Institute
Lesson 14: Apostasiya sa Kirtland


“Lesson 14: Apostasiya sa Kirtland,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 14,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 14

Apostasiya sa Kirtland

Pambungad at Timeline

Sa kalagitnaan ng 1836, ang mga lider ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, ay nagkaroon ng utang na kailangan nang bayaran dahil sa pagtatayo ng Kirtland Temple, pagbili ng lupain para sa mga Banal na bagong dating, at mga problema sa pananalapi sa pagtatatag ng Sion sa Missouri. Itinatag ng mga lider ng Simbahan ang Kirtland Safety Society, isang institusyon na katulad ng isang bangko, sa pag-asam na ito ay pagmumulan ng kailangang-kailangang kita. Gayunman, hindi ito nagtagumpay. Wala pang isang taon matapos ang pagbubukas nito, nagsara ang Kirtland Safety Society, ang malaking kadahilanan ay ang pagsalungat mula sa ilang mamamayan na di-Mormon pati na rin ang isang mahirap na kalagayang pang-ekonomiya na may kaugnayan sa kaguluhan sa pambansang pananalapi. Simula noong pagtatapos ng 1836, lumakas ang diwa ng apostasiya at paghahanap ng kamalian sa Simbahan, at noong 1837, patuloy itong lumaganap sa marami sa mga Banal, kabilang na sa ilang lider ng Simbahan. Bagama’t karamihan sa mga miyembro ng Simbahan ay tumugon nang may pananampalataya sa mahirap na panahong ito, ang iba ay hayagang sumalungat kay Joseph Smith—at tinawag pa siya ng ilan na isang bigong propeta.

Simula ng Enero 1837Nagbukas ang Kirtland Safety Society para sa negosyo.

Mayo 1837Tumindi ang malawakang pinansyal na kaguluhan sa Estados Unidos, na naging sanhi ng pagbagsak ng maraming bangko at negosyo.

Tag-init ng 1837Nagbitiw si Joseph Smith sa kanyang katungkulan bilang treasurer o ingat-yaman ng Kirtland Safety Society.

Huling bahagi ng tag-init ng 1837Nagsara ang Kirtland Safety Society.

Disyembre 1837Marami sa mga tumutuligsa sa Ohio, kabilang na ang ilang pinuno ng Simbahan, ang itiniwalag.

Enero 12, 1838Ginagabayan ng paghahayag, umalis sina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa Kirtland at lumipat sa Missouri.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), mga kabanata 22–23

Paunawa: Bagamat ang babasahin ng mga estudyante para sa lesson na ito ay mga kabanata 22–23 ng Mga Banal: Tomo 1, kabilang sa lesson na ito ang mga impormasyon mula sa mga kabanata 24–25 ng Mga Banal: Tomo 1.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Matapos makaranas ang mga Banal sa Kirtland, Ohio, ng panahon ng kasaganaan, binalaan sila sa kanilang mga kasalanan

Idispley ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Brigham Young (1801–77), at ipaliwanag na inilarawan niya ang kalagayan ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, noong 1837:

Brigham Young

“Nanghina ang pananampalataya ng marami sa pinakamalalakas na lalaki sa Simbahan” (Brigham Young, sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 372).

  • Batay sa nabasa ninyo sa mga kabanata 22–23 ng Mga Banal: Tomo 1, ano ang maaaring nagtulak kay Brigham Young na sabihin ang pahayag na ito?

  • Ano ang ilang dahilan kung bakit ang isang miyembro ng Simbahan ngayon ay maaaring mag-alinlangan sa kanyang pananampalataya at patotoo?

Anyayahan ang mga estudyante na alamin ang mga alituntunin sa lesson ngayon na makatutulong sa atin na manatiling matapat sa Panginoon at Kanyang Simbahan sa mahihirap na panahon.

Ipaliwanag na sa mga buwan matapos ang paglalaan ng Kirtland Temple noong tagsibol ng 1836, patuloy na lumago nang mabilis ang Kirtland nang dumating ang mga nabinyagan upang makasama ang pangunahing grupo ng mga Banal. Bumili sila ng mga bukirin at nagtayo ng mga bagong tahanan at negosyo. Noong tag-init ng 1836, ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagmisyon sa hilagang-silangang Estados Unidos at Canada.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang isinalaysay ni Pangulong Heber C. Kimball (1801–68) ng Unang Panguluhan. Si Heber C. Kimball ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol nang bumalik siya sa Kirtland mula sa kanyang misyon noong Oktubre 1836:

Heber C. Kimball

“Kami ay labis na nagdalamhati … sa aming pagdating sa Kirtland, na makita ang diwa ng pakikipagsapalaran [isang kahandaang makibahagi sa pagnenegosyo na may malaking panganib] na nananaig sa Simbahan. Ang pagnenegosyo at pangangalakal ay tila umuubos sa oras at pansin ng mga Banal. … Ang ilang tao, na halos walang makain noong ako ay umalis, ay natagpuan ko na tila may napakalaking kayamanan sa aking pagbalik; sa katunayan, tila ang lahat sa lugar ay patungo sa kasaganaan, at ang lahat ay tila determinadong maging mayaman” (Heber C. Kimball, sa Orson F. Whitney, The Life of Heber C. Kimball [1888], 111).

