2021
Nakagagalit na Kawalang-Katarungan
Mayo 2021


14:51

Nakagagalit na Kawalang-Katarungan

Nauunawaan ni Jesucristo ang kawalang-katarungan at may kapangyarihan din Siyang maglaan ng lunas.

Noong 1994, isang genocide ang naganap sa bansang Rwanda sa East Africa dahil sa napakatagal nang napakatinding tensiyon sa pagitan ng mga tribo. Tinatayang mahigit kalahating milyong katao ang napatay.1 Kamangha-mangha na gumanda na ang samahan ng halos lahat ng tao sa Rwanda,2 ngunit patuloy na naiimpluwensyahan ng mga pangyayaring ito ang kanilang lipunan.

Isang dekada na ang nakalipas, nang bumisita kaming mag-asawa sa Rwanda, nakausap namin ang isa pang pasahero sa Kigali airport. Idinaing niya ang kawalang-katarungan ng genocide at naghihinakit na itinanong, “Kung mayroong Diyos, wala ba Siyang gagawin tungkol dito?” Para sa taong ito—at para sa marami sa atin—ang pagdurusa at malupit na kawalang-katarungan ay maaaring tila hindi tugma sa katotohanan na may mabait at mapagmahal na Ama sa Langit. Subalit Siya ay totoo, Siya ay mabait, at sakdal ang pagmamahal Niya sa bawat isa sa Kanyang mga anak. Ang pagkakaiba ng dalawang ideyang ito ay kasintanda ng sangkatauhan at hindi maipaliliwanag sa maikling paraan o sa iilang salita lamang.

Para maunawaan ito, pag-aralan natin ang iba’t ibang uri ng kawalang-katarungan. Isipin ang isang pamilya kung saan ang bawat anak ay tumatanggap ng lingguhang allowance dahil sa paggawa ng mga karaniwang gawaing-bahay. Ang anak na lalaki, si John, ay bumili ng kendi; ang anak na babae, si Anna, ay inipon ang pera niya. Kalaunan, bumili si Anna ng bisikleta. Inisip ni John na hindi makatarungan na nakakuha ng bisikleta si Anna samantalang siya’y hindi. Ngunit ang mga pagpili ni John ang lumikha ng hindi nila pagkakapantay, hindi ang ginawa ng kanilang mga magulang. Ang desisyon ni Anna na kalimutan ang kagyat na kasiyahan ng pagkain ng kendi ay hindi kawalang-katarungan kay John dahil pareho sila ng oportunidad ng kanyang kapatid.

Ang ating mga desisyon ay maaari ding magdulot ng mga pangmatagalang kalamangan o kawalan. Tulad ng inihayag ng Panginoon, “At kung ang isang tao ay nagkamit ng maraming kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito, sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap at pagiging masunurin kaysa sa iba, siya ay magkakaroon ng labis na kalamangan sa daigdig na darating.”3 Kapag nakinabang ang iba dahil sa kanilang masisigasig na pagpili, wala tayong karapatang magsabi na hindi naging makatarungan ang pagtrato sa atin samantalang magkapareho ang ating oportunidad.

Ang isa pang halimbawa ng kawalang-katarungan ay mula sa isang sitwasyong naranasan ng asawa kong si Ruth noong bata pa siya. Isang araw nalaman ni Ruth na isasama ng kanyang ina ang nakababata niyang kapatid na si Merla para ibili ng bagong sapatos. Nagreklamo si Ruth, “Inay, hindi po makatarungan ‘yan! Nagkaroon ng bagong sapatos si Merla.”

Tanong ng nanay ni Ruth, “Ruth, kasya pa ba ang sapatos mo?”

Sagot ni Ruth, “Opo.”

Pagkatapos ay sinabi ng nanay ni Ruth, “Masikip na ang sapatos ni Merla.”

Sumang-ayon si Ruth na dapat magkaroon ang bawat bata sa pamilya ng sapatos na kasya sa kanya. Bagama’t gusto ni Ruth ng bagong sapatos, nawala ang pananaw niya na hindi makatarungan ang pagtrato sa kanya nang makita niya ang sitwasyon sa paningin ng kanyang ina.

