Institute
Lesson 24: Mga Pagsulong sa Doktrina sa Nauvoo


“Lesson 24: Mga Pagsulong sa Doktrina sa Nauvoo,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 24,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 24

Mga Pagsulong sa Doktrina sa Nauvoo

Pambungad at Timeline

Habang binibisita sina Benjamin at Melissa Johnson sa kanilang tahanan sa Ramus, Illinois, noong Mayo 16, 1843, itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang pagpasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal ay kailangan para sa kadakilaan (tingnan sa D at T 131:1–4) at pagkatapos ay ibinuklod ang mag-asawa sa kawalang-hanggan. Mga dalawang linggo kalaunan, sina Joseph at Emma Smith ay ibinuklod para sa kawalang-hanggan sa Tindahan ni Joseph Smith na Yari sa Pulang Laryo sa Nauvoo, Illinois. Sa panahong ito, patuloy din na sinusunod ni Joseph ang utos ng Panginoon na gawin ang maramihang pag-aasawa. Pumayag si Emma sa marami sa mga maramihang pag-aasawa ni Joseph ngunit nahirapang tanggapin ang mismong gawain. Noong panahong iyon, ang paghahayag na dating natanggap ni Joseph Smith mula sa Panginoon tungkol sa maramihang pag-aasawa ay hindi pa naitatala. Si Hyrum Smith, na naniniwala na mahihikayat niya si Emma na ang maramihang pag-aasawa ay sa Diyos, ay hiniling kay Joseph na itala ang paghahayag tungkol sa maramihang pag-aasawa. Noong Hulyo 12, 1843 idinikta ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 132, na nagpapaliwanag ng mga alituntunin ng walang hanggang kasal at ng pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa.

Mayo 16, 1843Habang bumibisita sa Ramus, Illinois, itinuro ni Joseph Smith na ang walang hanggang kasal ay kailangan para sa kadakilaan (tingnan sa D at T 131).

Mayo 28, 1843Sina Joseph at Emma Smith ay ibinuklod para sa kawalang-hanggan.

Huling bahagi ng Hunyo, 1843Tinangka ng mga opisyal na dakpin si Joseph Smith at dalhin siya sa Missouri upang litisin sa mga maling paratang.

Hulyo 12, 1843Idinikta ni Joseph Smith ang paghahayag tungkol sa walang hanggang kasal at sa pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa (tingnan sa D at T 132).

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), mga kabanata 40–41

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ipinahayag ni Joseph Smith na ang walang hanggang kasal ay mahalaga sa kadakilaan

Ipaliwanag na karamihan sa mga relihiyong Kristiyano, kapwa noong panahon ni Joseph at sa panahong ito, ay naniniwala sa isa sa dalawang konsepto tungkol sa langit. Ang isang pananaw ay matapos ang kamatayan ang isang matwid na tao ay nagiging isang anghel na sumasamba sa Diyos ngunit hindi nararanasan ang mga ugnayan ng pamilya. Ang paniniwalang ito ay pinanghahawakan na ang mga ugnayan ay temporal at nagwawakas sa kamatayan. Ang isa pang pananaw ay bukod pa sa pagsamba sa Diyos, ang mga namatay ay napapanatili ang mga ugnayan sa mga kapamilya at kaibigan. (Tingnan sa Jed Woodworth, “Mercy Thompson and the Revelation on Marriage,” sa Revelations in Context, 282, mga pat. Matthew McBride at James Goldberg [2016], o sa history.ChurchofJesusChrist.org.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata na bumubuod sa kung ano ang ipinabatid nina Phebe Woodruff at ng kanyang asawang si Wilford, noong 1843 habang naglilingkod pa ito sa misyon:

“Habang nasa malayo si Wilford, sumulat si Phebe sa kanya, itinatanong kung iniisip niya kung ang kanilang pagmamahalan ay hindi magtatagal hanggang sa kawalanghanggan. Tumugon si Wilford sa pamamagitan ng isang tula na nagpapahayag ng kanyang pag-asam na ang pagmamahalan nila ay uunlad pa pagkatapos ng kamatayan.” (Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 581–82).

  • Sa inyong palagay, bakit ninanais ng maraming tao, tulad nina Phebe at Wilford Woodruff, na magtatagal ang kanilang ugnayan pagkatapos ng buhay na ito?

Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga alituntunin at doktrina sa lesson na ito na tutulong sa kanila na mas maunawaan ang katotohanan tungkol sa mga ugnayan ng mag-asawa sa kabilang-buhay.

