Institute
Lesson 3: Pagkuha sa Talaan


“Lesson 3: Pagkuha sa Talaan,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 3,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 3

Pagkuha sa Talaan

Pambungad at Timeline

Dahil patuloy na pinanindigan ni Joseph Smith na nakakita siya ng isang pangitain, inusig siya sa loob ng tatlong taon kasunod ng Unang Pangitain. Sinabi kalaunan ni Joseph Smith na sa panahong ito, siya ay “nakagawa ng maraming kamalian” at “madalas [niyang] maramdaman na isinumpa [siya] dahil sa [kanyang] kahinaan at mga kamalian” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:28–29). Bilang tugon sa panalangin ni Joseph noong gabi ng Setyembre 21, 1823, nagpakita ang anghel na si Moroni at sinabi kay Joseph na pinatawad na siya ng Diyos at may gawaing ipagagawa sa kanya (tingnan sa Joseph Smith, “History, circa Summer 1832,” 4, josephsmithpapers.org). Sinabi rin niya kay Joseph na isang sinaunang talaan na nakasulat sa mga laminang ginto ang nakabaon sa isang burol malapit sa tahanan ng mga Smith. Kinabukasan, tiningnan ni Joseph Smith ang mga lamina, subalit pinagbawalan siya ni Moroni na kunin ang mga iyon. Sa sumunod na apat na taon, inihanda ng Panginoon si Joseph Smith para sa panahon na makukuha niya ang mga lamina. Noong Setyembre 22, 1827, natanggap ng Propeta ang mga lamina mula sa anghel na si Moroni.

Setyembre 21–22, 1823Nagpakita ang anghel na si Moroni kay Joseph Smith nang limang beses.

1823–27Inihanda ng Panginoon si Joseph Smith na makuha ang mga laminang ginto.

Nobyembre 19, 1823Namatay ang pinakamatandang kapatid ni Joseph Smith na si Alvin.

Oktubre 1825Nakilala ni Joseph Smith si Emma Hale sa Harmony, Pennsylvania, habang nagtatrabaho kay Josiah Stowell.

Enero 18, 1827Ikinasal sina Joseph Smith at Emma Hale.

Setyembre 22, 1827Natanggap ni Joseph Smith ang mga laminang ginto mula kay Moroni.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), mga kabanata 3–4

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Binisita ng anghel na si Moroni si Joseph Smith

Ipakita ang sumusunod na diagram:

Diagram ng Unang Pangitain at ng anghel na si Moroni
  • Batay sa inyong pagbabasa ng kabanata 3 ng Mga Banal: Tomo 1 at sa inyong kaalaman tungkol sa buhay ni Joseph Smith, anong uri ng mga hamon ang naranasan ni Joseph sa loob ng tatlo’t kalahating taon sa pagitan ng Unang Pangitain at ng kanyang unang pakikipagharap sa anghel na si Moroni?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang mga salita o mga kataga na ginamit ni Joseph Smith upang ilarawan ang ilan sa mga hamon at mga damdaming naranasan niya sa loob ng tatlo’t kalahating taon pagkatapos ng Unang Pangitain.

  • Ano ang mga salita o mga parirala sa talata 28 ang naglalarawan ng ilan sa mga hamon at mga damdaming naranasan ni Joseph Smith bilang binatilyo?

  • Paano kaya natutulad ang mga hamon ni Joseph sa mga hamong nararanasan ng mga kabataan at mga young adult ng Simbahan ngayon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:29. Sabihin sa klase na alamin ang ginawa ni Joseph Smith upang madaig ang mga damdamin ng pagtuligsa na naranasan niya. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipakita ang sumusunod na salaysay na itinala ni Propetang Joseph Smith (1805–44), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inilarawan ni Joseph ang gabing iyon.

