“Lesson 17: Tumitinding Labanan sa Missouri,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)
“Aralin 17,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846
Aralin 17
Tumitinding Labanan sa Missouri
Pambungad at Timeline
Noong 1838, umigting ang tensyon sa pagitan ng mga Banal at iba pang mamamayan ng Missouri. Noong Oktubre 27, 1838—dalawang araw matapos ang labanan sa pagitan ng isang grupo ng mga Banal at milisya ng Missouri sa Ilog Crooked—naglabas si Gobernador Lilburn W. Boggs ng isang utos na pagpuksa upang palayasin ang mga Banal mula sa estado. Tatlong araw matapos ipalabas ang utos na pagpuksa, nilusob ng mga mandurumog ang pamayanan sa Hawn’s Mill at pinatay ang labimpitong Banal. Samantala, isang malaking puwersa ng milisya ng estado ang lumusob sa bayan ng Far West. Noong Oktubre 31, si George Hinkle, ang kumander ng milisya ng mga Banal sa Far West, ay ipinagkanulo sina Propetang Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan sa mga kamay ng milisya ng estado. Kinabukasan, napilitang isuko ng mga Banal ang kanilang mga sandata, at ninakawan ng milisya ng estado ang Far West. Dinakip ng mga miyembro ng milisya ng estado ang Propeta at iba pang mga lider ng Simbahan bilang mga bihag at dinala sila sa Independence at pagkatapos ay sa Richmond, Missouri.
-
Oktubre 25, 1838Isang grupo ng mga Banal at milisya ng Missouri ang nagsagupaan sa Ilog Crooked.
-
Oktubre 27, 1838Lumagda si Gobernador Boggs ng isang kautusan upang palayasin ang mga Banal mula sa Missouri.
-
Oktubre 30, 1838Walang-awang pinatay ng mga mandurumog ang labimpitong Banal sa Hawn’s Mill.
-
Oktubre 30–Nobyembre 6, 1838Nilusob ng milisya ng Missouri ang Far West.
-
Oktubre 31, 1838Ipinagkanulo ni George Hinkle ang Propeta at iba pang mga lider ng Simbahan sa milisya ng estado.
-
Nobyembre 1838Sina Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan ay ikinulong bilang mga bihag, una sa Independence at pagkatapos ay sa Richmond, Missouri.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), kabanata 29–31
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Lumala ang tensyon sa pagitan ng mga Banal at iba pang mamamayan ng Missouri
Ipakita ang sumusunod na talata, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
Minsang sinabi ni Elder David W. Patten ng Korum ng Labindalawang Apostol kay Propetang Joseph Smith na “hiniling niya sa Panginoon na hayaan siyang mamatay sa pagkamatay ng isang martir, kung saan ang Propeta, na lubos na naantig, ay nagpahayag ng matinding kalungkutan, ‘sapagkat,’ sabi niya kay David, ‘kapag ang isang tao ng iyong pananampalataya ay humiling sa Panginoon ng kahit anuman, karaniwang nakukuha niya ito’” (Lycurgus A. Wilson, Life of David W. Patten: The First Apostolic Martyr [1900], 53). Noong araw ng libing ni David W. Patten, iwinika ng Propeta, “Dito ay nahimlay ang isang tao na nakagawa ng tulad ng sinabi niyang gagawin—kanyang ‘inialay ang kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan’” (sa Manuscript History of the Church, vol. B-1, adenda, tala Z, p. 10, josephsmithpapers.org).
-
Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 29 ng Mga Banal: Tomo 1, anong sitwasyon ang humantong sa pagkamatay ni David W. Patten? (Noong Oktubre 25, 1838, pinangunahan ni David W. Patten ang isang grupo ng milisya ng mga Mormon upang sagipin ang dalawa o tatlong miyembro ng Simbahan na dinakip ng isang grupo ng mga taga-Missouri na nagpalayas ng mga Banal mula sa lugar. Sa sumunod na sagupaan—na tinatawag na digmaan sa Ilog Crooked—nabaril sa tiyan si David. Namatay siya kalaunan nang gabing iyon.)
