ng Tagapagligtas:

“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, …

“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit—

“Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao.”6

Maluwag sa kaloobang tinupad ni Cristo ang kalooban ng Ama7 sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggan at puno ng awang sakripisyo. Dinaig Niya ang hapdi ng pisikal at espirituwal na kamatayan,8 na pinasimulan sa daigdig sa pamamagitan ng Pagkahulog,9 inihahandog sa atin ang maluwalhating posibilidad ng walang-hanggang kaligtasan.10

Si Jesus ang tanging Nilalang na makagagawa ng pagsasakatuparan ng walang-hanggan at sakdal na sakripisyong ito para sa ating lahat.11 Siya ay pinili at inorden noon pa sa Dakilang Kapulungan sa Langit, bago pa mabuo ang daigdig.12 Dagdag pa rito, dahil isinilang siya sa isang mortal na ina, Kanyang namana ang pisikal na kamatayan, subalit mula sa Diyos, bilang Bugtong na Anak ng Ama, namana Niya ang kapangyarihang ialay ang Kanyang sariling buhay at pagkatapos ay kuhain itong muli.13 Dagdag pa, si Cristo ay nagkaroon ng perpektong buhay na walang kapintasan, at dahil dito, Siya ay hindi saklaw ng mga hinihingi ng banal na katarungan.14 Sa ilang mga pagkakataon, itinuro ni Propetang Joseph Smith:

“Ang kaligtasan ay hindi darating sa mundo kung hindi namagitan si Jesucristo.

“Ang Diyos … ay naghanda ng isang sakripisyo sa pagkakaloob ng Kanyang sariling Anak, na isusugo sa takdang panahon para … buksan ang pintuan kung saan maaaring pumasok ang tao tungo sa kinaroroonan ng Panginoon.”15

Bagama’t sa pamamagitan ng Kanyang sakripisyo, walang pasubaling inalis ng Tagapagligtas ang mga epekto ng pisikal na kamatayan,16 hindi Niya tinanggal ang ating personal na tungkuling pagsisihan ang mga kasalanang nagagawa natin.17 Sa halip, iniabot Niya sa atin ang isang may pagmamahal na paanyayang makipagkasundo sa ating Amang Walang-hanggan. Sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, makararanas tayo ng malaking pagbabago ng isip at puso, na nagbibigay ng bagong pananaw, kapwa hinggil sa Diyos at hinggil sa buhay sa pangkalahatan.18 Kapag taos-puso tayong nagsisisi sa ating mga kasalanan, at ibinabaling ang ating mga puso at kalooban sa Diyos at sa Kanyang mga kautusan, matatanggap natin ang Kanyang kapatawaran at higit na madarama ang impluwensya ng Kanyang Banal na Espiritu. Dahil sa awa, maiiwasan nating maranasan ang lalim ng pagdurusang tiniis ng Tagapagligtas.19

Ang kaloob na pagsisisi ay isang pagpapahayag ng kabaitan ng Diyos sa Kanyang mga anak, at pagpapakita ito ng Kanyang walang kapantay na kapangyarihan upang tulungan tayong matalikdan ang mga kasalanang nagagawa natin. Ito rin ay isang katibayan ng pagtitiyaga at mahabang pagtitiis ng ating mapagmahal na Ama para sa ating kahinaan at mga karupukan sa buhay. Tinukoy ng minamahal nating propetang si Pangulong Russell M. Nelson ang kaloob na ito bilang “susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan.”20

Mga minamahal kong kaibigan, pinatototohanan ko na kapag tunay nating pinagsisisihan ang ating mga kasalanan,21 pinahihintulutan natin ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo na maging ganap na mabisa sa buhay natin.22 Magiging malaya tayo mula sa pagkaalipin ng kasalanan, makahahanap ng kagalakan sa ating paglalakbay sa mundo, at magiging karapat-dapat na tumanggap ng walang-hanggang kaligtasan, na inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig para sa lahat ng naniniwala kay Jesucristo at lumalapit sa Kanya.23

Dagdag pa sa paglalaan ng dakilang kaloob na kaligtasan, nag-aalok sa atin ang Tagapagligtas ng kaginhawahan at kapanatagan habang hinaharap natin ang ating mga paghihirap, tukso, at kahinaan sa buhay na ito, kabilang ang mga kalagayang naranasan natin kamakailan sa kasalukuyang pandemya. Matitiyak ko sa inyo na palaging nababatid ni Cristo ang mga pagsubok na nararanasan natin sa buhay na ito. Kanyang nauunawaan ang lahat ng kapaitan, pagdurusa, at pisikal na sakit gayundin ang mga emosyonal at espirituwal na hamon na kinakaharap natin. Ang mga sisidlan ng Tagapagligtas ay puspos ng awa, at palagi Siyang handang tulungan tayo. Posible ito dahil personal Niyang naranasan at inako sa Kanyang Sarili noong nabubuhay Siya sa mundo ang hapdi ng ating kahinaan at mga sakit.24

Nang may kaamuan at mapagpakumbabang puso, Siya ay nagpakababa sa lahat ng bagay at tinanggap ang panghahamak, pananakwil, at pamamahiya ng mga tao, na nasugatan para sa ating mga paglabag at kasalanan. Nagdusa Siya ng mga bagay na ito para sa lahat, dinadala sa Kanyang sarili ang mga kasalanan ng sanlibutan,25 sa gayon ay naging ating tunay na espirituwal na tagapag-alaga.