  • Sa palagay ninyo, bakit “nagdalamhati” si Heber C. Kimball sa kanyang pagbalik sa Kirtland?

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Sister Eliza R. Snow (1804–87), na kalaunan ay naglingkod bilang General President ng Relief Society. Inilarawan ni Eliza ang napansin niyang nangyayari sa parehong panahon sa Kirtland, Ohio:

Eliza R. Snow

“Napakaraming tao na dating mapagpakumbaba at tapat sa pagganap sa bawat tungkulin—handang humayo at sumunod sa bawat tawag ng Priesthood—ang nagiging hambog, at iniangat sa kapalaluan ng kanilang mga puso. Nang tanggapin ng mga Banal ang pagmamahal at diwa ng kamunduhan, nilisan ng Espiritu ng Panginoon ang kanilang puso” (Eliza R. Snow, sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 371; tingnan din sa Eliza R. Snow Smith, Biography and Family Record of Lorenzo Snow [1884], 20).

  • Ano ang ilan sa mga ginagawa ng mga Banal sa Kirtland na umakay sa kanila na mawalan ng Espiritu ng Panginoon?

Ipaliwanag na si Wilford Woodruff ay nag-ingat ng mga tala at salaysay sa nangyari sa mga pulong ng Simbahan na ginanap sa huling bahagi ng 1836 at sa simula ng 1837.

Idispley ang sumusunod na mga salaysay ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98) mula sa kanyang personal na mga talaan ng mga pulong sa Simbahan. Hatiin sa mga pares ang mga estudyante, at sabihin sa kanila na magkasama nilang basahin ang mga salaysay. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga mensahe na inulit sa mga pulong na ito.

Wilford Woodruff

Disyembre 11, 1836: “Nagpunta ako sa bahay ng Diyos upang sumamba at o, kayganda ng pulong. Nawa’y tumatak ito sa aking puso bilang alaala magpakailanman. Sapagkat sa araw na ito tahasang pinagsabihan ng Diyos ng Israel ang istakang ito ng Sion [sa Kirtland] sa pamamagitan ng mga propeta at apostol dahil sa lahat ng aming mga kasalanan at pagbalik sa maling gawi at gayundin para sa isang napapanahong babala upang kami ay makatakas sa mga Kahatulan ng Diyos na kung hindi ay babagsak sa amin” (Wilford Woodruff’s Journal, pat. Scott G. Kenney [1983], 1:111; iniayon ang pagbabaybay at paggamit ng mga malalaking titik sa pamantayan).

Enero 10, 1837: “Nakapulong ko sa Bahay ng Panginoon ang Korum ng mga Pitumpu. … Nagkaroon kami ng isang espirituwal na pulong. Binigyan kami ni Elder Brigham Young, isa sa Labindalawa, ng nakatutuwang pagpapayo at binalaan kami na huwag bumulung-bulong laban kay Moises (o) Joseph o sa mga pinuno ng Simbahan” (Wilford Woodruff Journal, 1:121, iniayon ang pagbabaybay, paggamit ng mga malalaking titik, at pagbabantas sa pamantayan).

Pebrero 19, 1837: “Si Joseph ay bumalik sa Kirtland, at ngayong umaga ay tumayo sa pulpito. … Nang tumayo siya sinabi niya, ‘Ako pa rin ang Pangulo, Propeta, Tagakita, Tagapaghayag at Lider ng Simbahan ni Jesucristo.[’] … Matalas niyang pinagsabihan ang mga tao dahil sa kanilang mga kasalanan, kadiliman at kawalan ng paniniwala; ang kapangyarihan ng Diyos ay sumasakanya, at nagpatotoo na ang kanyang mga sinabi ay totoo” (“History of Wilford Woodruff (from His Own Pen),” Deseret News, Hulyo 14, 1858, 85).

