Institute
Lesson 2: Unang Pangitain ni Joseph Smith


“Lesson 2: Unang Pangitain ni Joseph Smith,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Lesson 2,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Lesson 2

Unang Pangitain ni Joseph Smith

Pambungad at Timeline

Noong kabataan niya, hinangad ni Joseph Smith na maunawaan kung ano ang kailangan niyang gawin upang makatanggap ng kaligtasan at kung aling simbahan ang dapat niyang salihan. Habang binabasa ang Biblia, siya ay nabigyan ng inspirasyon na humingi ng patnubay sa Diyos. Noong nanalangin si Joseph Smith sa isang kakahuyan malapit sa kanyang tahanan, ang Diyos Ama at si Jesucristo ay nagpakita at nangusap sa kanya. Matapos maranasan ang pangitaing ito, pinanindigan ni Joseph Smith ang katotohanan nito kahit na pinili ng iba na hindi maniwala sa kanya at usigin siya (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:27).

Disyembre 23, 1805Si Joseph Smith ay isinilang sa Vermont.

Taglamig 1816–17Ang pamilya ni Joseph Smith ay lumipat sa Palmyra, New York.

Bandang Enero 1819Ang pamilya ni Joseph Smith ay lumipat sa isang sakahan sa Manchester, New York.

Tagsibol 1820Nakita at nakausap ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018), kabanata 1–2

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Hinangad ni Joseph Smith na maunawaan kung ano ang kinakailangan niyang gawin upang makatanggap ng kaligtasan at kung aling simbahan ang dapat niyang salihan

Isulat sa pisara ang sumusunod na mga kataga: Labanan ng mga salita at ingay ng mga haka-haka.

  • Ano ang mga ideya at mga larawan na inihahatid sa inyong isipan ng mga katagang “labanan ng mga salita at ingay ng mga haka-haka”?

Kung kinakailangan, ipaliwanag na ginamit ni Joseph Smith ang mga katagang ito upang ilarawan ang mga debate patungkol sa relihiyon na nasaksihan niya noong nasa edad 12 hanggang 14 siya (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:9–10).

  • Ano ang ilang halimbawa ng kung paano nakikisali ang mga tao sa mga labanan ng mga salita at mga ingay ng mga haka-haka sa ating panahon?

  • Paano maaaring gawing mahirap ng mga labanan ng mga salita at mga haka-haka ang paghanap o pagkilala sa katotohanan?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga alituntunin at doktrina sa kanilang pag-aaral tungkol sa paghahanap ni Joseph Smith sa katotohanan na makatutulong sa kanila na mahanap at makilala ang katotohanan.

Ipakita ang kalakip na mapa, “Hilagang-silangang Estados Unidos.”

mapa ng hilagang-silangang Estados Unidos

Ipaliwanag na noong 11 taong gulang si Joseph Smith, lumipat ang kanyang pamilya mula Vermont patungo sa Palmyra, New York. Pagkatapos lang ng isang taon, ang mga Smith ay nakipag-ayos upang bumili ng isandaang acres ng makahoy na lupain sa Manchester, sa timog lang ng Palmyra. Inihanda ng pamilya ang lupain para sa pagsasaka at kalaunan ay nagtayo sa ari-arian ng isang bahay na yari sa troso. (Maaari mong ipakita ang larawan ng muling itinayongbahay na yari sa troso ng pamilya Smith.)

