2021
Pagtatanggol sa Ating Saligang-Batas na Binigyang-Inspirasyon ng Langit
Mayo 2021


15:50

Pagtatanggol sa Ating Saligang-Batas na Binigyang-Inspirasyon ng Langit

Ang ating paniniwala sa mga inspirasyon ng langit ay nagbibigay sa mga Banal sa mga Huling Araw ng natatanging responsibilidad na panindigan at ipagtanggol ang Saligang-Batas ng Estados Unidos at ang mga alituntunin ng konstitusyonalismo.

Sa magulong panahong ito, nadama kong magsalita tungkol sa binigyang-inspirasyong Saligang-Batas ng Estados Unidos. Ang Saligang-Batas na ito ay may espesyal na kahalagahan sa ating mga miyembro sa Estados Unidos, ngunit karaniwan din itong batayan ng mga saligang-batas sa iba’t ibang panig ng mundo.

I.

Ang saligang-batas ang saligan ng pamahalaan. Nagbibigay ito ng kaayusan at mga limitasyon sa paggamit ng mga kapangyarihan ng pamahalaan. Ang Saligang-Batas ng Estados Unidos ang pinakalumang nakasulat na saligang-batas na ipinatutupad pa rin ngayon. Bagama’t noong una ay maliit na bilang lamang ng mga bansa ang gumagamit dito bilang batayan, kalaunan ay naging huwaran ito sa buong mundo. Ngayon, ang lahat ng bansa maliban sa tatlo ay gumagamit ng mga nakasulat na saligang-batas.1

Sa mga pahayag na ito ay hindi ako nagsasalita para sa alinmang partido ng pulitika o iba pang grupo. Nagsasalita ako para sa Saligang-Batas ng Estados Unidos, na mahigit 60 taon ko nang pinag-aaralan. Nagsasalita ako batay sa aking karanasan bilang isang klerk ng punong mahistrado ng Korte Suprema ng Estados Unidos. Nagsasalita ako batay sa aking 15 taon bilang propesor ng abogasya at sa aking 3½ taon bilang isang mahistrado sa Korte Suprema ng Utah. Higit sa lahat, nagsasalita ako batay sa aking 37 taon bilang isang Apostol ni Jesucristo, na may tungkuling pag-aralan ang kahulugan ng Saligang-Batas ng Estados Unidos na binigyang-inspirasyon ng langit sa gawain ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.

Ang Saligang-Batas ng Estados Unidos ay natatangi dahil inihayag ng Diyos na Kanyang “itinatag” ito “para sa mga karapatan at kaligtasan ng lahat ng laman” (Doktrina at mga Tipan 101:77; tingnan din ang talata 80). Kung kaya’t ang saligang-batas na ito ay may espesyal na kahalagahan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo. Kung nararapat ba o kung paano gagamitin ang mga alituntunin nito sa iba pang mga bansa sa mundo ay sila ang magpapasiya.

Ano ang layunin ng Diyos sa pagtatatag ng Saligang-Batas ng Estados Unidos? Nakikita natin ito sa doktrina ng kalayaang moral. Noong unang dekada ng ipinanumbalik na Simbahan, ang mga miyembro nito na nasa kanlurang hangganan ay nakaranas ng pampribado at pampublikong pang-uusig. Sa bahagya, ito ay dahil sa kanilang pagsalungat sa pang-aalapin sa mga tao na umiiral noon sa Estados Unidos. Sa mga sawimpalad na kalagayang ito, naghayag ang Diyos sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith ng mga walang-hanggang katotohanan tungkol sa Kanyang doktrina.