Benjamin F. Johnson

Idispley ang kalakip na larawan ni Benjamin F. Johnson. Ipaliwanag na si Benjamin at ang asawa nitong si Melissa, ay kasal ng halos 17 buwan nang binisita sila ni Propetang Joseph Smith sa kanilang tahanan sa Ramus, Illinois, noong Mayo 1843.

Idispley ang sumusunod na salaysay ni Benjamin F. Johnson, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante.

Benjamin F. Johnson

“Sa gabi tinawag ako [ni Joseph Smith] at ang asawa ko na lumapit at maupo, sapagkat nais niyang ikasal kami ayon sa Batas ng Panginoon. Inakala ko na biro ito, at sabi na hindi ko pakakasalang muli ang asawa ko, maliban kung liligawan niya ako, sapagkat ginawa ko lahat ito noong una. Pinagsabihan niya ako sa kawalang-isip ko, sinabi sa akin na siya ay taimtim, at totoo nga ito, dahil kami ay tumayo at nabuklod” (Benjamin F. Johnson, My Life’s Review [1947], 96).

  • Kung mas naunawaan ni Benjamin kung ano ang tinutukoy ng Propeta, paano kaya mag-iiba ang kanyang reaksyon?

Ipaliwanag na itinala ni William Clayton, isang tagasulat para kay Joseph Smith, ang mga itinuturo ng Propeta sa mga Johnson tungkol sa walang-hanggang kasal (tingnan sa Matthew McBride, “Our Hearts Rejoiced to Hear Him Speak,” sa Revelations in Context, mga pat. Matthew McBride at James Goldberg [2016], 279–80, o sa history.ChurchofJesusChrist.org). Ilan sa mga turong ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 131:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Propetang Joseph Smith tungkol sa walang hanggang kasal.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mg talata 1–2 tungkol sa kahalagahan ng walang hanggang kasal sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Upang matamo ang pinakamataas na antas ng kaluwalhatian sa kahariang selestiyal, kailangan tayong pumasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal.)

Ipaliwanag na sa kontekstong ito ang salitang bago ay nangangahulugan na ang tipan ay bagong ipinanumbalik sa ating dispensasyon; ang salitang walang hanggan ay nangangahulugan na ang tipan, pati na ang mga pagpapala nito, ay walang hanggan. Pumapasok tayo sa bago at walang hanggang tipan ng kasal ngayon kapag tumatanggap tayo ng mga ordenansa ng pagbubuklod ng kasal sa templo.

  • Paanong ang pagkaalam sa katotohanang ito ay makaaapekto sa pananaw natin sa kasal?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Parley P. Pratt (1807–57) ng Korum ng Labindalawang Apostol, na nalaman ang tungkol sa doktrina ng walang hanggang kasal noong 1839 pa lamang. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na hinahanap ang mga salita o parirala na nagpapakita ng kung ano ang nadama ni Elder Pratt matapos malaman na ang ugnayan ng kasal ay maaaring maging walang hanggan.

Parley P. Pratt

“Sa kanya [Joseph Smith] ko nalaman na maaaring mabuklod sa akin ang pinakamamahal kong asawa ngayon at sa buong kawalang-hanggan; at ang dalisay na mga pagdamay at pagsuyo na dahilan para mapamahal kami sa isa’t isa ay nagmula sa bukal ng walang-hanggang pagmamahal ng Diyos. Sa kanya ko natutuhan na maaari nating mapag-ibayo ang pagmamahal na ito, at mapalalakas at mapatitibay ito sa buong kawalang-hanggan; samantalang ang bunga ng ating walang hanggang ugnayan ay mga binhi na kasing dami ng mga bituin sa langit, o ng mga buhangin sa baybayin ng dagat. …

“Nagmahal na ako dati, pero hindi ko alam kung bakit. Ngunit ngayo’y nagmahal ako—nang may pagkadalisay—na may ibayong sidhi ng kabanalan, na mag-aangat sa aking kaluluwa mula sa mga panandaliang bagay sa buhay at magpapalawak dito na tulad ng karagatan. … Sa madaling salita, ngayon ay maaari na akong magmahal nang may taglay ng espiritu at pang-unawa rin” (Autobiography of Parley P. Pratt, pat. Parley P. Pratt Jr. [1938], 297–98).

