Institute
Lesson 6: Paglalathala ng Aklat ni Mormon at Pag-oorganisa sa Simbahan


“Lesson 6: Paglalathala ng Aklat ni Mormon at Pag-oorganisa sa Simbahan,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 6,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 6

Paglalathala ng Aklat ni Mormon at Pag-oorganisa sa Simbahan

Pambungad at Timeline

Noong Hunyo 1829, nang malapit nang matapos ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, kinontrata nina Joseph Smith at Martin Harris si Egbert B. Grandin, isang manlilimbag sa Palmyra, New York na ilathala ang manuskrito. Si Grandin ay nagsimula sa paglilimbag noong taglagas ng 1829, at ang unang mga kopya ay nailathala noong Marso 1830. Hindi naglaon, inorganisa ni Joseph Smith ang Simbahan ni Cristo alinsunod sa kautusan ng Panginoon sa Fayette, New York, noong Abril 6, 1830 (tingnan sa D at T 20:1). Noong huling bahagi ng Hunyo 1830, pumunta si Joseph Smith sa Colesville, New York, at nagbinyag ng ilang mananampalataya. Pagkatapos ay bumalik ang Propeta sa Harmony, Pennsylvania, kung saan siya tumanggap ng ilang paghahayag. Noong Setyembre 1830, noong ikalawang kumperensya ng Simbahan, tinalakay ng Panginoon ang sinasabing mga paghahayag ni Hiram Page at tinawag si Oliver Cowdery (at pagkatapos ay ang ilang iba pa) na mangaral ng ebanghelyo sa mga Lamanita, o mga American Indian (tingnan sa D at T 28:8; tingnan din sa D at T 3032). Sa kanilang paglalakbay, tumigil ang mga missionary sa lugar ng Kirtland, Ohio, kung saan sila nangaral ng ebanghelyo sa noon ay pastor na si Sidney Rigdon at sa kanyang kongregasyon.

Setyembre 1829–Marso 1830Ang Aklat ni Mormon ay inilimbag sa Palmyra, New York.

Abril 6, 1830Inorganisa ni Joseph Smith ang Simbahan sa Fayette, New York.

Setyembre 26–28, 1830Idinaos ang ikalawang kumperensya ng Simbahan sa Fayette, New York.

Oktubre 1830Umalis ang mga missionary para sa kanilang misyon sa mga Lamanita.

Nobyembre 1830Ang mga missionary ay nangaral ng ebanghelyo sa Mentor at Kirtland, Ohio.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), kabanata 8–9

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Inilathala ang Aklat ni Mormon, at inorganisa ang Simbahan

Palimbagan ni Grandin

Ipakita sa mga estudyante ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ang gusaling yari sa pulang laryo [brick] na may bughaw na karatula sa itaas ng pintuan ay ang palimbagan ni Grandin sa Palmyra, New York, kung saan inilimbag ang mga unang kopya ng Aklat ni Mormon.

limbagan

Pagkatapos ay ipakita ang susunod na kalakip na larawan, at ipaliwanag na ipinakikita nito ang isang limbagan o printing press sa loob ng muling itinayong palimbagan ni Grandin.

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 8 ng Mga Banal: Tomo 1, ano ang mga hadlang na hinarap ni Joseph Smith habang hinahangad niyang ilathala ang Aklat ni Mormon?

Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan na dahil walang pera si Joseph Smith para ilathala ang Aklat ni Mormon, isinangla ni Martin Harris ang bahagi ng kanyang sakahan bilang bayad sa pagpapalimbag. Nakipagkontrata sina Joseph at Martin kay Egbert Grandin na maglathala ng 5,000 kopya ng Aklat ni Mormon sa halagang $3,000. Bukod pa rito, isang lalaking nagngangalang Abner Cole, na ginamit ang palimbagan sa gabi upang ilathala ang kanyang pahayagan, ang iligal na naglimbag ng mga bahagi mula sa Aklat ni Mormon kalakip ang mapanuyang komentaryo upang kutyain at siraan ang aklat. Huminto siya matapos magbanta si Joseph Smith na idedemanda siya para sa paglabag sa karapatang-sipi ng aklat.

  • Sa kabila ng oposisyong ito, paano nakaapekto ang balita tungkol sa Aklat ni Mormon sa mga indibiduwal tulad nina Thomas Marsh at Solomon Chamberlin? (Kapwa silang nagtungo sa palimbagan ni Grandin matapos marinig ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Natanggap at pinag-aralan nila ang ilan sa mga nakalimbag na mga pahina ng Aklat ni Mormon, naniwala sa katotohanan ng nabasa nila, at ibinahagi ito sa iba.)

