Institute
Lesson 11: Pag-uusig sa Jackson County


“Lesson 11: Pag-uusig sa Jackson County,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 11,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 11

Pag-uusig sa Jackson County

Pambungad at Timeline

Noong Hulyo 20, 1833, hinarap ng mga mamamayan mula sa Jackson County, Missouri, ang mga lider ng Simbahan at pilit na hiniling sa mga Banal na isara ang kanilang palimbagan at tindahan at lisanin ang Jackson County. Hindi pumayag ang mga lider ng Simbahan na umalis sa county, kung kaya’t winasak ng mga mandurumog ang palimbagan ng Simbahan at binuhusan ng alkitran at balahibo sina Bishop Edward Partridge at ang miyembro ng Simbahan na si Charles Allen. Makalipas ang tatlong araw, nagbanta ang mga mandurumog ng higit pang karahasan at, kahit labag sa kanilang loob, nilagdaan ng mga lokal na lider ng Simbahan ang isang dokumento na nangangako na lilisanin ng mga Banal ang county sa susunod na tagsibol. Pagkatapos matanggap ang balita ng kalunus-lunos na mga pangyayari sa Jackson County, nagpadala ng mensahe si Joseph Smith sa mga Banal sa Missouri na huwag ipagbili ang kanilang mga lupain. Noong katapusan ng Oktubre at simula ng Nobyembre 1833, marahas na itinaboy ng mga mandurumog ang mga Banal mula sa kanilang mga tahanan at lupain sa Jackson County. Ang karamihan sa mga pinalayas na Banal ay nagsitakas patungo sa kabilang banda ng Ilog Missouri sa kalapit na Clay County.

Hulyo 20, 1833Iniutos ng mga lokal na mamamayan sa mga Banal na lisanin ang Jackson County.

Hulyo 23, 1833Dahil sa banta ng karahasan ng mga mandurumog, pumayag ang mga Banal na lisanin ang county.

Oktubre 20, 1833Ipinahayag ng mga lider ng Simbahan ang kanilang hangaring manatili at legal na ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga pisikal na pagsalakay.

Katapusan ng Oktubre hanggang unang bahagi ng Nobyembre 1833Nilusob ng mga mandurumog ang mga Banal sa mga pamayanan at marahas na pinalayas sila mula sa Jackson County.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), mga kabanata 16–17

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Sapilitang hiniling ng mga mandurumog sa Jackson Country sa mga Banal na lisanin ang Jackson County

Isulat sa pisara ang sumusunod na pangungusap: Ang mga Mormon ay kailangang lumayas!

Ipaliwanag na noong Hulyo 20, 1833, sapilitang hiningi ng isang grupo ng mga mamamayan mula sa Jackson County na isara ng mga Mormon ang kanilang palimbagan at tindahan at lisanin ang county.

  • Ano ang madarama ninyo kung ganito rin ang ipagawa sa mga miyembro ng Simbahan kung saan kayo nakatira? Aalis ba kayo? Bakit oo o bakit hindi?

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 16 ng Mga Banal: Tomo 1, ano ang ilan sa mga dahilan kung bakit hiniling ng mga mamamayan ng Jackson County na umalis ang mga Banal? (Ang mga lokal na residente at ang mga Banal ay hindi nagkakasundo sa mga paniniwala sa relihiyon at pagkakaiba ng mga pananaw sa pang-aalipin. Ang mga residente sa Jackson County ay nag-aalala tungkol sa lumalaking bilang ng mga Banal sa mga Huling Araw sa lugar at nakita nila ang mga ito bilang mga “banta sa kanilang mga ari-arian at kapangyarihan sa pulitika” [Mga Banal: Tomo 1, 200].)

Ipaalala sa mga estudyante na tinanggihan ng mga mamamayan ng Jackson County na bigyan ng sapat na panahon ang mga pinuno ng Simbahan sa Missouri upang sumangguni sa mga lider ng Simbahan sa Ohio at sa mga lokal na Banal tungkol sa dapat nilang gawin. Pagkatapos ay nabuo ang isang grupo ng mga mandurumog na may mga 500 katao na may layuning pilitin ang mga Banal na lisanin ang county.

