“Lesson 10: Si Joseph Smith ay Naglakbay sa Pagitan ng Ohio at Missouri, Patuloy na Isinalin ang Biblia, at Lumipat sa Kirtland,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)
“Lesson 10,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846
Lesson 10
Si Joseph Smith ay Naglakbay sa Pagitan ng Ohio at Missouri, Patuloy na Isinalin ang Biblia, at Lumipat sa Kirtland
Pambungad at Timeline
Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, noong Abril 1, 1832, si Propetang Joseph Smith at ang iba pa ay umalis patungong Missouri upang pangasiwaan ang gawain ng Simbahan (tingnan sa D at T 78:9). Nang bumalik si Joseph Smith mula sa Missouri noong Hunyo 1832, muli siyang nanirahan sa Hiram, Ohio, at ginawa ang pagsasalin ng Biblia. Noong Setyembre 1832, si Joseph Smith at ang kanyang pamilya ay lumipat sa silid sa itaas ng Tindahan ni Newel K. Whitney sa Kirtland, Ohio. Ang mga silid sa itaas ng tindahan ang nagsilbing punong tanggapan ng Simbahan hanggang Pebrero 1834. Sa panahong ito, nagpatuloy si Propetang Joseph Smith sa kanyang pagsasalin ng Biblia at tumanggap ng karagdagang mga paghahayag na gumabay sa pag-unlad ng Simbahan.
-
Abril–Hunyo, 1832Si Propetang Joseph Smith ay naglakbay patungo at mula sa Missouri.
-
Hulyo 1832Natapos ni Joseph Smith ang kanyang unang pagsasalin ng Bagong Tipan at ipinagpatuloy ang kanyang pagsasalin ng Lumang Tipan.
-
Setyembre 12, 1832Itinayo ni Joseph Smith ang kanyang tirahan at ang punong-tanggapan ng Simbahan sa Tindahan ng mga Whitney sa Kirtland, Ohio.
-
Pebrero 2, 1833Natapos ni Joseph Smith ang kanyang pagsasalin at pagrerepaso ng Bagong Tipan.
-
Hulyo 2, 1833Natapos ni Joseph Smith ang kanyang pagsasalin Lumang Tipan.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), kabanata 15
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, naglakbay si Propetang Joseph Smith patungo at mula sa Missouri
Idispley ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ipinapakita rito na hawak ni Emma Smith ang kanyang ampon na anak na babae na si Julia noong gabi na si Joseph Smith ay binuhusan ng alkitran at balahibo.
-
Batay sa nabasa ninyo sa Mga Banal: Tomo 1, ano ang nangyari sa kakambal ni Julia na si Joseph? (Ang sanggol na may sakit ay namatay hindi pa nagtatagal pagkatapos ng gabing si Joseph Smith ay binuhusan ng alkitran at balahibo. Ang pagkalantad sa malamig na hangin sa oras ng paglusob ay maaring naging sanhi ng pagkamatay ng sanggol.)
Ipaalala sa mga estudyante na noong Abril 1, 1832, tatlong araw matapos ang pagkamatay ng kanyang anak at pitong araw matapos siyang buhusan ng alkitran at balahibo, sinunod ni Joseph Smith ang utos ng Panginoon na maglakbay ng 800 milya mula Ohio hanggang Missouri upang “maupo sa kapulungan kasama ang mga banal” sa Jackson County (D at T 78:9).
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na talata tungkol sa paglalakbay ng Propeta pabalik sa Ohio:
Noong Mayo 6, 1832, nagsimula sina Propetang Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Bishop Newel K. Whitney sa kanilang paglalakbay pabalik sa Ohio lulan ng isang karwahe. Nang malapit na sila sa Greenville, Indiana, ang kanilang mga kabayo ay natakot. Nangangamba para sa kanilang buhay, ang ilan sa mga pasahero ay tumalon palabas ng karwahe. Matagumpay na nakatalon si Joseph, ngunit habang tumatalon si Newel, sumabit ang kanyang paa sa gulong, at nabali ang ilang bahagi ng kanyang binti at paa. Si Sidney ay nagpatuloy sa paglalakbay pabalik sa Kirtland dala ang balita tungkol sa aksidente habang si Joseph ay nanatili sa Greenville kasama si Newel, kung saan ang kanyang pinsala ay napakatindi kaya hindi ito makabangon mula sa higaan sa loob ng ilang linggo. (Tingnan ang Manuscript History of the Church, vol. A-1, p. 215–16, josephsmithpapers.org.)