Bahay na yari sa troso ng mga Smith

Ipaliwanag na sa rehiyon kung saan nakatira ang pamilya Smith, may “kakaibang kaguluhan sa paksa ng relihiyon” noong kabataan ni Joseph (Joseph Smith—Kasaysayan 1:5). Ipakita ang sumusunod na pahayag na itinala ni Propetang Joseph Smith (1805–44) sa kanyang 1832 na kasaysayan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Joseph Smith

“Noong nasa mga edad ng labindalawang taon, lubhang natuon ang aking isipan sa napakahalagang pagkabahala sa kapakanan ng aking imortal na kaluluwa. …

“… Maraming bagay akong pinagnilay-nilay sa aking puso tungkol sa sitwasyon ng daigdig ng sangkatauhan, ang mga pagtatalo at pagkakahati, kasamaan at karumal-dumal na gawain, at kadilimang bumabalot sa isipan ng sangkatauhan. Nabagabag nang husto ang aking isipan, sapagkat nadama ko ang bigat ng aking mga kasalanan. … Nagdalamhati ako dahil sa sarili kong mga kasalanan at sa mga kasalanan ng mundo” (“Joseph Smith’s Accounts of the First Vision,” Circa Summer 1832 History, josephsmithpapers.org).

Ipaliwanag na ang pagkabahala ni Joseph para sa kapakanan ng kanyang kaluluwa ay naghikayat sa kanya na dumalo sa mga pulong ng iba’t ibang sekta ng relihiyon sa sumunod na dalawang taon ng kanyang buhay.

  • Paano nakadagdag sa pagkalito ni Joseph ang sinasabi ng iba’t ibang sekta ng relihiyon? (Kung kinakailangan, maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na tingnan ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–10.)

  • Batay sa naunawaan ninyo sa pagbabasa ng kabanata 1 ng Mga Banal: Tomo 1, paano nagdulot ang paghahanap ni Joseph ng katotohanan sa iba’t ibang sekta ng relihiyon na magkaroon ng mahalagang karanasan sa mga banal na kasulatan?

Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder B. H. Roberts (1857–1933) ng Pitumpu, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

B.H. Roberts

“Si Reverend G. Lane ng simbahang Methodist ay nangaral ng isang sermon tungkol sa paksang, ‘Anong simbahan ang dapat kong salihan?’ Binanggit niya ang [Santiago 1:5]. …

“Ang teksto ay tumimo sa isipan ni [Joseph Smith]. Binasa niya ito pagka-uwi, at pinagnilayan ito nang malalim” (B. H. Roberts, A Comprehensive History of the Church, 1:52–53; tingnan din sa Saints: Volume 1, 12–13).

Pagpartner-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na pag-aralan ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–16 sa kanilang pares o grupo, na inaalam ang mga alituntunin na matututuhan natin mula sa karanasan ni Joseph Smith na makatutulong sa atin sa ating paghahanap ng katotohanan. Sabihin sa mga estudyante na maaari nilang markahan ang nalaman nila.

Pagkaraang magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante na basahin at talakayin ang mga talata 11–16, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang alituntuning natukoy nila. Sa paggawa nila nito, maaari mong hilingin sa kanila na ipaliwanag kung paano makatutulong ang alituntuning iyon sa ating paghahanap ng katotohanan.

Kung hindi ito nabanggit ng mga estudyante, bigyang-diin ang sumusunod na alituntuning itinuro sa Santiago 1:5 (tulad ng nakatala sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:11): Kung hihingi tayo sa Diyos, ibibigay Niya ang karunungang hinahangad natin. Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Henry B. Eyring

“Ang pasiya at makatwirang pag-iisip ng tao ay hindi magiging sapat upang masagot ang mga tanong na pinakamahalaga sa buhay. Kailangan natin ng paghahayag mula sa Diyos” (Henry B. Eyring, “Patuloy na Paghahayag,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 70).

  • Ano ang ilang paraan na napagpala kayo ng kaalaman na makahihingi kayo sa Diyos at makatatanggap ng karunungan sa pamamagitan ng paghahayag?

Hikayatin ang mga estudyante na humingi sa Diyos kapag nangangailangan sila ng karunungan at paghahayag.

Ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagpakita kay Joseph Smith bilang sagot sa kanyang panalangin

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:17–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano nasagot ang panalangin ni Joseph Smith.

