Institute
Lesson 9: Mga Paghahayag at mga Pang-uusig sa Ohio


“Lesson 9: Mga Paghahayag at mga Pang-uusig sa Ohio,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 9,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 9

Mga Paghahayag at mga Pang-uusig sa Ohio

Pambungad at Timeline

Si Propetang Joseph Smith ay bumalik mula sa Missouri patungong Kirtland, Ohio, noong Agosto 1831. Noong Oktubre 1831, nagsimulang maglathala si Ezra Booth ng mga liham na tumutuligsa sa Propeta at sa Simbahan. Sa isang kumperensya ng Simbahan na ginanap sa Hiram, Ohio, noong Nobyembre 1831, tinalakay ni Joseph Smith at iba pang mga elder ng Simbahan ang mga plano na ilathala ang isang aklat na tinatawag na Book of Commandments, na naglalaman ng mga paghahayag na ibinigay ng Panginoon sa Propeta hanggang sa panahong iyon. Noong Pebrero 1832, habang sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay patuloy na gumagawa ng pagsasalin ng Biblia, nagkaroon sila ng isang pangitain tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian (tingnan sa D at T 76). Pagkaraan ng isang buwan, sina Joseph at Sidney ay marahas na sinalakay, binugbog, at binuhusan ng alkitran at balahibo ng mga mandurumog.

Oktubre 13, 1831Nagsimulang maglathala si Ezra Booth ng mga liham na tumutuligsa sa Propeta at sa Simbahan.

Nobyembre 1–2, 1831Sa isang kumperensya ng Simbahan, tinalakay ni Joseph Smith at iba pang mga elder ng Simbahan ang planong ilathala ang Book of Commandments.

Pebrero 16, 1832Sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay tumanggap ng isang pangitain tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian (tingnan sa D at T 76).

Marso 24–25, 1832Isang hatinggabi, isang galit na grupo ng mga mandurumog ang nagbuhos ng alkitran at balahibo kina Joseph Smith at Sidney Rigdon.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), mga kabanata 13–14

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Bumalik si Joseph Smith sa Ohio at nagdaos ng isang kumperensya para talakayin ang paglalathala ng mga paghahayag na kanyang natanggap

Itanong ang sumusunod:

  • Ano ang sasabihin ninyo upang tulungan ang isang taong nabagabag matapos malaman ang mga kahinaan ni Joseph Smith o magkaroon ng mga tanong tungkol sa ilan sa kanyang mga turo?

Anyayahan ang mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa lesson ngayon na maaaring makatulong kapag sila o ang mga kakilala nila ay may mga tanong tungkol sa mga turo o ginawa ni Joseph Smith at iba pang mga propeta ng Diyos.

Ipaalala sa mga estudyante na noong Hunyo 1831, inutusan ng Panginoon si Propetang Joseph Smith na magpunta sa Missouri, kung saan inihayag ang kinaroroonan ng lunsod ng Sion (tingnan sa D at T 52:3–4). Ang ilang miyembro ng Simbahan—kabilang na sina Bishop Edward Partridge at Ezra Booth—ay kritikal kay Joseph Smith at sa tagubilin ng Panginoon hinggil sa lupain ng Sion. Sa ilang pagkakataon, ang mga hindi pagkakasundo ng ilan sa kalalakihang ito at ng Propeta ay humantong sa alitan (tingnan sa D at T 64:1–7; tingnan din sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, mga pat. Mateo C. Godfrey at iba pa [2013], 61–62).

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na talata:

“Hindi nagtagal pagkatapos niyang makabalik mula sa Ohio, pinutol ni Ezra Booth ang kanyang ugnayan sa Simbahan sa paraang nabatid ito ng madla. Dahil hindi tumugma ang kanyang karanasan sa kanyang mga inaasahang katangian ng Sion o kung paano dapat kumilos si Joseph Smith, una siyang nanghina at pagkatapos ay iniwan ang kanyang pananampalataya. Sa simula ng Oktubreng iyon, ang Ohio Star, isang pahayagan sa Ravenna, Ohio, ay nagsimulang maglathala ng isang serye ng mga liham na isinulat ni Booth, na labis na namimintas kay Joseph Smith at sa Simbahan” (Matthew McBride,“Ezra Booth and Isaac Morley,” sa Revelations in Contex, mga pat. Matthew McBride at James Goldberg [2016], 134, o history.ChurchofJesusChrist.org).

