2021
Ang Ating Personal na Tagapagligtas
Mayo 2021


8:30

Ang Ating Personal na Tagapagligtas

Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, may kapangyarihan ang Tagapagligtas na isa-isa tayong linisin, pagalingin, at palakasin.

Nagpapasalamat akong makasama kayo sa napakagandang umagang ito ng Pasko ng Pagkabuhay. Kapag iniisip ko ang Pasko ng Pagkabuhay, gustung-gusto kong ulit-ulitin sa aking isipan ang mga salitang sinambit ng mga anghel sa mga nasa Libingan sa Halamanan: “Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala siya rito, kundi muling nabuhay.”1 Pinatototohanan ko na si Jesus ng Nazaret ay nabuhay na mag-uli at Siya ay buhay.

Ano ang Palagay Ninyo tungkol [kay] Cristo?

Tatlumpu’t apat na taon na ang nakararaan, nakilala at tinuruan namin ng missionary companion ko ang isang napakatalinong lalaki na isang manunulat sa isang lokal na pahayagan sa Davao City, Philippines. Nasiyahan kaming turuan siya dahil marami siyang tanong at iginagalang niya ang ating mga paniniwala. Ang tanong niya na hinding-hindi namin malilimutan ay “Ano ang palagay ninyo tungkol [kay] Cristo?”2 Siyempre pa, masaya kaming nagbahagi ng aming damdamin at nagpatotoo tungkol kay Jesucristo. Kalaunan ay naglathala siya ng isang artikulo tungkol sa paksa ring iyon na naglalaman ng napakaraming magagandang salita at parirala tungkol sa Tagapagligtas. Naaalala kong humanga ako ngunit hindi ako sumigla roon. May magandang impormasyon doon ngunit parang hungkag iyon at kapos sa espirituwal na kapangyarihan.

Lalo pa Siyang Nakikilala

“Ano ang palagay ninyo tungkol [kay] Cristo?” Patuloy kong nalalaman na ang pagkakilala ko sa Tagapagligtas ay lubhang umiimpluwensya sa kakayahan kong pakinggan Siya at sa kung paano ako tumutugon. Ilang taon na ang nakararaan, itinanong ni Elder David A. Bednar ang mga sumusunod bilang bahagi ng kanyang mensahe: “May nalalaman lang ba tayo tungkol sa Tagapagligtas, o patuloy pa natin Siyang kinikilala? Paano natin makikilala ang Panginoon?”3

Nang mag-aral ako at magnilay-nilay, malinaw kong napagtanto na ang nalalaman ko tungkol sa Tagapagligtas ay mas matimbang kaysa kung gaano ko Siya talaga kilala. Nagpasiya ako noon na mas magsikap pang makilala Siya. Lubos akong nagpapasalamat para sa mga banal na kasulatan at sa mga patotoo ng kalalakihan at kababaihan na mga disipulo ni Jesucristo. Ang sarili kong pagsisikap nitong huling ilang taon ay nagdala sa akin sa maraming paksa ng pag-aaral at pagtuklas. Dalangin ko na iparating sa inyo ngayon ng Espiritu Santo ang isang mensaheng higit pa sa di-sapat na mga salitang isinulat ko.

Una, kailangan nating maunawaan na ang makilala ang Tagapagligtas ang pinakamahalagang hangarin natin sa buhay. Dapat itong mauna sa ano pa mang bagay.

“At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si [Jesucristo] na iyong sinugo.”4

“Sinabi sa kanya ni Jesus, ‘Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko.’”5

“Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.”6

Pangalawa, habang lalo nating nakikilala ang Tagapagligtas, ang mga sipi sa mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga propeta ay nagiging napakamakahulugan sa atin kaya nagiging sarili nating mga salita ang mga ito. Hindi ito tungkol sa pagkopya ng mga salita, damdamin, at karanasan ng iba kundi tungkol sa pagkilala sa ating sarili, sa ating sariling natatanging paraan, sa pamamagitan ng pagsubok sa salita7 at pagtanggap ng patotoo mula sa Espiritu Santo. Tulad ng ipinahayag ng propetang si Alma:

“Hindi ba ninyo inaakala na alam ko ang mga bagay na ito sa aking sarili? Masdan, ako ay nagpapatotoo sa inyo na alam ko na ang mga bagay na aking sinabi ay totoo. At paano ninyo inaakala na alam ko ang kanilang katiyakan?

“Masdan, sinasabi ko sa inyo na ang mga yaon ay ipinaalam sa akin ng Banal na Espiritu ng Diyos. Masdan, ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili. At ngayon nalalaman ko sa aking sarili na ang mga yaon ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbigay-alam nito sa akin sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu; at ito ang diwa ng paghahayag na nasa akin.”8

Pangatlo, isang nag-iibayong pag-unawa na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay personal na angkop sa atin at tutulungan ang bawat isa sa atin na makilala Siya. Kadalasa’y mas madali para sa atin ang isipin at banggitin ang Pagbabayad-sala ni Cristo sa karaniwang mga kataga kaysa kilalanin ang personal na kabuluhan nito sa ating buhay. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay walang katapusan at walang hanggan at sumasakop-sa-lahat ang lawak at lalim ngunit lubos na personal at pang-indibiduwal sa mga epekto nito. Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, may kapangyarihan ang Tagapagligtas na isa-isa tayong linisin, pagalingin, at palakasin.

