Institute
Pambungad sa Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (Religion 341)


“Pambungad sa Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (Religion 341),” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (2018)

“Pambungad,” Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846

Pambungad sa Materyal para sa Titser ng Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (Religion 341)

Ang Ating Layunin

Ang Mithiin ng Seminaries and Institutes of Religion ay nagsasaad na:

“Ang ating layunin ay tulungan ang mga kabataan at young adult na maunawaan ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo at umasa rito, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit.” (Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo: Isang Hanbuk para sa mga Titser at Lider sa Seminaries and Institutes of Religion [2018], 1).

Para matupad ang ating layunin, itinuturo natin sa mga estudyante ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta. Ang doktrina at mga alituntunin ay itinuturo sa paraang humahantong sa pagkaunawa at pagiging matatag. Tinutulungan natin ang mga estudyante na gampanan ang kanilang papel sa proseso ng pagkatuto at inihahanda sila na ituro ang ebanghelyo sa iba.

Para magawa ang mga layuning ito, ikaw at ang mga estudyante na tinuturuan mo ay hinihikayat na gamitin ang sumusunod na Mga Pangunahing Alituntunin sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo habang sama-sama kayong nag-aaral:

  • “Magturo at mag-aral sa pamamagitan ng Espiritu.

  • “Pag-ibayuhin ang pagmamahal, paggalang, at layunin sa loob ng klase.

  • “Pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw, at basahin ang teksto para sa kurso.

  • “Unawain ang konteksto at nilalaman ng mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga propeta.

  • “Tukuyin, unawain, damhin ang katotohanan at kahalagahan ng mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo at ipamuhay ang mga ito.

  • “Ipaliwanag, ibahagi, at patotohanan ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo.” (Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo, 10).

Ang Mga Pangunahing Alituntunin sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo ay nilayon upang “[hikayatin] ang mga estudyante na aktibong gampanan ang kanilang papel sa pag-aaral nila ng ebanghelyo at pinagyayaman ang kakayahan ng mga estudyante na ipamuhay ang ebanghelyo at ituro ito sa iba.” (Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo, 10). Ang mga mungkahi sa pagtuturo na ibinigay sa mga lesson sa materyal para sa titser na ito ay nagpapakita ng mga paraan upang makamtan ang mga resultang ito sa iyong pagtuturo.

Dagdag pa sa paglalakip at pagsasakatuparan sa mga resultang binanggit, dapat mong tulungan ang mga estudyante na maging matapat sa ebanghelyo ni Jesucristo at matutuhan na malaman ang tama sa mali. Maaaring may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa doktrina, kasaysayan, o posisyon ng Simbahan tungkol sa mga isyung panlipunan. Maihahanda mo ang mga estudyante na matugunan ang gayong mga tanong sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na ipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at pagkakaroon ng doctrinal mastery o kahusayan sa doktrina. (Tingnan sa Doctrinal Mastery Core Document [2018].)

Ibinigay ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na payo para patnubayan ang mga titser sa kanilang paghahangad na matulungan ang mga estudyante na makatanggap ng mga sagot sa kanilang mga tanong:

M. Russell Ballard

“Para maunawaan ninyo ang nilalaman at konteksto ng doktrina at kasaysayan ng mga banal na kasulatan at ng ating kasaysayan, kailangan ninyong mag-aral mula sa ‘pinakamabubuting aklat,’ tulad ng iniutos ng Panginoon [tingnan sa D at T 88:118]. Kasama sa ‘pinakamabubuting aklat’ ang mga banal na kasulatan, mga turo ng makabagong mga propeta at apostol, at pinakamahusay na pag-aaral sa Simbahan. Sa inyong pagsisikap na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya, matutulungan ninyo ang mga estudyante na matuto ng mga kasanayan at pag-uugaling kailangan para matukoy ang mapagtitiwalaang impormasyong hihikayat sa kanila at ang nakalilinlang at maling interpretasyon ng doktrina, kasaysayan, at kaugalian na magpapahina ng kanilang loob. …