Joseph Smith

“Noong ako ay mga 17 taong gulang … , matapos akong humiga sa kama, hindi ako natutulog datapwat pinagninilayan ang aking nakaraang buhay at karanasan. Alam na alam ko na hindi ko sinunod ang mga kautusan, at buong puso akong nagsisi para sa lahat ng aking mga kasalanan at paglabag at ipinagpakumbaba ang aking sarili sa harap Niya na nakikita ang lahat ng bagay” (Joseph Smith, Journal, 1835–1836, 24, josephsmithpapers.org; isinunod sa pamantayan ang pagbabaybay at pagbabantas).

“Ako ay nagsumamong muli sa Panginoon at ipinakita niya sa akin ang isang pangitain mula sa langit, sapagkat namasdan ko ang isang anghel na ipinadala ng Panginoon at tumayo sa harapan ko, … at tinawag niya ako sa aking pangalan, at sinabi niya na pinatawad na ng Panginoon ang aking mga kasalanan” (Joseph Smith, in “History, circa summer 1832,” 4, josephsmithpapers.org; isinunod sa pamantayan ang pagbabantas).

  • Ano ang natutuhan natin mula sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:29 at sa salaysay ni Joseph na nagsasabing tapat siya tungkol sa kanyang pagsisisi?

  • Batay sa tugon ng anghel na si Moroni sa pakiusap ni Joseph, anong alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa tapat na pagsisisi? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag tapat tayong nagsisi sa ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Panginoon. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Dale G. Renlund

“Ang katunayang makapagsisisi tayo ay ang mabuting balita ng ebanghelyo! Ang ‘pagkakasala ay [maaalis].’ Mapupuspos tayo ng kagalakan, makakatanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan, at magkakaroon ng ‘katahimikan ng budhi.’ Mapapalaya tayo mula sa kawalan ng pag-asa at pagkaalipin sa kasalanan. Mapupuspos tayo ng kagila-gilalas na liwanag ng Diyos at ‘hindi na muling [magdurusa].’ Ang pagsisisi ay hindi lang posible kundi nakagagalak din dahil sa ating Tagapagligtas” (Dale G. Renlund, “Pagsisisi: Isang Pagpiling Puno ng Kagalakan,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 124).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon kung kailan nadama nila na pinatawad sila ng Panginoon matapos nilang tapat na pagsisihan ang kanilang mga kasalanan.

Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na magsisi nang tapat at hangarin ang pagpapatawad ng Panginoon kapag kinakailangan sa kanilang buhay.

Nagpakita si Moroni kay Joseph Smith
Si Joseph Smith ay binisita ni Moroni sa bukid

Ipakita ang kalakip na mga larawan, at sabihin sa isang estudyante na ibuod ang unang apat na pagbisita ni Moroni kay Joseph Smith noong Setyembre 21–22, 1823. Kung kinakailangan, sabihin sa mga estudyante na tingnan ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:30–53.

  • Ano ang ilan sa mga tagubiling ibinigay ni Moroni kay Joseph Smith sa mga pagbisitang iyon?

Ipaliwanag na sa ikalawa at ikatlong pagbisita ni Moroni, nagbigay siya ng tagubilin na hindi niya ibinigay noong unang pagbisita niya. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:44–46. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang karagdagang tagubilin ni Moroni kay Joseph.

  • Ano ang karagdagang impormasyong ibinigay ni Moroni kay Joseph Smith sa ikalawa at ikatlong pagbisita?

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga para kay Joseph na mabalaan na hindi siya dapat magkaroon ng ibang motibo sa pagkuha sa mga lamina maliban sa itayo ang kaharian ng Diyos?

Ipaalam sa mga estudyane na matapos niyang sabihin sa kanyang ama ang tungkol sa anghel, si Joseph ay nagtungo sa Burol ng Cumorah. Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Oliver Cowdery, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari kay Joseph Smith habang naglalakad siya patungo sa burol.