Binigyan ng Diyos ang Kanyang mga anak ng kalayaang moral—ang kapangyarihang magpasiya at kumilos. Ang pinakakanais-nais na kalagayan para sa paggamit ng kalayaang iyon ay ang sukdulang kalayaan ng mga lalake at babae na kumilos alinsunod sa kanilang mga indibiduwal na pagpili. Pagkatapos, ipinaliliwanag ng paghahayag, “ang bawat tao ay [mananagot] sa kanyang sariling mga kasalanan sa araw ng paghuhukom” (Doktrina at mga Tipan 101:78). “Samakatwid,” inihayag ng Panginoon, “hindi tama na ang sinuman ay nasa gapos ng isa’t isa” (Doktrina at mga Tipan 101:79). Malinaw na ang ibig sabihin nito ay mali ang pang-aalipin sa tao. At alinsunod sa gayunding alituntunin, mali para sa mga mamamayan na hindi magkaroon ng tinig sa pagpili ng kanilang mga pinuno o sa paggawa ng kanilang mga batas.

II.

Ang paniniwala natin na binigyang-inspirasyon ng langit ang Saligang-Batas ng Estados Unidos ay hindi nangangahulugang nagmula sa langit ang bawat salita at parirala, tulad ng mga probisyon na nagtatalaga ng bilang ng mga kinatawan mula sa bawat estado o ng pinakabatang edad ng bawat isa.2 Ang Saligang-Batas ay hindi “isang kumpletong dokumento,” sabi ni Pangulong J. Reuben Clark. “Bagkus,” ipinaliwanag niya, “naniniwala tayo na dapat itong yumabong at sumulong upang matugunan ang mga pabagu-bagong pangangailangan ng isang umuunlad na mundo.”3 Halimbawa, dahil sa mga binigyang-inspirasyong pagbabago, itinigil ang pang-aalipin at binigyan ang kababaihan ng karapatang bumoto. Gayunman, hindi tayo nakakikita ng inspirasyon sa lahat ng pagpapasiya ng Korte Suprema na nagpapakahulugan sa Saligang-Batas.

Naniniwala ako na ang Saligang-Batas ng Estados Unidos ay naglalaman ng hindi bababa sa limang alituntuning binigyang-inspirasyon ng langit.4

Ang una ay ang alituntunin na nagmumula sa mga tao ang kapangyarihan ng pamahaalan. Sa isang panahon kung kailan ipinapalagay ng karamihan na ang kapangyarihang mamuno ay nagmumula sa dakilang karapatan ng mga hari o sa kapangyarihan ng militar, makabago ang ideya na nasa mga tao ang kapangyarihang mamuno. Isinulong na ito ng mga pilosopo, ngunit ang Saligang-Batas ng Estados Unidos ang unang gumamit nito. Ang kapangyarihang mamuno na nagmumula sa mga tao ay hindi nangangahulugang maaaring makialam ang mga mandurumog o iba pang grupo ng tao upang takutin o pilitin ang pamahalaan na kumilos. Ang Saligang-Batas ay nagtatag ng isang konstitusyunal na demokratikong republika, kung saan nagagamit ng mga tao ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng mga inihalal nilang kinatawan.

Ang pangalawang binigyang-inspirasyong alituntunin ay ang paghahati ng hinirang na kapangyarihan sa pagitan ng bansa at ng mga sangay na estado nito. Sa ating sistemang pederal, ang alituntuning ito na noon lamang pinasimulan ay pinapalitan kung minsan ng mga binigyang-inspirasyong pagbabago, tulad ng pagpapatigil sa pang-aalipin at pagbibigay sa kababaihan ng karapatang bumoto, na nabanggit kanina. Kapansin-pansin na nililimitahan ng Saligang-Batas ng Estados Unidos ang pambansang pamahalaan sa paggamit ng mga kapangyarihan na iginawad nang direkta o ayon sa pahiwatig, at inilalaan nito ang lahat ng iba pang kapangyarihan ng pamahalaan “sa mga kaukulang Estado, o sa mga tao.”5

Ang isa pang binigyang-inspirasyong alituntunin ay ang paghihiwalay ng mga kapangyarihan. Mahigit isang siglo bago ang Kumbensyong Konstitusyonal ng 1787, pinasimulan ng Parliyamento ng Inglatera ang paghihiwalay ng lehislatibo at ehekutibong awtoridad nang agawin nila ang ilang kapangyarihan mula sa hari. Ang inspirasyon sa kumbensyon sa Amerika ay maghirang ng malalayang ehekutibo, lehislatibo, at hudikaturang kapangyarihan upang mabantayan ng tatlong sangay na ito ang isa’t isa.