“Sa pagtuturo sa inyong mga estudyante at pagsagot sa kanilang mga tanong, binabalaan ko kayo na huwag magbahagi ng mga sabi-sabing nagpapalakas ng pananampalataya pero wala namang basehan o mga lipas nang pag-unawa at paliwanag tungkol sa ating doktrina at mga kaugalian noong araw. Katalinuhan palagi na ugaliing pag-aralan ang mga salita ng mga buhay na propeta at apostol; alamin ang mga isyu, patakaran, at pahayag sa Simbahan sa mormonnewsroom.org at LDS.org; at tingnan ang mga gawa ng kilala, mapag-isip, at tapat na mga LDS scholar para matiyak na hindi kayo nagtuturo ng mga bagay na hindi totoo, lipas na, o kakatwa at kataka-taka” (M. Russell Ballard, “Ang mga Oportunidad at Responsibilidad ng mga CES Teacher sa Ika-21 Siglo” [gabi kasama ang isang General Authority, Peb. 26, 2016]).

Mga Kakaibang Aspeto ng Kursong Ito

Ang Kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw: 1815–1846 (Religion 341) ay naiiba sa ibang kurso sa institute sa maraming paraan. Ito ay hindi nakabatay sa pagkakasunud-sunod na pag-aaral ng teksto ng banal na kasulatan (katulad ng Doktrina at mga Tipan), ni hindi rin nakabatay sa pag-aaral ayon sa tema ng Panunumbalik (tulad ng Cornerstone na kurso na Mga Pundasyon ng Panunumbalik [Religion 225]). Bagkus, ang kursong ito ay isang kronolohikal na pag-aaral ng kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, simula sa mahahalagang pangyayari na humantong sa pagkakatatag ng Simbahan noong 1830 at nagtatapos sa paglalaan ng Nauvoo Temple noong 1846.

Bagama’t ang kursong ito ay ginawa upang matulungan ang mga estudyante na pag-aralan at pahalagahan ang kasaysayan ng Simbahan, mahalagang tandaan na ang tunay na layunin ng kursong ito ay maisakatuparan ang Layunin ng Seminaries and Institutes of Religion. Sa madaling salita, ang layunin ng kursong ito ay hindi lang para makibahagi ang mga estudyante sa isang pag-aaral ng kasaysayan ng Simbahan kundi upang matutuhan at maipamuhay nila ang mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo at maging mas katulad ng kanilang Ama sa Langit.

Ang materyal para sa titser na ito ang iyong pangunahing resource upang matulungan kang maghanda at magturo ng mga epektibong lesson. Ang mga lesson sa materyal para sa titser ay naglalahad ng impormasyon tungkol sa kasaysayan na matatagpuan sa Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846; The Joseph Smith Papers; at iba’t ibang mga autobiography, alaala, sulat, at iba pang pangunahing source na ginawa ng mga indibiduwal na naging bahagi ng mga naunang pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan. Ang nakatalagang mga babasahin ng estudyante para sa kursong ito ay kinuha mula sa Mga Banal: Tomo 1.

Bawat lesson ay karaniwang tinatalakay ang nilalaman mula sa kaugnay na mga babasahin ng mga estudyante sa Mga Banal: Tomo 1. Gayunman, sa ilang pagkakataon, hindi tatalakayin ng mga lesson ang lahat ng pangyayari sa kaugnay na babasahin sa Mga Banal: Tomo 1 o maaaring bigyang-diin ang mga pangyayari na hindi tinalakay o binanggit lang nang pahapyaw sa Mga Banal: Tomo 1. Sa pagbabasa ng mga estudyante sa Mga Banal: Tomo 1 sa labas ng klase, masusundan nila ang ilang naratibo nang sabay-sabay sa maraming kabanata. Matutulungan sila nito na maunawaan ang pangkalahatang kuwento at lawak ng kasaysayan ng Simbahan. Sa klase, ang mga estudyante ay makikibahagi nang mas malalim gamit ang mga salaysay tungkol sa kasaysayan na naranasan mismo ng may-akda, mga banal na kasulatan, doktrina, at mga alituntunin at sila ay may pagkakataong magbahagi ng kanilang mga saloobin, karanasan, at patotoo sa isa’t isa. Sa pagbabasa ng mga estudyante sa labas ng klase at pakikilahok sa klase, makikinabang sila sa parehong pamamaraan.

