“Lesson 12: Ang Kampo ng Israel,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)
“Lesson 12,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846
Lesson 12
Ang Kampo ng Israel
Pambungad at Timeline
Noong Pebrero 24, 1834, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag mula sa Panginoon na nag-uutos sa kanya na bumuo ng isang grupo ng mga boluntaryo na tutulong sa mga nagdurusang Banal sa Missouri (tingnan sa D at T 103). Ang mahigit na 200 boluntaryo ay nakilala bilang Kampo ng Israel (Kampo ng Sion kalaunan) at nagmartsa ng tinatayang 900 milya upang tulungan ang mga Banal sa Missouri na bawiin ang kanilang mga lupain. Nang dumating ang kampo sa Missouri, inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith na ang panahon para sa pagtubos ng Sion ay hindi pa dumarating, at ang kampo ay nabuwag (tingnan sa D at T 105:9–11). Mga anim na buwan matapos bumalik sa Kirtland, inorganisa ni Joseph Smith ang Korum ng Labindalawang Apostol at ang Korum ng Pitumpu. Walong miyembro ng Labindalawa at bawat miyembro ng Pitumpu ang nagmartsang kasama ng Kampo ng Israel.
-
Pebrero 24, 1834Tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na nag-uutos sa kanya na itatag ang Kampo ng Israel (tingnan sa D at T 103).
-
Mayo–Hulyo 1834Pinamunuan ni Joseph Smith ang Kampo ng Israel sa kanilang pagmartsa patungong Missouri.
-
Hunyo 22, 1834Inihayag ng Panginoon na ang Sion ay hindi matutubos sa panahong ito (tingnan sa D at T 105), at nagsimulang mabuwag ang Kampo ng Israel.
-
Agosto 1834Bumalik si Joseph Smith sa Kirtland, Ohio.
-
Pebrero 14, 1835Inorganisa ni Joseph Smith ang Korum ng Labindalawang Apostol.
-
Pebrero 28–Marso 1, 1835Inorganisa ni Joseph Smith ang Korum ng Pitumpu.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), kabanata 18–19
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Inutusan ng Panginoon si Joseph Smith na iorganisa ang Kampo ng Israel
Bago magklase, isulat ang sumusunod na tanong sa pisara: Ano ang ilang paraan na maaaring anyayahan tayong maglingkod sa Panginoon sa mga sitwasyon na maaaring hindi maginhawa o mahirap?
Hilingin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa tanong na ito. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot.
Anyayahan ang mga estudyante na alamin ang mga alituntunin at doktrina sa lesson ngayon na makatutulong sa kanila kapag sila ay inanyayahan na paglingkuran ang Panginoon sa hindi maginhawa o mahirap na kalagayan.
Idispley ang kalakip na mapa ng Missouri.
Ipaalala sa mga estudyante na noong taglagas ng 1833, ang mga Banal sa Jackson County, Missouri, ay marahas na pinalayas sa kanilang mga lupain at tahanan, at ang karamihan ay nakatagpo ng pansamantalang kanlungan sa kabila ng Ilog Missouri sa Clay County, Missouri.
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na talata:
Nang humingi ng tulong ang mga lider ng Simbahan sa mga lokal na opisyal at mga opisyal sa estado, ipinaalam sa kanila na ang gobernador ng Missouri, si Daniel Dunklin, ay handang mag-utos sa milisya ng estado na samahan ang mga Banal pabalik sa kanilang mga lupain sa Jackson County. Gayunman, kakailanganin ng mga Banal na magkaroon ng sariling sandatahang lakas upang maprotektahan ang mga miyembro ng Simbahan kapag naibalik na ang kanilang lupain. Noong Pebrero 24, 1834, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 103, kung saan iniutos sa kanya na bumuo ng isang grupo ng mga boluntaryo na hahayo upang tulungan ang mga nagdurusang Banal sa Missouri. Matapos matanggap ang paghahayag, sina Joseph Smith, Sidney Rigdon, Parley P. Pratt, at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay naglakbay sa lahat ng mga sangay ng Simbahan para humanap ng mga sasama. Ang mga boluntaryong ito ang bumuo sa Kampo ng Israel (na kalaunan ay naging Kampo ng Sion) at naglayong tulungan ang mga Banal sa Missouri na bawiin ang kanilang mga lupain at pigilan ang iba pang mga pag-atake laban sa kanila kapag ang milisya ng estado ay umalis na. (Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 3: February 1833–March 1834, mga pat. Gerrit J. Dirkmaat at iba pa [2014], 458–59; The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 4: April 1834–September 1835, mga pat. Matthew C. Godfrey at iba pa [2016], xix–xxi.)
