Institute
Lesson 27: Ang Korum ng Labindalawang Apostol ay Sinang-ayunan na Mamuno sa Simbahan


“Lesson 27: Ang Korum ng Labindalawang Apostol ay Sinang-ayunan na Mamuno sa Simbahan” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 27,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 27

Ang Korum ng Labindalawang Apostol ay Sinang-ayunan na Mamuno sa Simbahan

Pambungad at Timeline

Noong tag-init ng 1844, ang mga Banal sa Nauvoo, Illinois, ay nagdalamhati sa pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith. Matapos malaman ang tungkol sa martir na pagkakapaslang, nagsimulang maglakbay pabalik sa Nauvoo ang mga Apostol at iba pang naglilingkod sa misyon sa silangang Estados Unidos. Si Sidney Rigdon, na nakatira sa estado ng Pennsylvania upang tumulong sa kampanya para sa pagkapangulo ni Joseph Smith, ay naglakbay rin pabalik sa Nauvoo. Dumating siya noong Agosto 3, 1844, at nag-alok na gagabayan ang Simbahan bilang isang “tagapag-alaga” sa pagkawala ni Joseph. Hindi nagtagal, ilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ang bumalik, at idinaos ang mga pulong kung saan kapwa sina Sidney Rigdon at Brigham Young, na Pangulo ng Labindalawa, ay nagsalita sa mga Banal. Habang nagsasalita si Brigham Young, ipinamalas ang kalooban ng Panginoon, at sinang-ayunan ng mga Banal ang Korum ng Labindalawang Apostol na mamuno sa Simbahan.

Hunyo 27, 1844Pinaslang sina Joseph at Hyrum Smith sa Carthage, Illinois.

Agosto 3, 1844Dumating si Sidney Rigdon sa Nauvoo at nagsabi na siya ang maging tagapangalaga ng Simbahan.

Agosto 6, 1844Dumating sina Brigham Young at apat na iba pang mga Apostol sa Nauvoo mula sa kanilang misyon sa silangang Estados Unidos.

Agosto 7, 1844Nagsalita sina Brigham Young at Sidney Rigdon sa mga konseho ng Simbahan tungkol sa mga mamumuno sa Simbahan sa hinaharap.

Agosto 8, 1844Sinang-ayunan ng libu-libong mga Banal sa Nauvoo ang Korum ng Labindalawang Apostol na mamuno sa Simbahan.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), kabanata 45

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Nagdadalamhati ang mga miyembro ng Simbahan sa pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith, at natanto ni Brigham Young na ang mga susi ng priesthood ay hindi nawala

Idispley ang sumusunod na sipi mula sa artikulong inilathala sa Weekly Herald, isang pahayagan sa New York, noong Hulyo 13, 1844, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

“Kahapon ay natanggap namin sa pamamagitan ng koreo sa kanluran ang sumusunod na mga detalye ng pagkamatay ni Joe Smith, ang Propeta at kanyang kapatid na si Hiram.

Na sila ay kapwa binaril. …

“Sa gayon nagwawakas ang Mormonismo” (“Important from Nauvoo—Death of Joe and Hiram Smith—Terrible Excitement at the West,” Weekly Herald, Hulyo 13, 1844, 220–21).

  • Sa palagay ninyo, bakit inakala ng ilang tao na ang Simbahan ay hindi na magpapatuloy matapos ang pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith?

Ipaliwanag na ang mga miyembro ng Simbahan ay may iba’t ibang reaksyon sa pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas mula sa tatlong talang ito. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano tumugon ang ilang tao sa pagkamatay nina Joseph at Hyrum Smith.