  • Ano ang ginawa ng mga mandurumog upang ligaligin at takutin ang mga banal? (Winasak nila ang palimbagan ng Simbahan at ang tahanan ni William W. Phelps at ikinalat sa kalye ang hiwa-hiwalay pang mga pahina ng Book of Commandments. Binuhusan ng alkitran at balahibo sina Bishop Edward Partridge at Charles Allen.)

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Bishop Edward Partridge:

Edward Partridge

“Bago ang pagbubuhos ng alkitran at balahibo sa akin, ako ay pinayagang mangusap. Sinabi ko sa kanila na kailangang usigin ang mga Banal sa lahat ng kapanahunan sa daigdig; na wala akong nagawa na makasasakit ng damdamin ng iba; na kung aabusuhin nila ako, ay aabusuhin nila ang isang taong walang kasalanan; na ako ay handang magdusa alang-alang kay Cristo; ngunit ang lisanin ang county, hindi pa ako handang tulutan ito. …

“… Tiniis ko ang pang-aabuso sa akin nang may labis na pagtitiis at kaamuang-loob na mukhang nagpamangha sa mga mandurumog, na nagpahintulot sa akin na matahimik silang lisanin, marami ang walang kibo, naantig ang kanilang pagkahabag gaya ng naisip ko; at tungkol naman sa akin, napuspos ako ng Espiritu at pag-ibig ng Diyos, na wala akong poot sa aking mga tagausig o kaninuman” (Manuscript History of the Church, vol. A-1, p. 327–28, josephsmithpapers.org; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay, paggamit ng malalaking titik, at pagbabantas).

pinupulot ni Vienna Jacques ang mga pahina ng Book of Commandments

Idispley ang kalakip na larawan ni Vienna Jaques, at ipaliwanag na siya ay isang miyembro ng Simbahan na nakasaksi noong si Bishop Partridge ay inaabuso ng mga mandurumog. Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na salaysay:

“Pinupulot ni Sister [Jaques] ang ilan sa [mga kumalat na paghahayag], at habang ginagawa ito, isang mandurumog ang dumaan at nagsabi sa kanya, ‘Ginang, ito ay umpisa pa lamang ng inyong mga pagdurusahan,’ at sinabing, ‘Naroon ang inyong Bishop, binuhusan ng alkitran at balahibo.’ Tumingin siya … at nakita niya ang bishop na palayong naglalakad, nababalot ng maningning na liwanag, higit pa sa liwanag ng araw. Ibinulalas niya, ‘Luwalhati sa Diyos! Sapagkat siya ay tatanggap ng korona ng kaluwalhatian dahil sa alkitran at mga balahibo’” (Vienna Jaques, Statement, Peb. 22, 1859, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay, paggamit ng malaking titik, at pagbabantas sa pamantayan).

  • Ano ang tumimo sa inyo sa dalawang salaysay na ito?

Ipaliwanag na kalaunan sa taong iyon ay inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith ang mahahalagang katotohanan tungkol sa mga nararanasang paghihirap ng mga miyembro ng Simbahan. Anyayahan ang isang estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 101:35 nang malakas. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isang katotohanang katulad ng sinabi ni Sister Jaques tungkol sa pagdurusa ni Bishop Partridge.

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon sa talatang ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Ang mga nagdurusa ng pang-uusig para sa pangalan ni Cristo, at nagtitiis nang may pananampalataya ay makikibahagi sa kaluwalhatian ng Panginoon.)

  • Paano ipinakita ni Edward Partridge ang ibig sabihin ng tiisin ang pang-uusig nang may pananampalataya?

  • Kailan kayo nakakita ng isang tao na nagtitiis ng pang-uusig nang may pananampalataya?

Ipaliwanag na habang lumalaganap ang karahasan at kaguluhan sa Independence, ang ilan sa mga Banal ay nagtago sa kakahuyan at mga kalapit na pamayanan. Isa sa kanila si William E. McLellin.

Hilingin sa mga estudyante na hanapin ang kabanata 17 ng Mga Banal: Tomo 1. Anyayahan ang ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng pahina 210, simula sa talatang nag-uumpisa sa “Nag-iisa at takot …” at nagtatapos sa talata sa pahina 211 na nagsisimula sa “‘Naniniwala ako sa inyo’ …” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nasubukan ang pananampalataya ni William.