Ipakita ang kalakip na larawan ng Ilog Crooked, at ipaliwanag na bukod pa kay Elder David W. Patten, dalawang Banal sa mga Huling Araw at isang taga-Missouri ang napatay sa sagupaan na naganap malapit sa ilog.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:
Sa mga linggo bago ang sagupaan sa Ilog Crooked, nilusob at sinunog ng mga mandurumog ang mga tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Missouri, at ang mga grupong vigilante ng mga Banal, na naghahanap ng mga kagamitan para mapangalagaan ang mga pinalayas mula sa kanilang mga tahanan, ay ninakawan at sinunog ang mga tindahan na pag-aari ng iba pang mga mamamayan ng Missouri. Natanggap ni Gobernador Lilburn W. Boggs ang mga pinalabis na ulat ng mga panloloob at narinig din ang mga maling salaysay tungkol sa mga Banal na pumatay umano ng limampu o animnapung taga-Missouri sa pakikibaka sa Ilog Crooked. Bukod pa rito, tumanggap si Gobernador Boggs ng sinumpaang salaysay mula kina Thomas B. Marsh at Orson Hyde, na nagpatotoo nang mali na “layong sakupin ni Joseph ang estado, ang bansa, at sa huli ay ang mundo.” (Mga Banal: Tomo 1, 395). Noong Oktubre 27, 1838, lumagda si Gobernador Boggs ng isang ehekutibong kautusan na nagsasaad na “ang mga Mormon ay dapat ituring na kaaway, at dapat lipulin o palayasin mula sa Estado, kung kinakailangan, para sa ikabubuti ng lahat” (Manuscript History, vol. B-1, p. 842).
-
Paanong ang mga pangyayari sa Missouri noong panahon ng tag-init at taglagas ng 1838 ay nagpahirap sa mga Banal na ipagtanggol ang kanilang mga sarili, mga karapatan, at mga ari-arian? (Ang mga pagsisikap ng mga Banal upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili mula sa karahasan ng mga mandurumog ay tila humantong lamang sa lumalang tensiyon at pag-uusig.)
Walang awang pinaslang ng mga mandurumog ang mga Banal sa Hawn’s Mill
Ipakita ang kalakip na mapa, “Missouri, Illinois, at Iowa Area ng Estados Unidos,” at sabihin sa mga estudyante na hanapin ang Hawn’s Mill, Missouri. Ipaliwanag na noong Oktubre 30, 1838, sumugod sa pamayanan ng mga Banal sa Hawn’s Mill ang mga armadong mandurumog ng higit 200 tao na sakay ng mga kabayo (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 6: February 1838–August 1839, mga pat. Marcos Ashurst-McGee at iba pa [2017], 269).
-
Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 30 ng Mga Banal: Tomo 1, ano ang nangyari sa mga miyembro ng Simbahan sa Hawn’s Mill? (Labimpitong mga Banal ang pinaslang at mahigit labindalawang iba pa ang nasugatan. Ang mga nabuhay na Banal ay kalaunang napilitang iwanan ang kanilang mga tahanan at ari-arian.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang naranasan ng isang pamilya sa Hawn’s Mill, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na tala ni Amanda Smith. Bago basahin ang tala, ipaliwanag na si Amanda ay naglalakbay patungo sa Far West, Missouri, kasama ang kanyang asawa at mga anak. Tumigil sila sa Hawn’s Mill noong Oktubre 28 at nanatili roon nang mangyari ang walang awang pagpatay.
“Nang tumigil na ang pagpapaputok, nagbalik ako sa tagpo ng pagpaslang. …
“… Lumabas mula sa pandayan ang aking panganay na anak [si Willard], pasan sa kanyang balikat ang nakababata niyang kapatid na si Alma.
“‘Ah! ang aking si Alma ay patay na!’ Sigaw ko nang buong pagdadalamhati.