  1. Itinala ni Lucy Mack Smith ang nangyari nang maibalik ang mga labi nina Joseph at Hyrum sa Nauvoo:

Larawan
Lucy Mack Smith

“Pagkatapos na ang mga labi ay nilinis at sinuutan ng kanilang damit na pamburol pinayagan kami na makita sila. Matagal kong pinalakas ang loob ko, pinukaw ang bawat lakas ng aking kaluluwa, at nanawagan sa Diyos upang palakasin ako; subalit nang ako ay pumasok sa silid, at nakita ang mga pinaslang na anak ko, kagyat na kapwa nakahimlay sa harapan ng aking mga mata; at narinig ang mga hikbi at hinagpis ng aking pamilya—ang mga daing ng ‘Ama! Asawa ko! Mga Kapatid ko!’ sa mga labi ng kanilang mga asawa, anak, mga kapatid, naging labis na ito—pabalik akong napahimpil na nagsusumamo sa Panginoon sa labis na paghihirap ng aking kaluluwa, ‘Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo pinabayaan ang pamilyang ito?’ Sumagot ang isang tinig, ‘Kukunin ko sila sa aking sarili upang sila ay magkaroon ng kapahingahan.’ Binuhat si Emma pabalik sa kanyang silid na halos wala nang malay. Nilapitan ng kanyang panganay na anak ang labi at napaluhod, at [inihimlay] ang kanyang pisngi sa kanyang ama; at paghalik dito, ibinulalas niya, ‘O, aking ama! ama ko!!’” (Lucy Mack Smith, “Lucy Mack Smith, History, 1845,” pahina 312–13, josephsmithpapers.org; iniayon ang pagbabantas sa pamantayan).

  1. Itinala ng miyembro ng Simbahan na si Warren Foote ang mga sumusunod:

Larawan
Warren Foote

“Kami ni Elihu Allen ay nagtatrabaho sa bukid na inaani ang kanyang trigo nang mga alas-tres N.H. dumating ang aking asawa at sinabi sa amin na dumating ang balita na sina Joseph Smith at ang kanyang Kapatid, si Hyrum ay binaril sa Piitan ng Carthage kahapon ng hapon. Sinabi ko kaagad ‘na hindi maaari ito.’ … Nadama naming lahat na para bang nanaig ang kapangyarihan ng kadiliman at tinalikuran ng Panginoon ang Kanyang mga tao. Ang ating propeta at patriyarka ay naglaho. Sino ngayon ang mamumuno sa mga Banal?” (Warren Foote, Autobiography and journals, 1837–1903, 29, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay sa pamantayan).

  1. Sina Apostol Brigham Young at Wilford Woodruff ay nasa Boston, Massachusetts, noong araw ng pagmamartir. Ginunita ni Wilford Woodruff na siya at si Brigham Young ay kapwa nakaranas ng pakiramdam na “natatakluban ng isang ulap ng kadiliman at kalungkutan,” bagama’t hindi nila maunawaan kung bakit hanggang lumipas ang ilang linggo, nang malaman nila na sina Joseph at Hyrum Smith ay napatay (Wilford Woodruff, “The Keys of the Kingdom,” Millennial Star, Set. 2, 1889, 545).

  • Kung kayo ay kasama ng mga naunang Banal sa panahong iyon, ano ang maaaring maiisip o mararamdaman ninyo sa pagkakatanggap ng balita na napatay sina Joseph at Hyrum Smith? Bakit?

Ipabasa sa isang estudyante na basahin nang malakas ang reaksyon ni Pangulong Brigham Young (1801–77) nang mabalitaan niya na pinatay ang Propeta:

Larawan
Brigham Young

“Nang natanggap namin ang liham na iyon, naroon ako at si Orson Pratt at binasa ang liham. Nadama ko noon ang kailanman hindi ko nadama sa buhay ko. … Nalugmok sa paghihinagpis ang ulo ko akala [ko] ay mabibiyak ito. … Wala na ba sa lupa ang Pagkasaserdote? Wala na sina Joseph at Hyrum Smith. [Pagkatapos] ay bigla kong naisip. Ito ay dumating sa akin tulad ng Paghahayag—narito ang mga susi ng kaharian” (Brigham Young, sa Historian’s Office general Church minutes, Peb. 12, 1849, 2, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay, pagbabantas, at balarila sa pamantayan).

  • Ano ang nagbigay-aliw kay Brigham Young matapos niyang malaman ang tungkol sa pagkamatay ni Joseph Smith?

Idispley ang mga sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–44) at Pangulong Boyd K. Packer (1924-2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ng Propeta at ni Pangulong Packer tungkol sa mga susi ng kaharian ng Diyos. (Bago basahin ang pahayag ni Joseph Smith, ipaliwanag na ginawa niya ang pahayag na ito sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawa noong tagsibol ng 1844.)