Hatiin ang klase sa tatlo o higit pang maliliit na grupo. Bigyan ang bawat grupo ng isa sa mga kalakip na handout tungkol sa nangyari habang ang Propeta ay nasa Greenville. Sabihin sa mga grupo na magkakasamang basahin ang kanilang handout at talakayin ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa kanilang handout.
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa isang estudyante mula sa bawat grupo na ibuod para sa klase ang pangyayari na nabasa nila sa kanilang handout.
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa magagandang katangian ni Joseph Smith mula sa mga talang ito?
-
Anong mga alituntunin o katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga salaysay na ito? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang alituntunin o katotohanan, kabilang ang sumusunod: Mapapalakas natin ang ating relasyon sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pag-uukol ng panahon na manalangin at magnilay-nilay. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoon at kapangyarihan ng priesthood, tayo ay mapapagaling. Ang mga salita ng mga propeta ng Panginoon ay matutupad.)
Si Joseph Smith ay bumalik sa Hiram, Ohio, at ipinagpatuloy ang kanyang pagsasalin ng Bagong Tipan
Ipaliwanag na nang makabalik si Joseph Smith sa Hiram, Ohio, noong Hunyo 1832, ipinagpatuloy niya ang kanyang pagsasalin ng Bagong Tipan. Si Joseph Smith ay “inutusan ng Diyos na gumawa ng pagsasalin at ipalagay na ito ay bahagi ng kanyang tungkulin bilang isang propeta” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagsasalin ni Joseph Smith (PJS),” scriptures.ChurchofJesusChrist.org; tingnan din sa D at T 35:17–20; Manuscript History, vol. A-1, p. 175).
Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Inutusan ng Panginoon si Joseph Smith na gumawa ng isang inspiradong pagsasalin ng Biblia.
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang isa sa mga layunin ng Pagsasalin ni Joseph Smith, anyayahan ang isang estudyante na basahin ang 1 Nephi 13:28–29, 34 nang malakas. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang nakita ni Nephi sa kanyang pangitain tungkol sa Biblia at kung paano ito nauugnay sa pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia.
-
Paano tayo natutulungan ng pangitain ni Nephi na maunawaan ang isa sa mga layunin ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia? (Ang isang layunin ng Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia ay ang ibalik ang “[malilinaw] at mahahalagang bahagi ng ebanghelyo” [1 Nephi 13:34]. Tingnan din sa Moises 1:23, 40–41.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:
Hindi “isinalin” ni Propetang Joseph Smith ang Biblia sa karaniwang kahulugan ng salita. Hindi siya nag-aral ng mga sinaunang wika upang maisalin ang mga orihinal na teksto sa Ingles. Sa halip, ang Pagsasalin ni Joseph Smith ay “pagbabago o pagsasalin ng King James Version ng Biblia sa Ingles” (Guide to the Scriptures, “Joseph Smith Translation (JST),” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Ang mga pagbabago o rebisyon ay maaaring kumatawan sa ilang iba’t ibang uri ng mga pagbabago, kabilang na ang “pagpapanumbalik ng orihinal na teksto, pagsasaayos ng mga salungatan sa loob mismo ng Biblia at inspiradong komentaryo” ni Propetang Joseph Smith (“Translation and Historicity of the Book of Abraham,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org; tingnan din sa Robert J. Matthews, “A Plainer Translation”: Joseph Smith’s Translation of the Bible: A History and Commentary [1985], 253).