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 13 ng Mga Banal: Tomo 1, paano nag-ambag ang mga inilathalang liham ni Ezra Booth sa desisyon ng mga lider ng Simbahan na ilathala ang mga paghahayag ng Panginoon?

Kung kinakailangan, ipaliwanag na sa isa sa mga liham na inilathala ni Ezra Booth, inakusahan niya si Joseph Smith ng “paggawa ng mga huwad na propesiya at [pagtatago] mula sa publiko [ng] kanyang mga paghahayag” (Mga Banal: Tomo 1, 161). Marahil upang pabulaanan ang paratang na ito at upang tugunan ang mga kahilingan mula sa mga miyembro ng Simbahan na sabik na pag-aralan ang mga paghahayag, “iminungkahi ni Joseph na ilathala ang mga paghahayag sa isang aklat” (Mga Banal: Tomo 1, 162).

Larawan
Tahanan ni John Johnson

Idispley ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ito ay litrato ng tahanan nina John at Elsa Johnson sa Hiram, Ohio, mga tatlumpung milya sa timog-silangan ng Kirtland.

Ipaliwanag na noong si Joseph Smith ay bumalik mula sa Missouri, siya at ang kanyang pamilya ay tumira sa tahanang ito bilang panauhin ng mga Johnson. Sa unang bahagi ng Nobyembre 1831 nagdaos si Joseph Smith ng isang kumperensya ng mga elder sa tahanan ng mga Johnson upang talakayin ang paglalathala ng mga paghahayag. Isa sa mga elder na dumalo ay si William E. McLellin.

Larawan
William E. McLellin

Idispley ang kalakip na larawan ni William E. McLellin.

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 13 ng Mga Banal: Tomo 1, paano nalaman ni William McLellin ang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo at ng banal na tungkulin ni Propetang Joseph Smith? (Pinag-aralan at ipinagdasal ni William ang Aklat ni Mormon at nakatanggap ng patotoo tungkol sa katotohanan nito. Kalaunan, sa pamamagitan ng paghahayag kay Propetang Joseph Smith, ang Panginoon ay naglaan ang mga sagot sa limang lihim na katanungan ni William para sa Panginoon [tingnan sa section heading ng D at T 66]. Ang karanasang ito ay mas nagpalakas sa patotoo ni William.)

Ipaalala sa mga estudyante na bagamat nakatanggap ng patotoo si William McLellin at ang iba pang dumalo sa kumperensya na ang Diyos ay nagsalita sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, may magkakaibang opinyon tungkol sa paglalathala ng mga paghahayag.

Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang kabanata 13 ng Mga Banal: Tomo 1. Anyayahan ang ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas mula sa pahina 162, simula sa talata na nag-uumpisa sa “Nag-usap ang konseho tungkol sa bagay na ito …” at nagtatapos sa talata sa pahina 163 na nagsisimula sa “Pagkatapos sabihin ni Joseph …” Sabihin sa klase na alamin kung ano ang nangyari sa pulong.

Ipaliwanag na ang mga paunang salita ng Panginoon ay nakatala ngayon sa bahagi 1 ng Doktrina at mga Tipan.

  • Sa patatapos ng kumperensya, ano ang kahalagahan ng pahayag ng Panginoon na “maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38)?

  • Bakit ang ilan sa mga elder ay atubili na magpatotoo tungkol sa katotohanan ng mga paghahayag?

Hilingin sa mga estudyante na magpares-pares o bumuo ng maliliit na grupo, at bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng kasamang handout na “‘Isang Patotoo sa Katotohanan ng mga Kautusang Ito’ (D at T 67:4).” Anyayahan sila na sundin ang mga tagubilin sa handout at talakayin ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa handout.

“Isang Patotoo sa Katotohanan ng mga Kautusang Ito” (D at T 67:4)

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 67:4–9 nang magkakasama, na inaalam kung paano tinugunan ng Panginoon ang mga pag-aalala ng mga elder tungkol sa mga paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph Smith.

  • Ayon sa talata 5, ano ang pinagtutuunan ng pansin ng mga elder? Paano nito naapektuhan ang paraan kung paano nila naunawaan ang mga paghahayag na natanggap ng Propeta?

