“Lesson 1: Pasimula sa Panunumbalik,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)
“Lesson 1,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846
Lesson 1
Pasimula sa Panunumbalik
Pambungad at Timeline
Itinatag ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan noong Kanyang mortal na ministeryo rito sa mundo. Pagkatapos ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, ipinagpatuloy ng mga Apostol ang paggabay sa Simbahan ayon sa patnubay ng paghahayag. Gayunman, nang mapatay ang mga Apostol, ang mga susi at awtoridad ng priesthood ay nawala sa mundo, at ang mga orihinal na turo ni Jesucristo at ng Kanyang mga Apostol ay binago at binaluktot. Ang mga pangyayaring ito ay humantong sa isang panahon na tinawag na Malawakang Apostasiya, isang panahon kung kailan wala sa mundo ang Simbahan ni Cristo at ang awtoridad na pamunuan ito (tingnan sa “Apostasy,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org). Noong panahon ng Malawakang Apostasiya, inihanda ng Panginoon ang daan para mapanumbalik ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga pangyayaring tulad ng Renaissance sa Europa, Protestant Reformation, pagsasalin ng Biblia sa Ingles at iba pang mga wika, at pagtatatag ng kalayaan sa relihiyon sa Estados Unidos sa pamamagitan ng Konstitusyon nito. Isinilang si Joseph Smith sa isang panahon at lugar na ginawang posible para sa Panginoon na tawagin siya bilang Propeta ng Panunumbalik. Pinalakas ng Panginoon si Joseph Smith para maisakatuparan ang Kanyang banal na layunin sa pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo at Simbahan sa lupa.
-
Mga 1450Gumawa ang German na imbentor na si Johannes Gutenberg ng movable type para sa paglilimbag, na nagtulot sa mga aklat—kabilang na ang Biblia—na madaling mabili at mabasa ng publiko.
-
1500–1611Ang mga bagong pagsasalin ng Biblia sa Ingles at iba pang mga wika ay naging mas madaling mabili at mabasa.
-
1517–64Si Martin Luther at ang iba pang mga tao sa Europa ay nanawagan ng reporma sa relihiyon.
-
1620–1750Maraming Europeong Protestante ang dumayo sa Hilagang Amerika upang makahanap ng kalayaan sa relihiyon.
-
1787–91Ang kalayaan sa relihiyon ay ipinatupad ng Konstitusyon ng Estados Unidos.
-
1805Si Joseph Smith Jr. ay isinilang sa Sharon, Vermont.
Paunawa: Ang ilang mga petsa ay tinantiya.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Inihanda ng Diyos ang daan para sa Panunumbalik ng ebanghelyo
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ipinaliwanag minsan ni Elder Neal A. Maxwell: … ‘Hindi “nagkataon” lang ang paggawa [ng Diyos] sa mga bagay kundi ayon sa “banal na plano”’ [Neal A. Maxwell, “Brim with Joy” (Brigham Young University devotional, Ene. 23, 1996), 2, speeches.byu.edu]. …
“Nagaganap ang mahahalagang pangyayari sa ebanghelyo at sa Simbahan na nagsusulong sa kaharian ng Diyos sa lupa. Hindi nagkataon lang ang mga ito kundi ayon sa plano ng Diyos” (Ronald A. Rasband, “Sa Banal na Plano,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 55).
-
Ano ang mga halimbawa ng mga pangyayari na maaaring isipin ng ilan na nagkataon lang ngunit pinaniniwalaan ninyong nangyari ayon sa banal na plano?
Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga alituntunin sa lesson sa araw na ito na nagpapakita na isinusulong ng kamay ng Diyos ang Kanyang gawain sa lupa at sa mga buhay ng kanyang mga anak.
Magpakita ng larawan ng Tagapagligtas na inoordenan ang Kanyang mga Apostol. Ipaalala sa mga estudyante na noong ministeryo ng Tagapagligtas dito sa lupa, Siya ay tumawag ng mga Apostol, binigyan sila ng awtoridad at mga susi ng priesthood, at itinatag ang Kanyang Simbahan.
Sabihin sa mga estudyante na ibuod kung paano nagkaroon ng apostasiya sa Simbahan ng Panginoon. (Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan na bago at “pagkatapos ng kamatayan ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga Apostol, binaluktot ng mga tao ang mga alituntunin ng ebanghelyo at gumawa ng mga di-awtorisadong pagbabago sa organisasyon ng Simbahan at sa mga ordenansa ng priesthood. Dahil sa malawakang apostasiyang ito, binawi ng Panginoon ang awtoridad ng priesthood mula sa lupa” [“Apostasy,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org].)