Idispley ang kalakip na timeline, at ipaliwanag na si Joseph Smith ay nagsimula sa pagsasalin ng Biblia noong Hunyo 1830. Mula Hunyo 1830 hanggang Marso 1831, isinalin ng Propeta ang Genesis 1–24. Ang aklat ni Moises sa Mahalagang Perlas ay bahagi ng pagsasaling iyon. Magtakda sa bawat estudyante ng isa o higit pang mga kabanata mula sa mga aklat ni Moises. Sabihin sa kanila na rebyuhin ang mga chapter heading, na hinahanap ang mga katotohanang ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.
-
Anong mga katotohanan ang ipinanumbalik ng Propeta na matatagpuan sa aklat ni Moises? (Ipinanumbalik ng Propeta ang mahahalagang katotohanan hinggil sa kaugnayan ng Diyos sa sangkatauhan, kabilang na ang Kanyang gawain at kaluwalhatian na isakatuparan ang ating kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan, ang premortal na buhay, ang paglikha, ang Pagkahulog ni Adan at Eva, at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ipinanumbalik din niya ang mga katotohanan tungkol kay Enoc at sa kanyang mga tao, kay Noe at sa Baha, at ang mga huling araw at katapusan ng mundo.)
-
Ayon sa timeline, kailan iniutos ng Panginoon sa Propeta na simulan ang pagsasalin ng Bagong Tipan?
Ipaliwanag na habang isinasalin ni Propetang Joseph Smith ang Bagong Tipan, tumanggap siya ng karagdagang mga paghahayag, tulad ng Doktrina at mga Tipan 76, 77, at 91. Natapos ng Propeta ang kanyang unang pagsasalin ng Bagong Tipan noong Hulyo 1832 at pagkatapos ay nagsimula sa kanyang pagsasalin ng Lumang Tipan. Natapos niya ang kanyang pagsasalin ng Lumang Tipan noong Hulyo 1833, bagamat gumawa siya ng ilang karagdagang pagwawasto at pagsasaayos kalaunan. Tinapos niya ang pagpipino ng kanyang pagsasalin ng Bagong Tipan noong Pebrero 1833.
Magpatotoo na ang pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia ay isang mahalagang bahagi ng Pagpapanumbalik dahil naipanumbalik nito ang maraming katotohanan na kailangan sa ating kaligtasan (tingnan sa D at T 35:20).
Sina Joseph Smith at ang kanyang pamilya ay bumalik sa Kirtland, Ohio
Idispley ang kalakip na mapang, “Ang New York, Pennsylvania, at Ohio Area ng Estados Unidos.” Ipaliwanag na noong Setyembre 1832, ang Propeta at ang kanyang pamilya ay lumipat mula sa Hiram, Ohio, pabalik sa Kirtland at nanirahan sa tindahan ng mga Whitney.
Ipakita ang larawan ng Tindahan ng mga Whitney, at ipaliwanag na ang pamilyang Smith ay tumira rito at ginamit ni Joseph Smith ang ilan sa mga silid sa itaas ng tindahan bilang punong-tanggapan ng Simbahan sa sumunod na 17 buwan. Noong taglagas ng 1832, ang ilang bagong miyembro, kabilang na si Brigham Young, ay dumating sa Kirtland upang makita ang Propeta.
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Brigham Young (1801–77):
“Nagpunta kami sa bahay ng ama [ni Joseph] at nalaman na [si Joseph] ay nagsisibak sa gubat. Kaagad kaming nagtungo sa kakahuyan, kung saan ay nakita namin ang Propeta, at ang dalawa o tatlo sa kanyang mga kapatid na nagsisibak at naghihila ng kahoy. Dito ay nalubos ang aking kagalakan dahil sa pribilehiyong kamayan ang Propeta ng Diyos, at tumanggap ng tiyak na patotoo, sa pamamagitan ng Diwa ng propesiya, na siya ang lahat ng maaaring paniwalaan ninuman, bilang isang tunay na Propeta. Masaya siyang makita kami, at malugod niya kaming binati. Hindi naglaon ay nagbalik kami sa kanyang bahay kasama niya.
