“Lesson 15: Ang Unang Misyon sa Great Britain,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)
“Lesson 15,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846
Lesson 15
Ang Unang Misyon sa Great Britain
Pambungad at Timeline
Kumikilos sa ilalim ng inspirasyon, sa unang bahagi ng Hunyo 1837, tinawag ni Propetang Joseph Smith si Elder Heber C. Kimball ng Korum ng Labindalawang Apostol upang magmisyon sa England. Kasama ang kapwa apostol na si Orson Hyde at limang iba pang missionary, dumating si Heber sa Liverpool, England, noong kalagitnaan ng Hulyo. Matapos humingi ng patnubay sa Panginoon, ang mga missionary ay nakadama ng inspirasyong magtungo sa Preston, England, kung saan nagkaroon sila ng malaking tagumpay sa pangangaral ng ebanghelyo. Ilang saglit bago ang kanilang mga unang pagbibinyag sa England, naharap ang mga missionary sa mga puwersa ng kaaway. Nakaranas rin sila ng pagsalungat mula sa mga pinuno ng ibang simbahan. Gayunman, sa pamamagitan ng tulong at kapangyarihan ng Espiritu, ang mga missionary ay nakapagbinyag ng mga tao na ang bilang ay nasa pagitan ng isang libo limang daan at dalawang libo at nagtatag ng mga branch ng Simbahan sa Preston at sa mga karatig na mga bayan at nayon.
-
Mga unang araw ng Hunyo 1837Sa pamamagitan ng paghahayag kay Joseph Smith, tinawag ng Panginoon si Heber C. Kimball upang magmisyon sa England.
-
Hulyo 19 o 20, 1837Sina Heber C. Kimball at Orson Hyde, kasama ang limang iba pang missionary, ay dumating sa Liverpool, England.
-
Hulyo 30, 1837Nabinyagan ang mga unang convert sa England.
-
Agosto 6, 1837Inorganisa sa Preston ang unang branch ng Simbahan sa England.
-
Mayo 22, 1838Si Heber C. Kimball ay bumalik sa Kirtland, Ohio, mula sa kanyang misyon sa England.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), mga kabanata 24–25
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Tinawag ng Panginoon si Heber C. Kimball upang ipangaral ang ebanghelyo sa England
Idispley ang kalakip na larawan ng labas at loob ng Kirtland Temple.
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Heber C. Kimball (1801–68) ng Unang Panguluhan, na miyembro noon ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“[Noong simula ng Hunyo 1837], … pumunta sa akin si Propetang Joseph habang nakaupo ako sa harap ng pulpito, sa hapag ng sakramento … [sa Kirtland Temple], at bumulong sa akin, nagsasabing, ‘Brother Heber, ang Espiritu ng Panginoon ay bumulong sa akin: “Papuntahin ang aking tagapaglingkod na si Heber sa England at ipapahayag ang aking Ebanghelyo, at ipabukas ang pinto ng kaligtasan sa bansang iyon”’” (Heber C. Kimball, sa Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball [1888], 116; iniayon ang pagbabantas sa pamantayan).
“Ang ideya na maitalaga sa ganoong kahalagang tungkulin at misyon ay halos hindi ko makayanan; nadama ko ang aking mga kahinaan at pagiging hindi karapat-dapat at halos handa nang magapi ng pagkalula sa gawain … , at hindi ko mapigilang mapabulalas ng: O Panginoon, ako ay isang taong ‘nauutal ang dila’ at lubusang hindi karapat-dapat para sa ganoong gawain. Paano ako hahayo upang mangaral sa lupaing iyon, na kilalang-kilala sa buong mundo ng mga Kristiyano sa [pag-aaral], kaalaman, at pagkamatuwid?” (Journal of Heber C. Kimball, pat. R. B. Thompson [1840], 10; iniayon ang pagbabantas sa pamantayan).
-
Bakit nadama ni Heber na siya ay “hindi karapat-dapat” na mangaral ng ebanghelyo bilang isang missionary sa England?
-
Bakit maaaring kung minsan ay nadarama natin na hindi natin kayang gampanan ang isang tungkulin o gawain na itinakda sa atin ng Panginoon at ng Kanyang mga lingkod?