  • Ano ang paanyaya ng Panginoon na gawin ng mga elder?

Basahin ang sumusunod na pahayag mula sa kasaysayan ni Joseph Smith tungkol sa nangyari matapos tanggapin ni Joseph ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 67:

“Si [William] E. McLellin, bilang pinakamatalinong tao, sa sarili niyang palagay, na mas maraming alam ngunit kulang sa pang-unawa, ay nagsikap na sumulat ng kautusang katulad ng isa sa pinakamadali sa Panginoon, ngunit nabigo; napakabigat na responsibilidad ang magsulat sa pangalan ng Panginoon. Ang mga elder, at lahat ng naroon na nakasaksi sa walang kabuluhang pagtatangka ng isang tao na gayahin ang wika ni Jesucristo, ay pinanibago ang kanilang pananampalataya sa kabuuan ng ebanghelyo, at sa katotohanan ng mga kautusan at paghahayag na ibinigay ng Panginoon sa simbahan sa pamamagitan ko; at ang mga elder ay nagpakita ng kahandaang patotohanan ang katotohanan nito sa buong mundo” (Manuscript History of the Church, vol. A-1, p. 162, josephsmithpapers.org).

  • Paano makakatulong ang paniniwala sa mga katotohanang ito upang mas manampalataya tayo sa mga salita ng mga buhay na propeta?

Larawan
handout ng “Isang Patotoo sa Katotohanan ng mga Kautusang Ito” (D at T 67:4)

Matapos ang sapat na oras, hilingin sa mga estudyante na ireport ang mga katotohanan na natukoy nila. Matapos silang sumagot, isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Inihahayag ng Diyos ang katotohanan sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta sa kabila ng kanilang mga kahinaan at kakulangan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–44). Bago basahin ang pahayag, ipaliwanag na ipinahayag ito ng Propeta anim na linggo bago siya namatay.

Larawan
Joseph Smith

“Kahit kailan hindi ko sinabi sa inyo na perpekto ako, ngunit walang mali sa paghahayag na itinuturo ko” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 609–610).

  • Sa paanong paraan nagiging makahulugan sa inyo ang patotoong ito ni Propetang Joseph Smith?

Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo sa katotohanan ng nakasulat sa pisara. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong patotoo sa alituntuning ito.

Habang sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay patuloy na gumagawa ng pagsasalin ng Biblia, nagkaroon sila ng isang pangitain tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian

Ipaliwanag na sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay nagpatuloy sa pagsasalin ng Bagong Tipan habang nakatira sa bahay nina John at Elsa Johnson sa Hiram, Ohio. Habang nagtatrabaho sila, naging malinaw na “maraming mahahalagang paksang tumatalakay sa kaligtasan ng tao ang inalis mula sa Biblia, o nawala bago ito [tinipon]” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 253). Habang nagmumuni-muni tungkol sa mga pagbabagong inspirado silang gawin sa Juan 5:29 hinggil sa doktrina ng pagkabuhay na mag-uli, sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay tumanggap ng kahanga-hangang pangitain na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76 (tingnan sa D at T 76:15–19).

Larawan
isang silid sa tahanan ni John Johnson

Ipakita sa mga estudyante ang kalakip na larawan ng isang silid sa tahanan ng mga Johnson. Ipaliwanag na dito tinanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76.

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na kuwento ng isang miyembro ng Simbahan na si Philo Dibble:

Larawan
Philo Dibble

“Sa panahon noong sina Joseph at Sidney ay nasa espiritu at nakitang bumukas ang kalangitan, may ibang mga tao sa silid, marahil ay labindalawa, isa ako sa mga taong ito sa ilang bahagi ng pangitain—marahil ay dalawa sa tatlong bahagi nito,—nakita ko ang kaluwalhatian at nadama ang kapangyarihan, ngunit hindi ko nakita ang pangitain. …

“Sinabi ni Joseph, sa magkakahiwalay na pagkakataon, ang: ‘Ano ang nakikita ko?’ … Pagkatapos ay sasabihin niya kung ano ang kanyang nakita o kung ano ang tinitingnan niya. Pagkatapos noon ay sasagot si Sidney ng, ‘Pareho tayo ng nakikita.’ Ilang sandali pagkatapos ay sasabihin ni Sidney na, ‘ano itong nakikita ko?’ at uulitin kung ano ang nakita niya o tinitingnan niya, at sasagot si Joseph ng, ‘Pareho tayo ng nakikita.’ …