Paghahanda ng Lesson

Iniutos ng Panginoon na ang mga katotohanan ng Kanyang ebanghelyo ay dapat ituro na “ginagabayan ng Espiritu,” na “ibibigay … sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya” (D at T 42:13–14). Sa iyong paghahanda ng bawat lesson, mapanalanging hangarin ang patnubay ng Espiritu.

Bilang bahagi ng iyong paghahanda, pag-aralan ang nakatalagang mga babasahin ng estudyante para sa bawat lesson. Ito ay tutulong sa iyo na maging pamilyar sa ilan sa mga impormasyon tungkol sa kasaysayan na tinatalakay sa bawat lesson at makatutulong din sa iyo na mapaghandaang sagutin ang mga maaaring itanong ng mga estudyante tungkol sa mga impormasyong iyon.

Pagkatapos, rebyuhing mabuti ang materyal para sa titser na ibinigay para sa bawat lesson. Ang mga mungkahi sa pagtuturo ay makatutulong sa iyo at sa iyong mga estudyante na maging bahagi ng bawat lesson ang marami sa mga Pangunahing Alituntunin sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo. Halimbawa, iniutos ng Panginoon sa mga nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo na “[i]turo [ang] mga alituntunin ng aking ebanghelyo” (D at T 42:12). Sa kursong ito, ang doktrina at mga alituntunin ay karaniwang tinutukoy mula sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta sa mga huling araw, bagama’t ang inilalahad na mga alituntunin ay kinuha rin mula sa iba’t ibang source tungkol sa kasaysayan. Bukod pa sa kakayahang matukoy ng mga estudyante ang doktrina at mga alituntunin, mahalagang maunawaan ng mga estudyante ang mga ito, madama ang katotohanan at kahalagahan ng mga ito sa pamamagitan ng pagsaksi ng Espiritu Santo, at maisabuhay ang mga iyon.

Maaari mong piliing gamitin ang lahat o ilan sa mga mungkahi sa loob ng isang partikular na lesson, at maaari mong iangkop ang mga iminungkahing ideya ayon sa patnubay ng Espiritu at sa mga pangangailangan at kalagayan ng mga estudyanteng tinuturuan mo. Kapag nag-aangkop ng mga mungkahi sa pagtuturo o gumagamit ng sarili mong mga ideya, tiyaking isaalang-alang kung aling pangunahing resulta ang nilalayong maisakatuparan ng partikular na mungkahi sa pagtuturo, at pumili ng isang alternatibong ideya na magsasakutaparan ng kaparehong resulta.

Sa pagpaplano mo ng bawat lesson, maaaring matuklasan mo na hindi sasapat ang oras sa klase para gamitin ang lahat ng mungkahi sa pagtuturo sa materyal para sa titser. Hingin ang patnubay ng Espiritu at pag-isipan nang may panalangin ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante habang tinutukoy mo kung aling mga bahagi ng lesson ang bibigyang-diin upang matulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng mga katotohanan ng ebanghelyo at maipamuhay ang mga ito. Kung maikli ang oras, kailangan mong ipaliwanag ang mga bahagi ng lesson sa pamamagitan ng pagbubuod ng isang pangyayari o gabayan ang mga estudyante na mabilis na tukuyin ang isang alituntunin o doktrina bago magpatuloy sa susunod na bahagi ng lesson.

Kapag pinag-iisipan mo kung paano iaangkop ang mga materyal sa lesson, tiyaking sundin ang payong ito mula kay Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Dallin H. Oaks

“Madalas kong marinig na itinuturo ni Pangulong [Boyd K.] Packer na umayon muna tayo, at saka tayo umangkop. Kung napag-aralan na natin nang husto ang iminungkahing lesson na ating ibibigay, kung gayon ay masusunod natin ang Espiritu na maiakma ito” (“A Panel Discussion with Elder Dallin H. Oaks” [Seminaries and Institutes of Religion satellite broadcast, Ago. 7, 2012]).

