Elder Carlos G. Revillo Jr.
General Authority Seventy
Mula pa noong bata siya, ninais nang maglingkod ni Elder Carlos G. Revillo Jr. sa isang full-time mission. Ngunit sa kolehiyo, nagpasiya siyang ipagpaliban nang isang taon ang kanyang pagmimisyon para tapusin ang isang limang-taong chemical engineering degree at ipasa ang national board certification exams. Pumasok siyang panlima sa board exams at tumanggap ng ilang magagandang alok na trabaho mula sa mga multinational company.
“Noong panahong iyon, kinailangan kong itanong sa sarili ko, ‘Gusto ko ba talagang magmisyon? Alam ko ba talaga na si Joseph Smith ay isang totoong propeta at na ang Aklat ni Mormon ay totoo?’” sabi ni Elder Revillo. “Kinailangan kong magdasal at talagang pag-aralan ang pinaniwalaan ko.”
Kalaunan nalaman niya na ipinagdarasal at ipinag-aayuno siya ng kanyang ina. Sinabi ni Elder Revillo na inantig ng Espiritu ang puso niya.
“Tumibay nang lubusan ang aking patotoo nang maglingkod ako sa full-time mission,” wika niya. “Lahat ng pagpapalang mayroon ako ngayon ay dahil sa kritikal na desisyong iyon.”
Si Carlos Garcia Revillo Jr. ay isinilang sa General Santos City, Philippines, noong Nobyembre 8, 1965, kina Carlos G. Revillo Sr. at Amparo Revillo. Lumaki siya sa General Santos, naglingkod sa full-time mission sa Philippines Bacolod Mission, at pinakasalan si Marites Enriquez Fernando Revillo sa Manila Philippines Temple noong 1989. Mayroon silang apat na anak.
Si Elder Revillo ay nagtapos ng bachelor‘s degree sa chemical engineering mula sa University of Santo Tomas sa Manila noong 1986. Nakapagtrabaho na siya nang 22 taon sa iba’t ibang katungkulan sa pamamahala para sa Procter & Gamble sa Philippines, sa Asia-Pacific region, at sa pandaigdigang headquarters ng kumpanya sa Estados Unidos. Nakapagtrabaho na rin siya bilang pinuno ng kalidad, kaligtasan sa pagkain, at regulatory affairs sa Asia para sa Kellogg Company.
Si Elder Revillo, na siyang welfare and self-reliance manager ng Simbahan sa Pilipinas noong tawagin siya, ay nakapaglingkod na bilang bishop, stake president, seminary teacher, high councilor, at president ng Philippines Quezon City Mission mula 2013 hanggang 2016.