“Pagsapit ng gabi, ang ilan sa mga kapatid ay dumating, at sama-sama naming pinag-usapan ang mga bagay ukol sa kaharian. Hiniling niya sa akin na manalangin; sa aking panalangin, nagsalita ako sa iba’t ibang wika. Matapos kaming magdasal at tumayo mula sa pagkakaluhod, pinalibutan siya ng mga kapatid, at tinanong ang kanyang opinyon hinggil sa kaloob na mga wika na nasa akin. Sinabi niya sa kanila na ito ay ang dalisay na wika ni Adan. Sinabi ng ilan sa kanya na inaasahan nilang kokondenahin niya ang kaloob na taglay ni kapatid na Brigham, ngunit sinabi niya, ‘Hindi, ito ay sa Diyos, at darating ang panahon na si kapatid na Brigham Young ang mamumuno sa Simbahang ito.’ Wala ako noong sinabi ang huling bahagi ng pag-uusap na ito” (“History of Brigham Young,” Millennial Star, Hulyo 1863, 439).
-
Ano ang tumimo sa inyo sa salaysay na ito?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng nakatanggap ng tiyak na patotoo si Brigham Young “sa pamamagitan ng Diwa ng propesiya” na si Joseph Smith ay isang propeta? (Kung kailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan na “ang diwa ng propesiya” ay isang pagpapamalas ng Espiritu Santo [tingnan sa Alma 5:47].)
Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Malalaman natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos.
Ipaliwanag na bagamat wala tayong pagkakataon na makilala si Joseph Smith sa buhay na ito tulad ni Brigham Young, maaari pa rin tayong makatanggap ng patotoo na siya ay isang propeta. Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith ay maaaring dumating sa atin sa magkakaibang paraan. Maaari itong dumating habang nakaluhod kayo sa panalangin, na hinihiling sa Diyos na patunayan na siya ay totoong propeta. Maaari itong dumating habang binabasa ninyo ang salaysay ng Propeta tungkol sa Unang Pangitain. Ang patotoo ay maaaring magpadalisay sa inyong kaluluwa habang paulit-ulit ninyong binabasa ang Aklat ni Mormon. Maaari itong dumating sa pagpapatotoo ninyo tungkol sa Propeta o habang nasa templo kayo at natatanto na sa pamamagitan ni Joseph Smith ang banal na kapangyarihang magbuklod ay ipinanumbalik sa lupa. Taglay ang pananampalataya at tunay na layunin, ang inyong patotoo kay Propetang Joseph Smith ay lalakas” (Neil L. Andersen, “Joseph Smith,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 30).
-
Ano ang nakatulong sa inyo na malaman na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos?
Ibahagi ang iyong patotoo kung paano mo nalaman na si Joseph Smith ay isang propeta. Anyayahan ang mga estudyante na gawin ang kinakailangan upang matanggap o mapalakas ang kanilang patotoo na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos.
Idispley ang kalakip na larawan ng isa sa mga silid sa itaas ng Tindahan ng mga Whitney, kung saan idinaos ang Paaralan ng mga Propeta mula Enero hanggang Abril 1833.
-
Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 15 ng Mga Banal: Tomo 1, ano ang ilan sa mga paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph Smith noong nanirahan siya sa Tindahan ng mga Whitney? (Ang Propeta ay tumanggap ng paghahayag tungkol sa priesthood [tingnan sa D at T 84]; isang propesiya tungkol sa digmaan, kabilang na ang Digmaang Sibil ng Estados Unidos [tingnan sa D at T 87]; ang utos na magtayo ng templo sa Ohio at magtatag ng Paaralan ng mga Propeta [tingnan sa D at T 88]; at ang paghahayag na kilala bilang Salita ng Karunungan o Word of Wisdom [tingnan sa D at T 89].)
Tapusin ang lesson na ito sa pagpapatotoo sa mga katotohanang tinalakay ninyo. Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang anumang pahiwatig na natanggap nila na kumilos ayon sa mga katotohanang ito.
Anyayahan ang mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kabanata 16–17 ng Mga Banal: Tomo 1.