-
Paano tayo matutulungan ng pag-unawa na nagkaroon ng apostasiya na mas maunawaan ang pangangailangan para sa Panunumbalik?
Bigyang-diin na noong panahong ito ng malawakang apostasiya, ang Diyos ay patuloy na nagbigay-inspirasyon sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng Liwanag ni Cristo at ng impluwensya ng Espiritu Santo (tingnan sa D at T 84:46; tingnan din sa “Statement of the First Presidency regarding God’s Love for All Mankind,” Peb. 15, 1978). Ang banal na patnubay na ito ay nagbigay-inspirasyon sa mga indibiduwal na tumulong na maisakatuparan ang mahahalagang pangyayari at pagbabago na naghanda sa daigdig para sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw.
Hatiin ang mga estudyante bilang magkakapares o sa maliliit na grupo, at bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng kalakip na handout, “Ang Renaissance at ang Repormasyon.” Sabihin sa mga estudyante na basahin nang malakas ang handout sa kanilang grupo, na hinahanap ang mga halimbawa ng mga indibiduwal at mga pangyayari na binigyang-inspirasyon ng Diyos na tumulong sa paghahanda ng daan para sa Panunumbalik ng ebanghelyo.
Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang nalaman.
-
Sa palagay ninyo, bakit isang mahalagang hakbang sa paghahanda sa daigdig para sa Panunumbalik ng ebanghelyo ang paggawang mas madaling mabili at mabasa ng mga anak ng Diyos ang mga banal na kasulatan?
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na pakinggan ang karagdagan pang mga pangyayari na naghanda ng daan para sa Panunumbalik.
“Ang pang-aapi ng relihiyon sa England … [ay nag-udyok sa] marami [na] … [m]aghangad ng kalayaan sa ibang lupain. Kasama rito ang mga Pilgrim, na humantong sa mga lupain ng Amerika noong 1620. … Sumunod ang iba pang mga mananakop, pati na ang mga gaya ni Roger Williams, tagapagtatag at, kalauna’y gobernador ng Rhode Island, na patuloy na naghanap sa tunay na Simbahan ni Cristo. Sinabi ni Williams na walang regular na naitatag na simbahan ni Cristo sa lupa, ni sinumang awtorisadong mangasiwa sa anumang ordenansa ng simbahan, at hindi magkakaroon nito hanggang magsugo ng mga bagong apostol ang dakilang Pinuno ng simbahan na ang pagdating ay kanyang hinahangad.
“Pagkaraan ng mahigit isang siglo, ang damdaming iyon tungkol sa relihiyon ay gumabay sa mga nagtatag ng bagong bansa sa kontinente ng Amerika. Sa kamay ng Diyos, nakakuha sila ng kalayaan sa relihiyon para sa lahat ng mamamayan sa tulong ng inspiradong Bill of Rights. Labing-apat na taon pagkaraan, noong Disyembre 23, 1805, isinilang si Propetang Joseph Smith. Malapit nang matapos ang paghahanda para sa Panunumbalik” (Robert D. Hales, “Mga Paghahanda para sa Panunumbalik at ang Ikalawang Pagparito: ‘Ang aking Kamay ang Gagabay sa Iyo’” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 90).
-
Sa palagay ninyo, bakit kinakailangan ang kalayaan sa relihiyon para sa Panunumbalik ng ebanghelyo?
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Noong binatilyo pa siya, si Joseph ‘ay natawag sa matamang pagmumuni-muni’ [Joseph Smith—History 1:8] sa paksa ng relihiyon. Dahil isinilang sa isang lupaing malaya sa relihiyon, maitatanong niya kung alin sa mga simbahan ang tama. At dahil naisalin na sa Ingles ang Biblia, mahahanap niya ang kasagutan mula sa salita ng Diyos. … Ang mapagkumbabang batang magsasakang ito ang propetang pinili ng Diyos na magpanumbalik ng sinaunang Simbahan ni Jesucristo at ng Kanyang priesthood sa mga huling araw na ito” (Robert D. Hales, “Mga Paghahanda para sa Panunumbalik at ang Ikalawang Pagparito: ‘Ang aking Kamay ang Gagabay sa Iyo’” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 90).