Larawan
Joseph Smith

“Mga kapatid, iniatas sa akin ng Panginoon na bilisan natin ang gawaing ibinigay sa atin. … May mahalagang pangyayari na malapit nang maganap. Maaaring patayin ako ng aking mga kaaway. At sakali mang gawin nila iyon, at hindi ko naigawad sa inyo ang mga susi at kapangyarihan, mawawala ang mga ito sa mundo. Ngunit kung mapagtatagumpayan kong maipatong ang mga ito sa inyong mga ulunan kung gayon maaaari na akong mapasakamay ng mga mamamatay-tao kung tulutan ito ng Diyos, at maaari na akong pumanaw nang may galak at kasiyahan, nalalamang natapos ko na ang gawain, at nailatag na ang pundasyon kung saan itatayo ang kaharian ng Diyos sa dispensasyong ito ng kaganapan ng panahon.

“‘Sa mga balikat ng Labindalawa dapat nakaatang ang responsibilidad na pamunuan ang Simbahang ito hanggang sa humirang kayo ng mga taong papalit sa inyo” (sinipi sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 623).

Larawan
Boyd K. Packer

“Nang mag-isa at bilang isang grupo, hawak ng Labindalawa ang mga susi” (Boyd K. Packer, “The Shield of Faith,” Ensign, May 1995, 7).

  • Batay sa mga pahayag na ito, anong katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa awtoridad ng mga taong inorden bilang mga Apostol? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Hawak ng mga Apostol ang lahat ng mga susi ng priesthood na kailangan upang pamunuan ang Simbahan. [Tingnan din sa D at T 27:12–13; 112:30–32.])

  • Bakit mahalaga na bawat miyembro ng Labindalawa ay matanggap ang lahat ng mga susi ng kaharian ng Diyos na kinakailangan upang mamuno sa Simbahan kapag siya ay inordenan bilang Apostol?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na atas mula sa kasaysayan ni Propetang Joseph Smith:

“Ang Labindalawa ay hindi sasailalim sa sinuman maliban sa unang Panguluhan … ‘at kung wala ako, walang unang panguluhan; na may awtoridad sa labindalawa’” (Manuscript History of the Church, vol. B-1, p. 691, josephsmithpapers.org).

  • Ano ang natutunan natin mula sa pahayag na ito tungkol sa nangyayari sa Unang Panguluhan kapag pumanaw ang Pangulo ng Simbahan?

Sinang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan ang Korum ng Labindalawang Apostol na mamuno sa Simbahan

Ipaliwanag na matapos ang pagpanaw ni Joseph Smith ay nagkaroon ng kalituhan sa mga Banal tungkol sa kung sino dapat ang mamuno sa Simbahan.

Hatiin ang klase sa mga grupo na may dalawa hanggang apat na estudyante, at bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng kasamang handout, “Mga Mahahalagang Sandali na Humantong sa Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan.” Sabihin sa mga grupo na basahin ang handout nang sabay-sabay, na hinahanap ang ilan sa mga pangyayaring naganap bago ang paghalili sa pamumuno sa Simbahan. Sabihin sa kanila na talakayin ang kanilang mga sagot sa mga tanong na nasa handout.

Mga Mahahalagang Sandali na Humantong sa Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan

Larawan
Sidney Rigdon

Sidney Rigdon

Agosto 3, 1844. Dumating si Sidney Rigdon sa Nauvoo. Nasa Pennsylvania siya at naghahanda para sa kampanya ng pagkapangulo ni Joseph Smith nang malaman niya ang tungkol sa pagkamatay ni Joseph Smith. Kinabukasan matapos ang kanyang pagdating, hayagan niyang inalok na pamunuan ang Simbahan bilang “tagapag-alaga” sa pagkawala ni Joseph.

Agosto 5, 1844. Si James J. Strang, isang bagong binyag na miyembro na may limang buwan, ay nagsalita sa isang pagtitipon ng mga Banal sa Florence, Michigan. Sa pulong, inilahad ni James ang isang mapanlinlang na liham na sinasabi niyang isinulat ni Joseph Smith, na tumutukoy kay James bilang kahalili ng propeta.

Agosto 6, 1844. Sina Elder Brigham Young, Heber C. Kimball, Lyman Wight, Orson Pratt, at Wilford Woodruff ng Korum ng Labindalawang Apostol ay dumating sa Nauvoo mula sa kanilang misyon sa silangang Estados Unidos.