Ang tanging hangad ng Tagapagligtas, ang Kanyang tanging layunin sa simula pa lamang, ay gawin ang kalooban ng Ama. Ang kalooban ng Ama ay ang tumulong Siyang “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao”9 sa pagiging ating “tagapagtanggol sa harap ng Ama.”10 Kaya, “bagama’t siya’y isang Anak, siya’y natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis, at nang maging sakdal, siya ang naging pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya.”11

“At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso. …

“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan … dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, … upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.

“… Ang Anak ng Diyos ay magdurusa ayon sa laman upang madala niya sa kanyang sarili ang mga kasalanan ng kanyang mga tao, upang mabura niya ang kanilang mga kasalanan alinsunod sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos.”12

Gusto kong magbahagi ng isang simpleng karanasan na naglalarawan sa pagsisikap natin kung minsan na yakapin ang personal na katangian ng Pagbabayad-sala ng Panginoon.

Maraming taon na ang lumipas, sa paanyaya ng aking file leader, binasa ko ang Aklat ni Mormon mula simula hanggang wakas at minarkahan ang mga talatang tumutukoy sa Pagbabayad-sala ng Panginoon. Inanyayahan din ako ng lider ko na maghanda ng isang-pahinang buod ng natutuhan ko. Sabi ko sa sarili ko, “Isang pahina? Sige, ang dali niyan.” Gayunman, nagulat akong matuklasan na napakahirap gawin niyon, at nabigo ako.

Mula noon ay napagtanto ko na nabigo ako dahil hindi ko naunawaan ang totoong mithiin at mali ang mga palagay ko. Una, inasahan kong makapagbigay ng inspirasyon ang buod sa lahat. Ang buod ay para sa akin at hindi para sa sino pa man. Nilayon iyon upang ilahad ang aking damdamin at saloobin tungkol sa Tagapagligtas at sa ginawa Niya para sa akin upang sa tuwing babasahin ko ito, maghahatid ito ng kahanga-hanga, nakaaantig, at personal na mga espirituwal na karanasan.

Pangalawa, inasahan kong maging maganda at malinaw ang buod at maglaman ng mga kumplikadong salita at parirala. Kailanma’y hindi ito tungkol sa mga kumplikadong salita. Nilayon itong maging malinaw at simpleng pahayag ng pananalig. “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nalulugod sa kalinawan; sapagkat sa ganitong pamamaraan gumagawa ang Panginoong Diyos sa mga anak ng tao. Sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbibigay-liwanag sa pang-unawa.”13

Pangatlo, inasahan kong maging perpekto ito, isang buod na tatapos sa lahat ng buod—isang panghuling buod na hindi maaari at hindi dapat dagdagan ninuman—sa halip na isang gawaing ginagawa pa lamang na madaragdagan ko ng isang salita rito o isang parirala roon habang lumalawak ang aking pang-unawa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Patotoo at Paanyaya

Noong binatilyo pa ako, marami akong natutuhan mula sa mga pag-uusap namin ng bishop ko. Sa mga taon ng kabataan kong iyon, natutuhan kong mahalin ang mga salitang ito mula sa isang paboritong himno:

Ako ay namangha sa pag-ibig ni Jesus,

Humanga sa pagpapalang alay N’yang lubos.

Na dahil sa ’kin S’ya’y ’pinako at namatay,

Sa akin S’ya’y nagdusa’t nag-alay ng buhay.

O, kahanga-hangang minahal N’ya ako’t

Buhay N’ya’y ’binigay!

O kahanga-hanga para sa akin!14

Inanyayahan tayo ng propetang si Moroni: “At ngayon, ipinapayo ko sa inyo na hanapin ang Jesus na ito na siyang isinulat ng mga propeta at apostol.”15

Nangako si Pangulong Russell M. Nelson na “Kung patuloy [nating] pag-aaralan ang lahat ng kaya [natin] tungkol kay Jesucristo, … mag-iibayo ang kakayahan [nating] tumalikod sa kasalanan. Titindi ang hangarin [nating] sundin ang mga kautusan.”16

Sa Linggong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, tulad ng pagbangon ng Tagapagligtas mula sa Kanyang libingang bato, nawa’y magising tayo mula sa ating espirituwal na pagkakaidlip at mangibabaw sa mga ulap ng pagdududa, sa mga gapos ng takot, sa nakalalangong kapalaluan, at sa hele ng pagiging kampante. Si Jesucristo at ang Ama sa Langit ay buhay. Nagpapatotoo ako sa sakdal na pagmamahal Nila sa atin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.