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga inspiradong pangyayaring naganap sa mga siglo bago ang pagsilang ni Propetang Joseph Smith? (Matapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Dahil sa Kanyang walang hanggang karunungan, ang Diyos ay naghanda ng daan para sa Panunumbalik ng ebanghelyo.)
-
Paano makatutulong sa inyo na magkaroon ng higit na pananampalataya sa Diyos ang pag-unawa sa Kanyang kaalaman patungkol sa hinaharap at walang hanggang karunungan, na ipinakita sa Kanyang paghahanda para sa Panunumbalik?
Ipinapakita ng kasaysayan ng Simbahan na isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng mga karaniwan at di-perpektong tao na Kanyang binibigyang inspirasyon at pinatatatag
Ipaalala sa mga estudyante ang pahayag ni William Tyndale sa isang paring may pinag-aralan: “Kung pahahabain ng Diyos ang buhay ko ipaaalam ko sa isang batang lalaking nag-aararo ang mas maraming banal na kasulatan kaysa sa iyo” (sa Robert D. Hales, “Paghahanda para sa Panunumbalik,” 90). Ipaliwanag na matapos ibahagi ang pahayag na ito ni Tyndale, ipinahayag ni Elder Marcus B. Nash ng Pitumpu ang sumusunod na salaysay:
“Sa isang kataka-takang pagkakatulad pagkalipas ng 300 taon, si Nancy Towle, isang kilalang naglilibot na mangangaral noong 1830s, ay bumisita sa Kirtland upang personal na matyagan ang ‘mga Mormon.’ Sa pakikipag-usap kay Joseph at sa iba pang mga pinuno ng Simbahan, pinintasan niya nang matindi ang Simbahan.
“Ayon sa tala ni Towle, walang sinabi si Joseph hanggang sa hinarap niya ito at sinabing sumumpa ito na may isang anghel na nagpakita sa kanya kung saan matatagpuan ang mga gintong lamina. Magiliw siyang sinagot nito na ni minsan ay hindi ito nanumpa! Sa kabiguang lituhin ito, sinubukan niyang maliitin si Joseph. ‘Hindi ka ba nahihiya, sa gayong mga pagkukunwari?’ tanong niya. ‘Ikaw, na isa lamang ignoranteng taga-araro ng ating lupain!’
“Kalmadong sumagot si Joseph, ‘Ang kaloob ay muling bumalik, tulad noong unang panahon, sa mga mangmang na mangingisda’ [Vicissitudes Illustrated, in the Experience of Nancy Towle, in Europe and America (1833), 156, 157]” (Marcus B. Nash, “Joseph Smith: Kalakasan Mula sa Kahinaan,” Liahona, Dis. 2017, 26).
-
Batay sa sinabi ng bumibisitang mangangaral na si Nancy Towle kay Joseph Smith, bakit siya nahirapang maniwala na si Joseph ay nakakita ng isang anghel at tinawag ng Diyos na maging propeta?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Propetang Joseph Smith sa pagbanggit sa “mga mangmang na mangingisda” sa kanyang tugon kay Nancy Towle? (Kung kinakailangan, sabihin na ang “mga mangmang na mangingisda” ay tumutukoy sa mga orihinal na Apostol ni Jesucristo, na ilan sa kanila ay mapagpakumbabang mangingisda.)
Sabihin sa dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng I Mga Taga Corinto 1:26–29 at Doktrina at mga Tipan 124:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuturo ng mga talatang ito na tumutukoy sa tungkulin at misyon bilang propeta ni Joseph Smith.
-
Ano ang nakita ninyo sa mga talata na tumutukoy sa tungkulin at misyon bilang propeta ni Joseph Smith?
-
Sa palagay ninyo, bakit tinatawag ng Panginoon ang “mahihinang bagay ng mundo” upang maisagawa ang Kanyang gawain (D at T 124:1)?
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na alamin ang itinuro ni Elder Maxwell gamit ang personal na pakikipag-ugnayan ni Pangulong Lorenzo Snow kay Propetang Joseph Smith.
“Sinabi ni Lorenzo Snow na nakakita siya ng ilang kapintasan kay Propetang Joseph Smith, subalit ang kanyang reaksyon ay kagila-gilalas na makita kung paano pa rin nagagamit ng Panginoon si Joseph. Nang makita ito, ipinalagay ni Elder Lorenzo Snow—kalaunan ay Pangulong Snow—na maaaring may kaunting pag-asa pa sa kanyang sarili!