-
Ano sa tingin ninyo ang maiisip o madarama ninyo kung kayo ay tinawag upang sumama sa Kampo ng Israel? Bakit?
Hilingin sa mga estudyante na hanapin ang kabanata 18 ng Mga Banal: Tomo 1. Anyayahan ang ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng pahina 227, simula sa talatang nag-uumpisa sa “Noong Abril 1834 …” at nagtatapos sa mga talata sa pahina 229 na nagsisimula sa “Nang matipon …” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga dahilan kung bakit ang pagsapi sa Kampo ng Israel ay mahirap para sa ilan sa mga Banal.
-
Sa anong mga paraan naging isang pagsubok ng pananampalataya ng ilang mga Banal ang tawag na magpunta sa Missouri?
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98). Hilingin sa klase na pakinggan kung bakit tinanggap ni Pangulong Woodruff ang paanyayang sumama sa Kampo ng Israel.
“Tinawag akong ipagsapalaran ang aking buhay at magtungo sa Missouri, at iilan sa amin ang humayo upang tubusin ang ating mga kapatid. Talagang kailangan naming humayo nang may pananampalataya. Ang aking mga kapitbahay ay tumawag at nagmakaawa sa akin na huwag humayo; sinabi nila—‘Huwag kang pumunta, kung gagawin mo ito ay mamamatay ka.’ Sinabi ko sa kanila—‘Kung nalalaman ko na [tatamaan] ako ng bala sa puso sa unang hakbang ko sa estado ng Missouri, pupunta ako.’ … Iyan ang nadama ko sa mga araw na iyon hinggil sa gawain ng Diyos, at iyan ang nadarama ko ngayon. Ang nais ko ay kaligtasan at buhay na walang hanggan, at hindi ko gusto na ang anumang bagay ay mamagitan sa akin at sa bagay na ninanais ko” (Wilford Woodruff, sa Journal of Discourses, 17:246; iniayon ang pagbabaybay sa pamantayan).
-
Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa pahayag na ito ni Pangulong Woodruff? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang alituntunin, kabilang ang sumusunod: Ang pagsunod sa paanyaya ng Panginoon na maglingkod sa Kanya ay nangangailangan ng ating pagsampalataya sa Kanya at tumutulong sa ating umunlad tungo sa buhay na walang hanggan. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
-
Sa anong mga paraan na ang mga paanyayang maglingkod sa Panginoon ay nangangailangan ng ating pagsampalataya sa Kanya?
-
Bakit maaaring makatulong na makita ang mga paanyaya ng Panginoon na maglingkod sa Kanya bilang mga pagkakataon para sa atin na umunlad tungo sa kaligtasan at buhay na walang hanggan?
Nagmamartsa patungong Missouri ang Kampo ng Israel
Idispley ang kalakip na mapa, “Ruta ng Kampo ng Sion, 1834,” ng rutang sinundan ng Kampo ng Israel.
Ipaliwanag na habang pinamumunuan ni Joseph Smith ang isang grupo ng mga boluntaryo mula Kirtland, Ohio, patungo sa Missouri, sina Hyrum Smith at Lyman Wight ay namuno sa isa pang grupo mula sa Teritoryo ng Michigan at sumama sa grupo ng Propeta noong Hunyo 9, 1834. Kung pagsasama-samahin, ang Kampo ng Israel ay binubuo ng mahigit 200 kalalakihan, kasama ang tinatayang 12 kababaihan at 10 mga bata. (Tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 4: April 1834–September 1835, xx.)
