2021
Kayo’y Magiging Malaya
Mayo 2021


9:53

Kayo’y Magiging Malaya

Si Jesucristo ang ilaw na dapat nating itaas maging sa madidilim na panahon ng ating mortal na buhay.

Mahal kong mga kapatid, labis akong nagpapasalamat sa pribilehiyong magsalita sa inyo mula sa Africa. Isang pagpapala ang magkaroon ng teknolohiya ngayon at gamitin ito sa pinakaepektibong paraan para tulungan kayo saanman kayo naroon.

Noong Setyembre 2019, habang naglilingkod kami ni Sister Mutombo bilang mga lider ng Maryland Baltimore Mission, nagkaroon kami ng pribilehiyong bisitahin ang ilang makasaysayang lugar ng Simbahan sa Palmyra, New York, nang dumalo kami sa isang mission leadership seminar. Tinapos namin sa Sagradong Kakahuyan ang aming pagbisita. Ang layon namin sa pagbisita sa Sagradong Kakahuyan ay hindi para magkaroon ng espesyal na paghahayag o pangitain, ngunit nadama namin ang presensya ng Diyos sa sagradong lugar na ito. Napuspos ng pasasalamat ang aming puso para kay Propetang Joseph Smith.

Sa daan pauwi, napansin ni Sister Mutombo na malaki ang ngiti ko habang nagmamaneho, kaya itinanong niya, “Bakit ang laki ng ngiti mo?”

Sagot ko, “Mahal kong Nathalie, laging magtatagumpay ang katotohanan laban sa kamalian, at hindi magpapatuloy ang kadiliman sa mundo dahil sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.”

Dinalaw ng Diyos Ama at ni Jesucristo ang binatilyong si Joseph Smith para ilabas sa liwanag ang nakatago upang matanggap natin ang “kaalaman ng mga bagay sa ngayon, … sa nakalipas, at sa [hinaharap]” (Doktrina at mga Tipan 93:24).

Pagkaraan ng halos 200 taon, marami pa ring naghahanap sa mga katotohanang kailangan para maging malaya sa ilan sa mga tradisyon at kasinungalingang ipinalalaganap ng kaaway sa buong mundo. Marami ang “binubulag ng pandaraya ng mga tao” (Doktrina at mga Tipan 123:12). Sa sulat ni Apostol Pablo sa mga taga-Efeso, itinuro niya, “Gumising ka, ikaw na natutulog, at bumangon mula sa mga patay, at [liliwanagan ka ni] Cristo” (Efeso 5:14). Ipinangako ng Tagapagligtas na Siya ang magiging ilaw sa lahat ng nakikinig sa Kanyang mga salita (tingnan sa 2 Nephi 10:14).

Tatlumpu’t limang taon na ang nakalipas, nabulag din ang mga magulang ko at desperadong naghangad na malaman ang katotohanan at nag-alala kung saan ito matatagpuan. Parehong isinilang sa baryo ang mga magulang ko, kung saan nakaugat ang mga tradisyon sa buhay ng mga indibiduwal at pamilya. Kapwa nila nilisan ang kanilang baryo noong mga bata pa sila at nagtungo sa lungsod, na naghahanap ng mas magandang buhay.

Nagpakasal sila at nagsimula ng kanilang pamilya sa napakaabang paraan. Halos walong tao kami sa isang maliit na bahay—mga magulang ko, dalawang kapatid kong babae at ako, at isang pinsan na dating nakatira sa amin. Inisip ko kung talagang isang pamilya kami, dahil hindi kami pinayagang kumain ng hapunan sa iisang mesa na kasama ang aming mga magulang. Kapag umuuwi ang tatay namin mula sa trabaho, pagpasok na pagpasok niya sa bahay, pinalalabas kami. Maikli ang tulog namin gabi-gabi dahil sa kawalan ng pagkakasundo at tunay na pagmamahalan sa pagsasama ng aming mga magulang. Hindi lang maliit ang bahay namin, kundi madilim na lugar iyon. Bago namin nakausap ang mga missionary, iba-ibang simbahan ang dinaluhan namin tuwing Linggo. Malinaw na may hinahanap ang aming mga magulang na hindi maibigay ng mundo.

Nagpatuloy ito hanggang sa makausap namin sina Elder at Sister Hutchings, ang unang senior missionary couple na tinawag na maglingkod sa Zaire (kilala ngayon bilang DR of Congo o Congo-Kinshasa). Nang simulan naming kausapin ang mabubuting missionary na ito, na parang mga anghel na nagmula sa Diyos, napansin ko na may nagsimulang magbago sa aming pamilya. Pagkatapos ng aming binyag, talagang nagsimulang magbago ang estilo ng aming pamumuhay dahil sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Sinimulang palaguin ng mga salita ni Cristo ang aming kaluluwa. Sinimulan nitong liwanagin ang aming pang-unawa at naging masarap iyon para sa amin, dahil ang mga katotohanang natanggap namin ay madaling unawain at nakikita namin ang liwanag, at ang liwanag na ito ay mas lumiliwanag araw-araw.

Ang pag-unawang ito sa layunin ng ebanghelyo ay tumutulong sa amin na maging lalong katulad ng Tagapagligtas. Maliit pa rin ang bahay namin; ni hindi nagbago ang aming katayuan sa lipunan. Ngunit nasaksihan ko ang pagbabago ng puso sa aking mga magulang sa pagdarasal namin araw-araw, umaga at gabi. Pinag-aralan namin ang Aklat ni Mormon; nagdaos kami ng family home evening; talagang naging isang pamilya kami. Tuwing Linggo gumigising kami nang alas-6:00 n.u. para maghandang magsimba, at naglalakbay kami nang maraming oras para dumalo sa mga miting ng Simbahan linggu-linggo nang walang reklamo. Napakagandang saksihan ng karanasang iyon. Kami, na dating namuhay sa kadiliman, ang nagtaboy sa kadiliman mula sa amin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:25) at nakakita kami ng “dakilang liwanag” (2 Nephi 19:2).

