Institute
Lesson 21: Isinabuhay ni Joseph Smith ang Maramihang Pag-aasawa sa Nauvoo, at ang mga Bininyagang British ay Nagtipon kasama ang mga Banal sa Amerika


“Lesson 21: Isinabuhay ni Joseph Smith ang Maramihang Pag-aasawa sa Nauvoo, at ang mga Bininyagang British ay Nagtipon kasama ang mga Banal sa Amerika,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 21,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 21

Isinabuhay ni Joseph Smith ang Maramihang Pag-aasawa sa Nauvoo, at ang mga Bininyagang British ay Nagtipon kasama ang mga Banal sa Amerika

Pambungad at Timeline

Simula noong 1840, ang mga Banal na British ay iniwan ang kanilang mga tahanan upang magtipon kasama ng mga Banal sa Amerika. Noong Abril 1841, bilang pagsunod sa mga utos ng Panginoon, ipinagpatuloy ni Propetang Joseph Smith ang pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa sa pamamagitan ng pagpapabuklod kay Louisa Beaman sa Nauvoo. (Noong kalagitnaan ng dekada ng 1830, pinakasalan ni Joseph Smith ang asawang pangmaramihan, si Fanny Alger, sa Kirtland, Ohio.) Noong Oktubre, 24, 1841, inilaan ni Orson Hyde ang Banal na Lupain para sa pagtitipon ng mga anak ni Abraham.

Hunyo 6, 1840Ang unang grupo ng mga bininyagang British ay lumisan mula sa England upang makasama ang mga Banal sa Amerika.

Abril 5, 1841Ibinuklod si Joseph Smith kay Louisa Beaman.

Abril 20, 1841Sina Brigham Young at ang anim na iba pang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay lumisan mula sa kanilang misyon sa British Isles upang bumalik sa Nauvoo, Illinois.

Oktubre 24, 1841Inilaan ni Orson Hyde ang Banal na Lupain.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), kabanata 36

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Bilang pagsunod sa mga utos ng Panginoon, isinabuhay ni Joseph Smith ang maramihang pag-aasawa sa Nauvoo

Paunawa: Ang Lesson 24 ay maroon ding materyal tungkol sa pagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa.

Ipaliwanag na posibleng noong 1831, nang ginagawa ni Propetang Joseph Smith ang inspiradong pagsasalin ng Lumang Tipan, tinanong niya ang Ama sa Langit kung bakit ang ilang sinaunang propeta at mga hari sa Israel ay nagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa (tingnan sa D a T 132: 1; tingnan din sa Genesis 16:2; 25: 6; 29:28; Exodo 21:10; 1 Samuel 25:43). Sa gawaing ito, ang isang lalaki ay may asawa pang iba maliban sa kanyang asawa na buhay pa.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:34-38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith tungkol sa maramihang pag-aasawa. (Bago basahin ang mga talatang ito, maaari mong ipaliwanag na si Abraham ay unang ikinasal kay Sarah at si Hagar ay alipin ni Sarah.)

  • Ano ang ipinahayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith tungkol sa mga alituntunin ng maramihang pag-aasawa? (Inatasan ng Panginoon ang mga lalaki at babae noong unang panahon na isabuhay ang maramihang pag-aasawa. Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang salitang kalunya sa Lumang Tipan ay tumutukoy sa isang babae na legal na kasal sa isang lalaki ngunit may mas mababang katayuan sa lipunan kaysa sa isang asawa. Ang mga kalunya ay hindi bahagi ng maramihang pag-aasawa sa ating dispensasyon.)

Ipaliwanag na alam din ni Propetang Joseph Smith na itinala ng mga banal na kasulatan ang mga panahon noong ang pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa ay hindi katanggap-tanggap sa Panginoon. Halimbawa, sinubukan ng ilang Nephita na bigyang-katwiran ang kanilang seksuwal na kasalanan sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga tala sa banal na kasulatan tungkol kina David at Solomon, na nagkaroon ng maraming asawa (tingnan sa Jacob 2:23–24; tingnan din sa D at T 132: 38–39). Isinumpa ng propetang si Jacob ang mga Nephita dahil sa kanilang walang pahintulot na pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Jacob 2:27–30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano ang sinabi ni Jacob tungkol sa mga pamantayan ng Panginoon sa pagpapakasal.