  • Paano nakaimpluwensya ang kaalaman ng doktrina ng walang hanggang kasal kay Elder Pratt?

Ipaliwanag na alam ni Propetang Joseph Smith na kapag natapos ang Nauvoo Temple, ang ordenansa ng pagbubuklod ay makukuha ng lahat ng karapat-dapat na miyembro ng Simbahan. Bago natapos ang templo, pinahintulutan ng Panginoon si Joseph na ituro ang doktrina ng walang hanggang kasal sa ilang matatapat na miyembro ng Simbahan at pinagbuklod sila. Noong Mayo 28, 1843, sina Joseph at Emma Smith ay ibinuklod sa magpasawalang-hanggan sa isang silid sa itaas ng Tindahan na Yari sa Pulang Laryo sa Nauvoo.

Idinikta ni Joseph Smith ang paghahayag tungkol sa walang hanggan kasal at maramihang pag-aasawa

Ipaliwanag na bukod pa sa pagtuturo tungkol sa walang hanggang kasal, ipinagpatuloy rin ni Propetang Joseph Smith na ituro sa ilang miyembro ng Simbahan ang tungkol sa maramihang pag-aasawa. Ipaalala sa mga estudyante na si Joseph ay atubiling sumunod sa utos ng Panginoon na isagawa ang maramihang pag-aasawa pagkatapos ng paulit-ulit na babala mula sa isang anghel (tingnan sa “Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org; tingnan din sa lesson 21). Ang pagsasagawa ni Joseph ng maramihang pag-aasawa ay mahirap para sa kanyang sarili at sa kanyang asawang si Emma. Pumayag si Emma sa marami sa mga maramihang pag-aasawa ni Joseph ngunit nahirapang tanggapin ang mismong gawain. Noong Hulyo 1843, ang kapatid ng Propeta na si Hyrum ay nagboluntaryong makipag-usap kay Emma upang subukan siyang kumbinsihin sa katotohanan ng alituntunin ng pag-aasawa. Noong panahong iyon, ang paghahayag na dating natanggap ni Joseph Smith mula sa Panginoon tungkol sa maramihang pag-aasawa ay hindi pa naitala (tingnan sa William Clayton, affidavit, Salt Lake City, Utah Territory, Peb. 16, 1874, sa Affidavits about Celestial Marriage, Church History Library, Salt Lake City).

Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang kabanata 41 ng Mga Banal: Tomo 1. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng pahina 573, simula sa talatang “Noong umaga ng …” at nagtatapos sa talata sa pahina 575 simula sa “Nang matapos idikta ni Joseph …” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang inihayag ng Panginoon tungkol sa tipan ng kasal. Ipaliwanag na ang paghahayag na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 132.

  • Ano ang kailangan para magpatuloy ang kasal sa kabilang-buhay? (Ang mag-asawa ay dapat ikasal sa pamamagitan ng wastong awtoridad ng priesthood, ang kanilang tipan ay kailangang mabuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako, at sila ay kailangang manatiling tapat sa kanilang mga tipan [tingnan sa D at T 132:19]).

  • Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mga yaong tumutupad sa mga kailangang ito? (Tatanggap sila ng mga pagpapala ng kadakilaan, na kinabibilangan ng pagiging katulad ng Diyos at pagkakaroon ng walang hanggang pag-unlad [tingnan sa D at T 132:19–20].)

  • Ayon sa paghahayag na ito na ibinigay kay Propetang Joseph Smith, ano ang ilang dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon ang maramihang pag-aasawa? (Magpalaki ng mga anak sa matwid na mga pamilya at maisakatuparan ang kanilang kadakilaan [tingnan sa D at T 132:63]. Ipaliwanag na kabilang sa iba pang dahilan sa maramihang pag-aasawa na binanggit sa paghahayag ay ang “[ipanumbalik] ang lahat ng bagay” [tingnan sa D at T 132:40, 45] at maglaan ng paraan sa mga Banal na mapatunayan o masubukan, maging gaya ni Abraham [tingnan sa D at T 132:51].)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng pahina 575 ng Mga Banal: Tomo 1, simula sa talatang nagsisimula sa “Nagbalik si Hyrum …” at nagwawakas sa talatang nagsisimula sa “Umiiyak sina Joseph at Emma …” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon si Emma nang inilahad ni Hyrum ang paghahayag sa kanya.

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalagang iwasan nating husgahan si Emma Smith sa kanyang reaksyon sa pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa?