  • Ano ang mga katotohanan na matutukoy natin mula sa talata 17–19? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ilang katotohanan, kabilang ang sumusunod: Ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagpakita at nangusap kay Joseph Smith. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Balikan ang mga katagang “Labanan ng mga salita at ingay ng mga haka-haka” sa pisara.

  • Paano tayo matutulungan ng ating kaalaman tungkol sa pangitain ni Joseph Smith ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na mapagtagumpayan ang kalituhan na nagmumula sa mga labanan ng mga salita at mga ingay ng mga haka-haka sa ating panahon?

Ipaliwanag na bukod pa sa salaysay ng Unang Pangitain na itinala noong 1838, at inilathala kalaunan sa Joseph Smith—Kasaysayan, si Propetang Joseph Smith ay nagtala rin ng salaysay sa kanyang kasaysayan noong 1832, nagdikta ng salaysay para sa kanyang journal noong 1835, at nagdikta ng isa pang salaysay noong 1842 sa isang liham para sa isang patnugot ng pahayagan na nagngangalang John Wentworth. May lima pang paglalarawan ng ibang tao sa Unang Pangitain na itinala ng mga taong kapanahunan ni Joseph Smith (tingnan sa “First Vision Accounts,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org).

Ipakita ang sumusunod na pahayag at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

“Ang iba’t ibang salaysay tungkol sa Unang Pangitain ay iisa ang kuwento, bagama’t natural na magkakaiba ang kanilang binibigyang-diin at mga detalye. Inaasahan ng mga mananalaysay na kapag muling ikinuwento ng isang tao ang isang karanasan sa iba‘t ibang lugar sa iba’t ibang tagapakinig sa loob ng maraming taon, bawat salaysay ay magbibigay-diin sa iba‘t ibang aspeto ng karanasan at maglalaman ng kakaibang mga detalye. Tunay ngang umiiral ang mga pagkakaibang katulad ng nasa mga salaysay na iyon tungkol sa Unang Pangitain sa iba’t ibang salaysay sa banal na kasulatan tungkol sa pangitain ni Pablo sa daan patungong Damasco at sa karanasan ng mga Apostol sa Bundok ng Pagbabagong-anyo. Subalit sa kabila ng mga pagkakaiba, hindi naiiba ang pangunahing nilalaman ng lahat ng salaysay tungkol sa Unang Pangitain. Nagkamali ang ilan sa pakikipagtalo na anumang pagkakaiba sa muling pagsasalaysay ng kuwento ay katibayan na gawa-gawa lamang ang kuwento. Sa kabilang banda, ang saganang talaan ng kasaysayan ay nagbigay sa atin ng mas maraming impormasyon tungkol sa kagila-gilalas na pangyayaring ito kaysa kaya nating malaman kung hindi ito gayon kahusay na naitala” (““First Vision Accounts,”,” Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org).

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan pa ang karanasan ni Joseph Smith ng pagkakita at pagkausap sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, hatiin ang klase sa tatlong grupo, at bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng kasamang handout, “Mga Karagdagang Salaysay ng Unang Pangitain na Ibinigay ni Joseph Smith.” Sabihin sa bawat grupo na pag-aralan ang isa sa mga salaysay ng Unang Pangitain sa handout, na inaalam ang mga detalye na tutulong sa kanila na mas maunawaan ang nangyari noong Unang Pangitain. Sabihin sa mga estudyante na maaari nilang markahan ang mga detalye na naging kapansin-pansin sa kanila.

Mga Karagdagang Salaysay ng Unang Pangitain na Ibinigay ni Joseph Smith

Kasaysayan, Bandang Tag-init 1832

Sagradong Kakahuyan

“Ako ay nagsumamo sa Panginoon para sa awa, sapagkat wala na akong iba pang mapupuntahan at makukunan ng awa. At narinig ng Panginoon ang aking pagsusumamo sa ilang, at habang nasa ayos ng pagtawag sa Panginoon, noong ikalabing-anim na taon ng aking buhay, isang haligi ng liwanag na higit pa sa liwanag ng araw sa katanghaliang-tapat ang pumaroon sa akin mula sa itaas at nanahan sa akin. Ako ay napuspos ng espiritu ng Diyos, at binuksan ng Panginoon ang kalangitan sa akin at nakita ko ang Panginoon.