“‘Hindi, inay, sa palagay ko ay hindi patay si Alma. Ngunit si ama at kapatid na si Sardius [ay patay na]!’ …
“Ngunit hindi ako makaiyak noon. …
“Ang buong kasukasuan ng balakang ng aking sugatang anak ay nabaril. Laman, buto sa balakang, kasu-kasuan at ang lahat ay naialis. …
“Inihiga namin si Alma sa isang kama sa aming tolda at sinuri ko ang sugat. Isang malagim na tanawin iyon. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. …
“Subalit naroon ako, sa mahaba at nakasisindak na gabing iyon, kasama ang namatay kong asawa at anak at ang sugatan kong anak, at tanging ang Diyos ang aming manggagamot at tulong.
“‘O aking Ama sa Langit,’ pagsusumamo ko, ‘ano ang dapat kong gawin? Nakikita po Ninyo ang kawawa kong anak na sugatan at nababatid ang kakulangan ko ng karanasan. O Ama sa Langit tagubilinan po Ninyo ako kung ano ang aking gagawin!’” (Amanda Smith, sa Edward W. Tullidge, The Women of Mormondom [1877], 122–24; iniayon ang pagbabaybay at pagbabantas sa pamantayan).
Idispley ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ito ay larawan ni Amanda Smith sa kanyang pagtanda.
-
Ano ang nangibabaw sa inyo tungkol sa kung paano tumugon si Amanda Smith sa mahirap na sitwasyong ito?
Sabihin sa isang estudyante na ituloy ang pagbabasa nang malakas sa tala ni Amanda Smith. Hilingin sa klase na pakinggan kung paano sinagot ng Panginoon ang mga panalangin ni Amanda.
“Pinatnubayan ako ng isang tinig na nangusap sa akin.
“Ang mga abo ng aming apoy [ay] nagbabaga pa. … Ako ay pinatnubayan na dalhin ang mga abong iyon at gumawa ng lihiya at ilagay sa isang tela na puno nito doon mismo sa sugat. … Muli’t muli ay pinuno ko ang tela at inilagay ito [sa sugat]. …
“Matapos sumunod ayon sa tagubilin ako ay muling nanalangin sa Panginoon at muling sinabihan nang napakalinaw na para bang isang manggagamot ang nakatayo malapit na nakikipag-usap sa akin.
“Sa hindi kalayuan ay isang madulas na puno ng elm. Mula rito ay inatasan akong gumawa ng …pantapal [mamasa-masang materyal na gawa mula sa damo o iba pang mga sangkap] at ipasak ito sa sugat.
“… Nagawa ang pantapal, at ang sugat, na kinailangan ang isang buong ikaapat na yarda ng lino upang matakpan, … ay maayos na nalinis. …
“Inilipat ko ang sugatang bata sa isang bahay … at nilinis ang kanyang balakang; kung saan ang Panginoon ay inuutusan ako gaya ng nauna. Pinaalala sa akin na sa loob ng baul ng asawa ko ay may isang bote ng balsam [isang solusyon ng halamang sangkap na minsang ginagamit sa panggagamot]. Ito ay ibinuhos ko sa sugat, na lubhang nakapapawi sa hirap ni Alma.
“‘Alma, anak ko,’ ang sabi ko, ‘naniniwala ka bang ang Panginoon ang gumawa sa iyong balakang?’
“‘Opo, inay.’
“‘Kung ganoon, makagagawa ang Panginoon ng pamalit sa iyong balakang, hindi ka ba naniniwalang kaya Niya, Alma?’
“‘Sa palagay ninyo ay kaya ng Panginoon, inay?’ tanong ng bata, sa kanyang kawalang-malay.
“‘Oo, anak ko,’ tugon ko, ‘ipinakita niya ang lahat ng ito sa akin sa isang pangitain.’
“Pagkaraan ay maayos ko siyang inihiga nang padapa, at sinabing: ‘Ngayon, humiga ka nang ganyan, at huwag kang gagalaw, at gagawan ka ng Panginoon ng isa pang balakang.’