Abril 9, 1837: “Si [Pangulong] Smith ay nagsalita ngayong hapon, at sinabi sa pangalan ng Panginoon na ang mga kahatulan ng Diyos ay ibibigay sa mga tao na nagpahayag na kanyang mga kaibigan … ngunit naging taksil sa kanya, at sa kapakanan ng kaharian ng Diyos at nagbigay ng kapangyarihan sa mga kamay ng aming mga kaaway laban sa amin” (“History of Wilford Woodruff,” 86).

Pagkatapos ng sapat na oras, itanong:

  • Anong mga mensahe ang inulit sa mga pulong na ito?

  • Batay sa kung ano ang napuna ni Wilford Woodruff, anong mga alituntunin ang maaari nating matutuhan tungkol sa tungkulin ng mga buhay na propeta at apostol? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isa o mahigit pa sa sumusunod na alituntunin: Binabalaan tayo ng Panginoon tungkol sa mga panganib sa pamamagitan ng mga propeta at apostol. Kapag sinusunod natin ang mga babala na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng mga propeta at apostol, tayo ay makakatakas sa mga kahatulan ng Diyos.)

Idispley ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, at hilingin sa isang estudyante na basahin ito nang malakas:

Henry B. Eyring

“Dahil mabait ang Panginoon, tumatawag Siya ng mga tagapaglingkod para balaan ang mga tao tungkol sa panganib. Ang panawagang iyon na magbabala ay lalo pang pinag-igting at binigyang-halaga ng katotohanan na ang pinakamahahalagang babala ay tungkol sa mga panganib na hindi pa iniisip ng mga tao na totoo” (Henry B. Eyring, “A Voice of Warning,” Ensign, Nob. 1998, 32).

  • Ano ang ilang mga babala na ibinigay ng mga lingkod ng Panginoon sa ating panahon?

Nagsara ang Kirtland Safety Society

salapi ng Kirtland Safety Society

Idispley ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ito ay isang halimbawa ng pera mula sa Kirtland Safety Society.

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na talata:

Sa Kirtland, si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay nagtatag ng isang kumpanya na tinatawag na Kirtland Safety Society, isang institusyong katulad ng bangko, sa pag-asang makakatulong ito sa mga bagong dating na miyembro na makabili ng lupain para sa mga tahanan at makatutulong sa pagkakaroon ng kita upang bayaran ang mga pagkakautang ng Simbahan, kabilang na ang utang na nakuha sa pagtatayo ng Kirtland Temple. Gayunman, wala pang isang taon ay bumagsak ang Kirtland Safety Society matapos itong buksan dahil sa pagsalungat mula sa ilang mamamayan na di-Mormon pati na rin sa kahirapan sa ekonomiya na may kaugnayan sa kaguluhan sa pambansang pananalapi. Maraming mamumuhunan ang nawalan ng pera, habang si Joseph ang may pinakamalaking pagkalugi. Bagamat ang Kirtland Safety Society ay hindi pinondohan ng Simbahan, itinuring ng ilang mga Banal na ito ay bangko ng Simbahan at isinisi kay Joseph Smith ang kanilang mga problema sa pera.

Ipaliwanag na ang diwa ng kritisismo o pamimintas ang nagtulak sa ilan sa mga Banal na salungatin ang propeta ng Panginoon. Anyayahan ang mga estudyante na hanapin ang kabanata 24 ng Mga Banal: Tomo 1. Hilingin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang pahina 318, na nagsisimula sa “Sa katapusan ng Hunyo …” at nagtatapos sa talata sa parehong pahina  na nagsisimula sa “Nasaktan si Mary sa mga sinabi ni Parley …”

Ipaliwanag na si Elder Parley P. Pratt ay kauuwi lamang mula sa misyon sa Canada, kung saan tinuruan at bininyagan niya si John Taylor at ang asawa nitong si Leonora. Habang bumibisita si John Taylor sa Kirtland, nilapitan ni Parley si John at ipinahayag ang ilang pag-aalinlangan tungkol kay Propetang Joseph Smith.

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo, at bigyan sila ng kopya ng kasamang handout na “Tugon ni John Taylor kay Parley P. Pratt.” Hilingin sa bawat grupo na basahin ang tugon ni John Taylor kay Parley Pratt at talakayin ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa handout.