  • Ayon sa mga talatang ito, paano ninyo ibubuod ang pamantayan ng Panginoon sa pagpapakasal? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay pamantayan ng Diyos maliban kung iba ang iutos Niya. [Tingnan din sa D at T 49:15–16.])

  • Ayon sa talata 30, ano ang isang dahilan kung bakit paminsan-minsang pinasisimulan ng Panginoon ang maramihang pag-aasawa? (Ang Panginoon ay pinasimulan ang maramihang pag-aasawa kung minsan upang bigyan pa ng pagkakataon ang Kanyang mga tao na magpalaki ng matwid na mga anak sa Kanya.)

Ipaliwanag na minsang matapos inihayag ng Panginoon ang mga alituntunin ng maramihang pag-aasawa kay Joseph Smith, inatasan Niya ang Propeta na ipamuhay ang alituntuning ito bilang bahagi ng pagpapanumbalik ng “lahat ng bagay” sa mga huling araw (D at T 132:40, 45; tingnan din sa Mga Gawa 3:19–21; D at T 132:46–50). Iniulat ng mga taong malapit kay Joseph Smith na sinabi niya sa kanila na nagpakita ang anghel ng Diyos sa kanya nang hanggang tatlong beses sa pagitan ng 1834 at 1842, nag-aatas sa kanya na ipamuhay ang alituntunin ng maramihang pag-aasawa (tingnan sa “Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org).

  • Ano ang maaaring mas nagpahirap na sundin ang utos na ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Sister Eliza R. Snow (1804–87), na ibinuklod kay Propetang Joseph Smith at kalaunan ay naglingkod bilang ikalawang General President ng Relief Society. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang iniulat ni Eliza tungkol sa pag-uusap sa pagitan nina Propetang Joseph Smith at kanyang kapatid na si Lorenzo Snow.

Eliza R. Snow

“Inihayag ni Propetang Joseph ang kanyang saloobin [kay Lorenzo Snow], at inilarawan ang paghihirap ng isip na nararanasan niya upang mapaglabanan ang pagkarimarim na kanyang nadarama, na natural sa isang tao na ang natutuhan at nakaugalian ay salungat sa pag-aasawa nang higit sa isa. Alam niya ang tinig ng Diyos—alam niyang iniutos ng Pinakamakapangyarihang Diyos na gawin niya ito—upang magpakita ng halimbawa, at pasimulan … ang maramihang pag-aasawa. Alam niya na hindi lamang ang sariling palagay at dating pag-unawa ang kailangan niyang harapin at daigin, kundi ang buong Kristiyanismo na babatikos sa kanya nang harap-harapan, ngunit ang Diyos, na nakatataas sa lahat, ang nagbigay ng utos, at dapat siyang sumunod. Subalit ipinagpaliban ng propeta ang paggawa nito, hanggang isang anghel ng Diyos ang lumapit sa kanya na may hawak na hinugot na espada, at sinabi sa kanya na, kung hindi niya itutuloy ang pagsunod sa utos at pasisimulan ang pag-aasawa nang higit sa isa, ang Priesthood ay kukunin mula sa kanya at siya ay pupuksain! Ang patotoong ito na hindi lamang niya ibinahagi sa aking kapatid, kundi gayon din sa iba—ay isang patotoo na hindi maaaring tutulan [salungatin]” (Eliza R. Snow, Biography and Family Record of Lorenzo Snow [1884], 69–70).

  • Ayon kay Eliza R. Snow, ano ang nagpahirap sa Propeta na sundin ang utos na isabuhay ang maramihang pag-aasawa?

  • Batay sa pahayag ni Eliza, bakit handa ang Propeta na sumunod sa utos na isabuhay ang maramihang pag-aasawa?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:

“Ang mga pira-pirasong ebidensya ay nagpapahiwatig na si Joseph Smith ay kumilos sa unang utos ng anghel nang magpakasal ng pangmaramihang asawa, si Fanny Alger, sa Kirtland, Ohio, noong kalagitnaan ng dekada ng 1830. Ilang Banal sa mga Huling Araw na nanirahan sa Kirtland ang nag-ulat makalipas ang ilang dekada na si Joseph Smith ay ikinasal kay Alger, na naninirahan at nagtatrabaho sa tahanan ng mga Smith, matapos niyang makuha ang kanyang pagsang-ayon at ng mga magulang nito. Kakaunti lamang ang nalalaman tungkol sa kasal na ito, at walang alam tungkol sa mga pag-uusap sa pagitan nina Joseph at Emma tungkol kay Alger. Matapos mauwi sa paghihiwalay ang kasal niya kay Alger, tila isinantabi muna ni Joseph ang paksa ng maramihang pag-aasawa hanggang sa matapos lumipat ang Simbahan sa Nauvoo, Illinois” (“Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org).