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na apat na talata:
Maraming miyembro ng Kampo ng Sion ang sabik na nakibahagi sa ekspedisyon at positibo ang pananaw sa karanasang ito. Gayunman, sila ay dumanas rin ng maraming paghihirap. Naglakbay ang grupo ng mahigit 900 milya sa mga baku-bakong lupain. Karamihan sa kanila ay naglakad. Sila ay nagdusa dahil sa init, alinsangan, ulan, putik, sirang kagamitan, karamdaman, sugat-sugat at duguang mga paa, at kakulangan sa pagkain at tubig. Ginunita ng isang kalahok, si Nathan Baldwin:
“Sa pagtawid sa malalawak na parang sa pagitan ng mga kakahuyan, kung minsan kami ay nagdurusa sa labis na pagkauhaw; hindi sanay sa ganoong mga lugar, hindi kami nakapaghanda para rito. Kung minsan ay iniinom namin ang hamog na natipon mula sa mga damo sa pamamagitan ng biglaang pagsalok ng pinggan sa damo, na puno ng mga patak na tutulo sa pinggan at, kapag nasala, ay maaari nang gamitin” (Nathan Bennett Baldwin, Account of Zion’s Camp, 1882, 11–12, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay at pagbabantas sa pamantayan).
Si George A. Smith, na noon ay 16 na taong gulang nang magmartsa kasama ng Kampo ng Israel, ay nagtala kalaunan:
“Kami ay nagdusa mula sa pagkauhaw at napilitang uminom ng tubig mula sa Sloughs [mga latian] na puno ng mga buhay na nilalang—natuto ako rito na salain ang mga Wiggler [marahil ay mga kitikiti] sa aking mga ngipin” (Memoirs of George A. Smith, circa 1860–1882, 19–20, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay at pagbabantas sa pamantayan).
-
Paano kaya kayo tutugon sa mga kundisyong ito kung kayo ay naging bahagi ng Kampo ng Israel?
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na salaysay ni George A. Smith. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga reaksyon ng ilang miyembro ng kampo sa mga kalagayan sa paglalakbay.
“Lubos na naranasan ni Propetang Joseph ang pagod sa buong paglalakbay. Bukod pa sa pag-aalala sa panustos sa kampo at pamumuno rito, kalimitan ay naglakad siya at nakaranas na magpaltos, magdugo at sumakit ang mga paa, na likas na nangyayari dahil sa paglalakad nang mula mahigit 40 hanggang mahigit 64 na kilometro araw-araw sa mainit na panahon ng taon. Ngunit sa buong paglalakbay hindi siya kailanman bumulungbulong o nagreklamo, samantalang karamihan sa kalalakihan sa Kampo ay nagreklamo sa kanya sa pananakit ng mga daliri sa paa, paltos sa mga paa, mahabang paglalakad, kakaunting panustos, hindi masarap na tinapay, maantang mantikilya, at mabahong pulot-pukyutan, inuuod na pinausukan at inasinang karne at keso, at kung anu-ano pa. Kahit pagkahol ng aso sa ilang kalalakihan ay inireklamo kay Joseph. Kung humimpil sila na marumi ang tubig, halos magkaroon ng rebelyon. Subalit kami ang Kampo ng Sion, at marami sa amin ang hindi nagdarasal, pabaya, walang-ingat, hindi makaintindi, hangal o malademonyo, gayunpaman hindi namin alam iyon. Kinailangan kaming pagtiyagaan at turuan ni Joseph, na parang bata. Gayunman, maraming nasa kampo na hindi bumulung-bulong kailanman at laging handa at nagkukusang gawin ang nais ng aming mga pinuno” (George A. Smith, sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 335–36).
-
Sa palagay ninyo, bakit kaya iba-iba ang pagtugon ng mga miyembro ng kampo sa parehong mga sitwasyon?