Sa paghahanda mo ng lesson, maaari mong gamitin ang Notes tool sa ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library para sa mga mobile device. Magagamit mo ang tool na ito upang magmarka ng mga banal na kasulatan, mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, mga artikulo sa mga magasin ng Simbahan, at mga lesson. Makapagdaragdag at makakapag-save ka rin ng mga tala na magagamit mo sa iyong mga lesson. Upang mas matuto pa tungkol sa kung paano gamitin ang tool na ito, tingnan ang Notes help page sa ChurchofJesusChrist.org.

Paano Inorganisa ang Materyal para sa Titser na Ito

Ang Religion 341 ay idinisenyo bilang pang-isang semestreng kurso. Ang materyal ng titser na ito ay may 28 lesson. Bawat lesson ay nilayong ituro sa isang 50-minutong klase. Kung nagkaklase ka nang dalawang beses bawat linggo, magtuturo ka ng isang lesson bawat klase. Kung isang beses lang kada linggo nagkikita ang iyong klase sa loob ng 90 hanggang 100 minuto, inirerekomenda sa iyo na magturo ng dalawang lesson sa bawat sesyon ng klase.

Ang mga lesson sa materyal para sa titser na ito ay naglalaman ng sumusunod na mga katangian:

Pambungad at Timeline

Nagsisimula ang bawat lesson sa maikling pambungad sa mga pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan na pag-aaralan sa lesson na iyon. Bukod pa rito, bawat pambungad ay sinasamahan ng isang timeline. Bibigyan ka ng timeline ng panimulang buod ng mga pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan na may kinalaman sa lesson.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Maliban sa lesson 1, ang mga nakatalagang babasahin ng estudyante para sa bawat lesson ay nakalista pagkatapos ng pambungad at timeline. Hikayatin ang mga estudyante na maghanda para sa bawat klase sa pamamagitan ng pagkumpleto sa mga babasahin ng estudyante mula sa Mga Banal: Tomo 1 bago dumalo sa klase. Tutulungan nito ang mga estudyante na magawa ang kanilang responsibilidad sa pag-aaral. Maraming lesson ang nagbibigay ng mga mungkahi kung paano ka maaaring mag-follow up sa mga nakatalagang babasahin ng mga estudyante sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na ibahagi ang natutuhan nila. Bukod pa riyan, ang bawat lesson (maliban sa lesson 28) ay nagtatapos sa isang paanyaya sa mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pagkumpleto sa nakatalagang mga babasahin ng estudyante.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang pangunahing bahagi ng bawat lesson ay naglalaman ng patnubay at mga ideya kung paano mo maaaring ituro ang partikular na mga pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan, kabilang ang mga impormasyon tungkol sa kasaysayan, reperensya sa banal na kasulatan, tanong, sipi, mapa, larawan, diagram, aktibidad, at handout. Ipinapakita ng mga ideyang ito kung paano ilalakip ang mga Pangunahing Alituntunin sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo sa iyong pagtuturo upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo.

Buod ng Konteksto

Ang mga impormasyon tungkol sa kasaysayan at mga ideya sa pagtuturo na ipinapakita sa bawat lesson ay karaniwang nahahati sa mas maliliit na bahagi. Nagsisimula ang bawat bahagi sa isang heading na nagbibigay ng kontekstuwal na buod ng mga pangyayaring tinalakay sa bahaging iyon ng lesson.