Ipaliwanag na bagama’t isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon sa loob ng mga 65 araw, inabot ng halos pitong buwan para mailathala ang unang mga kopya; ang mga nakalathalang kopya ay handa nang ibenta noong Marso 26, 1830.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson(1899–1994):

Ezra Taft Benson

“Ang isang … malakas na patotoo sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon ay ang pagpansin kung saan inilagay ng Panginoon ang paglabas nito sa kapanahunan ng pagdating ng Pagpapanumbalik. Ang Unang Pangitain ang tanging bagay na nauna rito. …

“Isipin kung ano ang ipinapakahulugan nito. Nauna ang paglabas ng Aklat ni Mormon sa pagpapanumbalik ng priesthood. Inilathala ito … bago itatag ang Simbahan. Binigyan ang mga Banal ng Aklat ni Mormon upang mabasa ito bago sila binigyan ng mga paghahayag na bumabalangkas sa mga dakilang doktrina kagaya ng tatlong antas ng kaluwalhatian, selestiyal na kasal, o gawain alang-alang sa mga patay” (Ezra Taft Benson, “The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 4).

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga para sa Aklat ni Mormon na lumabas bago naorganisa ang Simbahan at bago naganap ang maraming iba pang mahahalagang pangyayari ng Panunumbalik?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:

Kahit noon pa mang tagsibol ng 1829, si Propetang Joseph Smith ay nakatanggap na ng mga paghahayag na tumatalakay sa pagtatatag ng isang simbahan (tingnan sa D at T 10:53). Nagsimula ang mga paghahanda para sa pagtatatag ng Simbahan noong Hunyo 1829, nang tagubilinan ng Panginoon si Oliver Cowdery na tumulong sa pagtatayo ng Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga turo ng Aklat ni Mormon (tingnan sa D at T 18:3–5). Kasunod nito, tinipon ni Oliver ang isang dokumento na naglalaman ng mga detalye tungkol sa mga ordenansa, mga katungkulan sa priesthood, at mga tuntunin sa Simbahan na matatagpuan sa Aklat ni Mormon (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, pat. Michael Hubbard MacKay at iba pa [2013], 368–74). Posible na noon pa mang tag-init ng 1829, ang Panginoon ay nagsimula na rin sa pagbabahagi kay Joseph Smith ng mga bahagi ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 20.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 20 at talata 1–4, na inaalam ang inihayag ng Panginoon tungkol sa pag-organisa ng Kanyang Simbahan sa mga huling araw.

  • Ano ang mga katotohanan na matututuhan natin mula sa section heading at mga talata tungkol sa organisasyon ng Simbahan? (Bagama’t maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang katotohanan, tiyaking matutukoy nila na inorganisa ni Joseph Smith ang Simbahan ayon sa kalooban ng Diyos.)

  • Bakit mahalagang malaman na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay inorganisa ayon sa kalooban ng Diyos?

Tahanan ng mga Whitmer

Upang matulungan ang mga estudyante na maisalarawan sa kanilang isip ang lokasyon kung saan inorganisa ang Simbahan, maaari mong ipakita ang kalakip na larawan ng itinayong muling tahanan ng mga Whitmer sa Fayette, New York. Maaari mo ring ipakita sa kanila ang 360-degree view ng tahanan sa history.ChurchofJesusChrist.org.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag. Sabihin sa klase na alamin kung paano inilarawan ni Propetang Joseph Smith (1805–44) ang araw na inorganisa ang Simbahan.

Joseph Smith

“Ang Espiritu Santo ay ibinuhos nang lubus-lubos sa amin—ang ilan ay nagpropesiya, habang lahat kami ay pumupuri sa Panginoon, at labis na nagagalak. …

“Matapos matamasa ang saya sa pagsaksi at pagdama namin mismo ng mga kapangyarihan at pagpapala ng Espiritu Santo, sa awa ng Diyos na ipinagkaloob sa amin, nagtapos kami na may malugod na kaalamang bawat isa sa amin ay miyembro na ng ‘Ang Simbahan ni Jesucristo,’ at kinikilala ng Diyos, inorganisa ayon sa mga utos at paghahayag na ibinigay Niya sa amin sa mga huling araw na ito, gayundin ayon sa kaayusan ng Simbahan na nakatala sa Bagong Tipan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 160–161).