Ang pang-apat na binigyang-inspirasyong alituntunin ay ang lipon ng mahahalagang garantiya ng mga indibiduwal na karapatan at partikular na limitasyon sa awtoridad ng pamahalaan sa Katipunan ng mga Karapatan, na pinagtibay tatlong taon lamang matapos ipatupad ang Saligang-Batas. Hindi na bago ang Katipunan ng mga Karapatan. Ang inspirasyon dito ay ang praktikal na pagpapatupad ng mga alituntuning pinasimulan sa Inglatera, simula sa Magna Carta. Alam ito ng mga manunulat ng Saligang-Batas dahil ang ilan sa mga colonial charter ay may ganitong mga garantiya.

Kung walang Katipunan ng mga Karapatan, hindi mangyayari sa Amerika ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo, na nagsimula pagkaraan lamang ng tatlong dekada. May inspirasyon ng langit sa orihinal na probisyon na hindi dapat piliting maging miyembro ng isang partikular na relihiyon ang isang tao bago maluklok sa puwesto,6 ngunit mahalaga ang pagdaragdag ng kalayaang panrelihiyon at mga garantiyang hindi magkakaroon ng opisyal na relihiyon sa Unang Pagbabago. May makikita rin tayong inspirasyon ng langit sa kalayaan sa pagsasalita at pagpapahayag sa Unang Pagbabago at sa mga personal na pagtatanggol sa iba pang mga pagbabago, tulad ng mga hinggil sa paglilitis sa mga kriminal.

Tayong mga tao.

Panlima at pinakahuli, may nakikita akong inspirasyon ng langit sa mahalagang layunin ng buong Saligang-Batas. Nararapat na pumunuan tayo ng batas at hindi ng mga indibiduwal, at ang katapatan natin ay sa Saligang-Batas at sa mga alituntunin at pamamaraan nito, hindi sa sinumang nakaluklok sa puwesto. Sa ganitong paraan, ang lahat ng tao ay magiging pantay-pantay sa harap ng batas. Pinipigilan ng mga alituntuning ito ang mga awtokratikong hangarin na sumisira sa demokrasya sa ibang mga bansa. Nangangahulugan din ang mga ito na wala sa tatlong sangay ng pamahalaan ang nararapat na mangibabaw sa iba o pumigil sa iba mula sa paggawa ng kanilang wastong konstitusyunal na tungkulin na bantayan ang isa’t isa.

III.

Sa kabila ng mga alituntuning binigyang-inspirasyon ng langit sa Saligang-Batas ng Estados Unidos, kapag ipinapatupad ito ng mga hindi perpektong tao, hindi nila palaging naisasakatuparan ang orihinal na layunin. Ang paggawa ng batas hinggil sa mahahalagang paksa, tulad ng ilang batas hinggil sa pamamahala ng ugnayang pampamilya, ay kinuha ng pamahalaang pederal mula sa mga estado. Ang garantiya sa Unang Pagbabago hinggil sa kalayaan sa pagsasalita ay pinahihina kung minsan ng pagpigil sa pagpapahayag ng mga bagay na hindi tanyag o hindi tanggap ng nakararami. Ang alituntunin ng paghihiwalay ng mga kapangyarihan ay palaging ginigipit ng paulit-ulit na pagbabago ng sangay ng pamahalaan na gumagamit o pumipigil sa mga kapangyarihang iniatas sa ibang sangay.