Doktrina at mga Alituntunin

Sa loob ng bawat lesson, may makikita kang mahahalagang doktrina at mga alituntunin na nakasulat sa bold letter. Tinukoy sa kurikulum ang doktrina at mga alituntuning iyan dahil ang mga ito ay mahahalagang katotohanan na makatutulong sa mga estudyante na mapalalim ang kanilang ugnayan sa Panginoon, o ang mga ito ay partikular na naaangkop sa mga pangangailangan at sitwasyon ng mga estudyante ngayon. Ipinayo ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan: “Habang naghahanda ka ng lesson, hanapin ang mga alituntuning nakapagpapabago ng kalooban. … Ang alituntuning nakapagpapabago ng kalooban ay ang yaong humahantong sa pagsunod sa kagustuhan ng Diyos” (“Converting Principles” [gabi kasama ang isang General Authority, Peb. 2, 1996], 1). Dapat mong malaman na hindi tatangkain ng materyal para sa titser na ito na tukuyin ang lahat ng doktrina at alituntunin na maaaring maituro sa pag-aaral ng kasaysayan ng Simbahan.

Ang mga mungkahi sa pagtuturo sa materyal para sa titser na ito ay nagbibigay sa mga estudyante ng maraming pagkakataon na matukoy ang doktrina at mga alituntunin. Maaaring magmungkahi rin ang lesson ng mga pagkakataon kung kailan ka maaaring makapili bilang guro ng doktrina o alituntuning tutukuyin. Sa pagtukoy ng mga estudyante sa mga katotohanang natutuklasan nila, maging maingat na hindi madama ng mga estudyante na mali ang sagot nila dahil lamang sa iba ang kanilang mga ginamit na salita mula sa mga ginamit sa materyal o dahil wala sa kurikulum ang katotohanang binanggit nila. Gayunman, kung ang pahayag ng estudyante ay maaaring maging mas tumpak o mali ayon sa doktrina, magiliw na linawin o itama ang kanyang pang-unawa habang pinapanatili ang isang kapaligirang may pagmamahal at pagtitiwala.

Mga Tulong sa Pagtuturo

Ang mga tulong sa pagtuturo ay kasama sa mga mungkahi sa pagtuturo sa kabuuan ng mga lesson. Ang mga tulong sa pagtuturong ito ay tumutulong na ipaliwanag ang mga Pangunahing Alituntunin sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo at nagbibigay-patnubay sa epektibong paggamit ng iba‘t ibang pamamaraan, kasanayan, at gawain sa pagtuturo. Kapag naunawaan mo ang mga alituntuning nakapaloob sa mga tulong sa pag-aaral, humanap ng mga paraan para patuloy na magamit ang mga ito sa pagtuturo mo.

Mga Karagdagang Ideya sa Pagtuturo

Makikita ang mga Karagdagang Ideya sa Pagtuturo sa katapusan ng ilang lesson. Nagbibigay ang mga ito ng mga mungkahi sa pagtuturo ng mga pangyayari, doktrina, at mga alituntunin na maaaring hindi natukoy o nabigyang-diin sa pangunahing paksa ng lesson. Maaari ring magbigay ang mga ito ng karagdagang resource, tulad ng mga video na nagpapakita ng mga partikular na pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan. Hindi dapat isipin na obligasyon mong gamitin ang mga ideyang ito sa pagtuturo. Sa halip, dapat kang magpasiya kung gagamitin ang mga mungkahing ito batay sa haba ng oras, sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante, at sa patnubay ng Espiritu.

Inaasahang Gagawin ng mga Estudyante upang Maka-graduate

Upang makatanggap ng credit para maka-graduate sa institute, ang mga estudyante ay kinakailangang dumalo ng hindi bababa sa 75 porsyento ng klase, basahin ang teksto para sa kurso (Mga Banal: Tomo 1), at kumpletuhin ang Pagbutihin ang Learning Experience.

Pag-aangkop ng mga Lesson para sa mga Taong may Kapansanan

Habang naghahanda kang magturo, isipin ang mga estudyante na may mga partikular na pangangailangan. Iakma ang mga aktibidad at mga ekspektasyon na tutulong sa kanila na magtagumpay. Maghanap ng mga paraan para matulungan sila na madama na minamahal, tinatangap, at kabilang sila. Magkaroon ng ugnayang may pagtitiwala.

Para sa mas marami pang ideya at resources, tingnan ang Disability Resources page sa churchofjesuschrist.org/life/disability at ang Seminaries and Institutes of Religion policy manual section na may pamagat na “Adapted Classes and Programs for Students with Disabilities.”