“Isa sa mga dakilang mensahe na nagmula sa paggamit ng Panginoon kay Joseph Smith bilang ‘isang piniling tagakita’ sa mga huling araw ay tunay na mayroong pag-asa para sa bawat isa sa atin! Matatawag tayo ng Panginoon sa ating mga kahinaan at mapalalakas pa rin tayo para sa Kanyang mga layunin” (Neal A. Maxwell, “A Choice Seer,” Ensign, Ago. 1986, 14).
-
Bakit ang pagkakita ng mga kapintasan ni Propetang Joseph Smith ay nagbigay kay Lorenzo Snow ng pag-asa para sa kanyang sarili?
-
Anong alituntunin ang matutukoy natin mula sa pahayag ni Elder Maxwell? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning katulad ng sumusunod: Tumatawag ang Panginoon ng mahihina at hindi perpektong mga tao at pinalalakas sila upang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin.)
-
Paano makatutulong ang alituntuning ito sa isang taong nahihirapan sa kanyang pananampalataya dahil sa mga pagkukulang na likas sa tao na nakikita niya sa mga kasalukuyan o dating miyembro at lider ng Simbahan?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Iniisip ng napakaraming tao na dapat maging perpekto o halos perpekto ang mga lider at miyembro ng Simbahan. Nalilimutan nila na ang biyaya ng Panginoon ay sapat para maisakatuparan ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng mga mortal. Ang mga lider natin ang may pinakamabubuting intensyon, ngunit kung minsan nagkakamali tayo. Ito ay hindi kakaiba sa pakikipag-ugnayan sa Simbahan, tulad ng nangyayari sa ating pakikipag-ugnayan sa mga kaibigan, kapitbahay, at mga kasamahan sa trabaho at sa pagitan ng mag-asawa at pamilya.
“Ang paghahanap sa mga kahinaan ng ibang tao ay madali. Gayunman, nagkakamali tayo kapag ang pinapansin lamang natin ay ang mga likas sa tao at pagkabigong makita ang pagkilos ng kamay ng Diyos sa pamamagitan ng mga taong tinawag Niya” (M. Russell Ballard, “Ang Diyos ang Namamahala,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 25).
-
Kailan ninyo nakita ang Panginoon na binigyang-inspirasyon at pinalakas ang isang tao upang magawa ang Kanyang gawain sa kabila ng mga kahinaan at kapintasan ng taong iyon? (Maaari kang magbahagi ng sarili mong halimbawa. Kung kinakailangan, paalalahanan ang mga estudyante na huwag pintasan ang iba o magbahagi ng anumang napakapersonal o napakapribado.)
Ipaliwanag sa mga estudyante na sa kursong ito, pag-aaralan nila ang kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw mula sa panahon ng pagkabata ni Joseph Smith hanggang sa paglalaan ng Nauvoo Temple noong 1846. Matututuhan nila kung paano naisagawa ng karaniwan at hindi perpektong mga tao ang gawain ng Diyos nang kanilang matanggap ang Kanyang biyaya at hinangad na gawin ang Kanyang kalooban.
Magpakita ng isang kopya ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846. Ipaliwanag na ang lahat ng babasahin ng mga estudyante ay magmumula sa resource na ito. Maaari mong ipakita sa mga estudyante kung paano mahahanap ang tomong ito sa ChurchofJesusChrist.org at sa Gospel Library app.
Upang makapagbigay ng maikling buod ng mga nilalaman ng Mga Banal: Tomo 1, ipakita ang “Pangkalahatang Timeline ng mga Pangyayari sa Kasaysayan ng Simbahan: 1805–1846,” o ibigay ito bilang handout sa bawat estudyante. Bigyang-diin ang ilan sa mahahalagang pangyayari sa timeline na matututuhan ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral ng tomong ito.
Hikayatin ang mga estudyante na basahin ang buong Mga Banal: Tomo 1 at alamin kung paano ginamit ng Panginoon ang mga karaniwan at hindi perpektong kalalakihan at kababaihan na nanampalataya sa Kanya at nagsikap na sundin ang Kanyang kalooban.
Sabihin sa mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng kabanata 1–2 ng Mga Banal: Tomo 1.