Agosto 7, 1844. Nagpulong ang mga lider ng Simbahan sa Nauvoo. Si Sidney Rigdon, na naging tagapayo ni Joseph sa Unang Panguluhan, ay nagsalita sa grupo. Inangkin ni Sidney na siya ay nakakita ng isang pangitain at “walang taong maaaring maging kahalili ni Joseph,” subalit kanyang inaalok na siya ay maging “tagapag-alaga” ng Simbahan (sa “History of Joseph Smith,” Millennial Star, Abr. 4, 1863, 215).

Si Brigham Young, na namumuno sa Labindalawa, ay maikli ring nagsalita, nagsasabing:

Larawan
Brigham Young

“Hindi mahalaga sa akin kung sino ang mamumuno sa simbahan, … ngunit isang bagay ang nais ko lang malaman ay kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol dito. … Iginawad ni Joseph sa aming mga ulunan ang lahat ng mga susi at mga kapangyarihang nakapaloob sa pagiging apostol na siya mismo ang nagtaglay bago siya pumanaw, at walang lalaki o kalalakihan ang makapamamagitan kay Joseph at sa Labindalawa sa mundong ito o sa mundong darating” (Brigham Young, sa Manuscript History of the Church, vol. F-1, p. 296, josephsmithpapers.org).

  • Sa inyong palagay, paano kayo tutugon sa mga pangyayaring ito kung kayo ay isang miyembro ng Simbahan noong panahong ito?

  • Paano maaaring ang kaalaman na ipinagkaloob ni Joseph Smith ang mga susi ng kaharian sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nakatulong sa mga Banal na maunawaan ang kalooban ng Diyos sa bagay na ito?

Larawan
Handout: Mga Mahahalagang Sandali na Humantong sa Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa handout.

Isulat sa pisara ang sumusunod na petsa: Agosto 8, 1844.

Ipaliwanag na noong umaga ng Agosto 8, 1844, nagsalita si Sidney Rigdon sa isang pagtitipon ng libu-libong mga Banal at muling iminungkahi na maging tagapag-alaga siya ng Simbahan. Kalaunan sa araw na iyon, isang espesyal na kumperensya ang idinaos kung saan nagsalita si Brigham Young sa mga Banal nang mahigit isang oras.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na sipi mula sa mensahe ni Brigham Young sa kumperensya:

Larawan
Brigham Young

“Napakaraming nasambit tungkol kay Pangulong Rigdon na maging pangulo ng simbahan at pamunuan ang mga tao, bilang pinuno. … Kung nais ng mga tao na pamunuan sila ni Pangulong Rigdon, kung gayon sumunod sila sa kanya; ngunit sasabihin ko sa inyo na ang Korum ng Labindalawa ang may hawak ng mga susi ng kaharian ng Diyos sa buong mundo. Ang Labindalawa ay itinakda ng daliri ng Diyos” (Brigham Young, sa Manuscript History of the Church, vol. F-1, p. 298, josephsmithpapers.org).

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 45 ng Mga Banal: Tomo 1, ano ang naranasan ng maraming miyembro ng Simbahan habang sila ay nanonood at nakikinig kay Brigham Young na nangungusap? (Marami sa mga Banal ay tumanggap ng espirituwal na pahiwatig na si Brigham Young, ang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay hinirang ng Diyos upang mamuno sa Simbahan. Ang ilan ay kalaunang nag-ulat na sa loob ng sandaling panahon ay tila nahahawig si Brigham Young sa hitsura, pananalita, at mga gawi ni Joseph Smith.)

Sabihin sa dalawang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na mga salaysay ng mga miyembro ng Simbahan na sina Emily Smith Hoyt at Pangulong George Q. Cannon (1827–1901), na kalaunan ay naglingkod sa Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano inilarawan ng mga taong ito ang nangyari habang nagsasalita si Pangulong Brigham Young sa mga Banal.

“Ang pamamaraan ng pagpapaliwanag, ang pahiwatig ng anyo, ang tinig ng boses ay nagbigay-sigla sa buo kong kaluluwa. Namalas ng sarili kong mga mata ang pinaslang na labi ni Joseph. Ang aking sariling mga kamay, ay nadama ang nagyeyelong lamig ng kamatayan sa kanyang noo na minsa’y marangal. Alam kong patay na si Joseph. Ngunit madalas pa rin akong magulat at biglang napapatingin sa pulpito para makita kung hindi iyon si Joseph. Hindi nga, ito ay si Brigham Young at kung sinuman ang nagdududa sa karapatan ni Brigham na pamahalaan ang mga gawain para sa mga Banal, ang tangi kong masasabi sa kanila ay ito. Malalaman mo para sa iyong sarili sa pamamagitan ng diwa ng Diyos. Maglalaan ang Panginoon sa kanyang mga tao” (Emily Smith Hoyt, sa Lynne Watkins Jorgensen at BYU Studies Staff, “The Mantle of the Prophet Joseph Passes to Brother Brigham: A Collective Spiritual Witness,” BYU Studies, tomo 36, blg. 4 [1996–97], 164).