“Kung kaya ay nahiga nang padapa si Alma sa loob ng limang linggo, hanggang sa ganap na siyang gumaling—isang malambot na litid ang tumubo sa lugar ng nawalang kasu-kasuan, na hanggang ngayon ay nanatiling ikinamangha nang lubusan ng mga doktor” (Amanda Smith, sa Edward W. Tullidge, The Women of Mormondom [1877], 124, 128; iniayon ang pagbabaybay sa pamantayan; tingnan din sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 405–6, 433–35).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan tungkol sa paglunas ni Amanda sa sugat ng kanyang anak:
“Kakaiba ang panggagamot para sa araw at panahong iyon, at hindi maririnig saanman ngayon, ngunit kapag sumasapit tayo sa kagipitan, tulad ni Sister Smith, kailangan nating isabuhay ang ating simpleng pananampalataya at makinig sa Espiritu tulad ng ginawa niya” (James E. Faust, “The Shield of Faith,” Ensign, May 2000, 19).
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Amanda Smith? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang alituntunin, kabilang ang sumusunod: Habang nagpapakita tayo ng pananampalataya sa Panginoon, matatanggap natin ang Kanyang patnubay at tulong. Isulat ang alituntuning ito sa pisara.)
-
Ano ang ilang paraan na maaari tayong tumanggap ng patnubay at tulong ng Panginoon kapag nagpapakita tayo ng pananampalataya sa Kanya?
-
Kailan ninyo natanggap ang patnubay at tulong mula sa Panginoon habang nagpapakita ka ng panampalataya sa Kanya?
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan. Hilingin sa klase na pakinggan ang itinuro niya tungkol sa trahedya sa Hawn’s Mill.
“Nang tumindi ang tensiyon sa hilagang Missouri noong taglagas ng 1838, nanawagan si Propetang Joseph Smith sa lahat ng mga Banal na magtipon sa Far West upang maprotektahan sila. Marami ang nasa mga liblib na bukirin o sa kalat-kalat na mga pamayanan. Partikular niyang pinayuhan si Jacob Hawn, tagapagtatag ng isang munting pamayanan na tinatawag na ‘Hawn’s Mill.’ Kabilang sa isang talaan tungkol sa panahong iyon ang: ‘Si Brother Joseph ay nagpahatid ng mensahe sa pamamagitan ni Hawn, na may-ari ng gilingan, upang ipaalam sa mga kapatid na nakatira doon na umalis at magpunta sa Far West, ngunit hindi ipinarating ni G. Hawn ang mensahe,’ sa (Philo Dibble, “Early Scenes in Church History,” sa Four Faith Promoting Classics [1968], 90). … [Pagkatapos] itinala ng Propeta ang malungkot na katotohanan na nailigtas sana ang mga inosenteng buhay sa Hawn’s Mill kung natanggap at nasunod lamang ang kanyang payo” (Henry B. Eyring, “Finding Safety in Counsel,” Ensign, May 1997, 24–25; ang “Haun” sa orihinal ay iniayon sa “Hawn” upang sumalamin sa mga kailan lamang na saliksik).
Ipaliwanag na kahit hindi miyembro ng Simbahan si Jacob Hawn, siya ay hinirang na humingi ng payo mula kay Joseph Smith kung mananatili ba ang mga Banal sa Hawn’s Mill.
-
Ano ang matututuhan natin mula sa pasiya ni Jacob Hawn na balewalain ang payo ng propeta?
Sinugod ng milisya ng Missouri ang Far West at dinakip ang mga lider ng Simbahan bilang bilanggo
Tukuyin muli ang mapa na ginamit kanina sa lesson, “Missouri, Illinois, at Iowa Area ng Estados Unidos,” at sabihin sa mga estudyante na hanapin ang Far West, Missouri.