  • Ayon sa pahayag na ito, paano nakaapekto ang Espiritu Santo sa mga naroon sa araw na inorganisa ang Simbahan? (Pinagtibay ng Espiritu Santo na ang Simbahan ng Panginoon ay muling itinatag sa lupa.)

Ipaliwanag na pagkaraang matapos ang pulong, maraming indibiduwal ang nabinyagan, kabilang ang mga magulang ng Propeta. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Lucy Mack Smith, ang ina ng Propeta:

Lucy Mack Smith

“Nakatayo si Joseph sa pampang habang umaahon ang kanyang ama mula sa tubig, at nang abutin niya ang kamay nito ay bumulalas siya, ‘… Nabuhay pa ako para makitang nabinyagan ang aking ama sa totoong simbahan ni Jesucristo,’ at isinubsob niya ang kanyang mukha sa dibdib ng kanyang ama at humagulgol sa galak” (Lucy Mack Smith, sinipi sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 105).

Ipaliwanag na noong gabi ring iyon, ang mga indibiduwal na nakibahagi sa mga pangyayari ng araw na iyon ay nagtipon sa tahanan ng mga Whitmer. Lumabas ang Propeta upang mapag-isa. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Joseph Knight Sr.:

“Lumabas [ang Propeta] sa bukid at tila ayaw ipakita kaninuman ang pagtangis at pag-iyak at halos parang sasabog ang dibdib sa kagalakan. Si Oliver at ako ay sumunod sa kanya at naabutan siya, at pagkatapos ng ilang sandali ay pumasok siya, at siya ang pinakanaantig na nakita ko sa lahat ng tao. … Ang kanyang kagalakan ay tila puspos” (Joseph Knight, pag-alala ni Joseph Knight, walang petsa, Church History Library, Salt Lake City; isinunod sa pamantayan ang pagbabaybay, paggamit ng malalaking titik, at pagbabantas).

  • Sa palagay ninyo, bakit napakasayang karanasan para kay Propetang Joseph ang binyag ng kanyang mga magulang?

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo na inorganisa ni Joseph Smith ang Simbahan ni Jesucristo ayon sa kalooban ng Diyos pati na rin ang iyong pagpapahalaga sa mga pagpapalang maaari nating matanggap dahil ipinanumbalik ang Simbahan.

Ang kakaorganisa pa lang na Simbahan ay humarap sa oposisyon

Ipaliwanag na sa araw na inorganisa ang Simbahan, ang Panginoon ay nangako sa mga Banal ng proteksyon laban sa “mga kapangyarihan ng kadiliman” kung susundin nila ang mga salita ng Propeta (D at T 21:6; tingnan sa D at T 21:4–6). Kakailanganin ng mga Banal ang ganitong proteksyon laban sa umiigting na oposisyon na mararanasan nila.

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 9 ng Mga Banal: Tomo 1, ano ang ilang paraan na ang mga miyembro ng kakapanumbalik pa lang na Simbahan ay nakaranas ng oposisyon? (Maaaring mabanggit ng mga estudyante na inatake ng diyablo si Newel Knight, sinubukan ng mga mandurumog sa Colesville na pigilan ang binyag ng mga bagong sapi sa simbahan, inaresto si Joseph Smith nang dalawang beses, at si Hiram Page ay nakatatanggap di-umano ng mga paghahayag para sa Simbahan.)

  • Ano ang maaaring idinulot na mga problema ng mga paghahayag na natanggap di-umano ni Hiram Page?

Ipaliwanag na nang malaman ni Propetang Joseph Smith ang tungkol sa mga paghahayag na sinabi na natanggap ni Hiram Page, ginugol ni Joseph ang matagal na bahagi ng gabi sa panalangin, hinahangad ang patnubay ng Panginoon. Ang tugon ng Panginoon sa panalangin ng Propeta ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 28.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 28:2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ng Panginoon tungkol sa tungkulin ni Propetang Joseph Smith sa loob ng Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila.

  • Anong doktrina ang matututuhan natin mula sa talatang ito? (Gamit ang sarili nilang mga salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang susunod na doktrina: Tanging ang Pangulo ng Simbahan lamang ang makatatanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan.)

  • Bakit mahalagang maunawaan ng mga unang miyembro ng Simbahan ang doktrinang ito?