Ipaliwanag na bukod sa nararanasang hirap sa paglalakbay, marami ring miyembro ng Kampo ng Israel ang nagsabi na ang mga anghel ng Panginoon at ang Kanyang presensya ay nasa kanila, na nagsasakatuparan ng pangako na ibinigay Niya sa paghahayag na nagpasimula sa paglalakbay (tingnan sa D at T 103:20; Mga Turo: Joseph Smith, 335–36).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Wilford Woodruff:
“Sa kabila ng patuloy na pagbabanta ng karahasan ng aming mga kaaway, hindi kami natakot, ni nag-alangan na ipagpatuloy ang aming paglalakbay, sapagkat sumaamin ang Diyos, at ang Kanyang mga anghel ay nanguna sa amin, at ang pananampalataya ng maliit naming grupo ay hindi natitinag. Alam naming kasama namin ang mga anghel, sapagkat nakita namin sila” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 336).
-
Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 18 ng Mga Banal: Tomo 1, anong malungkot na balita ang inihatid nina Parley P. Pratt at Orson Hyde sa Kampo ng Israel pagdating nila sa Missouri? (Ipinaalam nila sa Kampo ng Israel na hindi tatawagin ni Gobernador Daniel Dunklin ang milisya ng estado upang tulungan ang mga Banal na bumalik sa kanilang mga lupain.)
-
Ano ang ipinasiyang gawin ng Kampo ng Israel matapos marinig ang balitang ito? (Nagpasiya silang magpatuloy sa kanilang paglalakbay sa pag-asang matutulungan “ang mga ipinatapong Banal sa Clay County … [na] makipag-ayos sa isang kompromiso sa mga tao ng Jackson County” [Mga Banal: Tomo 1, 234].)
Idispley ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ito ay isang larawan ng Ilog Fishing sa Missouri.
Hilingin sa mga estudyante na hanapin ang kabanata 18 ng Mga Banal: Tomo 1. Anyayahan ang ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng pahina 234, simula sa talatang nag-uumpisa sa “Ang Kampo ng Israel ay tumawid sa …” at nagtatapos sa talata sa pahina 235 na nagsisimula sa “Ang mga ilog ay nanatiling matataas …” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang katibayan na ang Diyos ay nagbabantay sa Kampo ng Israel.
Sa halip na basahin ang tungkol sa mga himala sa Ilog Fishing mula sa Mga Banal: Tomo 1, maaari mong ipalabas ang video ng “Zion’s Camp” (18:43) mula sa time code 8:01 hanggang 13:04. Ang video na ito ay makukuha sa ChurchofJesusChrist.org.
-
Sa anong mga paraan naprotektahan at pinagpala ng Diyos ang Kampo ng Israel?
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga karanasan ng mga miyembro ng Kampo ng Israel? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang katotohanan, tulad ng mga sumusunod: Kapag sumampalataya tayo sa Diyos, maililigtas Niya tayo mula sa mga sitwasyon na mahirap o walang-katiyakan. Kung tayo ay mapanampalataya, maaari nating makita ang mga pagpapala ng Panginoon sa ating mga pagsubok.)
Nabuwag ang Kampo ng Israel
Ipaliwanag na tatlong araw pagkaraan ng bagyo, noong Hunyo 22, 1834, inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith na kailangan na ang “mga elder ay maghintay ng maikling panahon para sa ikatutubos ng Sion” (D at T 105:9), na nagpapahiwatig na hindi dapat magpatuloy ang Kampo ng Israel sa nilayong misyon nito na tulungan ang mga Banal na bawiin ang kanilang mga lupain sa Jackson County. Ang paghahayag ay dumating matapos tumanggi si Gobernador Dunklin na magbigay ng suportang mula sa milisya para sa mga Banal at naging malinaw na magkakaroon ng digmaan at pagdanak ng dugo kung ang mga Banal ay magtatangkang pumasok sa Jackson County. Hindi nagtagal pagkatapos ng paghahayag, nagsimulang mabuwag ang Kampo ng Israel.