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin sa salaysay na ito tungkol sa paraan kung paano palalakasin ang pananampalataya ng iba? (Maaaring magbigay ang mga estudyante ng ilang sagot, kabilang ang sumusunod: Kapag tayo ay may mga tanong at nahihirapan, ang pakikinig sa mga patotoo ng ibang tao ay makapagpapalakas ng ating pananampalataya. Matutulungan natin na mapalakas ang pananampalataya ng iba sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ating patotoo sa kanila.)

  • Anong mga pagkakataon ang mayroon tayo para mapalakas ang patotoo ng ibang tao?

Idispley ang mga sumusunod na tanong:

Kailan kayo nakatulong na palakasin ang pananampalataya ng isang tao sa pamamagitan ng pagbabahagi ng inyong patotoo sa kanya?

Kailan kayo napalakas ng patotoo na ibinahagi sa inyo ng isang tao?

Hilingin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa isa o dalawang tanong na ito. Kung may oras pa, anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi sa klase ang isinulat nila.

Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga pagkakataon para ibahagi ang kanilang patotoo sa ibang tao.

Pinipilit ng mga mandurumog ang mga lider ng Simbahan sa Missouri na lumagda sa isang kasunduan na lisanin ang Jackson County

Ipaliwanag na ang karahasan laban sa mga Banal sa Jackson County ay nagpatuloy matapos ang unang pag-atake. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na mga talata na nagpapaliwanag kung ano ang nangyari noong Hulyo 23, 1833, tatlong araw matapos buhusan ng alkitran at balahibo si Bishop Edward Partridge.

“Malalaking grupo ng mga mandurumog ang pumasok sa Independence sakay ng kanilang mga kabayo na dala ang mga pulang bandila, nagbabanta ng kamatayan at kapahamakan sa mga Mormon. … Nakikita ang determinasyon ng mga mandurumog, sina [Edward Partidge, John Corrill, John Whitmer, William W. Phelps, Sidney Gilbert, at Isaac Morley] ay nag-alay ng kanilang buhay, kung masisiyahan na rito ang [mga mandurumog] … ; hindi sila sumasang-ayon dito, ngunit sinabi na lahat ng tao ay mamamatay para sa kanilang sarili o lilisanin ang county. Noong panahong iyon, ang karamihan, kung hindi man lahat, ng aming mga tao sa Jackson [County] ay nag-iisip na mali na labanan ang mga mandurumog, maging sa pamamagitan ng pagtatanggol sa kanilang sarili. …

“Dahil sa pananaw na ito, inisip ng [mga lokal na pinuno ng Simbahan] … na pinakamainam na sumang-ayon na lisanin ang bayan, ayon sa mga kondisyong napagkasunduan, [gaya ng]: ang mga elder ay kusang aalis, at gayundin ay gamitin ang kanilang impluwensya, sa lipunan, upang palikasin mula sa county ang kalahati sa kanila sa unang araw ng Enero, at ang natitirang kalahati sa unang araw ng Abril, 1834; umaasa na bago matapos ang alinman sa mga petsang ito, sa tulong ng Diyos ay magawa nila, na patuloy na manirahan doon nang mapayapa. Ang pangkat ng mandurumog ay pumayag na hindi ligaligin ang mga banal, sa panahon ng napagkasunduang pananatili nila” (“A History, of the Persecution, of the Church of Jesus Christ, of Latter Day Saints in Missouri,” Times and Seasons, Dis. 1839, 18–19, josephsmithpapers.org; iniayon ang pagbabaybay at pagbabantas sa pamantayan).

  • Bakit sumang-ayon ang mga lider ng Simbahan na lisanin ang Jackson County?