Oliver Cowdery

“Dalawang hindi nakikitang kapangyarihan ang kumikilos sa kanyang isipan sa paglalakad niya mula sa kanyang tahanan patungo sa Curmorah, at ang isa na naghihimok sa katiyakan ng kayamanan at kaginhawahan sa kanyang buhay, ay lubang makapangyarihang tumimo sa kanya, na ang dakilang layunin na maingat at kahanga-hangang sinabi ng anghel, ay tuluyang nawala sa kanyang alaala” (Oliver Cowdery, “Letter VIII,” Latter Day Saints’ Messenger and Advocate, Okt. 1835, 197).

Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang kabanata 3 ng Mga Banal: Tomo 1. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas mula sa pahina 29, simula sa talatang nagsisimula sa “Pagdating sa burol …” hanggang sa talata sa pahina 30 na nagsisimula sa “Lumingon si Joseph at nakita si Moroni. …” Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nakaimpluwensya ang mga saloobin at mga pagnanais ni Joseph Smith sa kanyang kakayahang tanggapin ang mga lamina.

  • Sa paanong mga paraan sinuway ni Joseph ang mga kautusan ng Panginoon?

Ipaliwanag na nang nalaman ni Joseph na hindi niya makukuha ang mga lamina at nagsimulang manalangin, nabuksan ang kalangitan at nakita niya ang kaluwalhatian ng Panginoon. Nakita rin niya ang diyablo at ang kanyang mga anghel (Tingnan sa Oliver Cowdery, “Letter VIII,” 198). Lubhang humanga si Joseph sa pagkakaiba. Ipakita ang sumusunod na pahayag ng ina ni Joseph na si Lucy Mack Smith, na sinulat ang karanasang ito, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinakita kay Joseph.

Lucy Mack Smith

“Ipinakita sa kanya ng anghel, sa pamamagitan ng paghahambing, ang pagkakaiba ng mabuti sa masama at ang mga bunga na [maaaring] sumapit sa kapwa pagsunod at pagsuway sa mga kautusan ng Diyos, sa gayong kapansin-pansin at makapangyarihang paraan na ang pahiwatig ay palaging malinaw sa kanyang alaala hanggang sa pinakahuling sandali ng kanyang mga araw. At sa pagbanggit sa sitwasyong ito, hindi katagalan bago ang kamatayan niya, sinabi niya na pagkatapos nito ay nagsimula siyang maging handang sundin ang mga kautusan ng Diyos.

“… Dagdag pang sinabi sa kanya ng anghel na ang oras para mailabas ang mga lamina sa mundo ay hindi pa sumasapit; na hindi niya makukuha mula sa lugar kung saan nakalagay ang mga ito hanggang matutuhan niyang sundin ang mga kautusan ng Diyos—hindi lang handang sundin, subalit magagawa ito” (Lucy Mack Smith, “Lucy Mack Smith, History, 1845,” 85, josephsmithpapers.org; isinunod sa pamantayan ang pagbabaybay at pagbabantas).

  • Ano ang ipinakita ni Moroni kay Joseph na nagkaroon ng malaking epekto sa kanya?

  • Ano ang alituntunin na matututuhan natin mula sa salaysay na ito ng karanasan ni Joseph sa Burol ng Cumorah? (Maaaring magbigay ang mga estudyante na maraming tamang sagot, kabilang ang sumusunod: Sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, matutulungan tayo ng Panginoon na maunawaan ang mga ibubunga ng ating mabubuti at masasamang pagpili. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Sa paanong mga paraan makatutulong sa atin na maunawaan ang mga ibubunga ng ating mga pagpili?

  • Ano ang ilan sa mga halimbawa sa ating panahon ng kung paano tayo matutulungan ng Panginoon, sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod, na maunawaan ang mga ibubunga ng ating mga pagpili? (Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang mga patriarchal blessing, payo mula sa mga lokal na lider ng Simbahan, at mga babala at turo mula sa mga General Authority at Pangkalahatang Opisyal ng Simbahan, lalo na sa mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag.)