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 36 ng Mga Banal: Tomo 1, paano ipinakilala ni Propetang Joseph Smith sa mga Banal sa Nauvoo ang alituntunin ng maramihang pag-aasawa? (Itinuro ni Joseph Smith ang alituntunin ng maramihang pag-aasawa nang sarilinan sa iilang tao noong taglagas ng 1840. Kalaunan, nag-alok siya ng kasal sa babaeng nagngangalang Louisa Beaman. Tinanggap ni Louisa ang panukala at ibinuklod kay Joseph Smith noong Abril 1841.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na tala ni Lucy Walker. Sabihin sa klase na pakinggan ang paliwanag ni Lucy kung paano niya natanggap ang isang patotoo tungkol sa alituntunin ng maramihang pag-aasawa bago naibuklod kay Propetang Joseph Smith:

“Nang unang binanggit sa akin ni Propetang Joseph Smith ang alituntunin ng maramihang pag-aasawa nakaramdam ako ng galit at sinabi ko sa kanya ito, dahil ang aking damdamin at pinag-aralan ay tutol sa [laban sa] anumang bagay na may ganoong kalikasan. Ngunit tiniyak niya sa akin na ang doktrinang ito ay inihayag sa kanya ng Panginoon, at ako ay may karapatang tumanggap ng patotoo tungkol sa banal nitong pinagmulan para sa aking sarili” (Lucy Walker Kimball, affidavit, December 17, 1902, Church History Library, Salt Lake City).

“Ah, ganoon kataimtim akong nagdasal na matupad ang mga salitang ito. Malapit na ang bukang-liwayway matapos ang isa na namang gabing walang tulog. Habang nakaluhod at taimtim na nananalangin, ang aking silid ay napuno ng banal na impluwensya. Para sa akin ay maihahambing iyon sa maliwanag na sikat ng araw na bumubulusok sa pinakamadilim na ulap.

“Ang mga salita ng Propeta ay tunay na natupad. Ang kaluluwa ko ay napuspos ng matamis na kapayapaan na hindi ko nalalaman kailanman. Matinding kaligayahan ang sumanib sa buo kong pagkatao at tumanggap ako ng malakas at hindi nagpapapigil na patotoo sa katotohanan ng … [maramihang pag-aasawa]” (Lucy Walker Kimball, biographical sketch, undated, 11, Church History Library, Salt Lake City; iniayon ang pagbabaybay at pagbabantas sa pamantayan).

  • Paano maaaring makatulong ang karanasan ni Lucy Walker sa isang tao ngayon na palakasin ang kanyang pananampalataya na sina Joseph Smith at ang mga naunang Banal ay kumilos ayon sa mga utos ng Diyos tungkol sa pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa?

Inilaan ng Orson Hyde ang Banal na Lupain, at ang mga bininyagang British ay nagtipon kasama ang mga Banal sa Nauvoo

Inilalaan ni Orson Hyde ang Banal na Lupain

Idispley ang kalakip na larawan. Ipaliwanag na bilang tugon sa panawagan ni Propetang Joseph Smith, naglakbay si Elder Orson Hyde ng Korum ng Labindalawang Apostol patungo sa Banal na Lupain at inilaan ito noong Oktubre 24, 1841, para sa pagbabalik ng mga inapo ni Abraham. Inabot ang buong paglalakbay ng mahigit dalawa’t kalahating taon bago niya matapos.

  • Batay sa nabasa ninyo sa kabanata 36 ng Mga Banal: Tomo 1, ano ang ipinagdasal ni Orson Hyde habang inilalaan niya ang Banal na Lupain? (Nanalangin siya para sa katuparan ng mga propesiya na ibibigay ng Panginoon sa mga inapo ni Abraham ang Banal na Lupain bilang walang hanggang mana at aalalahanin ang kanilang binhi magpakailanman [tingnan sa Orson Hyde, “Interesting News from Alexandria and Jerusalem,” Millennial Star, Ene. 1842, 133–34].)