Ipaliwanag na matapos pumayag ang mga lider ng Simbahan sa Missouri sa mga pilit na hinihingi sa mga Banal, naglakbay si Oliver Cowdery sa Kirtland, Ohio, upang ipaalam kay Propetang Joseph Smith ang mga naganap. Habang naglalakbay si Oliver, si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan sa Kirtland ay nagpadala ng liham na may petsang Agosto 6, 1833, sa mga lider ng Simbahan sa Missouri. Ang sulat na ito ay naglalaman ng pagsipi sa mga paghahayag na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 94, 97, at 98. Nang dumating si Oliver sa Kirtland noong Agosto 9 at ibinalita ang mga pagsalakay sa Missouri, lubhang nabagabag si Joseph Smith. Noong Agosto 18 ay nagpadala si Joseph Smith ng isa pang liham kung saan ay pinayuhan niya ang mga Banal na huwag lisanin o ipagbili ang kanilang ari-arian sa Jackson County. Noong Oktubre 1833, kumuha ng mga abogado ang mga lider ng Simbahan sa Missouri para humanap ng legal na paraan upang mapanatili ng mga Banal ang kanilang mga ari-arian. Ang mga pagkilos na ito ay nagpagalit sa mga mamamayan ng Missouri, na nagpasiyang paalisin ang mga Banal sa pamamagitan ng dahas. (Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 3: February 1833–March 1834, mga pat. Gerrit J. Dirkmaat at iba pa [2014], 228–237, 258–69, 333.)

Pinalayas ng mga mandurumog sa Missouri ang mga Banal mula sa Jackson County

mga Banal na pinalayas mula sa Jackson County, Missouri

C. C. A. Christensen (1831–1912), Saints Driven from Jackson County Missouri [Mga Banal na Pinalayas mula sa Jackson County Missouri], mga bandang 1878, tempera sa muslin, 77¼ x 113 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, regalo ng mga apo ni C. C. A. Christensen, 1970.

Idispley ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na noong katapusan ng Oktubre at unang bahagi ng Nobyembre 1833, paulit-ulit na sinalakay ang mga Banal. Bagamat gumawa sila ng ilang paraan para dumipensa, itinaboy sila mula sa Jackson County.

Idispley ang kalakip na mapa ng Missouri, at ipaliwanag na karamihan sa mga Banal na naninirahan sa Jackson County ay nagsitakas patawid sa Ilog Missouri patungo sa Clay County.

mapa ng Missouri

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo, at bigyan ang bawat grupo ng isang kopya ng kalakip na handout, “‘Sila na Nagdusa ng Pag-uusig para sa Aking Pangalan’ (D at T 101:35).” Hilingin sa mga estudyante na sama-samang basahin ang handout sa kanilang mga grupo at talakayin ang kanilang mga sagot sa tanong na nasa handout.

“Sila na Nagdusa ng Pag-uusig para sa Aking Pangalan” (D at T 101:35)

Si Parley P. Pratt ay sumulat tungkol sa pagdurusa ng mga Banal na pinalayas mula sa Jackson County, Missouri:

Parley P. Pratt

“Ang mga grupo ng mararahas na tao ay lumilibot sa county sa lahat ng dako; nanloob sa mga bahay nang walang takot, … tinatakot ang kababaihan at mga bata, at binabantaang papatayin ang mga ito kung sila ay hindi kaagad magsisitakas. …

“… Ang kababaihan at mga bata ay nagsitakas sa lahat ng direksyon. Ang isang pangkat ng isang daan at limampu ay tumakas patungo sa parang, kung saan sila ay nagpagala-gala nang ilang araw, kadalasan ay walang makain; at walang masilungan kundi ang bukas na kalawakan [kalangitan]. Ang ibang mga grupo ay tumakas patungo sa Ilog Missouri. Habang nagkakawatak-watak ang kababaihan at mga bata, hinahanap ng mga grupo ang kalalakihan, nagpapaputok sa ilan, iginagapos at nilalatigo ang iba, at ang ilan ay hinahabol nang ilang milya ang layo” (Autobiography of Parley P. Pratt, pat. Parley P. Pratt Jr. [1938], 101–2).

Sinabi kalaunan ni Lyman Wight, isang lider ng Simbahan sa Missouri, ang tungkol sa karanasan ng mga Banal:

Lyman Wight

“Nakita ko ang isandaan at siyamnapung kababaihan at mga bata na itinaboy nang tatlumpung milya sa parang, kasama lamang ang tatlong nanghihinang kalalakihan, noong buwan ng Nob[yembre], ang lupa ay bahagyang nagyeyelo, at madali ko silang nasusundan dahil sa dugo na pumatak mula sa kanilang mga sugatang paa … sa ibabaw ng mga sinunog na damuhan sa parang” (Lyman Wight, sa “Trial of Joseph Smith,” Times and Seasons, Hulyo 15, 1843, 264).