Ipaliwanag na bukod pa sa nararamdamang kakulangan ni Heber, ang mahihirap na sitwasyon sa Kirtland noong panahon ng kanyang pagkahirang sa misyon ay maaaring nagpahirap kay Heber na umalis upang ipangaral ang ebanghelyo sa ibayong dagat.
-
Batay sa nabasa ninyo sa mga kabanata 24–25 ng Mga Banal: Tomo 1 at sa natalakay natin sa lesson 14, anong mga kundisyon ang umiral sa Kirtland, Ohio, noong 1837 na naging dahilan upang mahirapan si Heber na maglingkod sa isang misyon sa panahong ito? (Kung kinakailangan, ipaalala sa mga estudyante ang krisis sa pananalapi na nakaapekto sa mga Banal sa Kirtland at ang pag-apostasiya ng maraming miyembro ng Simbahan, kabilang na ang ilang lider ng Simbahan, na hayagang tumutol sa pamumuno ni Joseph Smith.)
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–44):
“Sa nangyayari ngayon … inihayag sa akin ng Diyos na may bagong bagay na kailangang gawin upang maisalba ang Kanyang Simbahan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 383).
Ipaliwanag na inihayag ng Diyos na dapat magpadala si Joseph Smith ng mga missionary para ipangaral ang ebanghelyo sa England.
-
Sa palagay ninyo, paano makakatulong ang pagpapadala ng mga missionary sa England sa mahirap na panahong ito upang maisalba ang Simbahan ng Panginoon? (Kung kinakailangan, ipaliwanag na itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball na ang gawaing missionary ay napakahalaga sa Simbahan: “Kung walang mga bininyagan, ang Simbahan ay mawawala” [“When the World Will Be Converted,” Ensign, Okt. 1974, 4].)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Heber C. Kimball, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Hilingin sa klase na alamin kung ano ang nakatulong kay Heber na magkaroon ng pananampalataya na tanggapin ang pagtawag sa kanya na magmisyon.
“Nadarama ang sarili kong kahinaan at pagiging hindi marapat para sa gayong gawain, ako ay sumamo sa Panginoon para sa karunungan at sa kinakailangan kong kapanatagan at suporta. …
“… Sinikap kong magtiwala sa Diyos, naniniwala na Siya ay tutulong sa aking pagpapahayag ng katotohanan, na tutulungan Niya akong mabatid ang sasabihin, at Siya ay magbibigay ng tulong sa oras ng pangangailangan” (Journal of Heber C. Kimball, pat. R. B. Thompson [1840], 15).
-
Ano ang nakatulong kay Heber na magkaroon ng pananampalataya na maglingkod sa misyon, sa kabila ng kanyang mga takot at nadaramang kakulangan?
-
Ano ang ilang alituntunin na matututuhan natin mula sa pananampalataya at halimbawa ni Heber? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang alituntunin, ngunit tiyaking matutukoy nila ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung magtitiwala tayo sa Panginoon sa kabila ng ating mga takot at kakulangan, susuportahan Niya tayo sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan at gagawin tayong karapat-dapat na gawin ang Kanyang gawain. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)
Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng katibayan sa buong lesson na itinaguyod at tinulungan ng Diyos si Heber sa kanyang misyon.