Mapa ng Pamantayan ng Katotohanan

Idispley ang kalakip na mapa. Ipaliwanag na habang si Orson Hyde ay sinisimulan ang kanyang paglalakbay sa Banal na Lupain, ang iba pang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay tinutupad ang kanilang mga misyon sa British Isles. Habang ang mga Apostol ay nagtrabaho sa magkakaibang rehiyon, natagpuan nila ang maraming tao na handang tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Halimbawa, sa loob at palibot ng Herefordshire, England, halos 1,800 katao ang nabinyagan sa loob ng isang taon. Bunga ng pambihirang misyong ito, ang mga miyembro ng Simbahan sa British Isles ay nadagdagan mula halos 1,500 noong Enero 1840 sa 5,814 noong Abril 1841, nang ang karamihan sa mga Apostol ay umalis sa British Isles pabalik sa Nauvoo, Illinois.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ng Unang Panguluhan noong 1840. Sabihin sa klase na pakinggan ang patnubay ng Unang Panguluhan na ibinigay sa mga miyembro ng Simbahan sa panahong ito.

“Ang gawaing dapat isakatuparan sa mga huling araw ay lubhang napakahalaga, at kakailanganing ipakita ang lakas, kasanayan, talento, at kakayahan ng mga Banal, upang ito ay lumaganap taglay ang kaluwalhatian at karingalang inilarawan ng mga propeta: at samakatuwid ay kailangan ang konsentrasyon ng mga Banal, upang maisakatuparan ang gawaing gayon kalawak at karingal.

“Ang gawain ng pagtitipon na binanggit sa mga banal na kasulatan, ay kailangan upang maisakatuparan ang mga kaluwalhatian ng huling dispensasyon. …

“Sa mga taong interesado, at makatutulong sa dakilang gawaing ito, sinasabi naming hayaan silang dumating sa lugar na ito [Nauvoo]” (“To the Saints Scattered Abroad,” Times and Seasons, Oct. 1840, 178–79, josephsmithpapers.org).

  • Batay sa pahayag na ito, anong katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa kung bakit tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Ang Panginoon ay tinitipon ang Kanyang mga tao at tinatawag sila na gamitin ang kanilang talento at lakas upang itayo ang Kanyang kaharian.)

  • Paanong ang pagtitipon ng mga Banal na may magkakaibang kaloob at kakayahan ay makatutulong sa Panginoon na itayo ang Kanyang kaharian?

barko

Idispley ang kalakip na larawan, at ipaliwanag na ito ay isang halimbawa ng uri ng barkong ginamit ng mga miyembro ng Simbahan noong kalagitnaan hanggang huling bahagi ng ika-19 na siglo upang maglakbay mula Europa patungo sa Amerika bilang tugon sa tagubilin ng Unang Panguluhan na sama-samang magtipon ang mga Banal. Noong Hunyo 1840, pinangunahan ni John Moon ang unang grupo ng mga miyembro mula sa British Isles na makipagtipon sa mga Banal sa Nauvoo.

  • Anong uri ng mga pagsubok ang maaaring kaakibat ng desisyon na makipagtipon sa mga Banal sa Amerika?

Sabihin sa dalawang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na mga salaysay nina Robert Crookston at Priscilla Staines, kapwa mga British na Banal sa mga Huling Araw. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga dahilan kung bakit ang mga British na nabinyagan ay handang makipagtipon sa mga Banal sa Amerika.

“Kailangan naming ibenta ang lahat sa malaking sakripisyo. Ngunit nais naming magtungo sa Sion at maturuan ng Propeta ng Diyos. Matindi naming taglay ang diwa ng pagtitipon kung kaya ang Babilonia ay hindi makapananaig sa amin” (Robert Crookston, autobiography, circa 1900, 5, Church History Library, Salt Lake City).

