2021
Ang Liwanag ng Katotohanan at Pagmamahal ng Ebanghelyo
Mayo 2021


10:11

Ang Liwanag ng Katotohanan at Pagmamahal ng Ebanghelyo

Pinatototohanan ko na ang liwanag ng katotohanan at pagmamahal ng ebanghelyo ay maliwanag na nagniningning sa buong mundo ngayon.

Ang magandang himno na “O, Makinig, Lahat ng Bansa!” ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tunay na nagsasaad ng kasiglahan at kagalakan ng kabuuan ng ebanghelyo na ipinahahayag sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa himnong ito ay inaawit natin:

O, makinig, lahat ng bansa! Tinig ng langit,

nagbabadya!

Ang katotohanan ay muling

Naipanumbalik!1

Si Louis F. Mönch, ang awtor ng masayang teksto na ito, ay isang German convert na siyang sumulat ng inspiradong mga titik para sa himno habang naninirahan sa Switzerland noong siya ay full-time missionary sa Europe.2 Ang kagalakang nagmumula sa nakitang epekto ng Pagpapanumbalik sa buong mundo ay malinaw na inilarawan sa sumusunod na mga titik ng himno:

Mga bansang nasa karimlan,

Ang liwanag ay inaasam.

Lahat ngayo’y magsipagdiwang

Sa katotohanan!3

Dahil sa pagsisimula ng patuloy na Pagpapanumbalik nitong nakaraang 200 taon lamang, ang “liwanag ng katotohanan [at pagmamahal ng ebanghelyo]”4 ay maliwanag na nagniningning ngayon sa iba’t ibang panig ng mundo. Nalaman ni Propetang Joseph noong 1820, at nalaman din ng napakaraming tao mula noon, na ang Diyos ay “nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat.”5

Hindi nagtagal matapos itatag ang Simbahan sa huling dispensasyong ito, nangusap ang Panginoon kay Joseph Smith at ipinakita ang Kanyang lubos na pagmamahal sa atin nang sabihin Niya:

“Dahil dito, ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan; …

“Nang ang aking walang hanggang tipan ay mapagtibay;

“Nang ang kabuuan ng aking ebanghelyo ay maihayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng daigdig.”6

Pagkatapos matanggap ang paghahayag na ito, kaagad na sinimulan ang pagtawag at pagpapadala ng mga missionary sa maraming bansa sa mundo. Tulad ng inaasahan ng propetang si Nephi, sinimulang ipangaral ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo “sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao.”7

“Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay opisyal na itinatag sa isang maliit na bahay na yari sa troso sa hilagang bahagi ng New York noong 1830.

“Umabot nang 117 taon—hanggang 1947—bago naging isang milyon ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan mula sa unang anim na miyembro lamang. May mga missionary na ang Simbahan sa simula pa lang, na ipinadadala sa mga lupain ng Native American, sa Canada at, noong 1837, sa kontinente ng North America patungo sa England. Hindi nagtagal kalaunan, may mga missionary na sa kontinente ng Europa at hanggang sa India at Pacific Islands.

“Umabot nang dalawang milyon ang mga miyembro makalipas lamang ang 16 na taon, noong 1963, at naging tatlong-milyon pagkaraan ng walong taon pa.”8

Binigyang-diin ang mabilis na pag-unlad ng Simbahan, sinabi kamakailan ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ngayon, ang gawain ng Panginoon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mabilis na sumusulong. Ang Simbahan ay magkakaroon ng hinaharap na mas maganda kaysa inakala ninuman.”9

Ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa kabuuuan nito, ang organisasyon ng buhay na Simbahan ng Panginoon na naritong muli sa mundo, at ang kamangha-manghang pagsulong nito mula noon ay naging daan para matamo ang mga pagpapala ng priesthood sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang mga sagradong ordenansa at tipan na nagbibigkis sa atin sa Diyos at naglalagay sa atin sa landas ng tipan ay malinaw na nagpapakita ng “kapangyarihan ng kabanalan.”10 Kapag nakikibahagi tayo sa mga sagradong ordenansang ito para sa mga buhay, tinitipon natin ang Israel sa magkabilang panig ng tabing at inihahanda ang mundo sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Noong Abril 1973, kami ng mga magulang ko ay naglakbay mula sa aming bansang Argentina para mabuklod sa templo. Dahil walang mga templo sa buong Latin America noong panahong iyon, nagbiyahe kami sakay ng eroplano nang mahigit 6,000 milya papunta at pabalik mula sa Salt Lake Temple. Bagama’t dalawang taong gulang pa lamang ako noong panahong iyon at hindi naaalala ang buong nangyari sa espesyal na karanasang iyon, tatlong alaala ang natimo sa aking isipan na hindi ko malilimutan.

Tanawin mula sa bintana ng eroplano

Una, naalala ko na pinaupo ako malapit sa bintana ng eroplano at nakita ko ang puting mga ulap sa ibaba.

Ang maganda at maaliwalas na mga ulap na iyon ay nanatili sa aking isipan na para bang ang mga ito ay malalaking cotton ball.