Ipaliwanag na wala pang dalawang linggo matapos matanggap ang pagtawag sa kanya na magmisyon, pumunta si Heber sa England. Inilarawan ng isa sa kanyang mga kakilala, si Robert B. Thompson, ang nasaksihan niya sa tahanan ng mga Kimball noong araw na umalis si Heber. Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na kuwento:
“Nakapasok ako nang hindi sinasadya sa bahay [ng mga Kimball], ang pintuan ay bahagyang nakabukas. Pagpasok ko, nabighani ako sa tanawing tumambad sa akin. Dapat ay umalis ako, iniisip kong ako ay nanghimasok, ngunit napako ako sa aking kinalalagyan. Ibinubuhos ni [Heber] … ang kaibuturan ng kanyang kaluluwa sa [Diyos sa pagsusumamo] … na … tutustusan Niya ang mga pangangailangan ng kanyang kabiyak at ng mga musmos sa kanyang pag-alis. Pagkatapos ay ipinatong niya … ang kanyang mga kamay sa kanila, nang paisa-isa, upang bigyan [sila] ng basbas ng isang ama, at ipinagkatiwala sila sa pangangalaga at proteksyon ng Diyos, habang siya ay nangangaral ng ebanghelyo sa malayong lupain. Habang ginagawa niya ito, halos hindi marinig ang kanyang tinig dahil sa mga hikbi ng mga tao sa paligid, na nabigong pigilan ang mga ito. … Napilitan siyang tumigil nang ilang ulit, habang tumutulo ang malalaking patak ng luha sa kanyang pisngi. … Hindi ko nagawang sambitin ang aking nadarama… [at] napaiyak ako, at napaluha kasama nila; kasabay nito, nagpasalamat ako na magkaroon ng pribilehiyong masaksihan ang ganoong tagpo. Naisip ko na walang maaaring makahikayat sa lalaking iyon na lumayo sa … kanyang kabiyak at mga anak na napakahalaga sa kanya—maliban sa tungkulin at pag-ibig sa Diyos, at pagiging tapat sa kanyang layunin” (Robert B. Thompson, sa Journal of Heber C. Kimball, pat. R. B. Thompson [1840], v–vi; iniayon ang pagbabaybay at pagbabantas sa pamantayan.).
Anyayahan ang mga estudyante na isipin na kunwari ay nasa katayuan sila ni Heber, ng kanyang asawang si Vilate, o ng isa sa kanilang mga anak, at itanong:
-
Anong mga hamon ang isinasagisag ng misyong ito sa England para sa inyo at sa inyong pamilya?
Ipinangaral ng mga missionary ang ebanghelyo at itinatag ang Simbahan sa Preston, England, at sa mga karatig bayan
Idispley ang kalakip na mapa. Ipaliwanag na si Heber, kasama sina Orson Hyde, Willard Richards, Joseph Fielding, John Goodson, Isaac Russell, at John Snider, ay sumakay ng barko mula New York patungong Liverpool, England, at dumating noong kalagitnaan ng Hulyo, 1837.
Hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tigalawa o tigatlong katao. Bigyan ang bawat grupo ng kopya ng kasamang handout na “Pagtawag sa Panginoon para sa Patnubay,” at hilingin sa kanila na basahin ang handout at talakayin sa kanilang mga grupo ang kanilang mga sagot sa mga tanong sa handout.
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang mga sagot ng kanilang mga grupo sa klase. Gamitin ang mga sagot ng mga estudyante sa ikalawang tanong sa handout para makasulat ng alituntunin sa pisara na katulad ng sumusunod: Habang hinahangad natin ang patnubay ng Panginoon, gagabayan Niya tayo sa pamamagitan ng Espiritu upang malaman kung paano maisakatuparan ang Kanyang gawain.
Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang kabanata 24 ng Mga Banal: Tomo 1. Anyayahan ang ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas mula sa pahina 321, simula sa talatang nag-uumpisa sa “Dumating ang mga missionary sa England …” at nagtatapos sa talata sa pahina 322 na nagsisimula sa “Pangangaral ang ikinabubuhay ni James …” Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isang paraan na inihanda ng Panginoon ang Preston para sa pangangaral ng ebanghelyo.
Ipaliwanag na pagkatapos mangaral ng mga missionary sa pulpito ni Reverend Fielding sa Kapilya ng Vauxhall, maraming miyembro ng kongregasyon ni Reverend Fielding ang positibong tumanggap sa mensahe ng mga missionary.
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Heber C. Kimball, at anyayahan ang isang estudyante na basahin ito nang malakas:
“Si [Reverend] G. Fielding, na magiliw na nag-imbita sa amin na mangaral sa kanyang kapilya, matapos mabatid na marami sa kanyang mga miyembro ang naniwala sa aming patotoo at ang ilan ay nagnais na magpabinyag, ay nagsara ng kanyang pintuan sa amin at hindi na kami pinayagang mangaral pa sa kanyang kapilya. …
“… Gayunman, hindi sinunod ng kanyang kongregasyon ang kanyang halimbawa, sila ay matagal-tagal nang nagdarasal para sa aming pagdating, at … sila ay handang-handa sa pagtanggap ng ebanghelyo. … Wala na ngayong pampublikong lugar para mangaral, kami ay nagsimulang mangaral sa mga pribadong bahay, na nabuksan sa lahat ng dako” (Journal of Heber C. Kimball, pat. R. B. Thompson [1840], 17, 18; iniayon ang pagbabantas sa pamantayan).