Hindi maipaliliwanag ang ilang kawalang-katarungan; nakagagalit ang kawalang-katarungang hindi maipaliwanag. Ang kawalang-katarungan ay nagmumula sa pamumuhay sa mga katawang hindi perpekto, nasaktan, o maysakit. Ang mortal na buhay ay likas na hindi makatarungan. Ang ilang tao ay isinilang na mayaman; ang iba ay hindi. Ang ilan ay may mapagmahal na mga magulang; ang iba ay wala. Ang ilan ay mahaba ang buhay; ang ilan ay maikli. At kung anu-ano pa. Ang ilang indibiduwal ay nakagagawa ng nakapipinsalang mga pagkakamali kahit nagsisikap silang gumawa ng mabuti. Ang ilan ay pinipiling hindi bawasan ang kawalang-katarungan samantalang kaya naman nila. Ang nakalulungkot, ginagamit ng ilang indibiduwal ang kalayaang bigay sa kanila ng Diyos para saktan ang iba samantalang hindi nila dapat gawin iyon kailanman.

Maaaring makaranas ng iba’t ibang uri ng kawalang-katarungan ang mga tao, na lumilikha ng pagdaluyong ng matitinding kawalang-katarungan. Halimbawa, mas naapektuhan ng pandemyang COVID-19 ang mga taong may kakulangan sa iba’t ibang aspeto ng buhay kumpara sa iba. Nasasaktan ang puso ko para sa mga taong nahaharap sa gayong kawalang-katarungan, ngunit ipinapahayag ko nang may buong pusong nasasaktan na nauunawaan ni Jesucristo ang kawalang-katarungan at may kapangyarihan Siyang maglaan ng lunas. Walang maihahambing sa kawalang-katarungang tiniis Niya. Hindi makatarungan na naranasan Niya ang lahat ng pasakit at paghihirap ng sangkatauhan. Hindi makatarungan na nagdusa Siya para sa akin at para sa inyong mga kasalanan at pagkakamali. Ngunit pinili Niyang gawin ito dahil sa pagmamahal Niya sa atin at sa Ama sa Langit. Lubos Niyang nauunawaan ang nararanasan natin.4

Nakatala sa banal na kasulatan na nagreklamo ang mga sinaunang Israelita na hindi makatarungan ang pagtrato sa kanila ng Diyos. Bilang tugon, nagtanong si Jehova, “Sapagkat malilimutan ba ng isang ina ang kanyang anak na pinasususo, na hindi siya maaawa sa anak ng kanyang sinapupunan?” Tulad ng malamang na hindi malilimutan ng isang mapagmahal na ina ang kanyang sanggol na anak, ipinahayag ni Jehova na mas matatag pa rito ang Kanyang katapatan. Pinagtibay Niya: “Oo, maaaring makalimot siya, gayon pa man hindi kita malilimutan. … Masdan, aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay, ang iyong mga muog ay laging nasa harapan ko.”5 Dahil tiniis ni Jesucristo ang walang-katapusang nagbabayad-salang sakripisyo, lubos Niyang nadarama ang ating nadarama.6 Alam Niya palagi ang nangyayari sa atin at ang ating sitwasyon.

Sa mortalidad, maaaring “lumapit tayong may katapangan” sa Tagapagligtas at tumanggap ng habag, pagpapagaling, at tulong.7 Kahit hindi maipaliwanag ang ating pagdurusa, maaari tayong pagpalain ng Diyos sa simple, karaniwan, at makabuluhang mga paraan. Kapag natutuhan nating kilalanin ang mga pagpapalang ito, mag-iibayo ang ating tiwala sa Diyos. Sa mga kawalang-hanggan, lulutasin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang lahat ng kawalang-katarungan. Nauunawaan natin na nais nating malaman kung paano at kailan. Paano Nila gagawin iyon? Kailan Nila gagawin iyon? Sa pagkakaalam ko, hindi pa Nila naihahayag kung paano o kailan.8 Ang alam ko ay gagawin Nila iyon.