Idispley ang sumusunod na alaala ni Helen Mar Kimball Whitney, na nabuklod sa propeta, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

“Sinabi ng Propeta na ang pagsasagawa ng [maramihang pag-aasawa] ay ang pinakamahirap na pagsubok na magkakaroon ang mga Banal na siyang susubok sa kanilang pananampalataya” (Helen Mar Whitney, “Scenes and Incidents in Nauvoo,” Woman’s Exponent, Nob. 1, 1881, 83).

Ipaliwanag na ang maramihang pag-aasawa ay isang mahirap na kautusan para sundin ng karamihan, at ipinangako ni Propetang Joseph Smith sa yaong inutusang isabuhay ito na kung hihingi sila ng espirituwal na patunay na ang maramihang pag-aasawa ay iniutos ng Diyos, makakatanggap sila nito.

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo, at bigyan sila ng mga kopya ng kasamang handout, “Ang mga Patotoo na ang Maramihang Pag-aasawa ay Iniutos ng Diyos.” Ang handout na ito ay naglalaman ng mga salaysay nina Phebe Woodruff, Zina Diantha Huntington Young, at Lorenzo Snow, lahat ay pawang apektado ng utos na isagawa ang maramihang pag-aasawa. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang magkakasabay ang mga tala at talakayin ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa handout.

Ang mga Patotoo na ang Maramihang Pag-aasawa ay Iniutos ng Diyos

Habang binabasa ninyo ang mga salaysay na ito, hanapin kung ano ang ginawa ng mga taong ito na nakatulong sa kanila na matanggap ang mga espirituwal na pagpapatibay na ang maramihang pag-aasawa ay iniutos ng Diyos.

Phebe Woodruff

“Nang unang itinuro ang alituntunin ng poligamya naisip ko na ito ang pinakamasamang bagay na narinig ko; dahil dito ay tinutulan ko ito sa abot ng aking makakaya, hanggang sa ako ay nagkasakit at naging kahabag-habag. Sa lalong madaling panahon, gayunman, nang nakumbinsi ako na nagmula ito sa isang paghahayag mula sa Diyos sa pamamagitan ni Joseph, at kilala ko siya bilang propeta, nakipagbuno ako sa aking Ama sa Langit sa taimtim na panalangin, na magabayan nang tama sa napakahalagang sandaling iyon sa buhay ko. Dumating ang sagot. Binigyan ng kapayapaan ang aking isipan. Alam ko na ito ang kalooban ng Diyos” (Phebe Woodruff, sa Edward W. Tullidge, The Women of Mormondom [1877], 413; iniayon ang pagbabantas sa pamantayan).

Zina D. H. Young

“Sinaliksik ko ang banal na kasulatan at sa pamamagitan ng mapakumbabang panalangin sa aking Ama sa Langit, ako ay nagtamo ng isang patotoo para sa sarili ko na kinailangan ng Diyos ang kaayusang iyon [ng maramihang pag-aasawa] na itatatag sa kanyang Simbahan. Gumawa ako ng isang mas malaking sakripisyo kaysa sa pagbigay ng buhay ko, sapagkat hindi ko kailanman inasahan muli na kikilalanin bilang isang marangal na babae ng mga pinakamamahal ko. [Paano] ko ikokompromiso ang budhi [at] isantabi ang matibay na patotoo ng Espiritu ng Diyos para sa Kaluwalhatian ng mundong ito?” (Zina Diantha Huntington Young, autobiographical sketch, Zina Card Brown Family Collection, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay at pagbabantas sa pamantayan).

Lorenzo Snow

“Personal kong kilala si Joseph Smith, ang Propeta, sa loob ng labindalawa o labing-apat na taon, na siyang unang nagturo ng doktrinang ito, at kilala ko siya bilang isang tao ng katotohanan at karangalan. Ngunit, hindi ako umaasa sa kanyang mga salita para sa kaalaman ko tungkol sa maramihang pag-aasawa; nagbigay ang Diyos sa akin ng banal na patotoo na nagpapatunay sa Kanyang mga turo, na walang taong maaaring magbigay o kumuha” (Lorenzo Snow, sa Eliza R. Snow, Biography and Family Record of Lorenzo Snow [1884], 405).

  • Ano ang ilang matatapat na hakbang na ginawa ng mga taong ito nang malaman nila ang tungkol sa maramihang pag-aasawa?