Inihahanda ng Panginoon si Joseph Smith para sa panahong makukuha niya ang mga laminang ginto

Ipaliwanag na sa susunod na apat na taon, ihahanda ng Panginoon si Joseph sa maraming paraan upang makuha ang talaan at maisakatuparan ang gawain na tinawag siya ng Panginoon na gawin. Si Joseph ay bumalik sa burol kada Setyembre 22 bawat taon upang matagubilinan ng anghel na si Moroni. Sa panahong ito, si Joseph ay nakatanggap din ng “maraming pagdalaw mula sa mga anghel ng Diyos na naglalahad ng karingalan at kaluwalhatian ng mga kaganapang mangyayari sa mga huling araw” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 69).

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang susunod na apat na taon ay nagdala ng mga pagbabago sa buhay ni Joseph, kabilang na ang lugar na kanyang tinitirhan at pinagtatrabahuhan. Ipakita ang kalakip na mapa, “Ang mga Dako ng New York, Pennsylvania, at Ohio sa Estados Unidos ng Amerika,” at sabihin sa mga estudyante na hanapin ang Manchester, New York, at ang nayon ng Harmony, Pennsylvania (tingnan din sa kasaysayan ng Simbahan mapa 3, “Ang mga Dako ng New York, Pennsylvania, at Ohio sa Estados Unidos ng Amerika”).

Mapa ng mga Dako ng New York, Pennsylvania, at Ohio sa Estados Unidos ng Amerika
  • Ayon sa nabasa ninyo sa Mga Banal: Tomo 1, bakit nagtrabaho si Joseph Smith para kay Josiah Stowell sa Harmony, Pennsylvania? (Kinuha ni G. Stowell si Joseph upang tulungan siyang hanapin ang kayamanan ng mga Espanyol na pinaniniwalaan niyang nakabaon sa Harmony. Marami sa mga tao sa lugar ay may paniniwalang batay sa haka-haka tungkol sa nakabaong mga kayamanan at abala sa katulad na gawain noong panahon ni Joseph.)

Ipaliwanag na kalaunan ay nakumbinsi ni Joseph Smith si Josiah Stowell na tumigil sa paghahanap sa kayamanan (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:56).

Sina Joseph at Emma Smith

Ipakita ang kalakip na larawan. Ipaliwanag na noong napakahalagang panahong ito ng paghahanda, habang nagtatrabaho si Joseph para kay Josiah Stowell, nakilala niya si Emma Hale. Pagkatapos magligawan nang mahigit isang taon, sila ay ikinasal noong Enero 18, 1827. Si Emma Smith ay isang positibong impluwensya kay Joseph. Ginampanan niya ang isang napakahalagang tungkulin sa Panunumbalik hindi lang sa pamamagitan ng pagsuporta at pagtulong sa kanyang asawa sa maraming paraan (tingnan sa D at T 25:5–6) kung hindi pati na rin sa kanyang personal na katapatan at tapang sa harap ng madalas na matitinding pagsubok.

Ipaliwanag na pagkatapos ng kanilang kasal, sina Emma at Joseph ay lumipat sa tahanan nina Lucy at Joseph Smith Sr. sa Manchester, New York. Isang gabi noong mga unang bahagi ng Enero 1827, si Joseph ay umuwi ilang oras ang nakalipas mula sa inaasahang pagdating niya.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Lucy Mack Smith, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Moroni kay Joseph Smith.

Lucy Mack Smith

“Pagdating, [si Joseph] ay umupo sa isang upuan, tila pagod na pagod. Sinabi agad … ng asawa ko, ‘Joseph, bakit ngayon ka lang umuwi? May nangyari ba [sa] iyo? Kami ay labis na nag-aalala tungkol sa iyo sa mga nakalipas na tatlong oras.’ Dahil hindi sumasagot si Joseph, nagpatuloy siya sa pagtatanong niya hanggang noong huli ay sinabi ko, ‘Itay … hayaan mo siyang magpahinga sandali—huwag mo siyang guluhin ngayon—nakikita mong nakauwi siya nang ligtas, at pagod na pagod siya, kaya maghintay tayo nang kaunti.’ … Kasalukuyang ngumiti [si Joseph] at sinabi nang may labis na kalmadong tinig, ‘Aking natanggap ang pinakamatinding pangangastigo na naranasan ko sa aking buhay.’ Ang asawa ko, na inaakalang mula ito sa ilan sa mga kapitbahay, ay medyo nagalit at sinabing, ‘Nais kong malaman kung ano ang pakialam ninuman para hanapan ka ng mali!’