Naaalala ko na isang araw, nang ayaw kong gumising nang maaga para sa aming panalangin ng pamilya, ibinulong ko sa aking mga kapatid, “Wala talaga tayong ibang magagawa sa bahay na ito, kundi magdasal nang magdasal.” Narinig ng tatay ko ang sinabi ko. Naaalala ko ang reaksyon niya habang mapagmahal ngunit mahigpit niyang itinuro sa akin, “Hangga’t narito ka sa bahay na ito, magdarasal ka nang magdarasal.”

Araw-araw kong naaalala ang mga salita ng aking ama. Ano sa palagay ninyo ang ginagawa namin ni Sister Mutombo sa aming mga anak ngayon? Nagdarasal kami nang nagdarasal. Ito ang aming pamana.

Sabi ng lalaking isinilang na bulag at pinagaling ni Jesucristo, matapos piliting magpaliwanag ng kanyang mga kapitbahay at ng mga Fariseo:

“Ang taong tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik, at pinahiran ang aking mga mata, at sinabi sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloam, at maghugas ka.’ Kaya’t ako’y umalis at naghugas, at nagkaroon ako ng paningin. …

“… [Ang] isang bagay [na] nalalaman ko [ay] … ako’y dating bulag, ngayo’y nakakakita na ako” (Juan 9:11, 25).

Dati rin kaming bulag at nakakakita na kami ngayon. Naapektuhan na ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang aming pamilya simula noon. Ang pag-unawa sa layunin ng ebanghelyo ay nagpala sa tatlong henerasyon ng aking pamilya at patuloy na magpapala sa maraming henerasyong darating.

Si Jesucristo ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman. Sinumang sumusunod sa Kanya “ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (Juan 8:12).

Sa loob ng halos isang taon sa pagitan ng 2016 at 2017, naharap sa matinding trahedya ang mga tao sa rehiyon ng Kasai. Napakadilim na panahon niyon para sa mga tao dahil sa hidwaan sa pagitan ng isang tradisyonal na grupo ng mga mandirigma at ng mga puwersa ng pamahalaan. Kumalat ang karahasan mula sa mga bayan sa Lalawigan ng Kasai Central hanggang sa mas malawak na rehiyon ng Kasai. Maraming tao ang lumisan sa kanilang tahanan para makaligtas at nagtago sa kakahuyan. Wala talaga silang pagkain o tubig, o anuman, at kasama nila ang ilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Kananga area. Ang ilang miyembro ng Simbahan ay pinatay ng militia.

Si Brother Honoré Mulumba ng Nganza Ward sa Kananga at ang kanyang pamilya ay ilan sa iilang taong nanatiling nakatago sa kanilang bahay, na hindi alam kung saan pupunta dahil laging may barilan sa lahat ng lansangan. Isang araw ay napansin ng ilang miyembro ng militia sa tabi-tabi ang presensya ni Brother Mulumba at ng kanyang pamilya dahil lumabas sila isang gabi para maghanap ng kaunting gulay na makakain sa halamanan ng pamilya. Dumating ang isang grupo ng mga miyembro ng militia sa bahay nila at hinila sila palabas at sinabihan sila na piliing sumunod sa mga gawi nilang mga militia o papatayin sila.

Matapang na sinabi sa kanila ni Brother Mulumba, “Ako ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tinanggap na namin ng pamilya ko si Jesucristo at sumasampalataya kami sa Kanya. Mananatili kaming tapat sa aming mga tipan at tatanggapin namin ang mamatay.”

Sinabi ng mga ito sa kanila, “Dahil pinili na ninyo si Jesucristo, kakainin ng mga aso ang katawan ninyo,” at nagbantang babalik sila. Ngunit hindi na sila bumalik kailanman, at nanatili roon ang pamilya sa loob ng dalawang buwan at hindi na sila nakitang muli. Nanatiling sumasampalataya si Brother Mulumba at ang kanyang pamilya. Naalala nila ang kanilang mga tipan at pinrotektahan sila.

Si Jesucristo ang ilaw na dapat nating itaas maging sa madidilim na panahon ng ating mortal na buhay (tingnan sa 3 Nephi 18:24). Kapag pinipili nating sundin si Cristo, pinipili nating magbago. Ang isang taong nagbago para kay Cristo ay papatnubayan ni Cristo, at hihilingin natin, tulad ni Pablo, “[Panginoon, ano ang nais ninyong gawin ko?]” (Mga Gawa 9:6). Tayo ay “[susunod] sa kanyang mga yapak” (1 Pedro 2:21). Tayo ay “[lalakad] gaya ng kanyang paglakad” (1 Juan 2:6). (Tingnan sa Ezra Taft Benson, “Born of God,” Tambuli, Okt. 1989, 2, 6.)

Pinatototohanan ko Siya na namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw at umakyat sa langit upang kayo at ako ay tumanggap ng mga pagpapala ng imortalidad at kadakilaan. Siya “ang ilaw, … ang buhay, at ang katotohanan” (Eter 4:12). Siya ang pangontra at lunas sa pagkalito ng mundo. Siya ang pamantayan ng kahusayan para sa kadakilaan, maging si Jesucristo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.