Ipaliwanag na habang nagaganap ang pagpaslang sa Hawn’s Mill, isang milisya ng estado ang nagtungo sa Far West, naglalayong supilin ang mga Banal habang naghihintay pa ng mga utos mula sa gobernador. Bagama’t ang mga Banal ay nahigitan ng lima sa isa, determinado silang ipagtanggol ang kanilang mga pamilya at tahanan. Hiniling ni Joseph Smith kay George Hinkle, ang pinuno ng puwersa ng mga Banal, na makipagpulong sa mga miyembro ng milisya upang makahanap ng isang mapayapang resolusyon. Sa ilalim ng isang bandila ng kasunduan, kinausap ni George ang mga pinuno ng milisya ng Missouri upang talakayin ang mga paraan upang tapusin ang labanan. Tumanggap ang mga pinuno ng milisya ng abiso tungkol sa utos na pagpuksa ng gobernador, at si General Samuel Lucas, isa sa mga pinuno ng milisya ng Missouri, ay nagpaliwanag kay George na isasakatuparan niya ang kautusan maliban na lamang kung isusuko ng mga Banal ang kanilang mga lider, isususko ang kanilang mga sandata, at lilisanin ang estado.
-
Ano ang ipinasyang gawin ni George Hinckle sa mga kalagayang ito? (Palihim niyang isinaayos na ipagkanulo sina Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan sa mga kamay ng milisya ng Missouri.)
Ipaalam sa mga estudyante na matapos dakpin si Joseph Smith, sinamsam ng milisya ng Missouri ang mga sandata ng milisya ng mga Mormon, ninakawan ang Far West, at tinakot ang mga Banal.
Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang kabanata 31 ng Mga Banal: Tomo 1. Anyayahan ang ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng pahina 415, na nagsisimula sa talatang “Sa liwasang bayan …” at nagtatapos sa talata sa kasunod na pahina na nagsisimula sa “‘Ako ay mas nasisiyahan …’” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari habang ninanakawan ng milisya ng Missouri ang Far West.
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa matapang na sagot ni Heber C. Kimball? (Maaaring makatukoy ng mga estudyante ang ilang mahahalagang alituntunin. Matapos silang sumagot, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Maaari tayong manatiling tapat sa Diyos at sa Kanyang mga propeta kahit na ang mga nakapaligid sa atin ay hindi.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano ang tingin ninyo kay Joseph Smith ngayon?
-
Naranasan na ba ninyo na malagay sa isang sitwasyon kung saan may nagsalita laban kay Propetang Joseph Smith? Paano kayo tumugon?
-
Ano ang nakakatulong sa inyo na manatiling tapat sa Diyos at sa mga propeta na Kanyang tinawag na mamuno sa atin ngayon?
Sina Propetang Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan ay nilitis at ibinilanggo
Ipaliwanag nang maikli na dinala ng milisya ng Missouri sina Joseph Smith at iba pang mga lider ng Simbahan mula sa Far West hanggang sa Jackson County upang ipakita sa publiko. Pagkatapos, ang mga bilanggo ay dinala sa isang bahay na yari sa troso sa Richmond upang hintayin ang paglilitis, kung saan sila ay sama-samang nakakadena at pinilit matulog sa sahig.
Hatiin ang klase sa maliliit na grupo, at bigyan ang bawat grupo ng kopya ng kasamang handout, “Dignidad at Kamaharlikahan.” Anyayahan ang bawat grupo na basahin ang handout at magkakasamang talakayin ang kanilang sagot sa mga tanong sa handout.
Sa halip na ipabasa sa mga estudyante ang handout na “Dangal at Kamaharlikahan,” maaari mong ipalabas ang isang bahagi ng pelikulang Joseph Smith: The Prophet of the Restoration. Ipalabas ang pelikula mula sa time code na 39:15 hanggang sa 41:12, na ipinapakita ang tugon ni Joseph Smith sa kanyang mga bantay. Sabihin sa mga estudyante na talakayin kung ano ang napansin nila sa video. Ang video na ito ay makukuha sa ChurchofJesusChrist.org.
Tapusin ang lesson sa pagbahagi ng iyong patotoo sa mga katotohanang tinalakay ninyo sa lesson ngayong araw. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga alituntuning ito.
Sabihin sa mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pagbabasa ng kabanata 32 ng Mga Banal: Tomo 1.