“At nangusap siya sa akin, sinasabing, ‘Joseph, anak ko, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan‘. Humayo ka, lumakad sa aking mga palatuntunan, at sundin ang aking mga kautusan. Masdan, ako ang Panginoon ng kaluwalhatian. Ipinako Ako sa krus para sa sanlibutan nang ang lahat ng maniniwala sa aking pangalan ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Masdan, ang sanlibutan ay nasa makasalanang kalagayan, at walang gumagawa ng mabuti, wala, ni isa. Tinalikuran nila ang ebanghelyo at hindi sinusunod ang aking mga kautusan. Lumalapit sila sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga labi subalit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin. At ang aking galit ay nagniningas laban sa mga naninirahan sa lupa, upang bumisita sa kanila ayon sa kanilang kasamaan at upang isakatuparan ang sinabi ng bibig ng mga banal na propeta at apostol. Masdan at narito, ako ay kaagad na paparito, gaya ng nasusulat sa akin, nadaramitan ng kaluwalhatian ng aking Ama.’

“Ang aking kaluluwa ay puspos ng pagmamahal at sa loob ng maraming araw maaari akong magalak nang may malaking kagalakan.”

Journal, Nobyembre 9–11, 1835

“Nanawagan ako sa Panginoon sa taimtim na panalangin. Isang haliging apoy ang lumitaw sa itaas ng aking ulo. Nakatuon iyon sa akin at napuspos ako ng di-masambit na kagalakan. Isang personahe ang lumitaw sa gitna ng haliging nag-aapoy, na nagkalat sa buong paligid subalit walang natutupok. Hindi nagtagal isa pang personahe ang lumitaw na kamukha noong una. Sinabi Niya sa akin, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.’ Siya ay nagpatotoo sa akin na si Jesucristo ang anak ng Diyos. At marami akong nakitang anghel sa pangitaing ito.”

“Church History,” Marso 1, 1842 (Wentworth Letter)

“Ako ay nagtungo sa isang lihim na lugar sa kakahuyan at nagsimulang manawagan sa Panginoon. Habang taimtim na abala sa pananalangin, ang aking isipan ay dinala palayo mula sa mga bagay na nakapalibot sa akin, at ako ay nabalot ng makalangit na pangitain at nakita ko ang dalawang maluwalhating personahe na hawig na hawig sa isa’t isa sa mga katangian at wangis, na naliligiran ng maningning na liwanag na mas maningning kaysa araw sa katanghaliang-tapat. Sinabi nila sa akin na lahat ng sekta ng relihiyon ay naniniwala sa maling doktrina, at na wala sa mga ito ang kinikilala ng Diyos bilang kanyang simbahan at kaharian. At malinaw akong inutusan na ‘huwag sumunod sa kanila,’ at kasabay nito ay tumanggap ako ng isang pangako na ipaaalam sa akin ang kabuuan ng ebanghelyo balang-araw.”

(“Joseph Smith’s Accounts of the First Vision,” josephsmithpapers.org.)

Handout: Mga Karagdagang Salaysay ng Unang Pangitain na Ibinigay ni Joseph Smith

Matapos magkaroon ang mga estudyante ng sapat na oras para mag-aral, sabihin sa mga estudyante mula sa bawat grupo na ibahagi sa klase ang kanilang nalaman.

  • Paano nakatutulong sa inyo ang mga detalye mula sa iba‘t ibang salaysay na tinalakay natin na mas maunawaan ang karanasan ni Joseph Smith sa Unang Pangitain?