Si Parley P. Pratt ay nagsulat tungkol sa mga Banal na naghintay sa pagtawid sa Ilog Missouri para tumakas mula sa Jackson County patungo sa Clay County:

Parley P. Pratt

“Ang dalampasigan ay nagsimulang hanayan sa magkabilang panig ng lantsa ng mga kalalakihan, kababaihan, at mga bata; mga kalakal, bagon, kahon, pagkain, atbp., habang patuloy na sinasakyan ang lantsa. … Daan-daang tao ang makikita saanmang direksyon, ang ilan ay sa mga tolda at ang ilan ay sa labas sa palibot ng kanilang siga, habang malakas ang buhos ng ulan. Naghahanapan ang mga mag-asawa; hinahanap ng mga magulang ang kanilang mga anak, at ang mga anak ay naghahanap sa kanilang mga magulang. … Hindi mailalarawan ang tagpong ito, at, natitiyak ko, na mahahabag ang puso ng sinumang tao sa mundo, maliban sa mga nabubulagan na umuusig sa amin, at sa isang nabubulagan at mangmang na komunidad” (Autobiography of Parley P. Pratt, pat. Parley P. Pratt Jr. [1938], 102).

  • Kung nakasama kayo ng mga Banal na ito, ano kaya ang maiisip o madarama ninyo?

“Sila na Nagdusa ng Pag-uusig para sa Aking Pangalan” (D at T 101:35)

Ipaliwanag na bagamat ang mga Banal ay nakaranas ng matinding pang-uusig, nasaksihan din nila ang mga himala dahil sa kanilang pananampalataya sa Panginoon. Halimbawa, matapos barilin ng mga mandurumog si Philo Dibble, mahimala siyang gumaling matapos tumanggap ng basbas ng priesthood mula kay Newel Knight (tingnan sa Mga Banal: Tomo 1, 217–218, 221–22).

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Mary Elizabeth Rollins Lightner, isa sa mga Banal na napilitang tumakas mula sa Jackson County. Sabihin sa klase na makinig sa isa pang himala na naranasan ng ilan sa mga Banal.

“Habang nakatigil kami sa pampang ng Ilog Missouri na naghihintay na sumakay sa lantsa, nalaman [namin] na hindi sapat ang pera upang maisakay ang [lahat]. Isa o dalawang pamilya ang dapat iwanan, at ang takot ay kapag naiwan, sila ay mapapatay. Kaya, ang ilan sa mga kapatid na nagngangalang Higbee ay nakaisip na sumubok na mangisda [at iniisip na] marahil ay tatanggapin ito ng mga tauhan ng lantsa, nagpalubog sila ng mga bingwit sa gabi; umulan nang buong magdamag at halos buong araw kinabukasan, [at] nang kunin nila ang kanilang mga bingwit natagpuan ang dalawa o tatlong maliliit na isda, at isang hito na may timbang na 14 na libra. Sa paghihiwa rito, nanggigilalas sila nang makita ang tatlong makikinang na kalahating dolyar na pilak, na siyang halagang kailangan upang mabayaran ang pagtawid ng kanilang grupo sa ilog. Ito ay itinuturing na isang himala, at nagdulot ng malaking kagalakan sa amin” (Mary Elizabeth Rollins Lightner, “Mary Elizabeth Rollins Lightner,” Utah Genealogical and Historical Magazine, Hulyo 1926, 197).

  • Sa palagay ninyo, bakit makabuluhang karanasan ito para sa mga Banal na sapilitang pinalayas mula sa Jackson County?

Bilang pagtatapos, sumangguni sa alituntuning isinulat mo sa pisara kanina sa aralin: Ang mga nagdurusa ng pang-uusig para sa pangalan ni Cristo, at nagtitiis nang may pananampalataya ay makikibahagi sa kaluwalhatian ng Panginoon. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa alituntuning ito, at hikayatin ang mga estudyante na tiisin ang anumang pang-uusig na maaari nilang maranasan nang may pananampalataya sa Tagapagligtas.

Anyayahan ang mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kabanata 18–19 ng Mga Banal: Tomo 1. Hikayatin silang hanapin ang itinagubilin ng Panginoon na gawin ng mga miyembro ng Simbahan sa Ohio at sa iba pang mga estado para matulungan ang mga nagdurusang Banal sa Missouri.

“Sila na Nagdusa ng Pag-uusig para sa Aking Pangalan” (D at T 101:35)