Tugon ni John Taylor kay Parley P. Pratt

Basahin ang sumusunod na tugon ni John Taylor, na noon ay bagong miyembro, kay Parley P. Pratt, na nagturo at nagbinyag kay John isang taon na ang nakalilipas at ngayon ay nagsasalita laban kay Propetang Joseph Smith:

John Taylor

“Nagulat ako sa sinabi mo, Kapatid na Parley. Bago ka umalis sa Canada ay nagbahagi ka ng malakas na patotoo tungkol kay Joseph Smith bilang Propeta ng Diyos, at tungkol sa katotohanan ng mga gawain na kanyang pinasimulan, at sinabi mong nalalaman mo ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahayag, at sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo. Nag-iwan ka ng mahigpit na tagubilin na bagamat ikaw o isang anghel mula sa langit ang mangangaral ng bagay na naiiba dito, hindi ko ito dapat paniwalaan. Ngayon, Kapatid na Parley, hindi tao ang aking sinusunod, kundi ang Panginoon. Ang mga alituntuning itinuro mo sa akin ang nag-akay sa akin papunta sa Kanya, at ako ngayon ay may gayunding patotoo gaya mo noon. Kung ang gawain ay totoo anim na buwan na ang nakalilipas, totoo ito ngayon; kung si Joseph Smith ay propeta noon, isa siyang propeta ngayon” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: John Taylor [2001], 93-95).

  • Bakit hindi naapektuhan ang patotoo ni John Taylor sa ipinanumbalik na ebanghelyo nang si Parley P. Pratt ay nagbahagi ng kanyang mga pagdududa tungkol kay Propetang Joseph Smith?

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin mula sa tugon ni John Taylor na tutulong sa mga nahihirapan sa mga tanong, pagdududa, o problema?

Handout ng Tugon ni John Taylor kay Parley P. Pratt

Matapos ang sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang mga alituntuning natukoy nila. Maaaring makatulong na ibuod ang kanilang mga sagot sa pamamagitan ng pagsulat ng sumusunod na alituntunin sa pisara: Ang pagsalig sa mga espirituwal na patunay na natanggap na natin ay makatutulong sa atin sa panahon ng paghihirap o pagdududa.

Idispley ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at sabihin sa isang estudyante na basahin ito nang malakas:

Jeffrey R. Holland

“Sa mga sandali ng takot o pag-aalinlangan o problema, panindigan ang inyong pananampalataya, kahit limitado pa iyon. … Pagdating ng mga sandaling iyon at magkaroon ng mga problema, at hindi ito malutas kaagad, manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo at manindigan hanggang sa dumating ang karagdagang kaalaman” (Jeffrey R. Holland, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 93–94).

  • Ano ang maaari nating gawin upang maalala ang nagdaang mga espirituwal na pagsaksi o patunay kapag nahaharap tayo sa mahihirap na kalagayan?

Hilingin sa mga estudyante na isipin ang isang karanasan nang ang kanilang patotoo ay nagbigay ng tapang at lakas sa isang nakababagabag na panahon. Anyayahan sila na sandaling isulat ang karanasang iyon sa kanilang mga study journal. Maaari ding itala ng mga estudyante ang kanilang gagawin para alalahanin at sumalig sa kanilang mga patotoo kapag dumanas sila ng paghihirap sa hinaharap. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang isinulat nila, kung komportable silang gawin ito.

Tumitindi ang apostasiya sa Kirtland

Loob ng Kirtland Temple

Idispley ang kalakip na larawan ng loob ng Kirtland Temple.

Ipaliwanag na noong 1837, ang diwa ng pagtatalo at apostasiya ay lumaganap sa marami sa mga Banal, kabilang na sa Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon at sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Anyayahan ang mga estudyante na hanapin ang kabanata 25 ng Mga Banal: Tomo 1. Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang pahina 328, simula sa talatang nag-uumpisa sa “Naglakbay si Joseph sa Canada noong tag-init ding iyon …” at nagtatapos sa talata sa pahina 329 na nagsisimula sa “Nagkagulo sa templo …”

  • Paano maihahambing ang pangyayaring ito sa mga pulong ng Simbahan na naganap kaugnay ng mga paglalaan ng templo isang taon na ang nakararaan, noong tagsibol ng 1836?

  • Paano ipinapakita ng pangyayaring ito na nabigo ang ilan sa mga Banal na sundin ang babala na ibinigay sa pamamagitan ng mga propeta at apostol?

Idispley ang sumusunod na pahayag ni Brigham Young tungkol sa isang pulong kung saan tinalakay ng ilang lider ng Simbahan kung paano tatanggalin si Joseph Smith bilang Pangulo ng Simbahan at palitan siya. Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang pahayag, at hilingin sa klase na pakinggan kung paano tumugon si Brigham Young sa mga tumutuligsa.