  • Paanong ang pagkakaroon ng patotoo na si Joseph Smith ay inspiradong propeta ay nakaimpluwensya sa mga taong ito na sundin ang utos na ito?

  • Paanong ang mga karanasang ito ay maaaring makatulong sa isang tao na may mga tanong tungkol sa kung si Joseph Smith ay kumikilos bilang isang inspiradong propeta ng Diyos nang ipinatupad niya ang pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa?

handout ng Mga Patotoo na ang Maramihang Pag-aasawa ay Iniutos ng Diyos

Matapos gawin ng mga estudyante ang kanilang talakayan, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa handout.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mga taong ito tungkol sa maaari nating gawin kapag nahaharap tayo sa mahihirap na tanong tungkol sa mga turo o kasaysayan ng Simbahan? (Ang mga estudyante ay maaaring sabihin ang isang bagay na tulad ng sumusunod: Habang mapanalangin tayong humihingi ng patnubay sa Panginoon, pagpapalain Niya tayo nang may katiyakan na tutulong sa atin na sumulong nang may pananampalataya.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Neil L. Andersen

“Ang pananampalataya ay hindi humihingi ng sagot sa bawat tanong ngunit naghahangad ng katiyakan at katapangan upang sumulong, at kung minsan ay tinatanggap na, ‘Hindi ko alam ang lahat, ngunit sapat ang nalalaman ko upang magpatuloy sa landas ng pagkadisipulo’” (Neil L. Andersen, “Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 66).

  • Paano makakatulong ang pahayag na ito sa isang tao na may mga tanong tungkol sa pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa sa Simbahan noon?

Ipaliwanag na ang pagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa ay kalaunang itinigil bilang tugon sa paghahayag na ibinigay kay Pangulong Wilford Woodruff (tingnan sa Opisyal na Pahayag 1). Bagama’t hindi tayo inuutusan na ipamuhay ang batas ng maramihang pag-aasawa sa ngayon, mahalaga na makatanggap tayo ng katiyakan na si Joseph Smith ay sumusunod sa kalooban ng Panginoon nang sumunod siya at itinuro ang mahirap na kautusang ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen:

Neil L. Andersen

“Ang mga tanong tungkol kay Propetang Joseph Smith ay hindi na bago. … Sa mga taong ito, na sa kabila ng impormasyong makukuha sa ika-21 siglo, ay masugid pa ring kinukwestyon ang mga pangyayari o mga pahayag tungkol kay Propetang Joseph na halos 200 taon na ang lumipas mula nang maganap, heto ang aking maipapayo: Tigilan na ninyo ang pagtuligsa kay Brother Joseph! Balang-araw, makakakuha kayo ng impormasyon na 100 ulit ang dami kaysa nakikita at nasasaliksik ninyo ngayon sa Internet, at magmumula ito sa ating Ama sa Langit na nakaaalam sa lahat. Isipin ninyo ang kabuuan ng naging buhay ni Joseph—isinilang sa karalitaan at mababa lang ang pinag-aralan, naisalin niya ang Aklat ni Mormon nang wala pang 90 araw. Daan-daang libong matatapat na kalalakihan at kababaihan ang naniwala sa layunin ng Pagpapanumbalik. Sa edad na 38, tinatakan ni Joseph ng kanyang dugo ang kanyang patotoo. Pinatototohanan ko na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Paniwalaan ninyo ito, at huwag nang alalahanin pa ang ibang bagay!” (Neil L. Andersen, “Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 66).

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang paniwalaan natin sa ating isipan na si Joseph Smith ay isang inspiradong propeta ng Diyos?

  • Ano ang ilang bagay na magagawa natin upang mapalakas ang ating pananampalataya sa pagkakatawag at misyon ni Joseph Smith bilang propeta?

  • Paanong ang inyong patotoo at katiyakan na ang misyon ni Joseph Smith bilang propeta ay nakatulong sa inyo na sumulong nang may pananampalataya nang maharap kayo sa mahihirap na tanong?

Magpatotoo na si Joseph Smith ay isang inspiradong propeta ng Diyos na tapat sa mga utos ng Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na hangarin ang sarili nilang pagtiyak mula sa Panginoon upang sila ay maaaring sumulong nang may pananampalataya.

Sabihin sa mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pag-aaral ng mga kabanata 42–43 ng Mga Banal: Tomo 1.

handout ng Mga Patotoo na ang Maramihang Pag-aasawa ay Iniutos ng Diyos