Sa mga di-makatarungang sitwasyon, ang isa sa ating mga gagawin ay magtiwala na “lahat ng di-makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”9 Dinaig ni Jesucristo ang sanlibutan at “tinanggap” ang lahat ng kawalang-katarungan. Dahil sa Kanya, maaari tayong magkaroon ng kapayapaan sa mundong ito at magalak.10 Kung hahayaan natin Siya, ilalaan ni Jesucristo ang kawalang-katarungan para sa ating kapakinabangan.11 Hindi lamang Niya tayo aaluin at ibabalik ang nawala;12 gagamitin Niya ang kawalang-katarungan para sa ating kapakinabangan. Pagdating sa kung paano at kailan, kailangan nating kilalanin at tanggapin, tulad ni Alma, na “ito ay hindi na mahalaga; sapagkat nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay na ito; at sapat na sa akin ang malamang ganito ang mangyayari.”13

Maaari nating subuking saka na lamang itanong kung paano at kailan at magtuon tayo sa pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo, na mayroon Siyang kapangyarihang itama ang lahat at nasasabik Siyang gawin iyon.14 Ang ipilit na malaman kung paano o kailan ay walang ibubunga at, pagkatapos ng lahat, limitado pa rin ang ating pananaw.15

Kapag nagkaroon tayo ng pananampalataya kay Jesucristo, dapat din nating sikaping maging katulad Niya. Pagkatapos ay pakikitunguhan natin ang iba nang may habag at susubukan nating bawasan ang kawalang-katarungan kung saan man natin ito matagpuan;16 maaari nating subukang itama ang mga bagay-bagay na kaya nating impluwensyahan. Tunay ngang iniutos ng Tagapagligtas na tayo ay “nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa [ating] sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan.”17

Ang isang taong naging sabik sa paglaban sa kawalang-katarungan ay ang abugadong si Bryan Stevenson. Ang kanyang trabaho bilang abugado sa Estados Unidos ay nakatuon sa pagtatanggol sa mga taong pinaratangan nang mali, na humantong sa labis na parusa, at pagprotekta sa mga pangunahing karapatang pantao. Ilang taon na ang nakalipas, ipinagtanggol ni Mr. Stevenson ang isang lalaking naparatangang pumaslang at hinatulang mamatay. Hiniling ni Mr. Stevenson sa lokal na simbahang Kristiyano ng lalaki na suportahan ito, kahit hindi aktibo ang lalaki sa kanyang simbahan at pinipintasan sa komunidad dahil alam ng lahat na nambabae siya.

Para maituon ang kongregasyon sa talagang mahalaga, nagkuwento sa kanila si Mr. Stevenson tungkol sa babaeng inakusahan ng pangangalunya na dinala kay Jesus. Gusto siyang batuhin ng mga nagparatang sa kanya hanggang sa mamatay, ngunit sinabi ni Jesus, “Ang walang kasalanan sa inyo … , siyang unang bumato sa kanya.”18 Nag-alisan ang mga nagparatang sa babae. Hindi isinumpa ni Jesus ang babae kundi inutusan itong huwag nang magkasala.19

Matapos isalaysay ang pangyayaring ito, sinabi ni Mr. Stevenson na pagmamagaling, takot, at galit ang naging dahilan para batuhin maging ng mga Kristiyano ang mga taong nagkakamali. Pagkatapos ay sinabi niya, “Hindi maaaring basta natin panoorin iyan,” at hinikayat niya ang mga nasa kongregasyon na maging “mga tagasalo ng bato.”20 Mga kapatid, ang hindi pambabato ang unang hakbang sa pagtrato sa iba nang may habag. Ang pangalawang hakbang ay subuking saluhin ang mga batong inihahagis ng iba.

Ang pagharap natin sa mga kapakinabangan at kawalan ay bahagi ng pagsubok sa buhay. Hindi tayo gaanong hahatulan sa sinasabi natin kundi sa paraan ng pagtrato natin sa mahihina at walang-wala.21 Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, hinahangad nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas, na maglibot na gumagawa ng mabuti.22 Ipinamamalas natin ang ating pagmamahal sa ating kapwa sa pagsisikap na matiyak na mayroong dignidad ang lahat ng anak ng Ama sa Langit.

Makabubuting pagbulay-bulayan ang sarili nating mga kapakinabangan at kawalan. Nahayag ang ugali ni John nang maunawaan niya kung bakit nagkaroon ng bisikleta si Anna. Naging maliwanag kay Ruth ang pangangailangan ni Merla sa sapatos nang makita niya ito sa pananaw ng kanyang ina. Maaaring magpalinaw ng isipan ang pagsisikap na makita ang mga bagay-bagay nang may walang-hanggang pananaw. Habang tayo ay nagiging higit na katulad ng Tagapagligtas, nagkakaroon tayo ng higit na pagdamay, pang-unawa, at pag-ibig sa kapwa.