“Nilisan ko ang tahanan ng aking kapanganakan upang makipagtipon sa Nauvoo. Ako ay nag-iisa. Isang mapanglaw na araw ng taglamig nang nagpunta ako sa Liverpool. Ang mga pasahero ng barko na kung saan ako ay maglalayag ay lahat pawang dayuhan sa akin. Nang dumating ako sa Liverpool at nakita na ang dagat ay malapit nang humarang sa akin at sa lahat ng mahal ko, halos madurog ang puso ko. Ngunit ipinatong ko ang lahat ng aking mga diyus-diyusan sa ibabaw ng dambana. Wala nang balikan noon. Naalala ko ang mga salita ng Tagapagligtas: ‘Siya na hindi iniwan ang ama at ina, kapatid na lalaki at kapatid na babae, dahil sa akin, ay hindi karapatdapat sa akin,’ at pinaniniwalaan ko ang kanyang pangako sa mga taong iniwan ang lahat para sa kanyang kapakanan; kung kaya tumulak ako nang mag-isa para sa gantimpala ng buhay na walang hanggan, na nagtitiwala sa Diyos” (Priscilla Staines, sa Edward W. Tullidge, The Women of Mormondom [1877], 288; iniayon ang pagbabaybay sa pamantayan).

  • Ano ang pinaka-napansin ninyo sa mga talang ito?

Ipaalala sa mga estudyante na tinagubilinan tayo ng Panginoon sa mga nakaraang taon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta na makipagtipon sa mga Banal sa mga bansang tinitirhan natin (tingnan sa Russell M. Nelson, “The Gathering of Scattered Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 81).

  • Paano tayo makatutulong sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon sa pamamagitan ng pagtitipon kasama ng Kanyang mga Banal saanman tayo nakatira? (Habang nagtitipon tayo, maaari nating palakasin, bigyang-inspirasyon, at tulungan ang bawat isa na maisakatuparan ang gawain ng Panginoon.)

Magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng paggamit ng ating mga talento at lakas upang itayo ang kaharian ng Diyos sa huling dispensasyong ito. Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang mga talento o kaloob na ibinigay sa kanila. Sabihin sa kanila na isipin kung ano ang gagawin nila para gamitin ang mga talento at kaloob na iyon upang tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos kung saan sila nakatira.

Hikayatin ang mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pagbabasa ng kabanata 37 ng Mga Banal: Tomo 1.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Ang pagtitipon ng mga tao ng Diyos ngayon

Itinuro ni President Russell M. Nelson na ang mga Banal ay dapat magkakasamang magtipon sa kanilang mga bansa:

Russell M. Nelson

“Ang desisyon na lumapit kay Cristo ay hindi nakabatay sa kinaroroonan ninyo; ito’y batay sa katapatan ng tao. Ang mga tao ay maaaring [dalhin] sa kaalaman ng Panginoon [3 Nephi 20:13] nang hindi nililisan ang kanilang sariling bayan. Tunay na noong bago pa lang ang Simbahan, kaakibat ng pagbabalik-loob ang pandarayuhan. Ngunit ngayon ang pagtitipon ay ginagawa sa bawat bansa. Iniutos ng Panginoon ang pagtatatag ng Sion sa bawat lugar kung saan Niya ibinigay sa Kanyang mga Banal ang kanilang pagsilang at nasyonalidad. Sinasabi ng banal na kasulatan na ang mga tao ‘ay titipunin pauwi sa mga lupaing kanilang mana, at mani[ni]rahan sa lahat ng kanilang mga lupang pangako’ [2 Nephi 9:2]. ‘Ang lahat ng bansa ay ang lugar ng pagtitipon para sa kanyang sariling mga tao’ [Bruce R. McConkie, sa Conference Report, Mexico City Mexico Area Conference 1972, 45]. Ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Brazilian ay sa Brazil; ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Nigerian ay sa Nigeria; ang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal na Korean ay sa Korea; at marami pang iba. Ang Sion ay ‘ang dalisay na puso’ [D at T 97:21]. Ang Sion ay [naroroon] saanman ang mga mabubuting Banal. Ang mga lathalain, pakikipag-ugnayan, at mga kongregasyon ay ganito ngayon na halos lahat ng miyembro ng Simbahan ay maaaring matamasa ang doktrina, mga susi, ordenansa, at pagpapala ng ebanghelyo, saanman sila naroon.

“Ang espirituwal na kapanatagan ay laging nakasalalay sa kung paano namumuhay ang isang tao, hindi kung saan siya naninirahan. Ang mga Banal sa bawat lupain ay may pantay-pantay na karapatan sa pagpapala ng Panginoon” (Russell M. Nelson, “The Gathering of Scattered Israel,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 81).