“Nakaupong walang katinag-tinag at tahimik si Joseph sa gitna ng kagila-gilalas na kaluwalhatian, ngunit si Sidney ay nakaupong nanlalata at maputla, parang malatang tulad ng isang basahan. Nang mapansin ito, nakangiting sinabi ni Joseph na, ‘Hindi kasi sanay si Sidney na tulad ko’” (Philo Dibble, sa “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” The Juvenile Instructor, Mayo 1892, 303–4).

  • Ano ang tumimo sa inyo sa salaysay na ito?

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 14 ng Mga Banal: Tomo 1, sa paanong paraan naiiba ang mga katotohanang inihayag sa pangitain mula sa tradisyonal na paniniwala tungkol sa langit at impiyerno? (Sa pangitain, inihayag ng Panginoon na ang lahat ng tao maliban sa mga anak na lalaki ng kapahamakan ay mapupunta kalaunan sa isang kaharian ng kaluwalhatian [tingnan sa D at T 76:30–38, 43–44].)

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Brigham Young (1801–77). Sabihin sa klase na pakinggan kung paano tumugon ang ilang miyembro ng Simbahan nang malaman nila ang tungkol sa pangitain:

Larawan
Brigham Young

“Nang inihayag ng Diyos kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na may isang lugar na inihanda para sa lahat, alinsunod sa inspirasyon na kanilang tinanggap … , ito ay naging isang malaking pagsubok sa marami, at ang iba ay lubusang tumalikod dahil hindi ipadadala ng Diyos sa walang katapusang kaparusahan ang mga pagano at mga sanggol, bagkus sila ay may [lugar] ng kaligtasan, sa akmang panahon, para sa lahat, at bibiyayaan ang tapat at mabuti at makatotohanan, kabilang man sila o hindi sa anumang simbahan. Isa iyong bagong doktrina para sa salinlahing ito, at marami ang nahirapang tanggapin ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young [1997], 326–327).

  • Paano inilalarawan ng pahayag na ito ang hirap na hinarap ng ilang tao nang matutuhan nila ang mga katotohanan na salungat sa kanilang paniniwala o palagay?

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag. Hilingin sa klase na pakinggan kung ano ang personal na nadama ni Pangulong Brigham Young nang una niyang malaman ang tungkol sa pangitain.

Larawan
Brigham Young

“Iba ito sa aking mga pinaniniwalaan, kaya nang una kong makita ang Pangitain, kabaligtaran at salungat ito sa aking dating natutuhan. Sabi ko, Sandali lang. Hindi ko ito tinanggihan; ngunit hindi ko ito maunawaan” (Brigham Young, sa Journal of Discourses, 6:281).

  • Ano ang tumimo sa inyo tungkol sa tugon ni Pangulong Young sa pangitain?

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Young. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano niya natagpuan ang mga sagot sa kanyang mga tanong.

Larawan
Brigham Young

“[Kinailangan] kong mag-isip at manalangin, magbasa at mag-isip, hanggang sa lubos ko na itong nauunawaan sa aking sarili” (Brigham Young, sa Journal of Discourses, 6:281).

“Talagang masasabi ko na, sa aking opinyon, wala pang ibang paghahayag na naibigay na ganito kaluwalhati” (Brigham Young, sa Journal of Discourses, 8:153).

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa salaysay ni Pangulong Young? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang alituntunin, kabilang ang mga sumusunod: Kung hangad nating mas maunawaan pa sa halip na itatwa ang mga salitang inihayag ng Panginoon sa Kanyang mga propeta, darating ang panahon na pagtitibayin Niya ang katotohanan ng mga ito sa atin. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Sa palagay ninyo bakit mahalaga para sa atin na malaman at isabuhay ang katotohanang ito?