Brigham Young

“Sa isang pagkakataon ang ilan sa Labindalawa, mga saksi sa Aklat ni Mormon, at iba pang mga Awtoridad ng Simbahan, ay nagpulong sa silid sa itaas ng Templo. Ang bagay na pag-uusapan ay kung paano aalisin sa tungkulin si Propetang Joseph, at paano hihirangin si David Whitmer na Pangulo ng Simbahan. Sina Amang John Smith, kapatid na Heber C. Kimball at ang iba pang naroroon, ay tumututol sa gayong panukala. Tumayo ako, at malinaw at mariing sinabi ko na si Joseph ay isang Propeta, at alam ko iyon, at kahit ano pang pamumuna at paninira nila sa kanya, hindi nila masisira ang pagkakatalaga sa Propeta ng Diyos, [kundi] ang magagawa lamang nila ay sirain ang sarili nilang awtoridad, putulin ang sinulid na nagbibigkis sa kanila sa Propeta at sa Diyos at ilubog ang kanilang sarili sa impiyerno” (Brigham Young, sa “History of the Church,” Juvenile Instructor, Mar. 1871, 37; iniayon ang pagbabantas sa pamantayan).

video iconSa halip na anyayahan ang isang estudyante na basahin ang salaysay ni Brigham Young, pag-isipang ipalabas ang bahagi ng video na “If They Harden Not Their Hearts” (11:20), na ipinapakita si Brigham Young sa loob ng Kirtland Temple na nagbibigay-patotoo sa banal na paghirang kay Propetang Joseph Smith. Ipakita ang video mula sa time code 3:01 hanggang 4:03. Makukuha ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.

  • Ano ang ibig sabihin ng hindi magagawa ng mga tao na “[sirain] ang pagkakatalaga sa Propeta ng Diyos?”

  • Ano ang nangyayari sa mga taong piniling “putulin ang sinulid na [nagbibigkis] sa kanila sa Propeta at sa Diyos?” (Ang mga sagot na ibinigay ng mga estudyante ay maaaring ibuod sa isang alituntunin, tulad ng: Ang mga taong itiniwalag ang kanilang sarili mula sa propeta ng Panginoon ay mawawalan ng mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo.)

Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring:

Henry B. Eyring

“Magkakaroon ng mga pagkakataon, tulad noon sa Kirtland, na kakailanganin natin ang pananampalataya at integridad tulad ng isang Brigham Young upang tumayo sa lugar kung saan tayo tinawag ng Panginoon, matapat sa Kanyang propeta at sa mga lider na tinawag Niya na manungkulan” (Henry B. Eyring, “Pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 84).

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay ninyo, at hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang mga katotohanang iyon.

Anyayahan ang mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kabanata 24–25 ng Mga Banal: Tomo 1.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Ang mga propeta ay may inspirasyon upang maisakatuparan ang gawain ng Panginoon ngunit sila ay hindi perpekto

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na bagamat si Joseph Smith ay may mga kahinaan na katulad ng ibang kalalakihan, siya ay isang tunay na propeta at tapat na isinasagawa ang gawaing ibinigay sa kanya ng Panginoon:

D. Todd Christofferson

“Dapat tayong maging maingat na magsalita tungkol sa pagiging perpekto ni Joseph Smith na hindi niya winika. Hindi niya kailangang maging higit pa sa karaniwang nilalang upang maging isang instrumento ng Diyos na alam natin na nagawa niya. Noong Mayo 1844, sinabi ni Joseph, “Kahit kailan hindi ko sinabi sa inyong perpekto ako; ngunit walang mali sa paghahayag na itinuturo ko” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 609–10). At bago ito ay sinabi niya: ‘Bagamat nakagagawa ako ng mali, hindi ko ginagawa ang maling ibinibintang sa akin: tulad ng iba, nakagagawa ako ng mali dahil sa kahinaang likas sa tao. Walang nabubuhay nang hindi nagkakamali. Sa palagay ba ninyo, maski si Jesus kung Siya man ay narito, hindi ninyo siya hahanapan ng mali? Nagsalita ng lahat ng uri ng kasamaan laban sa Kanya ang kanyang mga kaaway—lahat sila’y naghanap ng masama sa Kanya’ [Mga Turo: Joseph Smith, 610]. Si Joseph ay isang mortal na tao na nagsisikap na gampanan ang isang napakalaki at banal na itinalagang misyon anuman ang mangyari. Ang kahanga-hanga rito ay hindi siya kailanman nagpakita ng mga kahinaan ng tao, sa halip ay pinagtagumpayan ang kanyang misyon. Ang mga bunga ng kanyang pagsisikap ay kapwa hindi maikakaila at hindi mapapantayan” (D. Todd Christofferson, “The Prophet Joseph Smith” [Brigham Young University–Idaho devotional, Set. 24, 2013], byui.edu).

Handout ng Tugon ni John Taylor kay Parley P. Pratt