Babalikan ko ang tanong ng kapwa namin pasahero sa Kigali na idinaing ang kawalang-katarungan ng genocide sa Rwanda at nagtanong, “Kung mayroong Diyos, wala ba Siyang gagawin tungkol dito?”

Hindi binabalewala ang pagdurusang dulot ng genocide, at matapos tanggapin ang kawalan natin ng kakayahang maintindihan ang gayong pagdurusa, sumagot kami na may nagawa si Jesucristo tungkol sa nakagagalit na kawalang-katarungan.23 Ipinaliwanag namin ang maraming tuntunin ng ebanghelyo tungkol kay Jesucristo at ang Pagpapanumbalik ng Kanyang Simbahan.24

Pagkatapos, itinanong ng aming kakilala, na may luha sa kanyang mga mata, “Ibig ninyong sabihin may magagawa ako para sa yumao kong mga magulang at sa tito ko?”

Sabi namin, “Oo naman!” Pagkatapos ay nagpatotoo kami na lahat ng di-makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at na sa pamamagitan ng Kanyang awtoridad ay maaaring magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman.

Kapag naharap sa kawalang-katarungan, maaari tayong lumayo sa Diyos o maaari tayong lumapit sa Kanya para humingi ng tulong at suporta. Halimbawa, ang matagal nang digmaan sa pagitan ng mga Nephita at ng mga Lamanita ay iba-iba ang naging epekto sa mga tao. Napansin ni Mormon na “marami ang naging matitigas” habang ang iba ay “napalambot dahil sa kanilang paghihirap, kung kaya nga’t sila ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos.”25

Huwag hayaan ang kawalang-katarungan na patigasin kayo o pahinain ang inyong pananampalataya sa Diyos. Sa halip, humingi ng tulong sa Diyos. Dagdagan ang inyong pagpapahalaga at pananalig sa Tagapagligtas. Sa halip na makaramdam ng pait, hayaan Siyang tulungan kayong maging mas mabuti.26 Hayaan Siyang tulungan kayong magsumigasig, hayaan ang inyong mga paghihirap na “malulon sa kagalakan dahil kay Cristo.”27 Samahan Siya sa Kanyang misyon “[na pagalingin ang naghihinagpis na puso],”28 magpunyaging bawasan ang kawalang-katarungan, at maging tagasalo ng bato.29

Pinatototohanan ko na ang Tagapagligtas ay buhay. Nauunawaan Niya ang kawalang-katarungan. Ang mga marka sa mga palad ng Kanyang mga kamay ay patuloy na nagpapaalala sa Kanya sa inyo at sa inyong mga sitwasyon. Tinutulungan Niya kayo sa lahat ng inyong pagdurusa. Para sa mga lumalapit sa Kanya, isang putong ng kagandahan ang papalit sa mga abo ng pagdadalamhati; kagalakan at katuwaan ang papalit sa pighati at kalungkutan; pagpapahalaga at pagdiriwang ang papalit sa panghihina ng loob at kawalan ng pag-asa.30 Ang inyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay gagantimpalaan nang higit pa sa inaakala ninyo. Lahat ng kawalang-katarungan—lalo na ang nakagagalit na kawalang-katarungan—ay ilalaan para sa inyong kapakinabangan. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa John Reader, Africa: A Biography of the Continent (1999), 635–36, 673–79.

  2. Bagama’t may pag-asa, ang muling pagkakasundo sa Rwanda ay kumplikadong bagay. Pinag-aalinlanganan ng ilan ang lalim at tatag nito. Tingnan, halimbawa ang, “The Great Rwanda Debate: Paragon or Prison?,” Economist, Mar. 27, 2021, 41–43.

  3. Doktrina at mga Tipan 130:19; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  4. Tingnan sa Mga Hebreo 4:15.

  5. 1 Nephi 21:15–16.

  6. Tingnan sa Alma 7:11–13.

  7. Tingnan sa Mga Hebreo 4:16; Isaias 41:10; 43:2; 46:4; 61:1–3.

  8. Isang babala: Dapat nating labanan ang tuksong lumikha ng sarili nating mga teoriya kung paano at kailan, gaano man ito kamakatwiran o kapani-paniwala. Hindi tayo maaaring maggawa-gawa ng isang bagay na hindi totoo para sa isang bagay na hindi pa naihahayag ng Diyos.