Larawan
George Q. Cannon

“Si Brigham Young … ay tumayo at nagsalita sa mga tao. … Na sa pagkakataong iyon ang mga naroroon ay kailanman hindi malilimutan ang impresyon na ginawa nito sa kanila! Kung si Joseph ay babangong muli mula sa mga patay at muling magsasalita sa kanila, ang epekto ay hindi magiging ganoong nakabibigla sa mga naroroon sa pulong na iyon. Iyon ang tinig ni Joseph mismo; at hindi lamang tinig ni Joseph ang narinig; ngunit tila sa mata ng mga tao ay ang mismong katauhan ni Joseph ang nakatayo sa harapan nila. Wala pa kaming naririnig na pangyayari na higit na kalugud-lugod at kahima-himala kaysa sa nangyari sa araw na iyon sa harap ng kongregasyon. Ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga tao ang patotoo na nagbigay-katiyakan sa kung sinong tao ang Kanyang pinili upang mamuno sa kanila. Kapwa nila nakita at narinig ng kanilang likas na mga mata at tainga, at pagkatapos ay ang mga salitang sinambit ay dumating, kasama ang nakapanghihikayat na kapangyarihan ng Diyos, sa kanilang mga puso, at sila ay napuspos ng Espiritu at ng labis na kagalakan. Nagkaroon ng lungkot, at, sa ilang puso marahil ay pag-aalinlangan at kawalang-katiyakan; ngunit ngayon ay malinaw sa lahat na narito ang tao na pinagkalooban ng Panginoon ng kailangang awtoridad na kumilos sa kalipunan nila bilang kahalili ni Joseph” (George Q. Cannon, “Joseph Smith, the Prophet,” Juvenile Instructor, Okt. 29, 1870, 174–75).

  • Ano ang pinakanapansin ninyo sa mga talang ito?

Ipaliwanag na pagkatapos ng mensahe ni Brigham Young sa pulong noong Agosto 8, 1844, humiling siya ng isang boto. Sinang-ayunan ng mga Banal ang Korum ng Labindalawang Apostol, si Brigham Young bilang pangulo nito, bilang tagapamahala ng Simbahan. Ang Simbahan ay sumulong sa ilalim ng pamumuno at pamamahala ng Labindalawa nang mahigit tatlong taon hanggang sa ang Unang Panguluhan ay muling inorganisa at si Brigham Young ay sinang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan noong Disyembre 1847.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Moroni 10:5 . Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at isipin kung paano makatutulong ang talatang ito sa isang tao na naghahangad ng patotoo na ang mga namumuno sa Simbahan ay tinawag ng Diyos.

  • Paanong ang turo ni Moroni sa talatang ito ay makatutulong sa isang tao na naghahangad ng patotoo na ang mga namumuno sa Simbahan ay tinawag ng Diyos? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, makatatanggap tayo ng patotoo na ang mga namumuno sa Simbahan ay tinawag ng Diyos.)

  • Sa palagay ninyo bakit mahalaga para sa bawat isa sa atin na magkaroon ng patotoo na ang Simbahan ay pinamumunuan ngayon ng mga taong tinawag ng Diyos?

  • Kailan ninyo natanggap ang pagsaksi mula sa Espiritu Santo na ang mga namumuno sa Simbahan sa ating panahon ay tinawag ng Diyos?

Magpatotoo na yaong mga hinirang at ngayon na namumuno sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tinawag ng Diyos. Hikayatin ang mga estudyante na magkaroon o palakasin ang kanilang patotoo tungkol sa katotohanang ito.

Sabihin sa mga estudyante na maghanda para sa huling klase ng kursong ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng kabanata 46 ng Mga Banal: Tomo 1.

Larawan
Handout: Mga Mahahalagang Sandali na Humantong sa Paghalili sa Pamunuan ng Simbahan

Print