Ang isa pang naaalala ko ay ang ilang nakakatuwang karakter sa amusement park sa Los Angeles. Mahirap kalimutan ang mga karakter na iyon.

Ngunit ang pinakamahalaga ay ang maganda at hindi malilimutang alaalang ito:

sealing roon sa Salt Lake Temple

Tandang-tanda ko pa na naroon ako sa sagradong silid ng Salt Lake Temple kung saan ibinubuklod ang mga mag-asawa at pamilya para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Naaalala ko ang magandang altar ng templo at ang maliwanag na sikat ng araw na tumagos sa labas na bintana ng silid. Nadama ko noon, at patuloy kong nadarama magmula noon, ang pangangalaga, kaligtasan, at kapanatagan ng liwanag ng katotohanan at pagmamahal ng ebanghelyo.

Muling napagtibay iyon sa aking puso makalipas ang 20 taon, nang pumasok ako sa templo upang mabuklod muli—sa pagkakataong iyon sa aking kasintahan at nabuklod kami sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Gayunman, sa pagkakataong iyon, hindi na namin kailangang maglakbay ng maraming milya, dahil naitayo at nailaan na noon ang Buenos Aires Argentina Temple, at malapit lang iyon sa aming tahanan.

Pamilya Walker

Makalipas ang dalawampu’t dalawang taon ng aming kasal at pagkakabuklod, nagkaroon kami ng pagkakataong bumalik sa templo ring iyon, ngunit sa pagkakataong ito kasama ang aming magandang anak, at nabuklod kami bilang pamilya sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Habang iniisip ko ang mga sagradong sandaling iyon ng aking buhay, napuspos ako ng labis na kagalakan. Naramdaman ko at patuloy kong nararamdaman ang pagmamahal ng isang mahabaging Ama sa Langit, na nalalaman ang ating indibiduwal na mga pangangailangan at tapat na mga hangarin.

Sa pagsasalita tungkol sa pagtitipon ng Israel sa mga huling araw, sinabi ng Panginoong Jehova, “Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat iyon sa kanilang mga puso; at ako’y magiging kanilang Diyos at sila’y magiging aking bayan.”11 Walang katapusan ang pasasalamat ko na magmula sa aking pagkabata ay nagsimulang tumimo nang malalim sa aking puso ang kautusan ng Panginoon sa pamamagitan ng mga sagradong ordenansa sa Kanyang banal na bahay. Napakahalagang malaman na Siya ang ating Diyos, na tayo ay Kanyang mga tao, at anuman ang sitwasyon sa ating paligid, kung tayo ay tapat at tumutupad sa ating mga tipan, tayo ay “[ma]yayakap magpakailanman ng mga bisig ng kanyang pagmamahal.”12

Sa sesyon ng kababaihan noong pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019, sinabi ni Pangulong Nelson, “Lahat ng pagsisikap nating paglingkuran ang isa’t isa, ipangaral ang ebanghelyo, gawing ganap ang mga Banal, at tubusin ang mga patay ay konektado sa banal na templo.”13

At, sa pangkalahatang kumperensya ding iyon, itinuro ni Pangulong Nelson: “Mangyari pa, ang pinakakatangi-tanging bahagi ng Pagpapanumbalik ay ang banal na templo. Ang mga banal na ordenansa at tipan nito ay mahalaga sa paghahanda sa mga tao na handang sumalubong sa Tagapagligtas sa Kanyang Ikalawang Pagparito.”14

Makikita sa patuloy na Pagpapanumbalik ang pagtatayo at paglalaan ng mga templo na isinasagawa nang mas mabilis kaysa noon. Kapag natitipon tayo sa magkabilang panig ng tabing, kapag nagsasakripisyo tayo para maglingkod at pahalagahan ang templo sa ating buhay, talagang pinalalakas tayo ng Panginoon—pinalalakas Niya ang Kanyang pinagtipanang mga tao.

L’walhati sa kaitaasan,

Liwanag ng katotohanan!

Gaya ng araw, sinag nito

Ang s’yang tanglaw dito.15

Pinatototohanan ko na ang liwanag ng katotohanan at pagmamahal ng ebanghelyo ay maliwanag na nagniningning sa buong mundo ngayon. Ang “kahanga-hangang mga gawa … at kagila-gilalas” na ipinropesiya ng propetang si Isaias16 at nakita ni Nephi17 ay nangyayari na nang mabilis, maging sa mahirap na mga panahong ito. Tulad ng ipinropesiya ni Joseph Smith, “Ang Pamantayan ng Katotohanan ay naitayo na; walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain … hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.”18

Mga kapatid, nawa’y maging handa tayo at magpasiya ngayon na pakinggan natin at ng ating pamilya ang tinig ng langit, maging ang tinig ng ating Tagapagligtas. Nawa’y gumawa at tumupad tayo ng mga tipan sa Diyos na magpapatatag sa atin sa landas na pabalik sa Kanyang kinaroroonan, at nawa’y magalak tayo sa mga pagpapala ng maluwalhating liwanag at katotohanan ng Kanyang ebanghelyo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.