  • Bakit mahalaga para sa atin na maunawaan at matandaan ang doktrinang ito ngayon?

Ang mga missionary ay ipinangaral ang ebanghelyo sa Ohio

Ipaliwanag na sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 28, tinagubilinan ng Panginoon si Oliver Cowdery na sabihin kay Hiram Page na naloko siya ni Satanas (tingnan sa D at T 28:11). Bukod pa rito, tinawag ng Panginoon si Oliver Cowdery na ipahayag ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mga Lamanita, o mga American Indian (tingnan sa D at T 28:8–9). Sa sumunod na buwan, sina Peter Whitmer Jr., Parley P. Pratt, at Ziba Peterson ay tinawag upang maglingkod kasama ni Oliver (tingnan sa D at T 30:5; 32:1–3).

Parley P. Pratt

Ipakita ang larawan ni Parley P. Pratt.

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 9 ng Mga Banal: Tomo 1, paano nalaman ni Parley P. Pratt ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo? (Siya ay may nakilalang Baptist na deacon na may kopya ng Aklat ni Mormon at tinulutan si Parley na basahin ito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Parley P. Pratt (1807–57) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na alamin kung paano nakaapekto ang Aklat ni Mormon kay Parley.

Parley P. Pratt

“Sabik ko[ng] … binuksan [ang Aklat ni Mormon], at binasa ang pahina ng pamagat nito. Pagkatapos ay binasa ko ang patotoo ng ilang saksi na may kinalaman sa pamamaraan ng pagkatagpo at pagsasalin dito. Pagkatapos nito ay sinimulan kong basahin nang sunud-sunod ang mga nilalaman nito. Maghapon akong nagbasa; hindi ako makakain, dahil mas gusto kong magbasa kaysa kumain; hindi ako makatulog sa gabi, dahil mas gusto kong magbasa kaysa matulog.

“Sa aking pagbabasa, sumaakin ang Espiritu ng Panginoon, at nalaman at naunawaan ko na ang aklat ay totoo, nang kasingsimple at kasinglinaw ng pagkaunawa at pagkaalam ng tao na siya ay buhay” (Autobiography of Parley P. Pratt, pat . Parley P. Pratt Jr. [1938], 37).

  • Ano ang kapansin-pansin sa inyo tungkol sa karanasan ni Parley sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon?

  • Batay sa karanasan ni Parley P. Pratt, ano ang alituntunin na matututuhan natin tungkol sa mangyayari kung masugid nating pag-aaralan ang mga turo ng Aklat ni Mormon? (Matapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag masugid nating pinag-aaralan ang mga turo nito, makukumbinsi tayo ng Aklat ni Mormon tungkol sa katotohanan nito at maibabalik-loob tayo sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.)

Ipaliwanag na habang sina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, at ang kanilang mga kasama ay naglalakbay upang maisakatuparan ang kanilang misyon sa mga American Indian, tumigil sila sa Mentor at Kirtland, Ohio, upang ipakilala ang mga tao sa Aklat ni Mormon. Maayos ang pagtanggap sa kanilang mensahe, at higit isandaang tao ang nabinyagan.

Isulat sa pisara ang sumusunod na mga tanong:

  • Ano ang naging epekto ng Aklat ni Mormon kina Sidney at Phebe Rigdon?

  • Sa paanong mga paraan kayo napagpala ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon?

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo na may tigdadalawa o tigtatatlong estudyante. Sabihin sa klase na buklatin ang kabanata 9 ng Mga Banal: Tomo 1. Sabihin sa kanila na basahin sa kanilang grupo ang salaysay tungkol sa pagpapakilala ng ebanghelyo kina Sidney at Phebe Rigdon sa pahina 115–116, simula sa talatang nag-uumpisa sa “Noong taglagas …” at nagtatapos hanggang sa dulo ng kabanata. Pagkatapos ay anyayahan sila na talakayin sa kanilang mga grupo ang mga sagot nila sa dalawang tanong sa pisara.

Bilang pagtatapos, maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na magpatotoo tungkol sa kapangyarihan ng Aklat ni Mormon sa kanilang mga buhay. Hikayatin ang mga estudyante na pag-aralan ang Aklat ni Mormon araw-araw upang patuloy silang mapagpala ng kapangyarihan nito.

Sabihin sa mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng kabanata 10–11 ng Mga Banal: Tomo 1.