-
Paano ipinakita ng salaysay na ito na binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang mga missionary na pumunta sa Preston?
Ipaliwanag na mga isang linggo matapos dumating sa Preston, naghanda ang mga missionary na binyagan ang mga taong tumanggap ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Noong umaga sa araw na magaganap ang mga unang binyag na ito sa England, ang mga missionary ay nakaranas ng nakakatakot na pakikipaglaban sa mga puwersa ng kaaway.
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Heber C. Kimball:
“Sa pagsikat ng araw, si Brother Russel[l]… ay nanawagan sa amin [Heber C. Kimball at Orson Hyde] na tumayo at manalangin para sa kanya, sapagkat siya ay … sinasaniban ng masasamang espiritu. … Agad kaming tumayo at ipinatong ang mga kamay sa kanya at nanalangin na maawa sa kanyang tagapaglingkod ang Panginoon at pagsabihan ang mga diyablo; habang ginagawa ito ay nakadama ako ng malakas na puwersa ng isang hindi nakikitang kapangyarihan at ako ay bumagsak sa sahig na walang-malay. … [Isang pangitain ang nabuksan sa aming isipan at] malinaw naming nakita ang masasamang espiritu na lumitaw at nagngalit ang kanilang mga ngipin sa amin. … Pinagpawisan ako nang labis, at ang damit ko ay basang-basa na para bang galing ako sa ilog. … Sa [karanasang ito] ay nalaman ko ang kapangyarihan ng kalaban [at] ang kanyang pagkapoot laban sa mga lingkod ng Diyos at nagkaroon ng kaalaman tungkol sa hindi nakikitang daigdig. Gayunman, iniligtas kami ng Panginoon mula sa galit ng aming mga espirituwal na kaaway at lubha kaming pinagpala nang araw na iyon, at nagkaroon ako ng kasiyahang … magbinyag ng siyam na tao” (Journal of Heber C. Kimball, pat. R. B. Thompson [1840], 19; iniayon ang pagbabaybay at pagbabantas sa pamantayan).
-
Sa palagay ninyo, bakit nagpakita ang kaaway at ang kanyang mga kampon sa panahong ito?
Anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pakikipag-usap ni Pangulong Heber C. Kimball kay Propetang Joseph Smith tungkol sa pagharap ni Heber sa kaaway. Hilingin sa mga estudyante na pakinggan ang isang alituntunin na itinuro ng Propeta kay Heber.
“Pagkaraan ng ilang taon, habang isinasalaysay ang kakila-kilabot na karanasan ng umagang iyon kay Propetang Joseph, itinanong ni Heber sa kanya ang ibig sabihin ng lahat ng ito, at kung may anumang mali sa kanya kaya nakasaksi siya ng ganoong pagpapakita.
“‘Wala, Brother Heber,’ sagot niya, ‘noong panahong iyon ay malapit ka sa Panginoon; isang tabing lamang ang namamagitan sa inyo ng Panginoon, ngunit hindi mo Siya nakikita. Nang marinig ko ito, nagbigay ito sa akin ng labis na kagalakan, sapagkat nalaman ko noon na ang gawain ng Diyos ay nagsimula nang maitatag sa lupaing iyon. Ito ang dahilan kung bakit nakipagbuno ang diyablo [laban] sa iyo.’
“Pagkatapos ay isinalaysay ni Joseph ang ilan sa sarili niyang karanasan, sa maraming pakikipagbuno niya sa masama, at sinabing: ‘Kung mas napapalapit ang isang tao sa Panginoon, nagiging mas malakas ang kapangyarihan na ipinapakita ng kalaban upang hadlangan ang pagsasakatuparan ng Kanyang mga layunin’” (Orson F. Whitney, Life of Heber C. Kimball [1888], 145–46).
-
Ano ang ipinahihiwatig ng Propeta na dahilan kung bakit natuon ang kapangyarihan ng kaaway laban sa mga missionary sa England?