  • Batay sa mga salaysay na ito, paano natulungan si Joseph ng mensahe ng Tagapagligtas sa kanyang mga alalahanin tungkol sa kapakanan ng kanyang kaluluwa?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa kanila na maaari nilang isulat ang mga sagot nila sa kanilang notebook o scripture study journal:

  • Paano ninyo nalaman na nakita at nakipag-usap si Joseph Smith sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Paano nakaapekto sa inyong buhay ang patotoo mo tungkol sa Unang Pangitain?

Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga sagot kung kumportable silang gawin ito.

Pinanindigan ni Joseph Smith ang katotohanan ng Unang Pangitain

Ipaliwanag na isang mangangaral at iba pa sa komunidad ni Joseph Smith ang hindi tumanggap sa kanyang patotoo at inusig siya nang sabihin niya sa kanila ang tungkol sa pangitaing naranasan niya (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:21–23).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:24–25. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumugon si Joseph Smith nang pinili ng mga tao na hindi maniwala sa kanyang patotoo. Sabihin sa mga estudyante na maaari nilang markahan ang mga kataga na naging kapansin-pansin sa kanila.

  • Ano ang mga kataga sa talata 24–25 ang naging kapansin-pansin sa inyo? Bakit?

  • Ano ang mga alituntunin na matututuhan natin mula sa halimbawa ni Joseph Smith ng pananatiling tapat sa kanyang patotoo? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga alituntuning tulad ng sumusunod: Ang kaalamang natatanggap natin sa Diyos ay totoo kahit na hindi ito tinatanggap ng daigdig. Mapipili rin nating manatiling totoo sa ating patotoo kahit na kinamumuhian at inuusig tayo dahil sa paggawa nito. Hindi malulugod ang Diyos sa atin at tayo ay mapapasailalim sa sumpa kung hindi tayo mananatiling totoo sa patotoong ibinigay Niya sa atin.)

Ipaliwanag na tulad noong panahon ni Joseph Smith, may mga tao ngayon na nagnanais na pahinain ang katotohanan ng patotoo ni Joseph Smith tungkol sa Unang Pangitain. Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) tungkol sa Unang Pangitain, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante.

Gordon B. Hinckley

“Mahigit sa isa’t kalahating siglong ginugol ng mga kaaway, kritiko, at ilang nagsasabing iskolar ang kanilang buhay sa pagsisikap na pawalang-bisa ang pangitaing iyon. Talagang hindi nila ito maintindihan. Ang mga bagay na ukol sa Diyos ay nauunawaan sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Walang makakapantay sa pangyayaring ito simula noong mabuhay sa daigdig ang Anak ng Diyos. Kung wala ang saligang batong ito ng ating pananampalataya at organisasyon, hindi iiral ang Simbahan. Dahil mayroon tayo nito ay nasa atin ang lahat.

“Marami na ang naisulat, marami pa ang maisusulat, sa pagsisikap na ipaliwanag ito. … Ngunit ang patotoo ng Espiritu, na nadama ng maraming tao simula nang mangyari ito, ay sumasaksi na talagang nangyari ito tulad ng sabi ni Joseph Smith” (Gordon B. Hinckley, “Apat na Batong Panulok ng Pananampalataya,” Liahona, Peb. 2004, 5).

  • Sa paanong mga paraan na isang “saligang bato” para sa ating pananampalataya ang Unang Pangitain ni Joseph Smith?

  • Ano ang magagawa natin upang matulungan tayong manatiling totoo sa ating patotoo tungkol sa Unang Pangitain?

Ibahagi ang iyong patotoo sa mga katotohanang tinalakay ninyo sa lesson na ito. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga katotohanang iyon.

Sabihin sa mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagbabasa ng kabanata 3–4 ng Mga Banal: Tomo 1.

Handout: Mga Karagdagang Salaysay ng Unang Pangitain na Ibinigay ni Joseph Smith