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 105:9–13, 18–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Panginoong sa matatapat na mga miyembro ng Kampo ng Israel. Hilingin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
-
Paano maaaring makatulong ang talata 19 sa mga miyembro ng Kampo ng Israel na maunawaan ang mga layunin ng Panginoon para sa ekspedisyon?
Ipaliwanag na matapos marinig ang paghahayag, tinanggap ito ng maraming miyembro ng kampo bilang salita ng Panginoon, ngunit nagalit ang ilan dahil hindi sila nagkaroon ng pagkakataong lumaban. Si Heber C. Kimball (1801–68), isang miyembro ng Kampo ng Israel na kalaunan ay naglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol at Unang Panguluhan, ay nagtala na bago pumasok ang mga miyembro ng kampo sa Missouri, si Propetang Joseph Smith ay nagbabala sa kanila “na magkakaroon ng parusa sa kampo dahil sa mga palaaway at suwail na pag-uugali na nakikita sa kanila, at sila ay mamamatay tulad ng tupa na nabulok; subalit kung sila ay magsisisi at magpapakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Panginoon, ang malaking bahagi ng salot ay aalisin” (sa Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball [1888], 61–62).
Dalawang araw matapos matanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 105, ang kampo ay nakaranas ng pag-atake ng kolera. Dahil dito, 68 katao, kabilang na si Propetang Joseph Smith, ang nagdusa mula sa karamdaman, at 13 miyembro ng kampo at dalawa pang Banal sa mga Huling Araw na nakatira sa Clay County ang namatay (tingnan sa Whitney, Life of Heber C. Kimball, 76; The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 4: April 1834–September 1835, 72, tala 334). Nang gumaling ang mga naiwang miyembro ng kampo, karamihan sa kanila ay bumalik sa kanilang mga tahanan noong Agosto 1834.
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol.
“Dahil sa kabiguang muling maitatag ang mga Banal sa kanilang mga lupain sa Jackson County, ang Kampo ng Sion ay itinuring ng ilan na isang bigo at walang-pakinabang na adhikain. Isang brother o kapatid sa Kirtland—na walang pananampalataya na magboluntaryong sumama sa kampo—ang nakipagkita kay Brigham Young pagbalik nito mula sa Missouri at nagtanong, ‘Ano ang napala ninyo sa walang-kabuluhang paglalakbay na ito patungong Missouri kasama si Joseph Smith?’ ‘Lahat ng ipinunta namin,’ sagot kaagad ni Brigham Young. ‘Hindi ko ipagpapalit ang naranasan ko sa paglalakbay na iyon sa lahat ng yaman ng Geauga County,’ ang [county] kung saan naroroon ang Kirtland noon [Brigham Young, sa B. H. Roberts, A Comprehensive History of the Church, 1:370–71]” (David A. Bednar, “Sa Panig ng Panginoong: Mga Aral mula sa Kampo ng Israel,” Liahona, Hulyo 2017, 29).
-
Ano kaya ang ibig sabihin ni Brigham Young nang tumugon siya na nakamit ng kampo ang “lahat ng ipinunta namin”? (Naisakatuparan nila kung ano ang nais ng Panginoon na gawin nila.)
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Wilford Woodruff. Hilingin sa klase na pakinggan kung ano ang sinabi niya tungkol sa kanyang karanasan sa Kampo ng Israel.
“Nagtamo kami ng karanasang hindi namin makukuha sa iba pang paraan. Nagkaroon kami ng pribilehiyong makita nang harapan ang Propeta, at nagkaroon kami ng pribilehiyong maglakbay ng isang libong kilometro kasama siya, at makita ang mga [panghihikayat] ng Espiritu ng Diyos sa kanya, at ang mga paghahayag ni Jesucristo sa kanya at ang katuparan ng mga paghahayag na iyon” (Wilford Woodruff, sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 330).