“‘Hindi po, itay, hindi po,’ sabi ni Joseph, ‘ito ay ang anghel ng Panginoon—nang dumaan po ako malapit sa burol ng Cumorah, kung saan naroroon ang mga lamina, nakipagkita sa akin ang anghel at sinabi na hindi sapat ang paglahok ko sa gawain ng Panginoon; na dumating na ang panahon para ang talaan ay [mai]labas; at na ako ay dapat na abala at gumagawa at nakatuon sa mga bagay na iniutos sa akin ng Diyos na gawin’” (Lucy Mack Smith, “Lucy Mack Smith, History, 1845,” pages 103–4, josephsmithpapers.org; isinunod sa pamantayan ang pagbabaybay, pagsulat sa malalaking titik, at pagbabantas).

  • Ano ang kapansin-pansin sa inyo sa pagwawastong ito na ibinigay ni Moroni kay Joseph?

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa mensahe ni Moroni kay Joseph? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Upang matanggap ang mga oportunidad at pagpapala na inihanda ng Panginoon para sa atin, tayo ay kailangang aktibong lumalahok sa Kanyang gawain. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Ano ang ilang paraan na magiging aktibo tayo sa paglahok sa gawain ng Panginoon upang maging karapat-dapat tayo para sa mga pagpapala at oportunidad na inihanda Niya para sa atin?

Nakuha ni Joseph Smith ang mga laminang ginto

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:59. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nangyari noong ikaapat na taunang pagbisita ni Joseph sa Burol ng Cumorah.

  • Ayon sa huling bahagi ng talata 59, ano ang pangakong ibinigay ni Moroni kay Joseph?

  • Bakit mahalaga para kay Joseph na malaman na tutulungan siya ng Panginoon na mapangalagaan ang mga lamina?

Ipaliwanag na noong iuuwi ni Joseph ang mga lamina, may mga lalaking nagtatago sa kakahuyan na determinadong maagaw sa kanya ang mga lamina. Bagama’t inatake siya nang tatlong beses sa kanyang daan pauwi, nakatakas siya sa mga umatake sa kanya sa bawat pagkakataon at napanatiling ligtas ang mga lamina. Pagkauwi niya, ang kanyang pamilya ay nag-aalalang makita siya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ng kapatid ni Joseph na si William. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang hiniling ng ama ni Joseph sa kanya at paano siya tumugon.

William Smith

“Nang dinala ang mga lamina ay nakabalot ang mga ito sa isang magaspang na sutana. Pagkatapos ay iniligay ito ng aking ama sa isang punda ng unan. Sabi ni Ama, ‘Ano, Joseph, hindi ba namin maaaring makita ito?’ [Si Joseph ay sumagot:] ‘Hindi po. Ako ay sumuway noong unang pagkakataon, subalit nais kong maging matapat sa pagkakataong ito’” (William Smith, “The Old Soldier’s Testimony,” The Saints’ Herald, tomo 31, blg. 40 [Okt. 4, 1884], 643–44).

  • Paano inilalarawan ng tugon ni Joseph na siya ay handa na ngayong matanggap ang mga lamina?

Rebyuhin ang mga alituntuning nakalista sa pisara at itanong:

  • Sa palagay ninyo, paano inihanda ng mga alituntuning ito si Joseph Smith na makuha ang mga laminang ginto?

Ipakita ang sumusunod na tanong, at sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang sagot sa kanilang study journal: Paano makatutulong ang pagsasabuhay sa mga alituntuning tinalakay ngayon na maihanda ka para sa gawaing inihanda para sa iyo ng Diyos?

Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga alituntuning tinalakay ninyo.

Sabihin sa mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kabanata 5–6 ng Mga Banal: Tomo 1.