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Larawan
Henry B. Eyring

“Kung minsan ay makatatanggap tayo ng payo na hindi natin nauunawaan o tila hindi na angkop sa atin, sa kabila ng maingat na panalangin at pag-iisip. Huwag balewalain ang payo, sa halip ay madalas na pagnilayan ito. Kung inabutan ka ng isang taong pinagkakatiwalaan mo ng tila hindi hihigit pa sa mga buhangin na may pangakong naglalaman ito ng ginto, matalinong hawakan ninyo ito sa inyong kamay sandali at maingat itong alugin. Sa bawat pagkakataon na ginawa ko ito sa isang payo ng isang propeta, pagkaraan ng ilang panahon ay nagsisimulang lumitaw ang maninipis na ginto at nagpasalamat ako” (Henry B. Eyring, “Finding Safety in Counsel,” Ensign, Mayo 1997, 26).

  • Kailan pinagtibay ng Panginoon sa inyo ang katotohanan ng isang bagay na itinuro ng Kanyang mga propeta pagkatapos ninyong hangarin nang may pagtitiyaga ang mas malalim na pang-unawa? Ano ang natutuhan ninyo mula sa karanasang ito?

Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayang mabuti kung may anumang bagay na inihayag ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta na nahihirapan silang maunawaan. Anyayahan ang mga estudyante na isulat ang mga paraan na hahangarin nila ang dagdag na pang-unawa mula sa Panginoon.

Ang Propetang Joseph Smith at si Sidney Rigdon ay binugbog, at binuhusan ng alkitran at balahibo

Ipaliwanag na ang oposisyon sa paghahayag tungkol sa tatlong antas ng kaluwalhatian ay dumagdag sa tumitinding pagkapoot na itinutok ni Ezra Booth at ng iba pang mga dating miyembro ng Simbahan kina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon.

Hilingin sa isa o mas marami pang mga estudyante na ibuod ang natutuhan nila mula sa kanilang pagbabasa ng kabanata 14 ng Mga Banal: Tomo 1 hinggil sa mga karanasan nina Joseph Smith at Sidney Rigdon noong sila ay sinalakay, binugbog, at binuhusan ng alkitran at balahibo.

Sa halip na hilingin sa mga estudyante na ibuod ang talang ito, maaari mong ipalabas ang bahagi ng pelikulang Joseph Smith: The Prophet of the Restoration. Ipalabas ang pelikula mula sa time code 26:06 hanggang 28:13, na naglalahad ng pag-atake kay Joseph Smith. Ang pelikulang ito ay mapapanood sa ChurchofJesusChrist.org.

  • Ano kaya ang mararamdaman ninyo kung naranasan ninyo ang uri ng oposisyon na naranasan nina Emma at Joseph?

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na talata. Hilingin sa klase na pakinggan kung ano ang naalala ni Propetang Joseph Smith hinggil sa nangyari matapos ang pag-atake at sa kinaumagahan, na siyang araw ng Sabbath:

Larawan
Joseph Smith

“Ginugol ng mga kaibigan ko ang buong gabi sa pagkayod at pagtatanggal ng alkitran, at paghuhugas at paglilinis sa aking katawan; kaya nang mag-umaga ay handa na akong magbihis na muli.

“… Nagtipon ang mga tao para magpulong sa dating oras ng pagsamba, … at kasama nilang dumating ang mga mandurumog. … Kahit puno ng kalmot at sugat ang buong katawan ko, nangaral ako sa kongregasyon gaya ng dati, at pagsapit ng hapon sa araw na iyon ay nagbinyag ako ng tatlong tao” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 266).

  • Batay sa talang ito, ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Propetang Joseph Smith?

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98):

Larawan
Wilford Woodruff

“Bagaman kalaban [ni Joseph] ang buong mundo at kailangan niyang tiisin ang kataksilan ng mga huwad na kaibigan, kahit buong buhay niya ay puno ng problema at kaligaligan at pag-aalala, sa kabila ng lahat ng kanyang kasawian, pagkabilanggo, dinanas na pandurumog at masamang pakikitungo, nanatili siyang tapat sa kanyang Diyos” (Wilford Woodruff, sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 267).

Magtapos sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol sa tungkulin ni Propetang Joseph Smith bilang isang propeta ng Diyos. Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang mga propeta ng Panginoon at hangarin na makaunawa at mamuhay ayon sa kanilang mga salita.

Anyayahan ang mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng kabanata 15 ng Mga Banal: Tomo 1.

Larawan
handout ng “Isang Patotoo sa Katotohanan ng mga Kautusang Ito” (D at T 67:4)

Print