Ipaliwanag na noong Pebrero 14, 1835, ilang buwan matapos bumalik ang mga miyembro ng kampo sa Ohio, inorganisa ni Propetang Joseph Smith ang Korum ng Labindalawang Apostol. Makalipas ang dalawang linggo, itinatag niya ang Korum ng Pitumpu. Maaari mong itanong sa mga estudyante kung naaalala nila ang mga pangalan ng mga taong tinawag na maglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol (tingnan sa Mga Banal: Tomo 1, 248–50).
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar. Sabihin sa klase na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nagawa ng paglalakbay sa Kampo ng Israel sa paghahanda ng bagong tawag na mga lider ng Simbahan para sa kanilang paglilingkod.
“Ang nakakatuwa, walo sa mga kapatid na tinawag sa Korum ng Labindalawang Apostol noong 1835, gayundin ang lahat ng Pitumpu na kasabay na tinawag noon, ay mga beterano ng Kampo ng Sion. Sa isang pulong kasunod ng panawagan ng mga Pitumpu, ipinahayag ni Propetang Joseph Smith:
“‘Mga kapatid, ang ilan sa inyo ay galit sa akin, dahil hindi kayo nakipaglaban sa Missouri; ngunit hayaan ninyong sabihin ko sa inyo, hindi nais ng Diyos na makipaglaban kayo. Hindi Niya maitatatag ang Kanyang kaharian sa pamamagitan ng labindalawang kalalakihang magtuturo ng Ebanghelyo sa mga bansa sa daigdig, at pitumpung kalalakihan sa ilalim ng kanilang pamumuno na susunod sa landas na tinahak nila, maliban lamang kung kukunin Niya sila sa isang pangkat ng kalalakihan na nag-alay ng kanilang buhay, at gumawa ng sakripisyong kasing dakila ng ginawa ni Abraham’ [Joseph Smith, sa Joseph Young Sr., History of the Organization of the Seventies (1878), 14; tingnan din sa History of the Church, 2:182]. …
“Ang natamong mga karanasan ng mga boluntaryo sa hukbo ng Panginoon ay isang paghahanda rin para sa mas malalaking pandarayuhan ng mga miyembro ng Simbahan sa hinaharap. Mahigit 20 sa mga kalahok sa Kampo ng Sion ang naging mga kapitan at tinyente sa dalawang malalaking paglalakbay—ang una ay pagkaraan lang ng apat na taon, na kinasangkutan ng pagpapaalis sa 8,000 hanggang 10,000 katao mula Missouri patungong Illinois; at ang pangalawa, pagkaraan ng 12 taon, ang malaking paglalakbay pakanluran ng tinatayang 15,000 mga Banal sa mga Huling Araw mula Illinois papuntang Salt Lake at sa iba pang mga lambak ng Rocky Mountain. Bilang panimulang pagsasanay, napakahalaga ng Kampo ng Sion sa Simbahan” (David A. Bednar, “Sa Panig ng Panginoon: Mga Aral Mula sa Kampo ng Sion,” Liahona, Hulyo 2017, 30).
-
Anong alituntunin ang matututuhan natin sa pagmamartsa ng Kampo ng Sion tungkol sa paraan kung paano tayo inihahanda ng Panginoon na maisakatuparan ang Kanyang gawain? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Ang Panginoon ay nagbibigay sa atin ng mga karanasan na tumutulong sa atin na maging handa na maisakatuparan ang Kanyang gawain.)
-
Sa palagay ninyo, bakit mahalaga para sa atin na maunawaan ang alituntuning ito?
-
Paano ninyo nakita ang Panginoon na inihahanda kayo o ang isang kakilala ninyo na maisakatuparan ang Kanyang gawain?
Rebyuhin ang mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito. Anyayahan ang mga estudyante na isulat sa kanilang study journal ang ilang bagay na gagawin nila nang may matibay na pangako dahil sa natutuhan o nadama nila sa klase. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase.
Anyayahan ang mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kabanata 20–21 ng Mga Banal: Tomo 1.