-
Anong alituntunin ang matutukoy natin mula engkuwentro ng mga missionary sa kaaway at sa mga turo ng Propeta tungkol dito? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang isang alituntuning tulad ng sumusunod: Pipigilan tayo ng kaaway kapag hinahangad nating lumapit sa Panginoon at gawin ang Kanyang kalooban.)
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, anyayahan ang isang estudyante na basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Bago ang mahahalagang sandali, talagang bago ang mga dakilang espirituwal na sandali, maaaring may dumating na hirap, pagsalungat, at kadiliman. Kasama sa buhay natin ang ilan sa mga sandaling ito, at paminsan-minsan ay dumarating ang mga ito kapag malapit na tayong gumawa ng isang mahalagang pagpapasiya o mahalagang hakbang sa ating buhay” (Jeffrey R. Holland, “Huwag Nga Ninyong Itakuwil ang Inyong Pagkakatiwala”,” Liahona, Hunyo 2000, 45).
-
Ano ang halimbawa ng mga espirituwal na sandali, mahahalagang desisyon, at malalaking hakbang sa ating buhay kung kailan maaari tayong maharap sa oposisyon ng kaaway?
-
Paano maaaring makatulong na maalaala sa mga sandaling ito na sinasalungat ng kaaway ang ating mga pagsisikap na lumapit sa Panginoon at gawin ang Kanyang kalooban?
-
Anong patnubay at payo ang ibinigay ng Panginoon upang tulungan tayong mapaglabanan o madaig ang ganoong pagsalungat? (Kung kinakailangan, patingnan sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 10:5; 1 Nephi 15:24; at 3 Nephi 18:18.)
Ipaliwanag na matapos manatili sa Preston nang mahigit lamang sa isang linggo, ang mga missionary ay nabigyang-inspirasyon na bisitahin din ang mga karatig na lugar. Sina Willard Richards at John Goodson ay nagtagumpay sa pangangaral ng ebanghelyo sa Bedford, at sina Isaac Russell at John Snider ay nangaral sa Alston. Sina Joseph Fielding at Orson Hyde ay nakipagtulungan kay Heber C. Kimball sa paligid ng Preston. Sa kabila ng pagsalungat mula sa ilang mga ministro, ang mga missionary ay inakay ng Espiritu sa mga tahanan ng mga taong handang tanggapin ang katotohanan.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang isinalaysay ni Pangulong Heber C. Kimball:
“Ako ay humayo at isinagawa ang misyon ayon sa mga salita ng Propeta ng Diyos na buhay at nawala ng labing-isang buwan at dalawang araw sa Kirtland, … kung saan sa panahong ito ay may mga dalawang libong katao na sumapi sa simbahan at kaharian ng Diyos, sa tulong nina Elder Willard Richards, Orson Hyde, at Joseph Fielding. …
“Ako ay lubusang pinagpala at pinanagana ng Diyos. … Ako ay mahirap at mahina at kakaunti lamang ang nalalaman sa gawaing ito sa mga huling araw: ang aking kaalaman ay ayon sa aking karanasan. At sapat din naman ang nalalaman ko, sa tulong ng Espiritu Santo, upang hiyain ang mga marurunong at pawalang-saysay ang mga bagay na kahangalan ng sanglibutan. Kumuha ang Diyos ng mahihinang kasangkapan lamang gaya ng aking sarili upang isakatuparan ang kanyang mga dakilang layunin” (Heber C. Kimball, “Sermon,” Deseret News, Dis. 2, 1857; iniayon ang pagbabaybay at pagbabantas sa pamantayan).
Sumangguni sa unang alituntuning isinulat mo sa pisara. Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon nang tinulungan sila ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan at ginawa silang marapat na gawin ang Kanyang gawain dahil sila ay nagtitiwala sa Kanya. Hilingin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang karanasan sa klase. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.
Hikayatin ang mga estudyante na magtiwala sa Panginoon, hangarin ang Kanyang patnubay, at maniwala na susuportahan Niya sila at aakayin sila sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain. Hilingin sa mga estudyante na isulat sa kanilang study journal ang gagawin nila upang madagdagan ang kanilang tiwala sa Panginoon at mas hangarin ang Kanyang patnubay.
Anyayahan ang mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kabanata 26–28 ng Mga Banal: Tomo 1.