May iba pang mga banta na sumisira sa mga binigyang-inspirasyong alituntunin ng Saligang-Batas ng Estados Unidos. Nagiging negatibo ang opinyon ng mga tao sa Saligang-Batas dahil sa mga pagsisikap na palitan ng mga pangkasalukuyang kalakaran sa lipunan ang dahilan ng pagkakatatag nito, sa halip na kalayaan at kasarinlan. Nawawalan ng halaga ang awtoridad ng Saligang-Batas kapag binabalewala ng mga kandidato o opisyal ang mga alituntunin nito. Nababawasan ang karangalan at kapangyarihan ng Saligang-Batas dahil sa mga taong itinuturing ito na batayan ng katapatan o pulitikal na salawikain, sa halip na kilalanin ang dakilang katayuan nito bilang pinagmumulan ng kapangyarihan at mga limitasyon para sa awtoridad ng pamahalaan.

IV.

Ang ating paniniwala sa mga inspirasyon ng langit ay nagbibigay sa mga Banal sa mga Huling Araw ng natatanging responsibilidad na panindigan at ipagtanggol ang Saligang-Batas ng Estados Unidos at ang mga alituntunin ng konstitusyonalismo saan man tayo naninirahan. Dapat tayong magtiwala sa Panginoon at maging positibo sa hinaharap ng bansang ito.

Ano ang dapat gawin ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw? Dapat tayong manalangin na gabayan at basbasan ng Panginoon ang lahat ng bansa at ang mga pinuno ng mga ito. Bahagi ito ng ating saligan ng pananampalataya. Mangyari pa, ang pagpapasailalim sa mga pangulo o pinuno7 ay hindi balakid sa ating magkakasalungat na indibiduwal na batas o patakaran. Kinakailangang gamitin natin ang ating impluwensya nang magalang at mapayapa alinsunod sa mga balangkas na itinaguyod ng ating mga saligang-batas at naaangkop na batas. Sa mga pinagtatalunang isyu, dapat nating hangarin na mamagitan at magtaguyod ng pagkakaisa.

May iba pang tungkulin na bahagi ng paninindigan para sa binigyang-inspirasyong Saligang-Batas. Dapat nating matutuhan at isulong ang mga binigyang-inspirasyong alituntunin ng Saligang-Batas. Dapat nating hanapin at suportahan ang matatalino at mabubuting tao na sumusuporta sa mga alintuntuning iyon sa kanilang mga pampublikong gawain.8 Dapat tayong maging mga mamamayang may alam at aktibo sa pagpapadama ng ating impluwensya sa mga gawaing sibil.

Sa Estados Unidos at sa iba pang mga demokratikong bansa, nagagamit ang pulitikal na impluwensya sa pamamagitan ng pagtakbo sa puwesto (na hinihikayat natin), pagboto, pagbibigay ng pinansyal na suporta, pagiging miyembro at paglilingkod sa mga partido ng pulitika, at patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga opisyal, partido, at kandidato. Upang gumana nang maayos, kailangan sa demokrasya ang lahat ng ito, ngunit hindi kailangang gawin ng isang masigasig na mamamayan ang lahat ng ito.

Maraming pulitikal na isyu, at walang partido, plataporma, o indibiduwal na kandidato na makatutugon sa lahat ng personal na kagustuhan. Samakatwid, dapat magpasiya ang bawat mamamayan kung aling isyu ang pinakamahalaga sa kanya sa anumang partikular na panahon. Pagkatapos, dapat maghangad ang mga miyembro ng inspirasyon kung paano boboto gamit ang impluwensya nila alinsunod sa kani-kanilang indibiduwal na priyoridad. Hindi magiging madali ang proseso. Maaaring kailanganing mag-iba ng partidong susuportahan o ng kandidatong pipiliin, sa bawat halalan.