Sa ating paglapit sa Kanya, espirituwal na isinusuko ang ating sarili sa Kanyang pangangalaga, magagawa nating pasanin sa ating sarili ang Kanyang pamatok, na madaling dalhin, at Kanyang pasan, na magaan, sa gayon ay mahahanap ang yaong ipinangakong kapanatagan at kapahingahan. Dagdag pa, makatatanggap tayo ng lakas na kinakailangan nating lahat upang malampasan ang mga paghihirap, kahinaan, at kalungkutan sa buhay, na napakahirap tiisin kung wala ang Kanyang tulong at nagpapagaling na kapangyarihan.26 Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na “iatang mo ang iyong pasan sa Panginoon, at kanyang aalalayan ka.”27 “At pagkatapos nawa’y ipagkaloob sa [atin] ng Diyos na ang [ating] mga pasanin ay gumaan, sa pamamagitan ng kagalakan sa kanyang Anak.”28

Sina Regina at Mario Emerick

Noong malapit nang matapos ang nakaraang taon, nalaman ko ang pagpanaw ng isang minamahal na mag-asawang sina Mario at Regina Emerick, na napakatatapat sa Panginoon at pumanaw apat na araw ang pagitan sa isa’t isa dahil sa mga komplikasyong dulot ng COVID-19.

Isa sa kanilang mga anak na lalaki, na kasalakuyang naglilingkod bilang isang bishop sa Brazil, ang nagkuwento ng sumusunod sa akin: “Napakahirap na makitang lisanin ng mga magulang ko ang daigdig na ito sa kalagayang iyon, subalit damang-dama ko ang kamay ng Panginoon sa aking buhay sa gitna ng trahedyang iyon, dahil nakatanggap ako ng lakas at kapayapaan na higit pa sa pang-unawa ko. Sa pamamagitan ng aking pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, nakatanggap ako ng tulong mula sa langit upang palakasin at aluin ang mga kapamilya ko at ang lahat ng yaong tumulong sa amin sa napakahirap na karanasang ito. Bagama’t ang himalang inaasahan ng lahat ay hindi nangyari, personal akong saksi sa maraming iba pang himala na nangyari sa sarili kong buhay at sa mga buhay ng aking mga kapamilya. Nadama ko ang isang hindi maipaliwanag na kapayapaan na tumimo sa kaibuturan ng aking puso, na nagbibigay sa akin ng pag-asa at tiwala sa pagmamahal ng Tagapagligtas para sa akin at sa plano ng kaligayahan ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Natutuhan ko na sa mga araw na pinakanapupuspos ng dalamhati, palaging nakaunat ang mga mapagmahal na bisig ng Tagapagligtas kapag hinahanap natin Siya nang ating buong puso, kapangyarihan, isipan, at lakas.”

Pamilyang Emerick

Mga minamahal kong kapatid, ngayong Linggong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, taimtim na pinatototohanan ko na si Jesus ay bumangon mula sa mga patay at na buhay Siya. Pinatototohanan ko sa inyo na sa pamamagitan Niya at ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, naglaan ang Tagapagligtas ng paraan upang madaig ang kamatayan, kapwa pisikal at espirituwal. Dagdag pa sa mga dakilang pagpapalang ito, nag-aalok din Siya sa atin ng kapanatagan at kasiguruhan sa mahihirap na panahon. Tinitiyak ko sa inyo na kapag nagtiwala tayo kay Jesucristo at sa Kanyang supernal na nagbabayad-salang sakripisyo, na nagtitiis nang may pananampalataya hanggang sa huli, matatamasa natin ang mga pangako ng ating minamahal na Ama sa Langit, na ginagawa ang lahat ng bagay na nasa kapangyarihan Niya upang tulungan tayong makabalik sa piling Niya balang araw. Ito ang Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian!29 Pinatototohanan ko sa inyo na si Jesus ang Cristo, ang Manunubos ng sanlibutan, ang ipinangakong Mesiyas, ang Pagkabuhay na mag-uli at ang Buhay.30 At ibinabahagi ko ang mga katotohanang ito sa inyo sa Kanyang banal na pangalan, ang Bugtong na Anak ng Ama, ang ating Panginoong si Jesucristo, amen.