  9. Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 57; tingnan din sa Isaias 61:2–3; Apocalipsis 21:4. Malamang na ang ibig sabihin ng “Lahat ng di-makatarungan sa buhay ay naiwawasto” ay na ang mga bunga ng kawalang-katarungan sa atin ay malulutas, mababawasan, o gagaan. Sa kanyang huling mensahe sa pangkalahatang kumperensya na, “Anuman ang Mangyari, Gustuhin Ito,” sinabi ni Elder Joseph B. Wirthlin: “Bawat luha ngayon ay papalitan kalaunan ng maka-isandaang ulit na luha ng kagalakan at pasasalamat. … Nananaig ang alituntunin ng pagganti” (Liahona, Nob. 2008, 28).

  10. Tingnan sa Juan 16:33.

  11. Tingnan sa 2 Nephi 2:2.

  12. Tingnan sa Job 42:10, 12–13; Jacob 3:1.

  13. Alma 40:5.

  14. Tingnan sa Mosias 4:9.

  15. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 93. Ang ibig sabihin ng myopic ay hindi nakakakita nang malayuan.

  16. Halimbawa, pinagtibay ni Kapitan Moroni na maling hindi kumilos at “walang gawin” ang mga tao samantalang matutulungan nila ang iba (tingnan sa Alma 60:9–11); tingnan din sa 2 Corinto 1:3.

  17. Doktrina at mga Tipan 58:27; tingnan din sa mga talata 26, 28–29.

  18. Juan 8:7.

  19. Tingnan sa Juan 8:10–11; kasama sa Joseph Smith Translation ng talata 11 ang, “At niluwalhati ng babae ang Diyos mula sa oras na iyon, at pinaniwalaan ang kanyang pangalan,” na nagpapahiwatig na ang hindi pagsumpa ng Tagapagligtas at ang Kanyang utos na “huwag nang magkasala” ay nakaapekto sa babae habambuhay.

  20. Bryan Stevenson, Just Mercy: A Story of Justice and Redemption (2015), 308–9.

  21. Tingnan sa Mateo 25:31–46.

  22. Tingnan sa Mga Gawa 10:38; tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Ikalawang Dakilang Kautusan,” Liahona, Nob. 2019, 96–100.

  23. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:17, 22–23.

  24. Ang mga tuntuning ito ay malinaw na ipinahayag sa “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo,” ChurchofJesusChrist.org.

  25. Alma 62:41.

  26. Tingnan sa Amos C. Brown, sa Boyd Matheson, “‘It Can Be Well with This Nation’ If We Lock Arms as Children of God,” Church News, Hulyo 25, 2019, churchnews.com.

  27. Alma 31:38.

  28. Tingnan sa Lucas 4:16–19. Ang pagpapagaling sa mga naghihinagpis na puso ay ang ipanumbalik ang isipan, kalooban, talino, o personal na pagkatao ng mga taong nawasak o nadurog (tingnan sa James Strong, The New Strong’s Expanded Exhaustive Concordance of the Bible [2010], Hebrew dictionary section, 139 at 271).

  29. Tingnan, halimbawa, sa Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020; Dallin H. Oaks, “Mahalin ang Inyong mga Kaaway,” Liahona, Nob. 2020, 26–29. Ipinayo ni Pangulong Nelson: “Nananawagan ako ngayon sa ating mga miyembro sa lahat ng dako na manguna sa pagwaksi sa ugali at gawain ng di-pantay na pakikitungo. Nakikiusap ako sa inyo na itaguyod ang respeto para sa lahat ng anak ng Diyos.” Hindi lamang ito pagsalungat sa mga pag-uugali at kilos na may pagtatangi. Binanggit ni Pangulong Oaks ang sinabi ni Reverend Theresa A. Dear: “Ang rasismo ay nagtatagumpay sa galit, pang-aapi, pagsasawalang-kibo, hindi pakikialam, at pananahimik.” Pagkatapos ay sinabi niya, “Bilang mga … miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kailangan nating paghusayin pa ang ating pagsisikap na tumulong [na] mabura ang rasismo.”

  30. Tingnan sa Isaias 61:3. Ang ibig sabihin ng pagtanggap ng putong ng kagandahan ay na nagiging kasama tayo ni Jesucristo na magmamana sa kaharian ng Diyos. Tingnan din sa Donald W. Parry, Jay A. Parry, at Tina M. Peterson, Understanding Isaiah (1998), 541–43.