Kung minsan, sa ganitong malalayang gawain ay kailangang suportahan ng mga botante ang mga kandidato o partido ng pulitika o plataporma na may ibang mga posisyon na hindi nila masasang-ayunan.9 Isa ito sa mga dahilan kung bakit hinihikayat natin ang ating mga miyembro na iwasang husgahan ang isa’t isa batay sa mga bagay na ukol sa pulitika. Hindi natin dapat igiit na ang isang matapat na Banal sa mga Huling Araw ay hindi maaaring maging bahagi ng isang partikular na partido o bumoto sa isang partikular na kandidato. Nagtuturo tayo ng mga wastong alituntunin at hinahayaan natin ang ating mga miyembro na pumili kung paano gagawing priyoridad at gagamitin ang mga alituntuning iyon sa mga isyung lumilitaw sa pana-panahon. Iginigiit din natin, at hinihiling natin sa ating mga lokal na lider na igiit, na ang mga pulitikal na pagpili at samahan ay hindi dapat maging paksa ng pagtuturo o adbokasiya sa alinman sa ating mga miting sa Simbahan.

Mangyari pa, gagamitin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang karapatan nito na iendorso o tutulan ang mga partikular na panukalang batas na pinaniniwalaan nating makaaapekto sa kalayaan sa relihiyon o sa mahahalagang interes ng mga organisasyon ng Simbahan.

Pinatototohanan ko ang Saligang-Batas ng Estados Unidos na binigyang-inspirasyon ng langit at dalangin ko na sa tuwina ay panindigan at ipagtanggol natin, na nakakikilala sa Banal na Nilalang na nagbigay-inspirasyon dito, ang mga dakilang alituntunin nito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Mark Tushnet, “Constitution,” sa Michel Rosenfeld and András Sajó, eds., The Oxford Handbook of Comparative Constitutional Law (2012), 222. Ang tatlong bansang may mga saligang-batas na hindi nakasulat sa isang partikular na dokumento ay ang United Kingdom, New Zealand, at Israel. Ang bawat isa sa mga ito ay may malalim na tradisyon ng konstitusyonalismo, bagama’t ang mga probisyon sa pamamahala ay hindi nakatipon sa isang partikular na dokumento.

  2. Tingnan sa United States Constitution [Saligang-Batas ng Estados Unidos], artikulo 1, bahagi 2.

  3. J. Reuben Clark Jr., “Constitutional Government: Our Birthright Threatened,” Vital Speeches of the Day, Ene. 1, 1939, 177, sinipi sa Martin B. Hickman, “J. Reuben Clark, Jr.: The Constitution and the Great Fundamentals,” sa Ray C. Hillam, ed., By the Hands of Wise Men: Essays on the U.S. Constitution (1979), 53. Si Brigham Young ay may katulad na pananaw hinggil sa pagpapaunlad ng Saligang-Batas, itinuturo na ang mga nagbalangkas ang “naglatag ng pundasyon, at tungkulin ng mga susunod na salinlahi na itayo ang dakilang istruktura rito” (Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe [1954], 359).

  4. Ang limang ito ay kawangis ngunit hindi kaparehong-kapareho ng mga iminungkahi sa J. Reuben Clark, Stand Fast by Our Constitution (1973), 7; Ezra Taft Benson, “Our Divine Constitution,” Ensign, Nob. 1987, 4–7; at Ezra Taft Benson, “The Constitution—A Glorious Standard,” Ensign, Set. 1987, 6–11. Sa pangkalahatan, tingnan sa Noel B. Reynolds, “The Doctrine of an Inspired Constitution,” sa By the Hands of Wise Men, 1–28.

  5. United States Constitution [Saligang-Batas ng Estados Unidos], pagbabago 10.

  6. Tingnan sa United States Constitution [Saligang-Batas ng Estados Unidos], artikulo 6.

  7. Tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:12.

  8. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 98:10.

  9. Tingnan sa David B. Magleby, “The Necessity of Political Parties and the Importance of Compromise,” BYU Studies, tomo 54, blg. 4 (2015), 7–23.